Ang Limang Haligi ng Islam

PLPHP - ISCAG Philippines - Ahmad J. Salas

 

 

 

"Hindi Ko nilikha ang Jinn at Tao

maliban sa pagsamba sa  Akin"

[Qur'an, 51:56]

 

ANG

LIMANG

HALIGI

NG

ISLAM

(KAHALAGAHAN AT PALIWANAG)

 

THE FIVE PILLARS OF ISLAM

(IMPORTANCE and EXPLANATIONS)

 

Tinipon at isinalin sa Tagalog ni:

Ahmad Jibril Salas

 

Sa Pamamatnugot ng:

 

Pandaigdigang Lupon Para sa Pagtatanggol sa Huling Propeta

[P L P H P]

 

------------------------

 

ANG NILALAMAN

 

                                                   Pambungad Na Pananalita

 

                                                   I.  Ang Kalima (Laa ilaaha Illallah)

 

                                                  II.  Ang Kahulugan ng Ibadah.

 

                                                  III. Ang Pamamaraan ng Ibadah.

 

                                                  III.a Ang Shahadatain (Pagpapahayag)

 

                                                  III.b Ang Salah (Pagdarasal)

 

                                                  III.k Ang Sawm (Pag-aayuno)

 

                                                  III.d Ang Zakat (Pagkakawanggawa)

 

                                                  III.e Ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah)

 

                                                  IV.   Bibliograpiya.

 

-------------------------

 


PAMBUNGAD NA  PANANALITA

 

Lahat ng uri ng pagsamba, panalangin, pagdakila at pagluwalhati ay para lamang sa Allah, ang Panginoon ng Alamin (ng lahat ng nilikha-tao,jinn, anghel at mga bagay na nakikita o di-nakikita). Ako ay sumasaksi na walang ibang (tunay) na diyos maliban  sa Allah at ako ay sumasaksi na si Propeta Muhammad ay Kanyang Sugo.

 

Bawat muslim ay naniniwala na ang pinakadakilang bagay na ipinagkaloob ng Allah sa mundong ito ay ang Islam (Ang Pagsuko at Pagsunod sa Kalooban ng Nag-iisang Tunay na Diyos). Kaya naman, ang tangi at pinakamataas na uri ng pasasalamat na maaaring gawin ng isang muslim na naghahangad na bigyang kasiyahan ang Allah ay ang pananatili sa pagiging matapat at masunurin sa lahat ng kautusang napapaloob sa Huling Banal na Kasulatan, ang Dakilang Qur'an at Sunnah (mga aral, sawikain, gawain) ni Propeta Muhammad (snk).

 

Sa mahabang panahon, ang katawagang muslim ay nabigyan ng maling pakahulugan lalo na sa mga di-muslim. At maging ang ibang muslim, ang tunay na kahulugan ng pagiging muslim ay hindi ganap na nauunawaan.

 

Minsan pa, bigyan natin ng tunay na kahulugan ang salitang Muslim. Ang muslim ay hindi pangalan ng isang lahi o angkan. Kahit na ang isang tao ay isinilang sa magulang na muslim, ito ay hindi sapat na batayan upang tawagin siyang ganap na muslim. Ang pagiging muslim ay hindi isang katangian na maaaring manahin ng sinuman sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga magulang na muslim. Sa katotohanan, ang pagitan at kaibahan ng muslim at di-muslim ay nakasalalay sa Kaalaman. At ang kaalamang ito ay nasisilayan sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Sa lahat ng antas at aspeto ng kanyang buhay, isinasakatuparan niya ang tungkulin bilang muslim. Muslim-- isang katawagang nagsasaad ng pagpapaalipin at paglilingkod sa Diyos na Tagapaglikha. Ang isang tao ay maituturing lamang bilang Muslim kung nalalaman niya ang pundamental na prinsipiyo ng Islam. Hindi maaaring maging Muslim ang isang tao sa gitna ng kamangmangan. Ang taong isinilang sa magulang na muslim, na may pangalang muslim, na nakadamit na muslim at tinatawag ang sarili bilang muslim ay hindi maituturing na isang tunay na muslim maliban kung nalalaman niya ang tunay na kahulugan, kahalagahan at kautusan ng Islam at matibay na pinaninindigan at sinusunod ang Batas nito. Ang isang tunay na muslim ay nababatid niya kung ano ang kanyang kaugnayan sa Diyos at kung ano ang kaugnayan ng Diyos sa kanya. At nalalaman niya ang tamang landas na dapat niyang tahakin sa mundong ito upang makamtan niya ang pagpapala ng Diyos na siyang magsisilbing daan tungo sa buhay na walang Hanggan.

 

Ang maikling babasahing ito ay nagbibigay ng paliwanag at kahalagahan sa mga pangunahing haligi ng Islam na siyang batayan upang magampanan ng isang naghahangad na maging tunay na muslim, ang tungkuling nakaatang sa kanyang balikat.

 

Sana'y tanggapin ito ng Allah bilang paglilingkod sa Kanya. (Inshallah)

 

Marami pong salamat.

 

A. Jibril Salas

(ISCAG-Phil)

 

 

 

I. ANG KALIMA

 

Laa iIaaha illallah Muhammadar-Rasullulah

(Walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo)

 

Ang pagbigkas ng Kalima (Laa ilaaha illallah Muhammadur Rasullulah) ang susi sa pagyakap sa Relihiyong Islam. Sa pagbigkas ng kalimang ito, ang tao ay pumapasok sa isang dakilang kasunduan sa harap ng Allah at maging sa buong mundo. Ito ang kasunduang namamagitan sa tao bilang alipin ng Allah at ang Allah bilang Tanging Panginoon ng tao. Ang kasunduang ito ay nangangailangan ng ganap na katapatan sapagkat ito ay kinapapalooban ng mga alintuntunin na dapat isagawa.

 

Ang tao ay nahaharap sa isang banal na tungkulin at pananagutan.Una sa lahat, ang kalima ay isang pagpapatunay na ang Allah lamang ang Siyang dapat sambahin sapagkat Siya ang ating Tagapaglikha, Panginoon, Tagapagpanatili at tanging nakikinig sa ating mga dalangin at karaingan. Ang mundong ito ay hindi gagalaw at magkakaroon ng buhay maliban sa kapangyarihan ng Allah. Siya ay Tanging Isa at Mananatiling Isa magpakailanman. Pangalawa, sa pagpapahayag ng Kalima, ang isang tao ay nagpapatotoo na ang Diyos (Allah) ay Siyang Diyos ng lahat, at bawat bagay na narito ay Kanyang pagmamay-ari. Ang buhay at kamatayan ay nasa ilalim ng Kanyang Banal na Kautusan. Siya lamang ang nararapat katakutan at dapat paglingkuran. Tayong lahat na kanyang nilalang ay mga alipin Niya. Na ang tunay nating tungkulin ay ang sumuko, sumunod at tumalima sa Kanyang Kalooban at Kautusan.

 

Ang Muhammadur Rasulullah ay isang pagpapahayag na tinatanggap ng isang tao ang Batas ng Allah na ipinagkatiwala kay Propeta Muhammad (snk[1]). Ang buhay ng isang muslim ay nararapat na nakaalinsunod sa buhay na inilarawan ni Propeta Muhammad (snk).

 

ANG KASUNDUAN ng TAO at ng ALLAH.

