Surah 4 - Surat An-Nissa (Ang Kababaihan)

PLPHP - Abdulatif Arceo

Surah 4
Surat An-Nissa

(Ang Kababaihan)

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Pinakamahabagin, ang Pinakamaawain

 

 

1.             O Sangkatauhan! Pangambahan ang inyong Panginoon na lumikha sa inyo mula sa isang tao (Adan), at mula sa kanya ay nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba), at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya ang maraming lalaki at babae; pangambahan ninyo ang Allah, mula sa Kanya ay nanggaling ang inyong magkasanib (na mga karapatan), at (huwag ninyong putulin ang kaugnayan) ng mga sinapupunan (na nagluwal sa inyo, alalaong baga, ang pagkakamag-anak); sapagkat katiyakang ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nagmamasid sa inyo.

 

2.             At sa mga ulila, inyong ibalik ang kanilang mga ari-arian (kung sila ay sumapit na sa hustong gulang), gayundin naman ay huwag ninyong ihalili (ipalit) ang (inyong) walang halagang bagay sa (kanilang) mahalagang bagay, at huwag ninyong kamkamin ang kanilang kabuhayan (sa pagdaragdag nito) sa inyong kabuhayan. Katiyakang ito ay isang malaking kasalanan.

 

3.             At kung kayo ay nangangamba na kayo ay hindi makakaganap na maging makatarungan sa mga (babaeng) ulila, kayo ay magsipag-asawa ng (ibang) kababaihan na inyong mapusuan, dalawa, o tatlo, o apat; datapuwa’t kung kayo ay nangangamba na kayo ay hindi makakaganap na makitungo (sa kanila) ng may pantay na katarungan, kung gayon ay (mag-asawa) lamang ng isa, o kung ano ang angkin ng inyong kanang kamay. Ito ay higit na mainam upang mapigilan kayo na makagawa ng kawalang katarungan.

 

4.             At ibigay sa kababaihan (na inyong mapapangasawa) ang kanilang Mahr (ang katungkulang dote o handog na ibinibigay ng lalaki sa kanyang magiging asawa sa sandali ng kasal) ng may mabuting puso; datapuwa’t kung sila (mga babae), sa kanilang sariling kasiyahan ay muling ibalik ang bahagi nito sa inyo, ito ay inyong kunin at masiyahan ng walang pangangamba sa anumang kasahulan (sapagkat ginawa itong legal ng Allah).

 

5.             At sa may mahihinang pag-iisip, huwag ninyong ibigay sa kanila ang inyong ari-arian na ipinagkatiwala ng Allah upang inyong pamahalaan, datapuwa’t damitan ninyo at pakainin sila, at kayo ay mangusap sa kanila ng may kabutihan at katarungan.

 

6.             Subukan ninyo (ang katalinuhan) ng mga ulila hanggang sa sila ay sumapit na sa hustong gulang ng pag-aasawa; at kung kayo ay makakita sa kanila ng sapat na kakayahan, ibigay ninyo sa kanila ang kanilang ari-arian, datapuwa’t huwag ninyong gamitin ito ng walang kapararakan at huwag ding madaliin (ang pagbibigay) kung ito ay hindi umaayon (sa gulang) ng kanilang paglaki. At kung ang tagapangalaga ay may maalwang buhay, hayaan siya na huwag tumanggap ng kabayaran, datapuwa’t kung siya ay mahirap, hayaan siya na magkaroon sa kanyang sarili kung ano ang makatarungan at katamtaman. At kung inyo nang igawad sa kanila ang kanilang ari-arian, kayo ay kumuha ng mga saksi sa kanilang harapan; datapuwa’t ang Allah ay Ganap na Saksi sa pagsusulit.

 

7.             At kung anuman ang naiwan ng mga magulang sa kanilang pinakamalalapit na kamag-anak ay mayroong bahagi ang kalalakihan at may bahagi ang kababaihan, kahima’t ang ari-arian ay maliit o malaki; isang nalalaang bahagi.

 

8.             Datapuwa’t kung sa panahon ng paghahati-hati ay mayroong ibang kamag-anak, o mga ulila, o mahihirap na rito ay nakatunghay, inyong hatian sila (mula sa ari-arian), at mangusap sa kanila ng salita ng kabutihan at katarungan.

 

9.             Hayaan ang mga (namamahala ng pagbabaha-bahagi ng ari-arian) ay mayroong pagkatakot sa kanilang isipan na katulad ng kanilang mararamdaman sa kanilang sarili kung sila ay nakaiwan ng mahinang pamilya. Hayaan silang mangamba sa Allah at mangusap sa kanila ng katampatang salita.

 

10.          Ang mga umaangkin ng mga ari-arian ng mga ulila ng walang katarungan ay kumakain ng apoy sa kanilang tiyan; hindi magtatagal, sila ay magbabata sa naglalagablab na Apoy!

 

11.          Ang Allah ay nag-uutos sa inyo tungkol (sa mamanahin) ng inyong mga anak: sa lalaki, ang kanyang bahagi ay katumbas ng sa dalawang babae; kung mga babae lamang ang anak, dalawa o higit pa, ang kanilang bahagi ay dalawang katlo (2/3) ng pamana; kung nag-iisa lamang, ang sa kanya (tanging babae) ay kalahati. Sa mga magulang, ay isang bahagi ng anim (1/6) sa bawat isa, kung ang namatay ay nakaiwan ng mga anak; at kung walang anak at ang mga magulang lamang ang (tanging) tagapagmana, ang ina ay may isang katlo (1/3); kung ang namatay ay nakaiwan ng mga kapatid na lalaki (o babae), ang ina ay may isang bahagi ng anim (1/6). (Ang pagbabaha-bahagi sa lahat ng ito) ay matapos na mabayaran ang pabuya na kanyang inihandog (sa kawanggawa) at mga pagkakautang. Hindi ninyo batid kung sino sa kanila, maging (sila man) ay inyong magulang at mga anak, ang pinakamalapit sa inyo sa kapakinabangan, kaya’t (ang natatakdaang paghahati-hati) ay ipinag-utos ng Allah. At ang Allah ang Lalagi nang Ganap na Nakakaalam ng lahat, ang Tigib ng Karunungan.

 

12.          Sa mga naiwan ng inyong kabiyak na babae, ang inyong bahagi ay kalahati kung sila ay hindi nakaiwan ng anumang anak, datapuwa’t kung sila ay nakaiwan ng anak, kayo ay makakakuha ng isang kapat (1/4), matapos na mabayaran ang pabuya na inihandog (o kawanggawa) at mga pagkakautang. Sa anumang inyong naiwan; ang kanilang (kabiyak na babae) ay may bahagi ng isang kapat (1/4), kung kayo ay hindi nakaiwan ng anak; datapuwa’t kung kayo ay nakaiwan ng anak, sila ay makakakuha ng isang walo (1/8) matapos na mabayaran ang pabuya na inihandog (o kawanggawa) at lahat ng mga pagkakautang. Kung ang babae o lalaki na ang pamana ay pinagtatalunan (o pinag-uusapan) pa, ay hindi nakaiwan ng kamag-anak paitaas man at paibaba (ascendants and descendants), datapuwa’t nakaiwan ng isang kapatid na lalaki o babae, ang bawat isa sa dalawa ay makakakuha ng isang anim (1/6); datapuwa’t kung mahigit sa dalawa, sila ay maghahati sa isang katlo (1/3), matapos na mabayaran ang pabuya na inihandog (o kawanggawa) at lahat ng mga pagkakautang; upang walang anumang pagkalugi (pagkaagrabiyado) ang mangyari (sa sinuman). Ito ay isang pag-uutos mula sa Allah at ang Allah ang Ganap na Nakakabatid, ang Mapagpaumanhin.

 

13.          Ito ang mga pag-uutos na itinakda ng Allah (tungkol sa mga pamana), at sinumang sumunod sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalita (Muhammad) ay tatanggapin sa Hardin na sa ibaba nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso) upang manahan dito (magpakailanman), at ito ang pinakasukdol na tagumpay.

 

14.          Datapuwa’t ang sumusuway sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalita (Muhammad) at nagmamalabis sa itinakda, siya ay Kanyang ihahagis sa Apoy upang manahan dito at sasakanya ang kaaba-abang kaparusahan.

 

15.          At kung sinuman sa inyong kababaihan ang magkasala ng kahalayan (bawal na pakikipagtalik), inyong kunin ang patibay (na mapapanaligan) ng apat na saksi mula sa inyong lipon laban sa kanila; at kung sila ay magbigay saksi, panatilihin sila (ang mga babae) sa bahay hanggang ang kamatayan ay sumapit sa kanila o hanggang ang Allah ay magtakda sa kanila ng (ibang) paraan.

 

16.          At kung ang dalawang tao (lalaki at babae) sa lipon ninyo ay makagawa ng kahalayan (bawal na pakikipagtalik), sila ay kapwa parusahan. At kung sila ay magtika at magbago (alalaong baga, nangako sa Allah na hindi na nila kailanman uulitin ang gayong gawa at iba pang katulad na kasalanan) at gumawa ng mga kabutihan, inyong hayaan silang mapag-isa. Katotohanang ang Allah ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain.

 

17.          Ang Allah ay tumatanggap ng pagsisisi ng mga nakagawa ng kasamaan sa kawalan ng muwang (pagiging inosente) at karaka-raka’y nagsisisi matapos ito; sa kanila ay ibabaling ng Allah ang Kanyang habag; sapagkat ang Allah ay Tigib ng Kaalaman at Karunungan.

 

18.          Walang katuturan ang pagtitika ng mga nagpapatuloy pa rin sa paggawa ng kasamaan, hanggang ang kamatayan ay dumatal sa isa sa kanila, at siya ay magsabi, “Ngayon, ako ay tunay na nagsisisi”, gayundin naman ang mga dinatnan ng kamatayan habang sila ay nagtatakwil sa Pananampalataya; sa kanila ay Aming inihanda ang kasakit-sakit na kaparusahan.

 

19.          O kayong nagsisisampalataya! Kayo ay pinagbawalan na inyong manahin (ariin) ang mga babae na laban sa kanilang kagustuhan at sila ay huwag ninyong pakitunguhan ng may kagaspangan, upang inyong mabawi ang bahagi ng Mahr (dote o handog) na inyong ipinagkaloob sa kanila, maliban na lamang kung sila ay nagkasala ng lantad na kahalayan (bawal na pakikipagtalik). (Sa isang banda), kayo ay mamuhay sa kanilang piling ng may dangal. At kung sila ay inyong kasuyaan, marahil ay nasusuya kayo sa isang bagay, at ang Allah ay maghahatid sa inyo sa pamamagitan nito ng maraming kabutihan.

 

20.          Datapuwa’t kung inyong ninanais na palitan ng iba ang inyong kabiyak na babae at kayo ay nagbigay (noon) sa isa sa kanila ng malaking yaman bilang Mahr (dote o handog), huwag ninyong bawiin kahit na ang pinakamaliit nito. Inyo baga itong babawiin ng may kamalian at walang karapatan, at (kayo) ay gagawa ng lantad na kasalanan?

 

21.          At paano ninyo ito babawiin kung kayong dalawa ay nagsiping na sa isa’t isa, at sila ay kumuha sa inyo nang matatag at taimtim na kasunduan?

 

22.          At huwag ninyong pangasawahin ang mga babae na napangasawa (noon) ng inyong ama, maliban na lamang sa mga nangyari noong una. Katotohanang ito ay kahiya-hiya at kasuklam-suklam at isang masamang gawi (o kinagisnan).

 

23.          Ipinagbabawal sa inyo (O kalalakihan, na mapangasawa) ang (mga sumusunod): ang inyong ina, anak na babae, kapatid na babae, kapatid na babae ng inyong ama, kapatid na babae ng inyong ina, anak na babae ng inyong kapatid na lalaki, anak na babae ng inyong kapatid na babae, ang babae na umampon sa inyo na nagpasuso sa inyo, ang inyong kinakapatid na babae (kapatid sa ina-inahan na nagpasuso), ang ina ng inyong kabiyak, ang inyong anak-anakang babae na nasa ilalim ng inyong pangangalaga, na naging anak (sa una o ibang asawa) ng inyong kabiyak na inyong sinipingan, - datapuwa’t ito ay hindi kasalanan sa inyo kung kayo ay hindi sumiping sa kanya (sa inyong kabiyak na siyang ina ng inyong anak-anakang babae), ang naging asawa ng inyong anak na lalaki na nanggaling sa himaymay ng inyong laman, at dalawang magkapatid na babae na inyong pinangasawa nang sabay, maliban na lamang sa nangyari noong una; sapagkat ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

 

Bahagi Bilang 5

 

24.          Gayundin (ay ipinagbabawal) ang mga babaeng may asawa na, maliban sa angkin ng inyong kanang kamay (bilang bihag). Sa ganito ipinag-utos ng Allah (ang bawal) sa inyo. Ang lahat ng iba pa ay pinapayagan sa inyo, ngunit marapat na hinanap ninyo (bilang asawa na pakakasalan) na may kaloob na Mahr (dote o handog na ibinibigay ng lalaki sa kanyang mapapangasawa sa panahon ng kasal) mula sa inyong ari-arian, na naghahangad ng kalinisan at hindi kahalayan (bawal na pakikipagtalik). Kaya’t sila na inyong nakapiling sa pagtatamasa ng kaligayahan sa pakikipagtalik, sila ay inyong gawaran ng takdang Mahr (dote o handog), datapuwa’t kung ang Mahr (dote o handog) ay naitalaga na at inyong napagkasunduan (na magbigay pa ng higit), ito ay hindi kasalanan sa inyo. Katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nakakaalam, ang Tigib ng Karunungan.

 

25.          At kung sinuman sa inyo ang walang kakayahan upang magpakasal sa isang malaya at sumasampalatayang babae, maaari silang magpakasal sa mga babae na angkin ng kanilang kanang kamay (bilang bihag mula sa Jihad [maka-Diyos na pakikidigma]); at ang Allah ay may ganap na kaalaman tungkol sa inyong pananampalataya. Kayo ay isa mula sa iba; pakasalan sila sa pahintulot ng nangangalaga sa kanila at ibigay sa kanila ang kanilang Mahr (dote o handog) ng ayon sa kung ano ang katampatan; sila ay marapat na malinis at hindi mahalay (at hindi gumagawa ng bawal na pakikipagtalik) kung sila ay pinakasalan na. Kung sila ay magkasala ng kahalayan (bawal na pakikipagtalik), ang kanilang kaparusahan ay kalahati ng (kaparusahan) ng isang malayang babae (hindi alipin). Ito ay para sa kanya mula sa lipon ninyo na nangangamba sa kasalanan; datapuwa’t ito ay higit na mainam sa inyo kung kayo ay magtimpi, sapagkat ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

 

26.          Ninanais lamang ng Allah na maging maliwanag sa inyo (kung ano ang pinahihintulutan at kung ano ang hindi pinahihintulutan) at upang maipakita sa inyo ang mga paraan ng mga nangauna sa inyo at tanggapin ang inyong pagsisisi, at ang Allah ang Ganap na Nakakaalam, ang Puspos ng Kaalaman.

 

27.          Ninanais ng Allah na tanggapin ang inyong pagsisisi, datapuwa’t ang mga sumusunod sa kanilang mga pagnanasa ay naghahangad sa inyo (na mga sumasampalataya) na kayo ay lubhang malihis nang malayo sa tamang landas.

 

 

28.          Ninanais ng Allah na mapagaan (ang dalahin) para sa inyo; sapagkat ang tao ay nilikha na mahina (hindi makapagtimpi na huwag sumiping sa babae).

 

29.          O kayong sumasampalataya! Huwag ninyong lamunin ang inyong ari-arian sa inyong sarili ng walang kapararakan, datapuwa’t hayaang magkaroon ng pakikipagkalakalan sa lipon ninyo na kapwa ninyo pinahihintulutan, at huwag ninyong patayin at wasakin ang inyong sarili (o huwag magpatayan sa isa’t isa), katotohanang ang Allah sa inyo ay Pinakamaawain!

 

 

30.          At kung sinuman ang gumawa nito sa pagmamalabis at kawalang katarungan, siya ay Aming ihahagis sa Apoy, at ito ay magaan lamang sa Allah.

 

31.          At kung inyong iiwasan ang mga karumal-dumal na kasalanan na sa inyo ay ipinagbabawal,  ipatatawad Namin sa inyo ang (iba ninyong maliliit) na kasalanan at kayo ay tatanggapin sa Tarangkahan ng malaking karangalan.

 

32.          At huwag ninyong pag-imbutan ang mga bagay na ipinagkaloob ng Allah sa mga iba na higit sa inyo. Sa mga lalaki ay mayroong gantimpala sa anumang kanilang kinita, (gayundin naman) sa mga babae ay mayroong gantimpala sa anumang kanilang kinita, datapuwa’t kayo ay humingi  sa Allah ng Kanyang Biyaya. Katotohanang ang Allah ay may Ganap na Kaalaman sa lahat ng bagay.

 

33.          At sa (kapakinabangan) ng lahat, Kami ay nagtakda ng mga tagapagmana (ng ari-arian) na naiwan ng mga magulang at kamag-anak. At gayundin sa kanila na nasa kandili ng inyong kanang kamay, igawad sa kanila ang katampatang bahagi (o parte), sapagkat katotohanang ang Allah ang saksi sa lahat ng bagay.

 

34.          Ang kalalakihan ang tagapangalaga at tagapanustos ng kababaihan, sapagkat ginawa ng Allah na ang isa sa kanila ay manaig (sa lakas) kaysa sa iba, at sapagkat sila ay gumugugol (upang sila ay tustusan) mula sa kanilang kakayahan. Samakatuwid, ang matutuwid na kababaihan ay matimtiman sa pagsunod (sa Allah at sa kanilang asawa), at nangangalaga sa panahong wala ang (kanilang asawa) sa bagay na ipinag-utos ng Allah na dapat nilang bantayan (alalaong baga, ang kalinisan ng kanilang pagkababae, ang ari-arian ng kanilang asawa, atbp.). At sa  kababaihan na sa kanilang sarili ay namamasdan ninyo ang kanilang masamang gawa, (sa una) sila ay pangaralan, (pangalawa) huwag sumiping sa kanila, (at panghuli) saktan sila (ng kanti lamang, kung ito ay makakatulong), datapuwa’t kung sila ay magbalik loob sa pagsunod, sila ay huwag ninyong hanapan (ng pagkayamot). Katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Pinakamataas, ang Pinakadakila.

 

35.          At kung kayo ay nangangamba na may pagkakahidwa sa pagitan nilang (mag-asawa), kayo ay magtalaga ng (dalawang) tagapamagitan; isa mula sa pamilya (ng lalaki) at ang isa ay mula sa pamilya (ng babae); kung ninanais nila na ituwid ang mga bagay-bagay (o pangyayari), ang Allah ang magbibigay kaganapan ng kanilang pakikipagkasundo; sapagkat ang Allah ang may ganap na kaalaman at nakakatalos ng lahat ng bagay.

 

36.          Paglingkuran ninyo ang Allah at huwag kayong magtambal ng anuman sa pagsamba sa Kanya, at magsigawa kayo ng kabutihan sa mga magulang, mga kamag-anak, mga ulila, sa mahirap na humihingi, sa kapitbahay na malapit sa pagkakamag-anak, sa kapitbahay na hindi malapit sa inyo, ang mga kasamahan na malapit sa inyo, ang mga napapaligaw (na inyong nakadaop) at sa mga angkin ng inyong kanang kamay. Katotohanang ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga mayayabang at hambog;

 

37.          Sila na mga kuripot at nag-uudyok din sa iba na maging kuripot, at nagtatago ng mga biyaya na sa kanila ay ipinagkaloob ng Allah, at Aming inihanda sa mga walang pananampalataya ang kaaba-abang kaparusahan.