 

Ang isang tao ay nararapat maging matapat sa kanyang sinumpaang tungkulin. Sa pagtalikod ng isang mananampalataya sa kalimang ito, ang lahat ng bagay na nakarinig sa kanyang pagpapahayag ay magiging saksi laban sa kanya sa paghuhukom ng Allah. Ang kanyang katawan , mata, bibig, kamay, paa at maging ang kaliit-liitang ugat at buhok niya sa katawan ay sasaksi sa kanyang walang katapatang pagpapahayag. Sa paghuhukom ng Allah, walang abugado ang maaaring magtanggol sa sinuman sapagkat maging ang hukom o abugado dito sa mundo ay haharap sa Allah upang managot sa kanilang mga gawain. Walang sinuman ang makakawala at makalulusot. Walang maikukubli at maitatago sa Panginoong Diyos. Kung ang mga ibang pulis dito sa mundo ay nakukuha sa suhol, hindi ang Allah sapagkat Siya ay ganap na makatarungan at makatotohanan. Lahat ay lalapatan ng parusa at gantimpala. Sa husgado dito sa mundo, ang saksi ay maaaring magsinungaling. Ngunit sa Hukom ng Allah, lahat ay ganap na katotohanan at hindi mapasisinungalingan. Maaaring dito sa mundo ang hukuman ay hindi makatarungan at maaari niyang mapawalang-sala ang isang kriminal, ngunit sa hukuman ng Allah, lahat ay may katarungan. Maaaring makatakas ang tao sa bilangguan dito sa lupa ngunit sa piitan o bilangguan ng Allah sa kabilang buhay, walang sinuman ang makakatakas. Kaya, isang malaking kasalanan sa Allah ang magpahayag ng kasunduan na lihis naman sa katapatan at katotohanan. At dahil sa kasunduang ito, ang tao ay may pananagutan na dapat tuparin bilang alipin. At ang pananagutang ito ay nakaugnay sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay bilang alipin ng Allah. Ang pagtupad sa tungkuling ito na may layuning sumunod at sumuko sa Kalooban ng Allah ay tinatawag na Ibadah.

 

 

II. ANG KAHULUGAN NG IBAD'AH

 

Ang Allah (Ang Kataas-taasang Panginoon) ay nagsabi sa Kanyang Banal na Qur'an:

 

"Hindi Ko nilikha ang Jinn at Tao maliban sa pagsamba sa Akin."(Qur'an 51:56)

 

Maliwanag mula sa talatang ito na ang layunin at dahilan ng ating pagsilang at ng ating buhay ay walang iba maliban yaong pagsamba sa Allah (Ang Makapangyarihan). Kaya't bilang tao nararapat nating alamin ang tunay na kahulugan ng "Ibadah" (pahapyaw na binigyan ng kahulugan sa tagalog bilang "pagsamba"). Kung ang kahulugan at tunay na diwa nito ay hindi nalalaman ng tao, paano niya maisasakatuparan ang tunay na layunin ng kanyang pagkakalikha? Anumang bagay na hindi naisasakatuparan ay itinuturing na walang kabuluhan. Katulad halimbawa ng isang doktor, na hindi kayang pagalingin ang maysakit, nangangahulugang hindi siya matagumpay sa kanyang propesyon. Kung ang magsasaka ay hindi makapag-ani ng magandang tanim, hindi siya nagtagumpay sa kanyang pagbubukid o pagbubungkal ng lupa. Kung hindi natupad ng tao ang layunin ng kanyang buhay, ang kanyang buong panahon ay maituturing na isang walang kabuluhang pamumuhay. Sa ganitong dahilan, nararapat nating unawain at isipin ang tunay na kahulugan ng "ibadah" at panatilihin natin ito sa ating puso at kalooban sapagkat dito nakasalalay ang tagumpay o kapahamakan ng ating buhay.

 

Ang salitang "ibadah" ay hinango mula sa salitang "Abd". Ang kahulugan ng "Abd" ay alipin o lingkod. Samakatuwid ang kahulugan ng "ibadah" ay paglilingkod at pagpapaalipin sa Allah. Kung ang isang tao ay nananatiling gumagawa at kumikilos ayon sa ipinag-uutos ng kanyang Panginoon, ito ay tinatawag na paglilingkod at ibadah. Sa kabilang dako, kung ang isang tao na naglilingkod sa kaninuman at tumatanggap ng sahod ngunit siya ay hindi ganap na sumusunod sa kanyang pinaglilingkuran, ito ay tinatawag na pagsuway na ang katumbas ay walang katapatan. Ang isang alipin ay nararapat na isaalang-alang ang kanyang gawa at kilos para sa kanyang Panginoon. Nararapat din niyang ganap na nauunawaan ang kanyang tungkulin bilang alipin.

 

Ang unang tungkulin ng isang alipin ay ang pagiging matapat sa kanyang pinaglilingkuran. Ang tao bilang alipin ng Allah ay matatag na nananalig at naniniwala na walang dapat bigyan ng tunay at ganap na katapatan kundi ang Kanyang Tagapaglikha. Ang katapatan ay naipapahayag ng isang tao sa kanyang pananalita, at sa kanyang puso ay nakaukit ito at tunay na nasisilayan sa aktual na gawain at pamumuhay.

 

Ang ikalawang tungkulin ng isang alipin ay ang  laging masunurin sa kanyang Panginoon, tinutupad niya ang mga kautusan, hindi siya tumatalikod sa kanyang mga tungkulin at umiiwas siya sa pananalita mula sa kanyang sariling pag-iisip o di kaya siya ay hindi nakikinig sa salita na laban sa kagustuhan at batas ng kanyang Panginoon. Bilang mabuting alipin, sinusunod niya ang Batas ng Allah at hindi ang batas na gawa ng tao. Nangingibabaw sa kanya ang Batas ng Allah at hindi ang batas ng Kasamaan. Ang pagsasaalang-alang niya sa Allah bilang Panginoon ay nananatili sa kanyang isip at puso. Ang isang alipin ng Allah ay nananatiling alipin sa lahat ng oras, panahon at sa lahat ng pagkakataon o kalagayan. Wala siyang anumang karapatang magsabi na siya ay sumusunod sa isang partikular na kautusan at hindi sumusunod sa ibang kautusan. Hindi siya alipin sa isang takdang panahon lamang o kaya ay malaya sa kanyang tungkulin sa ibang panahon. Siya ay mananatiling alipin magpakailanman.

 

Ang ikatlong tungkulin ng isang alipin ay yaong pagbibigay galang at pagdakila sa kanyang Panginoon. Ang isang alipin ay nararapat sundin ang pamamaraan na ibinigay ng Kanyang Panginoon para sa paggalang at pagdakila sa Kanya. Siya ay nararapat na palagiang nakahanda sa anumang oras na itinakda ng Kanyang Panginoon upang magpakita ng paggalang at pagdakila bilang pagpapatunay na siya ay matapat at sumusunod sa Kanya.

 

Ito ang mga pangangailangan na siyang binubuo ng "Ibadah"; una, ang katapatan sa kanyang Panginoon; pangalawa, pagkamasunurin at pagtalima sa kanyang Panginoon, at ikatlo, paggalang at pagdakila (o pasasalamat) para sa kanyang Panginoon. Kung ano ang sinabi ng Allah sa talatang: "Hindi Ko nilikha ang jinn at tao maliban sa pagsamba sa Akin", ito ay aktual na nangangahulugan na nilikha ng Allah ang tao at jinn upang  manalig at sumamba lamang  sa Kanya, na sila ay dapat sumunod ng buong katapatan sa mga kautusan ng Allah. Sila ay hindi dapat sumunod sa utos ng sinuman na lihis sa batas ng Allah at sila ay dapat yumukod at magbigay paggalang at pagdakila o papuri sa Allah lamang at wala ng iba pa. Ang tatlong bagay na ito ay isinalaysay ng Allah sa isang malawak na katawagan:  Ang Ibadah. Ito ang tunay na kahulugan ng ibadah na siyang dapat isagawa para sa Kanya. Ang diwa ng mga aral ni Propeta Muhammad (snk) at ng lahat ng Propetang (sumakanila nawa ang kapayapaan) isinugo ng Allah ay:

 

"Wala kayong (dapat) sambahin maliban sa Kanya." (Qur'an 12:40)

 

Ito ay nangangahulugan na ang Allah ang tanging may Kapangyarihan at Kapamahalaan na kung saan ang tao ay dapat matapat at manalig at sumampalataya. Mayroon lamang isang Batas na dapat sundin ng tao at yaon ang Batas ng Allah (Diyos), at ang Allah ang tanging Diyos na dapat pag-ukulan ng tapat na pagsamba. Siya ang Lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng nilalaman nito at ng lahat ng nasa pagitan ng mga ito.

 

 

ANG BUNGA NG MALING

PANG-UNAWA SA IBADAH.