 

38.          At (gayundin) ang mga gumugugol ng kanilang kayamanan upang mamalas lamang ng mga tao at hindi sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw (sila ang mga kaibigan ni Satanas), at sinumang pumili kay Satanas bilang kapalagayan; kung gayon, (pagmasdan) kung gaano siya kakila-kilabot na kasama!

 

39.          At ano ba ang mawawala (o kasahulan) sa kanila kung sila ay manampalataya sa Allah at sa Huling Araw, at sila ay gumugol mula sa kayamanan na ipinagkaloob sa kanila ng Allah? At ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nakakaalam sa kanila.

 

40.          Katotohanang ang Allah ay hindi kailanman nawalan ng katarungan kahit na katiting lamang; kung anumang mabuti (ang nagawa), ito ay Kanyang pinag-iibayo ng dalawang ulit, at Siya ay nagkakaloob ng malaking gantimpala.

 

41.          Paano kaya (kung gayon), kung Kami ay magpadala mula sa bawat pamayanan (bansa) ng isang saksi at ikaw (O Muhammad) ay ipadala Namin bilang isang saksi laban sa mga taong ito!

 

42.          Sa Araw na yaon, ang mga nagtakwil ng pananampalataya at hindi sumunod sa Tagapagbalita (Muhammad) ay maghahangad na ang kalupaan ay tumabon sa kanila, datapuwa’t sila ay hindi makakapaglihim ng kahit na isang katibayan (katunayan) sa Allah!

 

43.          O kayong nagsisisimpalataya! Huwag kayong magsipag-alay ng panalangin kung kayo ay nasa kalagayan ng pagkalango, hanggang sa inyong maunawaan (ang kahulugan) ng inyong sinasabi, gayundin kung kayo ay nasa kalagayan ng “Janaba” (kalagayan ng kawalang kalinisan kung nakipagtalik at hindi pa nakakapaligo), maliban na lamang kung kayo ay naglalakbay sa mahabang lansangan (at doon ay walang tubig, o naparaan lamang sa moske o bahay dalanginan), hanggang sa makapaghugas kayo ng inyong buong katawan. Kung kayo ay may sakit o naglalakbay, o katatapos lamang ninyo na dumumi (o umihi), o kayo ay nagkaroon ng pakikipagtalik at kayo ay hindi nakatagpo ng tubig, kung gayon, kayo ay humanap ng malinis na lupa at inyong haplusin (sa pamamagitan) nito ang inyong mukha at mga kamay (Tayammum). Katotohanang ang Allah ang pumapalis ng kasalanan, ang Lagi nang Nagpapatawad.

 

44.          Hindi ba ninyo napagmamalas sila na pinagkalooban ng bahagi ng aklat (ang mga Hudyo), na bumibili ng maling landas at naghahangad na kayo ay mapaligaw sa tamang landas.

 

45.          Ang Allah ay may ganap na kaalaman sa inyong mga kaaway, at ang Allah ay sapat na bilang “Wali” (Tagapangalaga), at ang Allah ay sapat na bilang Kawaksi.

 

46.          At sa lipon ng mga Hudyo ay mayroong ilan na nagbibigay ng maling kahulugan sa mga salita (laban) sa tunay (nitong) kahulugan at nagsasabi: “Aming naririnig ang iyong salita (O Muhammad) at kami ay sumusuway,” at “Nakikinig at hinayaan ka (namin, O Muhammad) na walang mapakinggan.” At “Ra’ina” (ang kahulugan nito sa Arabik ay “Maging maingat, [kayo] ay makinig sa amin” at kami ay nakikinig sa inyo at sa Hebreo, ito ay nangangahulugan na “isang insulto”),  sa gagad ng kanilang dila at panunuya sa Pananampalataya (Islam). At kung kanila lamang sinabi: “Kami ay nakakarinig at sumusunod,” at “Hayaang kami ay makaunawa,” ito ay higit (sana) na naging mabuti sa kanila at higit na katampatan, datapuwa’t ang Allah ay sumumpa sa kanila dahilan sa kanilang kawalan ng pananampalataya at ilan lamang sa kanila ang sumasampalataya.

 

47.          O kayo na mga pinagkalooban ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Magsisampalataya kayo sa Aming ipinahayag (kay Muhammad) na nagpapatotoo (kung ano na noon) ang nasa sa inyo, bago Namin burahin (palisin) ang mga mukha (sa pamamagitan ng pagbibigay hubog dito na tulad ng batok na walang ilong, bibig, mata, atbp.) at ilagay sa likuran, o ang isumpa sila kung paano Namin isinumpa ang mga lumalabag sa (araw) ng Sabado, sapagkat ang pasya ng Allah ay dapat na ipatupad.

 

48.          Katotohanang ang Allah ay hindi nagpapatawad na ang mga iba ay itambal pa sa Kanya sa pagsamba, datapuwa’t Siya ay nagpapatawad (ng lahat) maliban (lamang sa una) sa sinumang Kanyang maibigan, at sinumang magtindig ng katambal sa pagsamba sa Allah, katotohanang siya ay gumawa ng kahambal-hambal na kasalanan.

 

49.          Hindi ba ninyo napagmamasdan ang mga nag-aangkin ng kabanalan para sa kanilang sarili. Hindi, datapuwa’t ang Allah ang nagpapabanal sa sinumang Kanyang mapusuan at sila ay hindi pakikitungahan ng kawalang katarungan kahit na katumbas lang ng isang Fatila (isang hibla ng kaliskis ng buto ng palmera [datiles]).

 

50.          Pagmasdan, kung paano sila kumakatha ng kasinungalingan laban sa Allah, at sapat na ito bilang isang lantad na kasalanan.

 

51.          Hindi ba ninyo napagmamalas ang mga nabigyan ng Kasulatan? Sila ay nananampalataya sa Jibt at Taghut (anumang sinasamba maliban sa Tunay at Nag-iisang Diyos [Allah], huwad na mga diyus-diyosan, atbp.), at nagsasabi sa mga hindi sumasampalataya na sila ay higit at mainam na napapatnubayan (sa tamang landas) kung ihahambing sa mga sumasampalataya.

 

52.          Sila ang mga isinumpa ng Allah, at sa sinuman na isinusumpa ng Allah, kayo ay hindi makakatagpo para sa kanila ng (anumang) kawaksi.

 

53.          mayroon ba silang kahati sa kapamahalaan o kapangyarihan? Pagmasdan, sila ay hindi nagbibigay kahit na sungot (ng palmera) sa kanilang kapwa tao.

 

54.          sila ba ay nananaghili sa mga tao (kay Muhammad at sa kanyang tagasunod) sa anumang Biyaya na ipinagkaloob sa kanila ng Allah? Datapuwa’t Amin nang pinagkalooban ang pamayanan ni Abraham ng Aklat at Karunungan (maka-Diyos na kapahayagan) at nagbigay sa kanila ng isang dakilang kaharian.

 

55.          At sa kanilang lipon, (ang ilan) ay nanalig sa kanya (Muhammad), at sa kanila (ang ilan) ay nag-iwas ng kanilang mukha sa kanya (Muhammad), at sapat na ang Impiyerno upang (sila) ay sunugin.

 

56.          Katotohanan! Ang mga hindi sumampalataya sa Aming Ayat (mga kapahayagan, katibayan, aral, tanda, atbp.), sila ay Aming susunugin sa Apoy; hanggang ang kanilang balat ay malimit (o paulit-ulit) na nalilitson nang ganap, (at) ito ay Aming papalitan ng bago at sariwang balat upang kanilang matikman ang kaparusahan. Katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakamaalam.

 

57.          Datapuwa’t ang mga sumasampalataya (sa Kaisahan ng Allah) at gumagawa ng kabutihan, sila ay Aming tatanggapin sa Hardin na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso), mananahan sila rito magpakailanman. Sila ay magkakaroon dito ng dalisay na mga asawa (wala ng regla, dumi, ihi, atbp.), at sila ay Aming tatanggapin sa maluwang, malamig at makapal na lilim (Paraiso).

 

58.          Katotohanan! Ang Allah ay nag-uutos na muli ninyong ibalik ang ipinagbilin (ipinagkatiwala) ng iba na sa kanila ay nararapat; at kung kayo ay humatol sa pagitan ng mga tao, kayo ay humatol ng may katarungan. Katotohanan, tunay namang napakainam ng aral na ibinigay Niya (Allah) sa inyo! Katotohanang ang Allah ay Lagi nang Nagmamasid, ang Ganap na Nakakarinig.

 

59.          kayong nagsisisampalataya! Sundin ninyo ang Allah at sundin ang Tagapagbalita (Muhammad), at sila (na mga Muslim) sa inyong lipon na may kapamahalaan. (At) kung kayo ay may pagkakahidwa-hidwa sa anumang bagay sa pagitan ninyo, isangguni ninyo ito sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalita kung kayo ay nananampalataya sa Allah at sa Huling Araw. Ito ay higit na mainam at angkop tungo sa panghuling pagpapasya.

 

60.          Napagmamalas ba ninyo sila (ang mga mapagkunwari), na nag-aangkin na sila ay sumasampalataya sa mga ipinanaog (na kapahayagan) sa iyo, at sa mga ipinanaog (na kapahayagan) nang una pa sa iyo, at sila ay nagnanais na tumungo (sumangguni) para sa kahatulan (ng kanilang mga pagkakahidwa) sa Taghut (mga huwad na hukom, diyus-diyosan, atbp.) samantalang sila ay pinag-utusan na ito ay talikdan. Datapuwa’t si Satanas ay naghahangad na sila ay mapaligaw nang malayo.

 

61.          At nang ito ay ipagtagubilin sa kanila: “Halina kayo (at sumangguni) sa mga ipinanaog (na kapahayagan) ng Allah (at sumangguni) sa Tagapagbalita (Muhammad), ikaw (O Muhammad) ay nakakamalas sa mga mapagkunwari na tumatalikod sa iyo ng may pag-iwas.

 

62.          Paanong (nangyari), nang ang malaking kapinsalaan ay dumatal sa kanila dahilan sa (mga gawa) na inihantong ng kanilang mga kamay, sila ay pumaparoon sa iyo na sumusumpa (sa Ngalan) ng Allah, “Wala kaming hinahangad maliban sa magandang pagtitinginan at pakikipagkasundo!”

 

63.          Sila (ang mga mapagkunwari) ay nababatid ng Allah kung ano ang nasa kanilang puso; kaya’t lumayo kayo sa kanila (huwag ninyo silang parusahan) ngunit sila ay inyong pangaralan at mangusap sa kanila ng mabisang (madamdaming) salita (alalaong baga, upang manampalataya sa Allah, sumamba sa Kanya, tumalima sa Kanya at mangamba sa Kanya) upang maantig ang kanilang kalooban.

 

64.          Hindi Kami nagsugo ng isang Tagapagbalita maliban na (siya) ay sundin sa kapahintulutan ng Allah. At sila (ang mapagkunwari), nang sila ay hindi naging makatarungan sa kanilang sarili, ay pumaroon sa iyo (Muhammad) at nanikluhod sa kapatawaran ng Allah, at ang Tagapagbalita ay nagsumamo ng Kapatawaran para sa kanila, tunay na kanilang matatagpuan na ang Allah ay Ganap na Nagpapatawad (Tanging Siya ang tumatanggap ng pagsisisi), ang Pinakamaawain.

 

65.          Hindi, subalit sa pamamagitan ng iyong Panginoon, sila ay hindi magkakaroon ng Pananalig hangga’t ikaw (O Muhammad) ay hindi nila ginagawang tagahatol (hukom) sa lahat ng mga pagkakahidwa-hidwa sa kanilang pagitan, at huwag nilang salansangin ang iyong pagpapasya at maluwag nilang tanggapin ang mga ito nang ganap.

 

66.          At kung sila ay pag-utusan Namin (na nagsasabi), “Patayin ninyo ang inyong sarili (alalaong baga, ang mga walang kasalanan ay pumatay sa mga makasalanan) o iwan ninyo ang inyong mga tahanan”, lubhang iilan sa kanila ang gagawa nito; datapuwa’t kung kanilang isinagawa ang sa kanila ay ipinag-utos, ito ay higit na mainam sa kanila, at (ito) ay magpapatatag sa kanilang (pananalig);

 

67.          At katiyakan, Aming ipagkakaloob sa kanila mula sa Amin ang malaking pabuya;

 

68.          At katiyakan, Aming papatnubayan sila sa Matuwid na Landas.

 

69.          At sinumang sumunod sa Allah at sa Tagapagbalita (Muhammad), kung gayon, sila ay mapapabilang sa lipon ng mga pagkakalooban ng Allah ng Kanyang Biyaya, ng mga Propeta, ng Siddiqun (ang mga tagasunod ng mga Propeta na nangunguna sa paniniwala sa kanila), ng mga Martir, at ng mga Matutuwid. At gaano kainam na mga kasama sila!

 

70.          Ito ang Kasaganaan mula sa Allah, at ang Allah ay sapat na bilang may Ganap na Kaalaman.

 

71.          kayong nagsisisampalataya! Magsipag-ingat kayo, at kayo ay magsitungo nang pangkat-pangkat (sa makabuluhang paglalakbay), o magsitungo nang sama-sama.

 

72.          Katiyakang mayroon sa inyo ang magpapaiwan sa likuran (upang [makaiwas] na makipaglaban sa Kapakanan ng Allah). At kung ang kasawian ay dumatal sa inyo, siya ay magsasabi, “Katotohanang ang Allah ay nagmalasakit sa akin sapagkat ako ay hindi nila nakasama”.

 

73.          Datapuwa’t kung ang kasaganaan (tagumpay at mga labing yaman ng labanan) ay dumatal sa inyo mula sa Allah, katiyakang kanyang sasabihin, na wari bang hindi kailanman nagkaroon ng bigkis ng pagmamalasakit sa pagitan niya at ninyo,- “Oh! Ako sana ay napabilang sa kanila; nang sa gayon, ako (sana) ay nakapagtamo ng malaking tagumpay (mainam na bahagi ng labing yaman ng labanan)”.

 

74.          Hayaan ang (mga sumasampalataya) na nagbibili ng buhay sa mundong ito (alalaong baga, iniiwasan ang pagiging makamundo) bilang kapalit ng Kabilang Buhay ay lumaban para sa Kapakanan ng Allah, at sinuman ang makipaglaban sa Kapakanan ng Allah at nasawi o nagkamit ng tagumpay, Aming ipagkakaloob sa kanya ang malaking biyaya.

 

75.          At ano ba ang mali sa inyo, na kayo ay hindi nakikipaglaban para sa Kapakanan ng Allah, at sila na mahihina, ang mga pinakikitunguhan ng masama at inaalipusta sa lipon ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata, na ang panambitan ay: “Aming Panginoon! Kami ay iligtas Ninyo sa bayang ito na ang mga tao ay mapang-api; at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makakapangalaga, at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makakatulong.”

 

76.          Ang mga sumasampalataya ay nakikipaglaban tungo sa Kapakanan ng Allah, at sila na mga hindi sumasampalataya ay nakikipaglaban tungo sa kapakanan ng Taghut (Satanas, diyus-diyosan, atbp.). Kaya’t makipagtunggali kayo laban sa mga kapanalig ni Satanas. Tunay na laging mahina ang mga pakana ni Satanas.

 

77.          Hindi baga ninyo napagmamalas sila na pinagsabihan na pigilan nila ang kanilang mga kamay (sa pakikipagtunggali at sila ay mag-alay ng lubos na panalangin), at magkaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa). Datapuwa’t kung ang pakikipaglaban ay ipinag-utos na sa kanila, inyong pagmasdan! Ang isang bahagi nila ay nangangamba sa mga tao na katulad ng pangangamba nila sa Allah, at kung minsan ay higit pa. Sila ay nagsasabi: “Aming Panginoon! Bakit Ninyo ipinag-utos sa amin ang pakikipaglaban? Kami baga ay hindi Ninyo bibigyan ng palugit kahit na sa maikling panahon? Ipagbadya: “Tunay na maikli ang paglilibang sa mundong ito. Ang Kabilang Buhay ay higit na mainam sa kanya na may pangangamba sa Allah, at kayo ay hindi pakikitunguhan ng kawalang katarungan kahit na katumbas ng Fatila (isang hibla ng balat ng buto ng palmera [datiles]).

 

78.          “Kahit nasaan pa man kayo, ang kamatayan ay mananaig sa inyo kahima’t kayo ay nasa kanlungan na matatag at mataas!” At kung ang ilang kabutihan ay dumatal sa kanila, sila ay nagsasabi, “Ito ay mula sa Allah,” datapuwa’t kung ang ilang kasamaan ay sumapit sa kanila, sila ay nagsasabi, “Ito ay mula sa iyo (O Muhammad),” kaya’t ano ba ang mali sa ganitong mga tao na hindi nakakaunawa ng anumang salita?

 

79.          Ang anumang mabuti na dumatal sa inyo ay mula sa Allah, datapuwa’t kung anumang masama ang sumapit sa inyo, ito ay mula sa inyong sarili. At ikaw (O Muhammad) ay isinugo Namin bilang isang Tagapagbalita sa sangkatauhan, at ang Allah ay sapat na bilang isang Saksi.

 

80.          iya na tumatalima sa Tagapagbalita (Muhammad), ay katotohanang tumatalima sa Allah, datapuwa’t siya na tumatalikdan, kung gayon, ikaw (O Muhammad) ay hindi Namin isinugo upang maging tagapagbantay nila.

 

81.          Sila ay nagsasabi: “Kami ay tumatalima,” subalit kung ikaw (O Muhammad) ay kanila nang iwan, may isang pangkat sa kanila na ginugugol ang gabi sa pagbabalak ng iba sa iyong sinasabi. Datapuwa’t ang Allah ay nagtatala ng kanilang gabi-gabing (pagbabalak). Kaya’t talikdan mo sila (huwag mo silang parusahan), at ilagay mo ang iyong pagtitiwala sa Allah. At ang Allah ay Lalagi nang may Kasapatan bilang Tagapamahala ng mga pangyayari.

 

82.          Hindi baga nila isinasaalang-alang ng may pag-iingat ang Qur’an? Kung ito ay nagmula (sa iba) maliban pa sa Allah, katotohanang sila ay makakatagpo rito ng maraming pagkakasalungatan.

 

83.          At kung may dumatal sa kanila na ilang pangyayari na may kinalaman sa (pangkalahatang) kaligtasan o pangamba, ito ay ginagawa nila na maalaman (ng mga tao), kung kanila lamang isinangguni ito sa Tagapagbalita o sa mga tao na ginawaran sa lipon nila ng kapamahalaan, ang angkop na mga tagasuri (tagapagsiyasat) ay makakaunawa nito mula sa kanila (nang tuwiran). At kung hindi lamang sa biyaya at habag ng Allah sa inyo, kayo ay tatalima kay Satanas, maliban lamang sa ilan sa inyo.

 

84.          At makipagtunggali ka (O Muhammad) tungo sa Kapakanan ng Allah, ikaw ay hindi ginawaran ng katungkulan (o pananagutan) maliban lamang sa iyong sarili, at iyong hikayatin ang mga sumasampalataya (na samahan ka na makipagtunggali), maaaring ang Allah ang pipigil sa masidhing kasamaan ng mga hindi sumasampalataya. At ang Allah ay Malakas sa Kapangyarihan at Matatag sa pagpaparusa.

 

85.          Ang sinumang mamagitan tungo sa mabuting hangarin ay magkakamit ng gantimpala nito, at sinumang mamagitan tungo sa masamang hangarin ay magtatamasa ng bahagi ng dalahin (pananagutan) nito. At ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Makakagawa ng lahat ng bagay.