 

Ano ang masasabi natin sa isang alipin o tagapaglingkod ng Allah na inuutusang maghanap-buhay ngunit wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang ipalad ang mga kamay at bumigkas ng mga surah ng Qur'an? Ano ang masasabi natin sa isang alipin o lingkod na palagiang yumuyukod at sumusubsob sa lupa sa kabila na siya ay inuutusan na ipagtanggol ang Batas ng Allah? Siya ay inuutusan ng Allah na magtanggol laban sa di-makatuwirang gawa ng ibang tao, ngunit wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang bumigkas ng magandang himig ng Qur'an? Siya ay inuutusan ng Allah na magtatag ng isang Islamikong Batas sa pamahalaan upang ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at ang lahat ng uri ng kriminal ay masugpo at maparusahan, ngunit  bilang alipin wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang manalangin? Siya ay inuutusan ng Allah na alisin ang mga masamang gawain ng ibang tao ngunit wala siyang ginagawa kundi ang umupo sa masjid at magsumamo? Ang ganito bang asal o kilos ay maaaring isaalang-alang bilang tunay na alipin o tagapaglingkod ng Allah? Sapat na bang tawaging alipin ng Allah ang isang taong nagbabasa, nagdarasal mula sa madaling-araw hanggang takipsilim samantalang hindi man lang siya nagtangka sa kanyang sarili na sundin ang mga batas na nakapaloob sa Banal na Qur'an? Karaniwan na kapag  tayo ay nakakakita ng mga tao na laging nasa masjid, magandang bumigkas ng tilawat ng Qur'an, o kaya naman ay matagal magdasal, o ang kanyang nuo ay may bakas ng pagpapatirapa iniisip natin na siya  ay isang debotong mananampalataya at isang banal na tao. Dito nagsisimula ang maling pang-unawa sa salitang ibadah.

 

Mayroong isang alipin na abala araw at gabi sa pagpapatupad ng tungkuling ipinagagawa sa kanya ng ibang di-muslim. Siya ay sumusunod sa kanilang mga utos at gumagawa ayon sa batas ng mga ito. Siya ay walang pasubaling sumusunod sa mga ito na lihis sa Batas ng Kanyang Panginoon Diyos. Bagamat sadyang laging namumutawi sa kanyang labi ang pangalan ng Diyos, ang Allah at nagbibigay papuri sa Allah, siya ba ay maituturing na isang tapat na alipin? Siya ay isang sinungaling at mandaraya! May mga taong nagdarasal, nag-aayuno, nagbibigay zakat, nagbibigay papuri (dhkir), nagbabasa ng Qur'an ngunit sa araw at gabi naman ay sumasalungat at sumusuway sa Batas ng Allah. Sila na sumusunod sa kautusan ng di-muslim, sila na walang alinlangang tumatakwil sa Batas ng Allah at sumusunod sa Batas ng kaaway ng Allah, sila na nakikipagtulungan sa kaaway ng mga muslim para ang kapwa muslim ay maitaboy sa kapahamakan, sila na nakikipagkaibigan at nagbibigay tulong sa kaaway ng Islam bagamat nagdarahop ang kapwa muslim sa ibang panig ng mundo. Maituturing bang Ibadah ang kanilang gawa? Ito ba ang tunay na kahulugan at diwa ng pagsamba (ibadah)?

 

Iniisip ba natin na ang pagharap sa Qibla ay ibadah? Ang pag-iwas ba sa pagkain at inumin tuwing ramadhan ay ibadah? Ang pagdalaw ba sa Makkah ay ibadah? Ang pagsasagawa ba ng bawat kilos ng salah ay ibadah? Iniisip ba natin na ang pagbigkas ng Surah ng Qur'an ay ibadah? Ang pag-ikot ba sa kaa'ba ay ibadah? Matatawag ba nating Ibadah ang mga panlabas na aspeto ng ating mga gawain? Maituturing ba na ito ay ibadah para sa Allah at natupad ba ng isang muslim sa ganitong paraan ang layunin ng talatang:

 

"Hindi ko nilikha ang Jinn at Tao maliban sa pagsamba sa Akin."

 

Pagkaraan nitong pagsasagawa ng panlabas na aspeto, malaya na ba silang gawin ang nais nila para sa kanilang buhay?

 

 

'IBADAH'

 PAGLILINGKOD AT PAGPAPAALIPIN SA DIYOS

         

Ngunit sa katotohanan ang Ibadah, na siyang dahilan na ating pagkakalikha at siyang pinag-uutos ng Allah na dapat nating isagawa ay isang bagay na kakaiba. Na sa ating buhay, tayo ay dapat sumunod sa Batas ng Diyos sa bawat hakbang at sa bawat kalagayan, at dapat malaya ang ating sarili sa batas na sumasalungat sa Batas ng Allah. Bawat kilos natin ay nararapat na nasa hangganang itinakda para sa atin ng Allah. Bawat galaw natin ay nararapat na umaayon sa pamamaraan na inilahad ng Diyos. Sa gayon, ang buhay na ginugol sa pamamaraang itinakda ng Allah ay binubuo at kinapapalooban ng Ibadah.

 

 At dahil sa ganitong pamamaraan ng buhay, ang ating pagtulog, ang ating paggising, ang ating pagkain at pag-inom, bawat galaw at pananalita, ang lahat ay ibadah. Magkagayon, ang ating pakikipagtalik sa ating mga asawa, ang ating paghalik sa ating mga anak ay gawang ibadah. Ang mga gawain na karaniwang isinasaalang-alang na pang-pisikal ay pangrelihiyong gawain ay ibadah, datapwat sa pagsasagawa ng mga ito kinakailangan na tayo ay nananatili sa hangganang limitasyon na itinakda ng Allah, at tinitingnan natin ang bawat hakbang kung ano ang pinahihintulutan o ipinagbabawal, kung ano ang halal o ano ang haram, kung ano ang nararapat at ano ang hindi nararapat. Magkagayon, alam natin ang bagay na ikinasisiya o ikinagagalit ng Allah. Halimbawa, tayo ay lumabas upang maghanap-buhay. Sa paghahanap-buhay, makakatagpo tayo ng mga trabaho na madaling pagkakakitaan ng salapi ngunit ito ay sa paraang haram (o ipinagbabawal). Kung, dahil sa pagsunod natin sa Allah, tayo ay umiwas sa masamang hanap-buhay at ating hinarap ang isang hanap-buhay na malinis at marangal, ang ating panahon na ginugol sa paghahanap-buhay ay itinuturing lahat bilang ibadah. At ang tinapay na ating iniuwi sa ating bahay, pinakain sa ating pamilya at sa ating sarili at sa karapat-dapat na tao- ang lahat ng gawaing  ito ay karapat-dapat na bigyan ng pagpapala at gantimpala mula sa Allah.

 

Kung, sa ating paglalakad sa kalsada, ay inalis natin ang isang bagay na makatitinik o makasasakit sa tao , ito ay itinuturing na ibadah. Kung itinuro natin ang tamang daan sa isang bulag na naglalakad, o ginamot natin ang isang maysakit o di kaya ay tumulong tayo sa isang taong nagdadalamhati, ito ay ibadah. Kung, habang tayo ay nagkikipag-usap sa kapwa, tayo ay umiwas sa pagsisinungaling, paninirang-puri, pagsasalita ng masasakit o masama laban sa kapwa at dahil sa ating takot at pagsunod sa Allah, tayo ay nagsabi ng katotohanan lamang, ang ating panahon na ginugol sa malinis na pananalita ay itinuturing bilang panahong iginugol sa pag-iibadah.