 

86.          At kung kayo ay batiin ng pagbati, sila ay inyong suklian ng pagbati na higit na mainam (kaysa) rito, o di kaya’y suklian ito ng katumbas na pagbati. Katiyakang ang Allah ay Lalagi nang Maingat na Tagapagsulit ng lahat ng bagay.

 

87.          Allah! La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya). Katiyakang kayo ay Kanyang titipunin nang sama-sama sa Araw ng Muling Pagkabuhay at ito ay walang alinlangan. At sino pa kaya ang higit na makatotohanan sa pangungusap maliban sa Allah?

 

88.          At ano ang nangyayari sa inyo na kayo ay nahahati sa dalawang pangkat (kung) tungkol sa mga mapagkunwari? Ang Allah ay nagtapon sa kanilang muli (sa kawalan ng pananalig) dahilan sa kanilang pinagsumikapan (kinita). Nais ba ninyong patnubayan siya na ninais ng Allah na mapaligaw? At siya na ninais ng Allah na mapaligaw, kayo ay hindi kailanman makakatagpo para sa kanya ng anumang paraan (patnubay).

 

89.          Sila ay nagnanais na inyong itakwil ang Pananampalataya, na katulad din nang kanilang naging pagtatakwil (sa Pananampalataya), upang sa gayon kayo ay maging magkapantay (sa isa’t isa). Kaya’t huwag ninyong kunin na Auliya (mga tagapagtanggol, kaibigan, kasama) ang mula sa kanila, hanggang sa sila ay magsilikas tungo sa Kapakanan ng Allah (sa pamamagitan ni Muhammad). Datapuwa’t kung sila ay tumalikod (sa Islam, at maging mapaghimagsik), sila ay inyong sakmalin at patayin kahit saan man ninyo sila matagpuan, at huwag kayong kumuha ng Auliya (mga tagapagtanggol, kaibigan, kasama) gayundin ng kawaksi mula sa kanila,

 

90.          Maliban sa kanila na umaanib sa pangkat na sa pagitan ninyo at nila ay mayroong isang kasunduan (ng kapayapaan), o sila na lumalapit sa inyo na may dibdib (damdamin) na nagpipigil sa pakikipaglaban sa inyo gayundin sa pakikipaglaban sa kanilang sariling pamayanan. Kung ninais lamang ng Allah, katotohanang sila ay Kanyang mabibigyan ng kapangyarihan ng higit sa inyo at sa gayon sila (sana’y) nakipaglaban sa inyo. Kaya’t kung sila ay lumayo sa inyo at sila ay hindi nakipaglaban, at (sa halip) ay naghandog sa inyo (ng katiyakan) ng kapayapaan, kung gayon ang Allah ay hindi nagbukas ng daan para sa inyo (upang makidigma) laban sa kanila.

 

91.          Inyong matatagpuan ang mga iba na nagnanais na magkaroon ng kapanatagan at kaligtasan mula sa inyo at ng kapanatagan at kaligtasan mula sa kanilang pamayanan. Sa bawat sandali na sila ay ibinabalik sa pagkatukso, sila ay nararahuyo rito. At kung sila ay hindi lalayo sa inyo, o sila ay hindi nag-alok sa inyo ng kapayapaan at hindi nagpigil sa kanilang mga kamay, sila ay inyong sakmalin at patayin kahit saan man ninyo matagpuan sila. Sa kanilang kalalagayan, Aming pinagkalooban kayo ng maliwanag na katwiran laban sa kanila.

 

92.          Hindi isang katampatan para sa isang sumasampalataya na pumatay sa isang sumasampalataya maliban na lamang sa (o kung) pagkakamali (na hindi sinasadya), ang sinumang pumatay sa isang sumasampalataya nang hindi sinasadya, (rito ay ipinag-uutos) na siya ay marapat na magpalaya ng isang nananampalatayang alipin at isang Diya (kabayaran o tubos sa dugo) na nararapat ibigay sa kamag-anakan ng namatay, maliban na lamang kung ito ay kanilang ipaubaya (ipatawad). Kung ang namatay ay kabilang sa mga tao na kumakalaban sa inyo at siya ay isang nananampalataya; ang pagpapalaya sa isang nananampalatayang alipin (ay itinatalaga, at hindi ang pagbabayad ng Diya), at kung siya ay nabibilang sa mga tao na mayroon kayong kasunduan ng pagkakampihan at pagkamatapat (sa isa’t isa), ang Diya (kabayaran o tubos sa dugo) ay marapat na ibayad sa kanyang kamag-anakan at ang isang nananampalatayang alipin ay marapat na palayain. At kung sinuman ang walang kakayahan (na matupad ang parusa sa pagpapalaya ng isang alipin), siya ay nararapat na mag-ayuno ng dalawang magkasunod na buwan upang kayo ay makahanap ng pagsisisi sa Allah. At ang Allah ay Ganap na Nakakaalam, ang Lubos na Maalam.

 

93.          At sinuman ang pumatay nang sadya sa isang nananampalataya, ang kanyang kabayaran ay Impiyerno, upang manahan dito, ang Poot at Sumpa ng Allah ay nasa kanya at ang malaking kaparusahan ay inihanda para sa kanya.

 

94.          kayong nagsisisampalataya! Kung kayo ay pumalaot (upang makipaglaban) sa Kapakanan ng Allah, inyong tuklasin (ang katotohanan), at huwag ninyong sabihin sa sinuman na bumati sa inyo (sa pamamagitan ng pagyakap sa Islam): "Ikaw ay hindi isang nananampalataya”, na naghahangad sa napapalis na mga paninda ng makamundong buhay. Mayroong higit na kapakinabangan at labing yaman ng digmaan ang na sa Allah. Kahit na (kung ano man siya ngayon), kayo ay katulad (rin niya) sa inyong mga sarili noon, hanggang sa igawad ng Allah ang Kanyang paglingap (alalaong baga, kayo ay Kanyang pinatnubayan sa Islam), kaya’t maging maingat sa pagkakaroon ng kinikilingan. Ang Allah ay Ganap na Nakakaalam ng inyong ginagawa.

 

95.          Hindi makakapantay ng mga sumasampalataya na nanatili (sa kanilang tahanan), maliban na lamang ang mga may kapansanan (na naaksidente o bulag o pilay, atbp.), ang mga nagsisikap na mahusay at lumalaban sa Kapakanan ng Allah sa pamamagitan ng kanilang kayamanan at buhay. Ang Allah ay nagtakda ng mga antas sa mga nagsisikap na mabuti at lumalaban sa pamamagitan ng kanilang kayamanan at buhay nang higit na mataas (kaysa) sa mga nananatili (sa kanilang tahanan). Sa bawat isa sa kanila, ang Allah ay nangako ng kabutihan (Paraiso), datapuwa’t higit na pinapahalagahan ng Allah ang mga nagsisikap na mabuti at lumalaban kaysa sa kanya na nananatili (sa kanilang tahanan), sa pamamagitan (ng pagbibigay) ng malaking gantimpala;

 

96.          Mga antas (ng matataas) na marka mula sa Kanya, at pagpapatawad at habag. At ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

97.          Katotohanan! Sa kanila na kinuha ng anghel (ang kaluluwa sa kamatayan) habang isinusuong nila ang kanilang sarili sa kamalian (sapagkat nanatili sila sa lipon ng mga hindi sumasampalataya kahit na ang paglikas ay katungkulan sa kanila), sila (ang mga anghel) ay magsasabi (sa kanila): “Sa anong (kalagayan) ba kayo noon? Sila ay magsasabi: “Kami noon ay mahina at inaapi sa kalupaan”. Sila (ang mga anghel) ay magsasabi: “Hindi baga ang kalupaan ng Allah ay lubhang maluwang upang kayo ay makalikas?” Ang mga taong ito ay makakatagpo ng kanilang hantungan sa Impiyerno, – at gaano kasama itong (kanilang) patutunguhan!

 

98.          Maliban sa mahihina sa lipon ng kalalakihan, kababaihan at mga bata na hindi makakagawa ng balakin, gayundin naman ay wala silang kakayahan upang patnubayan ang kanilang landas.

 

99.          Sa kanila ay mayroong pag-asa na ang Allah ay magpapatawad sa kanila, at ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Paulit-ulit na Nagpapatawad.

 

100.       Siya na lumikas (at umiwan sa kanyang tahanan) tungo sa Kapakanan ng Allah ay makakatagpo sa kalupaan ng maraming matitirhan at kasaganaan upang mamuhay. At sinuman ang umiwan sa kanyang tahanan bilang isang nangingibang bayan dahilan (sa pagmamahal) sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalita; at (kung) ang kamatayan ay dumatal sa kanya, ang kanyang (gawad) na gantimpala ay katiyakan na isang katungkulan ng Allah. At ang Allah ay Lagi at Paulit-ulit na Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

101.       At kung kayo (O mga Muslim) ay naglalakbay sa kalupaan, hindi isang kasalanan sa inyo kung inyong paikliin ang inyong pagdarasal kung kayo ay nangangamba na ang mga hindi sumasampalataya ay maaaring lumusob sa inyo; katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya ay tunay na lantad ninyong kaaway.

 

102.       At kung ikaw (O Tagapagbalita, “Muhammad”) ay nasa lipon nila, at sila ay iyong pinamumunuan sa pagdarasal, hayaan ang isang pangkat nila ay magsitindig na kasama ka (sa pagdarasal), na dala-dala ang kanilang mga sandata; at kung matapos na nila ang pagpapatirapa, hayaan silang mamalagi sa likuran at hayaan ang ibang pangkat na hindi pa nakapagdarasal ay lumapit, at hayaan sila na magdasal na kasama ka ng may lahat ng pag-iingat at may hawak na mga sandata. Ang mga hindi sumasampalataya ay nagnanais na kung kayo ay maging pabaya sa inyong mga sandata at mga dala-dalahan, kayo ay lulusubin nila nang minsanan, datapuwa’t hindi isang kasalanan kung ibaba ninyo ang inyong mga sandata (kung nabibigatan) at kung ito ay hindi maginhawa kung umuulan, o sa dahilang kayo ay may karamdaman, datapuwa’t gawin ninyo ang lahat ng pag-iingat sa inyong sarili. Katotohanang ang Allah ay naghanda ng kaaba-abang kaparusahan sa mga hindi sumasampalataya.