 

Samakatuwid, ang tunay na diwa at kahulugan ng Ibadah ay ang pagsunod sa Batas ng Allah at pagtahak sa buhay ayon sa Kanyang Banal na Kautusan mula sa panahon na tayo ay magkaisip hanggang sa panahon ng ating kamatayan. Walang itinakdang panahon ang pagsasagawa ng pag-iibadah. Dapat magsagawa ng Ibadah sa lahat ng panahon at pagkakataon, sa bawat gawain at bawat uri nito. Sa maikling salita, ang lahat ng ating gawain ay itinuturing bilang ibadah kung ang mga gawaing ito ay umaaayon at umaalinsunod sa Batas ng Allah at ang tunay na layunin ay upang bigyan kasiyahan ang Allah. Kaya, sa anumang mabuting gawa o pag-iwas sa kasamaan ng dahil sa takot ( at pagsunod sa Allah), sa anumang antas ng pamumuhay at larangan ng paggawa, ating tinutupad ang ating Islamikong pananagutan. Ito ang tunay na kahalagahan at diwa ng ibadah, yaong ganap na pagsuko at tapat na pagsunod tungo sa kasiyahan ng Allah, habang buhay sa lahat ng pagkakataon at pangyayari. Ngayon, maaari nating maitanong sa ating sarili, ano ang Salah (pagdarasal), ang Sawm (pag-aayuno), ang Hajj (pagdalaw sa Makkah), ang Zakat (pagkakawang-gawa), at iba pa? Ito ay mga pamamaraang itinakda ng Allah para sa paghahanda ng Ibadah. Ang Salah ay nagpapaalala sa ating ng limang (5) ulit sa isang araw na tayo ay alipin ng Allah at sa kanya lamang ang paglilingkod at pagsamba. Ang Zakat ay nagpapahiwatig sa atin ng katotohanan na ang yaman at salapi na ating pinagpapagurang kitain ay isang pagpapala at handog ng Allah sa atin. Hindi natin dapat gugulin ang mga kayamanang ito sa mga masamang pagnanasa kundi sa mga bagay na kapaki-pakinabang. Ang Hajj ay nagbibigay pahiwatig sa atin ng pagmamahal at kadakilaan ng Allah. Ang Sawm (pag-aayuno) ay nagtuturo ng pagtitiis at pagpipigil sa sarili upang makamtan ang kasiyahan ng Allah. Kung pagkaraan ng pagsasagawa ng mga ito, ang ating buong buhay ay naging kabuuan ng Ibadah para sa Allah, walang alinlangan na ang ating Salah, ay tunay na Salah, ang Zakat ay tunay na Zakat, ang Hajj ay ganap na Hajj. Ngunit kung ang bagay na ito ay hindi naisakatuparan ayon sa hinihingi ng Islam, walang layunin at walang kabuluhan ang maibibigay ng pagyuko-yuko, pagpapakagutom at pagpapakauhaw, ang pagsasagawa ng hajj o ang pagbibigay ng Zakat. Ang mga panlabas na aspeto ng mga ito ay maihahalintulad sa isang katawan, na kung ito ay may kaluluwa at gumagalaw at gumagawa, katiyakan na ito ay buhay ngunit kung ang katawan ay walang kaluluwa, hindi ito hihigit pa sa isang bangkay. Ang isang bangkay ay mayroong pisikal na kabuuan katulad ng kamay, paa, mata at ilong ngunit walang kaluluwa. Kaya ito ay inililibing. Katulad din na kapag ang pamamaraan ng Salah ay tinutupad ngunit walang kalakip na pagkatakot, pagmamahal at katapatan sa Allah, ito ay nagiging walang kabuluhan at walang kahalagahang ritwal.

 

 

MALAWAK NA KAHULUGAN NG IBADAH

 

At dahil ang Ibadah ay nagsasaad ng paglilingkod at pagpapaalipin, na tayo ay isinilang na alipin ng Allah, hindi natin maaaring bigyang laya ang ating sarili mula sa paglilingkod sa Kanya sa anumang panahon at pagkakataon. Hindi natin maaaring sabihin na tayo ay alipin ng Allah sa ilang oras at maging malaya sa pagkaalipin sa ibang nalalabing oras. Katulad din naman, na hindi natin maaaring sabihin na tayo ay magsasagawa lamang ng ibadah sa mga oras na ating naisin. Dapat nating isipin na tayo ay isinilang na alipin ng Allah. Nilikha Niya tayo para sa paglilingkod sa Kanya. Samakatuwid, ang ating buong buhay ay nararapat gugulin sa paglilingkod sa Kanya at walang isang sandali na tayo ay dapat magpabaya sa pag-iibadah.

 

Ang Ibadah ay hindi paglisan o pag-iwas ng sarili mula sa gawain na pang-araw-araw dito sa mundo at ang pag-upo sa isang tabi habang bumibigkas ng "Allah". Ang tunay na kahulugan ng Ibadah ay yaong anuman ang gawin natin dito sa mundo, kinakailangang ito ay nasa itinakdang batas ng Allah. Ang ating pagtulog, paggising, pagkain, pag-inom, pag-galaw ay nararapat na nasa pagsunod sa Batas ng Allah. Kung tayo ay nasa bahay kasama ang asawa, anak, kapatid, magulang, tayo ay nararapat kumilos at gumalaw ayon sa itinakdang pagkilos o paggalaw na iniutos ng Allah sa atin. At dahil tayo ay kumikilos ayon sa kautusan ng Allah, tayo ay nagiging mabuting asawa, mabuting kapatid, mabuting magulang at mabuting kapitbahay at mabuti sa kapwa. At bakit tayo nagiging mabuti? Sapagkat ito ang bunga ng ating tapat na pag-papaalipin sa Allah. Kung kausap natin ang mga kaibigan at nasisiyahan ang sarili, hindi dapat makalimot na tayo ay hindi malaya sa pagiging alipin ng Allah. Kung sa kadiliman ng gabi, nararamdaman natin na maaari tayong makagawa ng kasalanan dahil walang tao sa mundo ang nakakakita sa atin, dapat nating alalahanin na ang Allah ay nakakakita sa atin at Siya ang dapat nating katakutan at hindi ang mga tao sa mundo. Kung sa pagsunod natin sa katotohanan at katapatan ay nakaranas tayong malaking kawalan, dapat nating tanggapin ito ng walang pagdaramdam sapagkat nais nating bigyang kasiyahan ang Allah. Kung tayo ay nasa isang lugar at nararamdaman natin na maaari tayong gumawa ng krimen na walang pulis na makakakita, dapat nating iwasan ito at alalahanin ang Allah. Kaya, ang Ibadah ay hindi pagtalikod sa materyal na gawain at pag-upo sa isang sulok na nag-iisa at nagbibilang ng litanya ng rosaryo (tasbih). Sa katotohanan, ang Ibadah ay pakikisalamuha at paggawa dito sa mundo at kalakip na pagsunod sa Batas ng Allah. Ang pag-ala-ala sa Allah ay hindi lamang yaong patuloy na pagsasalita ng "Allah", "Allah", "Allah" ngunit ang tunay na pag-ala-ala sa Allah ay binubuo ng pag-ala-ala at pag-iisip sa Allah habang tayo ay nasa mga gawain. Sa buhay dito sa mundo, maraming pagkakataon na maaari tayong sumuway sa Batas ng Allah, na kung saan ang tukso ng yaman at laman ay naroroon, dapat nating laging alalahanin ang Allah at manatiling matatag sa pagsunod sa Kanyang mga Batas. Ito ang tunay na Dhikr (Pag-alaala sa Allah). Kaya nga, bilang tao kinakailangang maramdaman natin na tayo ay tunay na alipin ng Allah at kinakailangan na mapanatili natin ang pagpapailalim sa Kanya sa bawat sandali ng ating buhay at sa bawat sandali ng ating mga gawain. Ang patuloy na pag-ala-ala ay nararapat dahil sa katotohanan sa ating mga sarili (nafs) ay may nakakubling suhestiyon ng Satanas na walang tigil na umaakit at umaakay na gumawa tayo ng kasamaan. At mayroon pa ring milyon-milyong satanas sa buong mundo na nangagkalat at nagsasabi sa tao: "Ikaw ay aking alipin". Ang kasamaan ng mga Satanas ay hindi masusugpo maliban kung ang tao ay laging naaalala sa araw -araw na siya ay alipin ng Allah at hindi alipin ng Satanas. Kaya ang Allah ay nagtakda ng mga pamamaraan na dapat isagawa ng isang mananampalataya upang ang tunay na kaganapan at kahulugan ng Ibadah ay maisakatuparan sa lahat ng pagkakataon.

 

 

III. MGA ITINAKDANG PAMAMARAAN NG 'IBADAH.

 

Ang Allah, Ang Kataas-taasan, ay nagtakda ng mga pamamaraan ng Ibadah upang makamtan ng tao ang isang mataas na uri ng kabutihan at kalinisan ng pananampalataya. Ang mga itinakdang pamamaraan ng Ibadah ay tinatawag na Limang Haligi ng Islam.

 

 

III-A. AS-SHAHADATAIN

 

Ang isang tunay na alipin ng Allah ay nararapat maunawaan ang kahulugan at patakaran ng pagpapahayag ng Shahadatain na: Walang ibang (tunay) na diyos maliban sa Allah at si  Muhammad ay Kanyang Sugo at Alipin. Ang salitang "wala ng ibang (tunay) na diyos" ay nagsasaad ng ganap na pagtakwil at pagtalikod sa anuman at sinumang sinasamba maliban sa Allah at ang salitang "maliban sa Allah" ay nagpapatunay na ang lahat ng uri o pamamaraan ng pagsamba, pagsuko, at pagdalangin ay nararapat lamang sa Allah at tanging sa Kanya lamang. Ito ay nangangahulugan din na walang dapat itambal o iugnay sa Kanya. Ang mga patakaran na dapat tuparin ng isang mabuting alipin ng Allah ay ang mga sumusunod:

 

1.      Tamang Kaalaman (Karunungan) tungkol sa kahulugan ng Shahadatain.

 

2.      Katiyakan tungkol sa kahulugan nito na siyang      pumapawi ng mga alinlangan at maling kaisipan.

 

3.      Ang katapatan na siyang naglilinis upang ang isang nanunumpa o nagpapahayag ay makalayo o makaiwas mula sa anumang uri ng Shirk.

 

4.      Ang pagiging makatotohanan na siyang kabaligtaran ng pagkukunwari.

 

5.      Ang pagmamahal at pagsunod sa pagpapahayag   ng Shahadatain na nagbibigay daan upang mapawi ang galit o walang kapanatagan ng loob.

 

6.      Ang pagtupad sa anumang pamamaraang   itinakda ng Allah tungkol sa pagsamba.

 

7.      Ang pagtalikod o pag-iwas mula sa mga bagay o   kaninuman na sinasamba maliban sa Allah.

 

 

III-B. SALAH - Ang Pagdarasal

 

"Katotohanan, ang Salah ay pumipigil sa tao mula sa paggawa ng kalaswaan at kasamaan."

(Qur'an,29:45)

 

Ang Salah ay pinakamahalaga sa lahat ng itinakdang pamamaraan ng ibadah. Ito ay kinabibilangan ng paulit-ulit at pagbabalik-alaala sa Allah limang beses araw-araw. Ang ating paglilinis ng katawan (wudhu), pagpunta sa masjid, ang pagyuko(ruku), pag-upo (jalsa), ang pagpatirapa sa lupa (sujud), ang pagtayo (qiyam), ito ay sumasagisag bilang tanda ng pagsuko at pagsunod sa Diyos (Allah); ang ating pagbigkas ng mga Qur'anic verses ay mga paalala ng ating kasunduan sa Allah. Tayo ay humihingi ng Patnubay at lagi tayong nagsusumamo sa kanya upang makaiwas tayo sa parusa at sumunod sa kanyang piniling landas. Ang salah ay nagbibigay ala-ala sa Araw ng Paghuhukom, na tayo ay haharap sa ating Panginoon sa Araw na yaon upang tanggapin ang bunga ng ating gawa sa mundong ito.

 

Sa pagsasagawa ng Salah, tayo ay tumatalikod pansumandali sa ating gawain at muli ang ating isip ay nakatuon sa ating Panginoon. Maging sa pagsapit ng takipsilim, muli nating tinutupad ang pananagutan sa Kanya at binibigyang buhay ang ating pananampalataya at pananalig. Dahil sa dalas at oras na ginugugol sa Salah, hindi natin nalilimutan ang tunay na layunin ng buhay, ang manatiling isang tunay at tapat na alipin ng ating Tagapaglikha. Ang Salah ay siyang paraan upang maging matatag ang haligi ng ating Iman (pananampalataya) at ito ay isang paghahanda sa buhay na may layon ng kabutihan at pagtalima sa Allah. At dahil sa palagiang Salah, umuusbong sa ating sarili ang katapatan, makahulugang buhay, kalinisan ng puso, katatagan ng kaluluwa at pagkakaroon ng dangal at moral.

 

 

ANG PANANAGUTAN

 

Tayong mga Muslim ay nagsasagawa ng paglilinis sa katawan (wudhu) ayon sa pamamaraan ni Propeta Muhammad (snk) at tayo ay nagdarasal ayon sa kanyang aral at kautusan. Bakit natin ginagawa ito? Sapagkat tayo ay naniniwala kay Propeta Muhammad (snk) bilang Tunay na Sugo ng Allah at tayo ay napag-uutusan na ang pagsunod kay Propeta Muhammad (snk) ay pagsunod sa Allah. Tayo ay bumibigkas ng mga ayat (talata) ng Qur'an sa paraang mahusay at maayos. Bakit natin ginagawa ito? Sapagkat mayroon tayong matibay na pananampalataya na ang Allah ay nakakakita sa lahat ng ating kilos at galaw. Bakit tayo nagdarasal sa itinakdang oras bagamat wala namang tao ang pumupuna sa atin kung tayo ay nagdarasal o hindi? Sapagkat tayo ay may pananalig at pananampalataya na ang Allah ay lagi at tuwina ay nakamasid sa lahat ng kanyang nilikha. Bakit tayo tumitigil pansumandali sa ating mga gawain at trabaho? Bakit tayo gumigising sa madaling araw at iniiwan ang higaan, bakit tayo pumunta sa masjid kahit sa panahon ng taglamig o tag-init? Walang ibang dahilan kundi dahil sa tayo ay mayroong pagpapahalaga sa tungkulin at pananagutan sa Allah- isang pananagutan na nagbibigay paalala na dapat nating tuparin ang ating tungkulin sa Panginoon anuman ang ating kalagayan sa buhay.

 

Bakit tayo natatakot kung tayo ay nagkamali sa pagdarasal? Sapagkat ang ating puso ay tigib ng takot sa Allah (Diyos) kalakip ng pagmamahal natin sa Kanya at alam natin na tayo ay haharap sa Kanya sa Araw ng Paghuhukom. Mayroon pa bang ibang paraan maliban sa Salah na siyang gumigising sa ating damdamin?

 

 

SALAH

Ang Tatak ng Pananampalataya

 

Ang Salah ay siyang unang palatandaan ng pagkakaroon ng pananampalataya. Pagkaraan na ang isang tao ay nagpahayag ng Shahada (Laa ilaaha illallah Muhammadur Rasulullah) ang unang bagay na binibigyan ng pagpapahalaga ay ang pagsasagawa ng Salah. Isang pagpapatunay sa katotohanan na kung ang isang tao ay may pananampalataya, at naniniwala na siya ay isa lamang alipin ng Allah at ang Allah lamang ang tanging Panginoon, ang paniniwalang ito ay nabibigyan ng tunay na kahulugan sa pamamagitan ng Salah. Sa Banal na Qur'an, ang Salah ay binanggit kasunod ng pananampalataya.

 

"Tunay na yaong mga nananampalataya at gumagawa ng kabutihan at nagsasagawa ng Salah."

[Qur'an, 2:277]

 

Ito ay nagpapahiwatig sa katotohanan na kung ang punla ng pananampalataya ay itatanim sa puso, ang unang usbong na lumilitaw ay ang Salah. Ang Salah ay hindi lamang unang palatandaan ng pananampalataya, kundi sa katotohanang itong Salah ang siyang makatuwirang nagiging bunga ng pananampalataya. Kapag ang puso ay nagkaroon ng pananampalataya, ang kaisipan ng tao ay nakakaramdam ng isang pagnanasang sumuko at sumunod sa Allah. Ang Salah ang siyang malalim na simbuyo ng pagkilala sa Diyos na naipapahayag lamang sa pamamagitan nito. Kaya ang Propeta  Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang pagitan ng pananampalataya at kawalan ng pananampalataya ay ang Salah" [Muslim]

 

Sa isang Hadith ni Propeta Muhammad (snk), siya ay nagsabi:

 

"Ang isang bagay na kinaiiba natin mula sa mga mapagkunwaring muslim ay ang ating Salah."