 

103.       At kung inyo nang natapos ang (sama-samang) pagdarasal, inyong alalahanin ang Allah kahima’t kayo ay nakatayo, nakaupo, o nakahimlay sa inyong tagiliran, datapuwa’t kung kayo ay ligtas sa panganib, inyong ialay ang pagdarasal nang mahinusay. Katotohanan, ang pagdarasal ay ipinapatupad sa takdang oras sa mga sumasampalataya.

 

104.       At huwag maging mahina sa (inyong) pagtugis sa kaaway kung kayo ay nagdurusa (sa mga kahirapan), gayundin (naman), katiyakang sila (rin) ay nagdurusa (ng mga kahirapan) na katulad ng inyong pagbabata, datapuwa’t mayroon kayong pag-asa mula sa Allah (sa gantimpala ng Paraiso), na rito sila ay hindi umaasa, at ang Allah ay Lagi nang Ganap na Nakakaalam, ang Puspos ng Karunungan.

 

105.       Tunay ngang ipinanaog Namin sa iyo (O Muhammad) ang Aklat (ang Qur’an) sa katotohanan upang ikaw ay makahatol sa pagitan ng mga tao sa mga bagay na ipinamalas ng Allah sa iyo (pagtuturo ng maka-Diyos na pahayag), kaya’t huwag kang maging isa na nakikiusap para sa mga salawahan (at taksil).

 

106.       At iyong paghanapin ang kapatawaran ng Allah, katiyakang ang Allah ay Lagi at Paulit-ulit na Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

107.       At huwag kayong makipagtalo sa kapakanan ng mga luminlang sa kanilang sarili. Katotohanang ang Allah ay hindi nalulugod sa sinuman na nagkakaluno sa kanyang pagtitiwala at nalululong sa krimen.

 

108.       Maikukubli nila (ang kanilang krimen) sa mga tao, datapuwa’t hindi nila (ito) maitatago sa Allah, sapagkat Siya ay nasa piling nila (sa Kanyang karunungan) kung sila ay magbalak sa kinagabihan, na hindi Niya mapapahintulutan. At ang Allah ay laging nakakasakop sa anumang kanilang ginagawa.

 

109.       Ah! Kayo ang nakipagtalo sa kanila sa buhay sa mundong ito, datapuwa’t sino ang makikipagtalo (makakapamagitan) sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay laban sa Allah, o sino kaya ang kanilang magiging tagapagtanggol?

 

110.       At sinuman ang gumawa ng masama o nagbigay kamalian sa kanyang sarili, datapuwa’t matapos ito, ay humanap ng kapatawaran ng Allah; kanyang matatagpuan na ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

111.       At sinuman ang umani ng kasalanan, kanyang kinita ito para lamang sa kanyang sarili. At ang Allah ay Lagi nang Ganap na Nakakaalam, ang Kapaham-pahaman.

 

112.       At sinuman ang umani ng kamalian o kasalanan at pagkatapos ay naghagis nito sa sinuman na walang muwang, katotohanang binigyan niya ang kanyang sarili ng dalahin ng kasinungalingan at ng maliwanag na kasalanan.

 

113.       At kung hindi lamang ang Biyaya ng Allah at Kanyang Habag ay nasa sa iyo (O Muhammad), may isang pangkat sa kanila ang katiyakang gagawa ng pasya upang ikaw ay ilihis, datapuwa’t (sa katotohanan), wala silang (ibang) iniligaw maliban sa kanilang sarili, at walang anumang kasahulan ang magagawa nila sa iyo kahit na katiting. Ipinanaog ng Allah sa iyo ang Aklat (ang Qur’an), at Al-Hikmah (Batas Islamiko, karunungan sa legal at di-legal na bagay, atbp.), at nagturo sa iyo ng hindi mo nalalaman. At Laging Dakila ang Biyaya ng Allah sa iyo (O Muhammad).

 

114.       Walang anumang mabuti ang karamihan sa kanilang lihim na usapan, maliban sa kanya (sa lipon nila) na nag-uutos ng Sadaqah (kawanggawa sa Kapakanan ng Allah), o ng Ma’ruf (Kaisahan ng Diyos sa Islam, at lahat ng mabuti at matuwid na mga gawa na ipinag-utos ng Allah), o pakikipagkasundo sa pagitan ng mga tao, at siya na gumawa nito na naghahanap ng mabuting kasiyahan ng Allah, sa kanya ay Aming ipagkakaloob ang malaking gantimpala.

 

115.       At sinuman ang sumalansang at tumutol sa Tagapagbalita (Muhammad) pagkaraan ang wastong landas ay maliwanag na ipinakita sa kanya at sumunod sa iba pa maliban sa landas ng mga sumasampalataya, siya ay Aming pananatilihin sa landas na kanyang pinili at siya ay susunugin sa Impiyerno; ah, isang masamang hantungan!

 

116.       Katotohanan! Ang Allah ay hindi nagpapatawad (sa kasalanan) ng pagbibigay ng mga katambal sa Allah sa pagsamba (sa Kanya), datapuwa’t Siya ay nagpapatawad sa ibang mga kasalanan maliban pa rito sa sinumang Kanyang maibigan, at sinuman ang mag-akibat ng katambal sa pagsamba sa Allah ay katiyakang napaligaw nang malayo.

 

117.       Sila (na sumasamba sa iba maliban pa sa Allah) ay naninikluhod sa wala kundi sa mga babaeng diyus-diyosan bukod pa sa Kanya (Allah), at wala silang pinaninikluhuran maliban kay Satanas, isang nagpupumilit sa paghihimagsik.

 

118.       Ang Allah ay sumumpa sa kanya. At siya (Satanas) ay nagsabi: “Aking kakaunin ang natatakdaang bilang ng Inyong mga alipin;

 

119.       Katotohanang sila ay aking ililihis, at katiyakang aking pag-aalabin sa kanila ang huwad na pagnanasa; at katiyakang aking ipag-uutos na gilitan nila ang mga tainga ng bakahan, at katotohanang aking ipag-uutos na palitan nila ang kalikasan na nilikha ng Allah.” At sinuman ang tumangkilik kay Satanas bilang isang Wali (tagapangalaga o kawaksi) sa halip ng Allah ay katiyakang nagdusa ng maliwanag na pagkalugi.

 

120.       Siya (Satanas) ay gumawa sa kanila ng mga pangako, at pinag-aalab niya sa kanila ang huwad na pagnanasa; at ang mga pangako ni Satanas ay wala ng iba kundi mga pandaraya.

121.       Ang tirahan ng mga gayong (tao) ay Impiyerno, at sila ay hindi makakatagpo ng daan upang makatakas dito.

 

122.       Datapuwa’t ang mga sumasampalataya (sa Kaisahan ng Allah) at gumagawa ng kabutihan, sila ay Aming tatanggapin sa Halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso) upang manahan dito magpakailanman. Ang pangako ng Allah ay Katotohanan, at kanino pa kayang Salita ang higit na makatotohanan maliban sa Allah? (Tunay ngang wala ng iba).

 

123.       Hindi ang inyong mga naisin (O mga Muslim), gayundin ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano [ang makakapanaig]); sinumang gumawa ng kasamaan ay makakatanggap ng kabayaran nito, at siya ay hindi makakatagpo ng sinumang tagapangalaga o kawaksi maliban pa sa Allah.

 

124.       At sinuman ang gumawa ng mabuting gawa, maging siya ay lalaki o babae, at isang tunay na nananampalataya sa Kaisahan ng Allah (Muslim), sila ay papasok sa Paraiso at walang isa mang katiting na kawalang katarungan, maging ito ay kasinglaki ng mantsa (batik) sa likod ng buto ng palmera, ang igagawad sa kanila.

 

125.       At sino pa kaya ang higit na mabuti sa pananampalataya maliban sa kanya na nagsusuko ng kanyang mukha (sarili) sa Allah (ang pagsunod sa Islam at sa Nag-iisang Diyos); at siya ay isang Muhsin (mapaggawa ng kabutihan). At sumusunod sa pananampalataya ni Abraham na Hanifan (sumusunod sa Islam at sumasamba lamang sa Allah). At ang Allah ang humirang kay Abraham bilang isang matalik na kaibigan.

 

126.       At ang Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At ang Allah ang Lalagi nang Nakakasakop ng lahat ng bagay.

 

127.       At sila ay nagtatanong sa iyong legal na pag-uutos tungkol sa kababaihan, (iyong) ipagbadya: “Ang Allah ang nag-utos sa inyo tungkol sa kanila, at (gunitain) kung ano ang dinalit sa inyo sa Aklat, tungkol sa mga ulilang babae na hindi ninyo ginawaran ng itinalagang bahagi (ang tungkol sa Mahr [handog sa kasal] at pamana), magkagayunman ay inyong ninanasa na mapangasawa, gayundin ang (tungkol) sa mga batang mahihina at inaapi, na kayo ay tumayo nang matatag para sa katarungan ng mga ulila. At anumang mabuti ang inyong ginawa, ang Allah ay Lalagi nang Nakakabatid ng mga ito.

 

128.       At kung ang isang babae ay magkaroon ng pangangamba sa kalupitan o pag-iwan sa kanya ng kanyang asawa, hindi isang kasalanan sa bawat isa sa kanila kung sila ay gumawa ng kasunduan ng kapayapaan sa pagitan nila; at ang pakikipagpayapaan ay higit na mabuti. At ang makataong saloobin (na pangsarili) ay napapahinunod ng pagkagahaman. Datapuwa’t kung kayo ay gumawa ng kabutihan at umiwas sa kasalanan, katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Nakakabatid ng anumang inyong ginagawa.