[An-Nasaai]

 

Dito sa nabanggit na Hadith ni Propeta Muhammad (snk) nangangahulugan na kahit ang isang tao ay ipinanganak na muslim, ang mga magulang ay muslim, hindi ito sapat upang siya ay ituring na isang muslim sa tunay na kahulugan nito maliban kung siya ay nakatutupad sa aral ni Propeta Muhammad (snk). Ang Islam ay hindi namamana bagkus ang Islam ay nakukuha sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapaunlad ng pananampalataya. Kahit na ang isang tao ay may pangalang Abdullah o siya ay arabo at kung siya naman ay hindi nagsasalah, ano ang pagkakaiba niya sa isang kafir (walang pananampalataya)?

 

Kaya ang Salah ay tunay na nagsisilbing tatak ng mananampalataya. Ang Salah ay mahalaga sa pananampalataya katulad din ng puso na mahalaga sa katawan ng tao. Kung ang puso ay may sigla, init at lakas, ang daloy ng dugo ay patuloy na pumapasok sa ibang bahagi ng katawan kaya napapanatiling buhay ito at masigla. Ngunit kung ang salah ay hindi naisasagawa, ang pagpapatupad at pagsunod sa ibang batas ng Allah, ay hindi rin naisasakatuparan. Kaya ang salah ay isang bagay na nagpapanatili at nangangalaga sa pananampalataya ng tao. Ito ay tumatayo bilang haligi ng kabanalan.

 

 

SALAH

 Ang Pag-Ala-ala sa Diyos

 

Bagamat, ang Zakat, Hajj, at pag-aayuno (Sawm) ay isinasaalang-alang bilang haligi ng Islam, ang Salah ay mayroong natatanging kahalagahan bilang Haligi ng Islam. Ito ay nagsasaad ng kabuuan ng Pananampalataya. Maaaring maitanong kung bakit ito ang kabuuan ng Pananampalataya. Ang Qur'an ay nagbigay ng kasagutan nito:

 

"Magsagawa ng Salah para sa pag-aalaala sa Akin." [Qur'an, 20:14]

 

"Magpatirapa at humayong lumapit sa Allah" [Qur'an, 96:19]

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang tao ay napakalapit sa Allah sa oras ng kanyang pagpapatirapa sa lupa." (Muslim)

 

Upang maalala ang Allah, mapalapit sa Kanya at makausap Siya-ito ay sa pamamagitan ng Salah. Mayroon pa bang hihigit na bagay na maaaring isaalang-alang bilang diwa ng Pananampalataya at pagsuko maliban sa Salah? Bawat galaw na ginagawa para sa pagsamba sa Allah ay bunga ng malalim na pananampalataya. Ngunit ang ugat ng pananampalataya ay kumukuha ng lakas at sigla sa pag-ala-ala sa Allah o pag-gunita sa Allah. Kung ang puso ng tao ay walang pag-ala-ala sa Allah, ang pananampalataya ay hindi mananatili sa sarili sapagkat ang kabanalan, pagkatakot at pagmamahal sa Allah ay hindi katatagpuan sa isang walang pananampalataya. Ang kabanalan ay umuusbong lamang sa isang taong may pananampalataya na may lakip na sigla at lakas na kung saan nagmumula sa pamamagitan ng pag-ala-ala sa Allah (dhikr). Ang pag-alaala sa Allah ang siyang daluyan ng lahat ng kabutihan sapagkat ang pinakadakilang gawa ay nasa pag-alaala sa Allah. Kayat ang kabanalan at pagsamba sa Allah ay nakasalalay sa Salah. Ang Qur'an ay nagsabi:

 

"Alalahanin ang Allah habang nakatayo, nakaupo at nakasandig." [Qur'an, 4:103]

 

"Tunay na sa pagkakalikha ng mga kalangitan at ng kalupaan at sa pagpapalitan ng gabi at araw ay mga tanda (ng Kanyang Kapamahalaan) para doon sa mga taong may pang-unawa na inaalaala ang Allah, nakatayo, nakaupo at nakasandig at pinagbubulay-bulayan ang pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, na nagsasabi: O, Panginoon hindi Mo ito nilikha ng walang kadahilanan." [Qur'an 3:190-191]

 

 

SALAH

Ang Pagkain ng Kaluluwa

 

Ang katawan ng tao ay may dalawang bahagi. Ito ay ang pisikal na bahagi at ang ispirituwal na bahagi ng katawan. Ang dalawang bahagi ng katawang ito ay kapwa nangangailangan ng pagkain upang manatiling malakas. Ang pisikal na bahagi ay pinakakain sa pamamagitan ng kanin, tubig o karne at mga bagay upang maging malusog ito. Sa kabilang dako, ang ispirituwal na bahagi ay nangangailangan din ng pagkain upang manatiling malusog at malayo sa sakit ng pagkakasala. Ang pagkain nito ay ang Salah. Ang pisikal na bahagi ay dapat maging malinis kaya ang tao ay nararapat  maligo sa pamamagitan ng tubig. Ang ispirituwal na bahagi ay kailangan ding malinis at ang panlinis sa dumi ng ispirituwal na bahagi ay ang pagsasagawa ng Salah.

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sabihin mo sa akin, kung may isang ilog sa tabi ng inyong pintuan at doon kayo ay naghuhugas (naglilinis) ng limang ulit maghapon, mayroon pa kayang matitirang dumi? Nang marinig ni Propeta Muhammad (snk) na may nagsabing "walang matitira", Siya ay nagsabing muli na "Iyan ay katulad ng limang ulit na pagsasagawa ng salah na kung saan tinatanggal ng Allah ang mga Kasalanan." [Bukhari & Muslim]

 

Si Abu Dhaar ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang Muslim na nagsasagawa ng Salah ng dahil sa Allah, ang kanyang mga kasalanan ay nalalaglag katulad ng mga dahon na nalalaglag mula sa (sanga ng) punong kahoy." [Ahmad]

 

 

SALAH

Saksi sa Araw ng Paghuhukom

 

Dahil ang kamatayan ng tao ay dumarating sa anumang takdang panahon, si Propeta Muhammad (snk) ay nagbigay aral sa lahat na:

 

"Ituring ang inyong pagsasalah bilang inyong huling Salah." [Ibn Majah & Ahmad]

 

Kung ang kamatayan ay laging nasa ating isip, tayo ay laging nakapagsasagawa ng Salah ng buong taimtim at buong puso. Sa Araw ng Paghuhukom ang unang tungkulin na ating pananagutan ay ang ating Salah. Ayon kay Abdullah bin Amr, si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi na:

 

"Sinoman ang palagiang nagsasagawa ng Salah, ang kanyang mukha ay magliliwanag, ito ang saksi sa katatagan ng kanyang pananampalataya, ito ang dahilan ng kanyang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. At sinoman ang magpabaya ng kanyang salah, hindi niya makakamit ang liwanag, o ang katatagan ng pananampalataya o ang daan ng kaligtasan. At ang kasamahan niya ay sina Paraon, Haman at Qaroon at si Ubay bin Kalaf." [Bukhari]

 

 

ADHAN

Unang Tawag ng Salah

 

Kapag narinig nating ang Adhan,upang maghanda sa pagsasagawa ng Salah, agad nating narinig ang Ash-hadu an lah ilaaha illallah.(Wala nang ibang diyos maliban sa Allah). Ito ay nangangahulugan na tayo ay inaanyayahan na sumaksi sa isang dakilang bagay , isang dakilang bagay na ang kahulugan at kahalagahan ay higit pa sa anumang yaman na maaaring angkinin ng isang tao. Ito ang pagpapahayag at pagsaksi na wala nang ibang dapat sambahin maliban sa ating Panginoong Tagapaglikha. Tayo ay inaatasang sumaksi sa likas na  katotohanan.