 

129.       Hindi kailanman kayo makakagawa ng ganap na pakikitungo ng may (pantay) na katarungan sa pagitan ng inyong mga asawang (babae), kahima’t ito ang inyong maalab na naisin, kaya’t kayo ay huwag na lubhang kumiling sa isa sa kanila (sa pagbibigay ng higit ninyong panahon at handog) upang ang iba ay maiwan na nasa alanganin (alalaong baga, hindi diniborsyo o hindi pinangasawa). At kung kayo ay gagawa ng katarungan, at gagawa ng lahat ng matuwid at magkaroon ng pagkatakot sa Allah sa pamamagitan nang pag-iwas sa lahat ng kamalian, kung gayon, ang Allah ay Lalagi nang Nagpapatawad ng paulit-ulit, ang Pinakamaawain.

 

130.       Datapuwa’t kung sila ay maghiwalay (sa pamamagitan ng diborsyo), ang Allah ang magkakaloob ng kasaganaan sa bawat isa sa kanila mula sa Kanyang Biyaya. At ang Allah ay Lalagi nang may Kasapatan sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Ganap na Maalam.

 

131.       At ang Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At katotohanan na Aming pinagtagubilinan ang Angkan ng Kasulatan na nangauna sa inyo, at kayo (O mga Muslim), na inyong pangambahan ang Allah at inyong panatilihin ang inyong tungkulin sa Kanya, datapuwa’t kung kayo ay hindi manampalataya, kung gayon, sa Allah ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan, at ang Allah ay Lalagi nang Masagana (hindi nangangailangan ng anuman), ang Karapat-dapat sa lahat ng mga Papuri.

 

132.       At sa Allah ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At ang Allah ay Lalagi nang Sapat bilang tagapamahala ng mga pangyayari.

 

133.       Kung Kanyang naisin, magagawa Niyang wasakin kayo, O sangkatauhan, at gumawa ng panibagong lahi. At ang Allah ay may Ganap na Kapangyarihan sa ganitong bagay.

 

134.       At sinuman ang magnais ng gantimpala sa buhay sa mundong ito, kung gayon, sa Allah (lamang at wala ng iba) ang gantimpala sa makamundong buhay na ito at ng Kabilang Buhay. At ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakamasid.

 

135.       O! kayong nagsisisampalataya! Manindigan kayo nang matatag sa katarungan, bilang mga saksi sa Allah, kahima’t ito ay maging laban sa inyong sarili, o sa inyong magulang, o sa inyong kamag-anak; maging mayaman o mahirap, ang Allah ay higit na mainam na tagapangalaga sa kanila (kapwa sa mayaman at mahirap). Kaya’t huwag ninyong sundin ang paghahangad (ng inyong puso), baka (sakaling) kayo ay umiwas sa katarungan, at kung inyong baligtarin (ang katarungan) o tumanggi na gumawa ng katarungan, katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Nakakabatid ng anumang inyong ginagawa.

 

136.       kayong nagsisisampalataya! Manampalataya sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalita (Muhammad), at sa Aklat (ang Qur’an) na ipinanaog Niya sa Kanyang Tagapagbalita, at sa Kasulatan na Kanyang ipinanaog nang una (pa sa kanya), at sinuman ang hindi manampalataya sa Allah, sa Kanyang mga Anghel, sa Kanyang mga Aklat, sa Kanyang mga Tagapagbalita, at sa Huling Araw, kung gayon, katotohanang siya ay napaligaw nang malayo.

 

137.       Katotohanan, ang mga sumasampalataya; at (kung sila) ay bumalik sa kawalan ng pananampalataya, at muling nanampalataya, at muling bumalik sa kawalan ng pananampalataya, at nagpatuloy sa masahol na kawalan ng pananampalataya; ang Allah ay hindi magpapatawad sa kanila, gayundin naman, sila ay hindi gagabayan sa (tamang) landas.

 

138.       Iparating sa mga mapagkunwari ang balita na sa kanila (ay naghihintay) ang isang kasakit-sakit na kaparusahan.

 

139.       Ang mga tumatangkilik sa mga hindi sumasampalataya bilang kanilang Auliya (tagapangalaga o kawaksi o kaibigan) sa halip ng mga sumasampalataya, sila baga ay naghahanap sa kanila ng karangalan? Katotohanan, ang lahat ng karangalan ay (tanging) na sa Allah lamang.

 

140.       At naipahayag nang ganap sa inyo sa Aklat (ang Qur’an), na kung inyong maririnig ang mga Talata ng Allah na itinatakwil at tinutuya, kung gayon, huwag kayong makiupo sa kanila, hanggang sa sila ay magkaroon ng pag-uusap na naiiba rito; (datapuwa’t kung kayo ay manatili sa kanila), katiyakan, na sa ganitong kalagayan, kayo ay magiging katulad (din) nila. Katotohanang titipunin ng Allah ang mga mapagkunwari at mga hindi sumasampalataya nang sama-sama sa Impiyerno,

 

141.       Ang (mga mapagkunwari) na naghihintay at nagmamatyag sa inyo;  kung kayo ay makapagtamasa ng tagumpay mula sa Allah, sila ay nagsasabi: “Hindi baga kami ay nasa panig ninyo?”, datapuwa’t kung ang mga hindi sumasampalataya ay nakapagwagi ng tagumpay, sila ay nagsasabi (sa kanila): “Hindi baga kami ay higit na maalam sa inyo at hindi baga namin pinangalagaan kayo sa mga sumasampalataya?” Ang Allah ang hahatol sa pagitan ninyong (lahat) sa Araw ng Muling Pagkabuhay. At hindi kailanman ipagkakaloob ng Allah sa mga hindi sumasampalataya ang paraan (upang makapagwagi) laban sa mga sumasampalataya.

 

142.       Katotohanan, ang mga mapagkunwari ay naghahangad na linlangin ang Allah, datapuwa’t Siya ang lilinlang sa kanila. At kung sila ay magsitindig na sa pagdarasal, sila ay tumitindig ng may katamaran at upang mamalas lamang ng mga tao, at hindi nila naaala-ala ang Allah maliban sa katiting lamang.

 

143.       (Sila) ay nag-uurong sulong sa pagitan nito (at niyaon), at hindi nabibilang sa alinman sa mga ito o sa mga yaon, at sinuman ang hayaan ng Allah na mapaligaw, kayo ay hindi makakatagpo para sa kanya ng daan (upang tumakas).

 

144.       kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong tangkilikin bilang Auliya (mga tagapangalaga o kawaksi o kaibigan) ang mga hindi sumasampalataya sa halip ng mga sumasampalataya. Nais ba ninyong ihandog sa Allah ang isang nagliliwanag na katibayan laban sa inyong sarili?

 

145.       Katotohanan, ang mga mapagkunwari ay mapapasakailaliman (ng antas) ng Apoy; walang sinumang kawaksi ang inyong matatagpuan para sa kanila.

 

146.       Maliban sa mga nagtitika (sa kanilang pagiging mapagkunwari), at gumagawa ng kabutihan, at nagtitiwala sa Allah, at nagpapadalisay ng kanilang pananampalataya sa Allah (sa pamamagitan ng tanging pagsamba lamang sa Kanya at gumagawa ng kabutihan dahilan sa Allah), (kung magkagayon), sila ay mapapabilang sa mga sumasampalataya. At ang Allah ay magkakaloob sa mga sumasampalataya ng malaking gantimpala.

 

 

Bahagi Bilang 6

 

147.       Ano ang mapapakinabang ng Allah sa inyong kaparusahan, kung kayo ay may pasasalamat at nananampalataya sa Kanya? At ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nagpapahalaga (sa mabuti), ang Ganap na Nakakaalam.

 

148.       Hindi nagugustuhan ng Allah ang pagsigaw ng mga masasamang salita sa harap ng mga tao maliban sa kanya na ginawaran ng kawalang katarungan. At ang Allah ay Lalagi nang Ganap na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakaalam.

 

149.       Kahima’t kayo (O sangkatauhan) ay maglantad (sa pamamagitan ng mabuting salita at pasasalamat) ng isang mabuting gawa (na ginawa sa inyo sa anyo ng kagandahang loob ng iba), o ikubli ito, o magpatawad ng isang kasamaan, katotohanang ang Allah ay Lalagi nang Nagpapatawad nang Paulit-ulit, ang Ganap na Makapangyarihan.

 

150.       Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya sa Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita at nagnanais na gumawa ng pagtatangi-tangi sa pagitan ng Allah at ng Kanyang mga Tagapagbalita (sa pamamagitan ng pananalig sa Allah at hindi paniniwala sa Kanyang mga Tagapagbalita) na nagsasabi, “Kami ay nananampalataya sa iba subalit (kami rin) ay nagtatakwil sa iba,” at nagnanais na tumahak sa gitnang daan,

 

151.       Sa katotohanan, sila ay mga hindi nananampalataya; at Aming inihanda sa mga hindi sumasampalataya ang kaaba-abang kaparusahan.

 

152.       At sa mga sumasampalataya sa Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita at hindi nagbibigay ng pagtatangi-tangi sa pagitan ng sinuman sa mga Tagapagbalita, Aming ipagkakaloob sa kanila ang kanilang gantimpala, at ang Allah ay Lalagi nang Nagpapatawad nang Paulit-ulit, ang Pinakamaawain.

 

153.       Ang Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo) ay humiling sa iyo na mangyaring manaog sa kanila ang isang aklat mula sa langit. Katotohanang sila ay humiling kay Moises ng higit pang dakila rito, nang kanilang sabihin: “Ipakita mo sa amin ang Allah sa harap ng maraming tao,” datapuwa’t sila ay sinakmal ng dagundong ng kulog at kidlat dahil sa kanilang kabuktutan. (Ngunit) di naglaon, ay kanilang sinamba ang batang baka (bulo) kahit na pagkaraang dumatal ang maliwanag na mga katibayan at tanda sa kanila. (Gayunpaman) ay Aming pinatawad sila; at binigyan (Namin) si Moises ng maliwanag na katibayan ng kapamahalaan.

 

154.       At para sa kanilang Kasunduan ay Aming itinaas sa ibabaw nila ang Bundok (ng Sinai) at (sa ibang pangyayari) ay Aming winika: “Magsipasok kayo sa tarangkahan na nagpapatirapa (o yumuyukod) ng may kapakumbabaan”; at (muli) sila ay Aming pinag-utusan: “Huwag kayong  lumabag (sa paggawa ng makamundong bagay) kung (araw) ng Sabado.” At nakipagkasundo Kami sa kanila ng isang matibay na Kasunduan.

 

155.       At dahilan sa kanilang pagsira sa Kasunduan at kanilang pagtatakwil sa Ayat (mga katibayan, aral, kapahayagan, tanda, atbp.) ng Allah, at sa kanilang pagpatay sa mga Propeta ng walang katarungan, at sa kanilang pagsasabi: “Ang aming puso ay nababalutan (alalaong baga, hindi namin nauunawaan kung ano ang sinasabi ng mga Tagapagbalita)”, hindi, ang Allah ay naglagay ng sagka sa kanilang (puso) dahilan sa kanilang kawalan ng pananalig, kaya’t sila ay hindi nananalig maliban sa kaunti lamang.

 

156.       At dahilan sa kanilang (mga Hudyo) hindi pananampalataya at sa kanilang pagsasabi ng laban kay Maria ng isang mabigat at walang katotohanang paratang (na siya ay gumawa ng bawal na pakikipagtalik [sa lalaki]);

 

157.       At sa kanilang pagsasabi (na nagpaparangalan), “Aming pinatay ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ang Tagapagbalita ng Allah, datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, gayundin naman, siya ay hindi nila naibayubay sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay  kawangis ni Hesus (at kanilang napatay ang lalaking ito), at ang may pagkakahidwa (o ibang paniniwala) rito ay puspos ng alinlangan, na ang kaalaman ay walang (katiyakan); wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, sapagkat katotohanang siya (alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria), ay hindi nila napatay;

 

158.       Datapuwa’t itinaas siya (Hesus) sa (kanyang katawan at kaluluwa) ng Allah sa Kanyang piling (at si Hesus ay nasa kalangitan [ngayon]). At ang Allah ay Lalagi nang Tigib ng Kapangyarihan, ang Puspos ng Kaalaman.

 

159.       At walang sinuman sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), ang maliliban (o mangyayari) na hindi mananalig sa kanya (kay Hesus, ang anak ni Maria, bilang isang Tagapagbalita lamang ng Allah at isang tao) bago dumatal ang kanyang (Hesus) kamatayan; at sa Araw ng Muling Pagkabuhay, siya (Hesus) ay magiging saksi laban sa kanila.

 

160.       At dahil sa katampalasanan ng mga Hudyo ay Aming ginawa na bawal sa kanila (hindi nararapat) ang ilang piling pagkain (na mabuti), na noon ay hindi bawal (pinapayagan) sa kanila, at sa kanilang paghadlang sa marami sa Landas ng Allah;

 

161.       At sa kanilang pagtanggap ng Riba (interes, o patubo sa pera o pautang), bagama’t sila ay pinagbawalan at sa kanilang pagkamkam ng walang katarungan sa yaman ng mga tao (at sa panunuhol). At Aming inihanda sa mga hindi sumasampalataya sa lipon nila ang kasakit-sakit na kaparusahan.

 

162.       Datapuwa’t ang mga iba sa kanilang lipon na may matatag na karunungan, at ang mga sumasampalataya, ay nananalig sa ipinanaog sa iyo (O Muhammad) at sa ipinanaog (na kapahayagan) noong una pa sa iyo, at ang mga nag-aalay ng dasal nang mahinusay, at nagkakaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa) at sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw, sila ang Aming bibigyan ng malaking gantimpala.

 

163.       Katotohanang ikaw (O Muhammad) ay binigyan Namin ng inspirasyon, kung paano rin (naman) Namin binigyan ng inspirasyon si Noe at ang mga Propeta na sumunod sa kanya. Amin (ding) binigyan ng inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaac, Hakob, at Al-Asbat (ang labingdalawang anak ni Hakob), si Hesus, Job, Jonas, Aaron, at Solomon, at kay David ay Aming iginawad ang Salmo.

 

164.       At sa mga Tagapagbalita na Aming binanggit sa iyo noong una, at sa mga Tagapagbalita na hindi Namin nabanggit sa iyo, at kay Moises, ang Allah ay tuwirang nangusap.

 

165.       Mga Tagapagbalita na nagbigay ng magagandang pahayag gayundin ng babala upang ang sangkatauhan ay wala nang maipangatwiran laban sa Allah, matapos ang mga Tagapagbalita (ay isugo). At ang Allah ay Lalagi nang Puspos ng Kapangyarihan, ang Tigib ng Kaalaman.

 

166.       Datapuwa’t ang Allah ang nagpapatotoo sa bagay na Kanyang ipinadala (ang Qur’an) sa iyo (O Muhammad), at Kanyang ipinanaog ito sa Kanyang Karunungan, at ang mga anghel ay nagpapatotoo (rin). At ang Allah ay Ganap at Sapat na bilang isang Saksi.

 

167.       Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya (sa pamamagitan ng pagkukubli sa katotohanan tungkol kay Propeta Muhammad at ng Kanyang kapahayagan na nasusulat para sa kanila sa Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) at humahadlang (sa sangkatauhan) tungo sa Landas ng Allah (Pagiging Tunay na Isa ng Allah), katiyakang sila ay napaligaw nang malayo.

 

168.       Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya at nagsisigawa ng kabuhungan (sa pamamagitan ng pagkukubli sa katotohanan), ang Allah ay hindi magpapatawad sa kanila, gayundin naman, sila ay hindi Niya papatnubayan sa anumang landas,

 

169.       Maliban sa daan ng Impiyerno, upang manahan dito magpakailanman, at ito ay lubhang magaan sa Allah.

 

170.       sangkatauhan! Tunay ngang dumatal sa inyo ang Tagapagbalita (Muhammad) na may katotohanan mula sa inyong Panginoon, kaya’t manalig kayo sa kanya, ito ay higit na mainam sa inyo. Datapuwa’t kung kayo ay hindi sumampalataya, kung gayon, sa Allah ang ganap na pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at kalupaan. At ang Allah ay Lalagi nang Puspos ng Kaalaman, ang Tigib ng Karunungan.

 

171.       Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng pananampalataya, at huwag din kayong magsabi ng tungkol sa Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ay (hindi hihigit pa) sa isang Tagapagbalita ng Allah at Kanyang Salita (“Mangyari nga!”, at ito ay magaganap) na Kanyang iginawad kay Maria at isang Ruh (espiritu) na Kanyang nilikha (alalaong baga, ang kaluluwa ni Hesus ay nilikha ng Allah, samakatuwid siya ay Kanyang alipin, at ang Allah at ang espiritu ay hindi magkapantay o magkatulad); kaya’t manampalataya sa Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita. Huwag kayong mangusap ng: “Trinidad (o Tatlo)!” Magsitigil! (Ito ay) higit na mainam sa inyo. Sapagkat ang Allah (ang tanging) Nag-iisang Diyos, ang Kaluwalhatian ay sa Kanya, (higit Siyang mataas) kaysa (sa lahat) upang magkaroon ng anak. Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At ang Allah ay Lalagi at Sapat na upang maging Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari.

 

172.       Ang Mesiyas ay hindi kailanman magpapawalang halaga (magiging palalo) na paglingkuran at sambahin ang Allah, gayundin ang mga anghel na pinakamalapit (sa Allah). At sinumang magtakwil ng pagsamba sa Kanya at maging palalo, sila ay Kanyang titipuning lahat nang sama-sama sa Kanya (upang magsulit).

 

173.       Datapuwa’t ang mga sumasampalataya (sa Kaisahan ng Allah) at nagsisigawa ng kabutihan, sa kanila ay Kanyang ipagkakaloob ang kanilang (nakalaang) gantimpala, at marami pang (iba) mula sa Kanyang Biyaya. Datapuwa’t sa mga nagwawalang bahala sa pagsamba sa Kanya at mga palalo, sila ay Kanyang parurusahan ng kasakit-sakit na kaparusahan. At sila ay hindi makakatagpo para sa kanilang sarili maliban pa sa Allah ng anumang tagapangalaga o kawaksi.

 

174.       sangkatauhan! Katotohanang dumatal sa inyo ang isang nakapanghihikayat na katibayan (si Propeta Muhammad) mula sa inyong Panginoon, at Aming ipinanaog sa inyo ang lantad na liwanag (ang Qur’an).

 

175.       At sa mga sumasampalataya sa Allah at nananangan (sa pagtitiwala) sa Kanya, sila ay Kanyang tatanggapin sa Kanyang Habag at Biyaya (alalaong baga, ang Paraiso), at Kanyang papatnubayan sila sa Kanyang (Sarili) sa pamamagitan ng tuwid na landas.

 

176.       Sila ay nagtatanong sa iyo tungo sa isang makatuwiran (o legal) na pasya. Ipagbadya: “Ang Allah ay namamatnubay tungkol sa Al-Kalalah (ang mga [pumanaw] na walang naiwang tagapagmana maging sa kamag-anak na paitaas o pababa [ninuno o anak]). Kung ang namatay ay isang lalaki na nakaiwan ng isang kapatid (na babae), ngunit walang anak, siya (ang kapatid na babae) ay magtatamo ng kalahati ng pamana. At (kung ang namatay) ay isang babae, na walang naiwang anak, ang kanyang kapatid (na lalaki) ang magtatamo ng pamana. Kung mayroong dalawang kapatid (na babae); sila ay magtatamo ng dalawang katlo (2/3) ng pamana; kung mayroong mga kapatid na lalaki at mga babae, ang lalaki ay magtatamo ng dalawang bahagi (doble) ng parte ng babae. (Sa ganito) ay ginawang maliwanag ng Allah sa inyo (ang Kanyang Batas), at kung hindi, baka kayo ay maligaw.” At ang Allah ang may Ganap na Kaalaman sa lahat ng bagay.

 

1
2483
تعليقات (0)