 

Ang Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi na:

 

"Sinoman ang nagpahayag (ng buong puso at tapat) na walang ibang diyos maliban sa Allah, siya ay makapapasok sa Paraiso." [At-Tirmidhi]

 

 Kaya sa limang ulit maghapon, tayo ay paulit-ulit na sumasaksi sa Makapangyarihang Allah. Ito ang nagpapaalala sa ating na tayo ay nilikha ng Allah bilang kanyang mga alipin. Na tayo ay dapat tumupad sa kasunduan, isang kasunduang umuugnay sa pagiging Alipin natin at ang Allah bilang ating Panginoon. Kaya sa Adhan pa lamang naroon na ang pagpapala ng Allah sa mga taong may pananampalataya.

 

 

WUDHU

  Ang Paglilinis ng Katawan

 

Ang Wudhu ay isang pamamaraan ng paglilinis at pagpapakadalisay sa ilang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng malinis na tubig. Ito ay isang patakaran bago mag-alay ng salah. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Walang salah (na tatanggapin ng Allah) para doon sa mga hindi nagsasagawa ng Wudhu." [Ahmed]

 

Ang Wudhu ay isang katangian ng Muslim Ummah na siyang palatandaan upang makilala sila sa Araw ng Paghuhukom, katulad ng Hadith ni Propeta Muhammad (snk) na nagsabi:

 

"Sa Araw ng Pagbabangong Muli, ang aking tagasunod ay tatawagin (makikilala) mula sa mga bakas ng wudhu." [Bukhari]

 

 

ANG PAMAMARAAN ng WUDHU ni Propeta Muhammad (snk)

 

Maraming Hadith ang nagbibigay paliwanag kung paaano isinasagawa ni Propeta Muhammad (snk) ang wudhu. Ang pinakamaliwanag ay yaong isinalaysay ni Humran, isang alipin ni Uthman bin Affan na nagsabi ng ganito:

 

"Nakita ko si Uthman bin Affan na humingi ng isang timbang tubig (at ng ibigay sa kanya) nagbuhos siya ng tubig sa kanyang kanang kamay at hinugasan ang mga kamay niya ng tatlong beses, pagkaraan, isinahod niya ang kanyang kanang kamay at iminumog niya sa kanyang bibig, nilinis niya ang kanyang ilong sa pamamagitan ng pagsinghot ng tubig at saka isiningha. Pagkatapos, ay hinugasan niya ang kanyang mukha at braso hanggang lagpas siko ng tatlong beses, hinaplos ng basang kamay ang kanyang ulo at hinugasan ang mga paa hanggang lagpas bukong-bukong ng tatlong beses. At pagkatapos siya ay nagsabi:"Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: "Kung sinoman ang nagsagawa ng wudhu katulad nang sa akin at nag-alay ng dalawang rak'at habang wala siyang iniisip na anupaman (tungkol sa kasalukuyang pagsasagawa ng salah), ang kanyang mga nagdaang kasalanan ay napapatawad."

 

Pagkaraan ng pagsasagawa ng Wudhu, si Uthman ay nagsabi: Ako ay magsasalaysay sa inyo ng Hadith na hindi ko pa nasasabi sa inyo, kung hindi lamang ako napipilitan ng dahil sa isang bersikulo sa Qur'an (nagsalaysay si Urwa na nagsabi): Ang bersikulong ito ay "

 

Katotohanan, ang mga naglihim ng mga maliwanag na palatandaan at patnubay na Aming ipinadala, at ang patnubay pagkaraan na Aming binigyang liwanag para sa napagkalooban ng Kasulatan, ang mga iyon ang isinusumpa ng Allah at ang isinumpa ng mga nararapat nanunumpa." [Qur'an, II:159]

 

Narinig ko si Propeta Muhammad (snk) na nagsabi:

 

"Ang sinoman ang nagsagawa ng pinakamahusay na wuhdu at pagkaraan ay nagsagawa ng sama-samang salah (congregational), pinatatawad ng Allah ang kanyang mga kasalanan na ginawa niya sa pagitan ng kasalukuyang salah at ng sumusunod na salah." [Bukhari]

 

 

WUDHU

ANG MAGAGANDANG BUNGA NITO.

 

Bagamat, ang wudhu ay isang panimulang patakaran ng Salah, ito ay itinuturing na isang uri ng pagsamba (ibadah) na mayroong sariling kabutihan at gantimpala. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Kapag ang isang Muslim ay nagsagawa ng wudhu at nagmumog ng kanyang bibig, ang kanyang kasalanan mula rito ay nalalaglag. Kapag hinugasan niya ang kanyang mukha, ang kanyang kasalanan ay nalalaglag mula rito hanggang ito ay malaglag sa ilalim ng kanyang pilik-mata. Kapag hinugasan niya ang kanyang mga kamay, ang mga kasalanan niya ay nalalaglag hanggang ito ay malaglag sa ilalim ng kanyang mga kuko (sa daliri). Kapag hinaplos niya ang kanyang ulo, ang kanyang kasalanan ay nalalaglag hanggang malaglag ito sa kanyang taynga. Kapag hinugasan niya ang kanyang mga paa, ang kanyang mga kasalanan ay nalalaglag mula sa mga ito haggang malaglag ang mga ito sa ilalim ng kanyang mga kuko (sa paa)" (Malik-An Nasa'i) Sa ibang pagsasalaysay "Hanggang siya ay ganap na naging malinis (at dalisay) mula sa kanyang mga kasalanan." [Muslim]

 

 

 WUDHU

 ANG  MAHAHALAGANG BAGAY KAUGNAY NITO

 

1.      Bago magsimula ng pagsasagawa ng Wudhu, kailangang banggitin ang Pangalan ng Allah sa pamamagitan ng :  Bismillah

 

2.      Ang mga lalake ay dapat basain ang kanilang mga balbas, kapag naghuhugas ng kanilang mga mukha.

 

3.      Hugasan at linisin ang mga pagitan ng mga daliri (sa kamay at paa).

 

4.      Tiyakin na ang mga buong bahagi ng paa ay hinugasan lalo na yaong sakong at bukong-bukong sapagkat ang Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi :"Sumpa sa mga sakong mula sa Impierno" (pinagtibay)

 

5.      Pinahihintulutan sa isang nakamedyas, pagkaraan na maghugas ng kanyang mga paa sa nakaraang wudhu, na haplusin na lamang ito, mula sa isang araw at isang gabi para sa hindi naglalakbay at para naman sa mga naglalakbay pinahihintulutan na panatiliin ang medyas ng tatlong araw at gabi.

 

6.      Pinahihintulutan para sa mga babae na haplusin ang kanilang takip sa ulo (khimar) kaysa alisin ito, subalit kailangang ito ay nakabalot sa kanilang leeg.

 

7.      Kung ang isang bahagi ng katawan ay nakabenda, sapat na haplusin lamang ito.

 

8.      Maraming salaysay tungkol sa wudhu na sinabi ni Propeta Muhammad (snk), at ang isa ay nagsasabi na:

 

"Sinoman ang nagsagawa ng mahusay na wudhu at pagkaraan ay nagsabi' "Ash-hadu an la ilaha illallah, wahdahu la sharika lahu, wa ash-hadu anna Muhammadar Rasulullah (Ako ay sumasaksi na walang ibang diyos maliban sa Allah, na Siya ay walang kaagapay o katambal at si Muhammad ay Kanyang Alipin at Sugo) walong pintuan ng Paraiso ang ibubukas para sa kanya at makakapasok siya sa alinmang pintuan nito na kanyang naisin" [Muslim]

 

Sa paghahanda ng Salah, pansumandali nating iniiwan ang ating mga gawain o negosyo. Tayo ay naglilinis ng ating pangangatawan sapagkat tayo ay haharap sa ating Dakilang Maykapal. Ang paglilinis na ito ay sumasagisag bilang paggalang at pagdakila sa Kanya. Ito ay isang bagay na nagpapakita ng malinis na hangarin, isang hangaring may layong bigyang kasiyahan ang Allah. Kung ang kawanggawa ay karapatan ng tao sa kapwa tao, ang Salah ay karapatan ng Allah sa tao. Likas sa tao na kapag siya ay humaharap sa isang kilalang tao (presidente kaya o marangal na tao) ang kanyang paghahanda ng sarili ay isinasagawa upang siya ay tumanggap ng magagandang pamumuna at hindi siya kahiya-hiya. Naglalagay ng pabango, malinis ang damit, maayos ang buhok, malinis ang lahat ng bahagi ng pangangatawan. Kung itong mga bagay na ito ay ginagawa natin sa pakikitungo at pakikiharap sa kapwa tao, hindi ba nararapat din na higit nating bigyan ng kaayusan ang ating sarili sa pagharap sa ating Dakilang Tagapaglikha? Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinuman ang naglilinis ng kanyang sarili (wudhu) at pagkaraan ay nagtungo sa masjid upang magsagawa ng kanyang tungkulin sa Allah (mag-alay ng salah), ang isang hakbang niya patungo sa masjid ay nakapag-aalis ng kasalanan at ang ibang hakbang niya ay nakapagpapataas ng kanyang katayuan". [Muslim]

 

 

ANG PATAKARAN SA PAGSASAGAWA NG WUDHU

 

1.      Islam.(nararapat na siya ay Muslim)

 

2.      Wasto at Tamang kaisipan

 

3.      Wasto at Tamang Gulang

 

4.      Ang Niyyat (Intensiyon) (ang isang Muslim ay hindi dapat na magkaroon ng intensiyon na ihinto ang pag-wudhu)

 

5.      Ang pagsasagawa (ang isang Muslim ay hindi dapat na magkaroon ng intensiyon na ihinto ang pag-wudhu).

 

6.      Kung nagsagawa ng istinja' (paglinis ng mga pribadong bahagi sa pamamagitan ng tubig) o ng bato, papel, dahon (istijmar) bago magsagawa ng wudhu.

 

7.      Ang tubig ay kailangang malinis at mubah (hindi dapat nakaw o kinuha ng sapilitan)

 

8.      Ang mga nawalan ng bisa ng wudhu ng dahil sa pag-ihi, paglabas ng hangin o anumang dahilan ng nakasisira ng wudhu ay nararapat na magsagawa nito bago magsalah.

 

 

ANG MGA BAGAY NA NAGPAPAWALANG BISA NG WUDHU

 

1.        Ang pag-ihi, paglabas ng hangin, at pagdumi.

 

2.        Anumang maruming bagay na sobrang lumabas sa katawan.

 

3.        Ang pag-alis ng kamalayan ng dahil sa pagtulog, pagkawala ng ulirat.

 

4.        Pagkain ng Karne ng Kamelyo (sapagkat iniutos ito ni Propeta Muhammad

 

5.        Ang pagtalikod (paglisan) sa Islam.

 

6.        Ang paghawak sa pribadong bahagi ng Katawan (na walang takip o pang-ibabaw na damit.)

 

 

MASJID

 Ang Pook Dalanginan

 

Sa pagpasok ng Masjid, ang isang mananampalataya ay walang nakikitang larawan, imahen, istatuwa o anumang bagay na maaaring makagambala sa kanyang pagdarasal. Ang kanyang isip ay mapayapang nakatuon sa paglilingkod sa Allah. Ang masjid ay isang pook na simpleng itinatayo upang magsilbing dalanginan ng tao. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ipahayag ang isang magandang balita ng isang makislap na liwanag sa Araw ng Paghuhukom para doon sa mga taong pumupunta sa Masjid kahit sa dilim na gabi (upang magsagawa ng sama-samang salah (congregational)" Abu Daud & Tirmidhi.

 

 

ANG KAHALAGAHAN ng KONGREGASYUNAL na (Sama-Samang) PAGSASALAH.

 

1.     Ang Makalayuning Pagtitipon.

 

Ang sama-samang pagsasagawa ng salah ay isang makalayuning pagtitipon ng lahat ng Alipin ng Diyos. Ito ay paglalarawan ng isang "ummah" o grupo na may iisang layunin lamang. Isang Pananampalataya sa isang Diyos, Isang Aklat na Patnubay. Isang damdaming pagkakapatiran. Ang kanilang buhay ay magkakaugnay at ang kanilang damdamin ay nagkakaisa. Sila ay magkakapatid sa Pananampalataya. Sila ay tumatayong sama-sama, magkakadikit ang mga balikat, yumuyukod ng sabay-sabay, nagpapatirapa ng buong ingat at taimtim. Bagamat sila ay magkakaibang tribo o lahi, may mayaman at mahirap, may itim at puti, sila ay nagpapahiwatig ng isang uri ng pagkamamamayan.

 

2.     Ang Pagmamahal sa Kapatid

 

At dahil sa sama-samang salah, ang mga muslim ay napapaunlad nila ang kanilang mga ugnayan maging panlipunan o pansarili. Kapag  nakikita ng isang muslim ang kanyang kapatid na may lungkot ang mukha, maaari niya itong lapitan upang tanungin at tulungan kung anuman ang dahilan ng kanyang kalungkutan. Kung may isang muslim na nakakakita ng kanyang kapatid na may kapansanan, ito ay maaari niyang lapitan at tulungan. Kapag mayroong mayamang kapatid na kasama sa sama-samang salah, siya rin ay nararapat na nakahandang tumulong o magbigay tulong sa kapatid niyang nangangailangan. Ito ang magandang dahilan kung bakit ang sama-sama pagsasalah (congregational) ay isang itinakdang batas.

 

Si Propeta Muhammad (snk) ayon kay Ibn Umar ay nagsabi:

 

"Ang pagsasagawa ng Salah (congregational salah) ay (27) dalawamput pitong higit na mabuti kaysa sa pagsasagawa ng Salah sa bahay o tindahan." (Ahmad & Bukhari)

 

Maging si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang pagsasagawa ng Salah (congregational salah) ay (25) dalawamput limang higit (na mabuti) kaysa sa pagsasagawa ng salah sa bahay." (Muslim)

 

Tunay nga na maraming pagpapala ang matatamo ng isang taong nagsasagawa ng salah sa masjid sapagkat bawat hakbang na nilakad tungo sa masjid ay mayroong gantimpala, ang mga kasalanan ay naaalis, ang mga anghel ay nagsusumamo sa Allah na bigyan ng pagpapala at kapatawaran ang isang taong nagsasagawa ng salah sa masjid at higit sa lahat ang kanyang panahong ginugol sa paghihintay sa masjid ay itinuturing bilang gawaing pagsasalah. Kaya sa isang pagkakataon, si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Kung alam lamang nila (mga mapagkunwaring muslim) ang kabutihan ng Fajr (salah) at pang-gabing salah, katotohanang sila ay sasama (sa congregational salah) kahit sila ay magtungo sa masjid na gumagapang." Bukhari & Muslim.

 

 

SALAH

 Ang Pamamaraan ni Propeta Muhammad(snk)

 

 

Ang maikling pagpapaliwanag tungkol sa pamamaraan ni Propeta Muhammad (snk) ay hango sa panulat ni Sheikh Abdul Aziz Bin Abdullah Bin Baz. Bawat muslim, lalaki o babae ay nararapat na sundin ang pamamaraan ng pagsasagawa ng Salah ni Propeta Muhammad (snk) sapagkat siya ay nagsabi:

 

"Magsagawa ng Salah sa pamamaraang katulad ng pagsasagawa ko ng Salah." (Bukhari)

 

Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng Salah ni Propeta Muhammad (snk) ay isinalaysay sa ganitong paglalarawan:

 

1.  Ang isang taong may hangaring magsagawa ng Salah ay nararapat magsagawa ng mahusay at maayos na wudhu katulad ng kautusan ng Allah sa Banal na Qur’an na nagsasabi:

 

"O kayong nananampalataya, kung kayo ay maghahanda para sa Salah, hugasan ang mukha, at ang inyong mga braso hanggang siko, haplusin ang inyong mga ulo (ng basang kamay) at hugasan ang inyong mga paa hanggang bukong-bukong" [Qur’an, V:6].

 

2.  Ang isang nagsasalah ay nararapat na nakaharap tungo sa Kabah. Kailangang sa kanyang isipan ay mayroon siyang hangarin o intensiyon na magsagawa ng partikular na salah, maging ito ay Fardh (itinakdang tungkulin) o Sunnah (kusang loob). Ang intensiyon ay hindi dapat ipahayag ng malakas. Ito ay sa kalooban lamang ng isang naghahangad magdasal. Ang isa o grupo (na may imam) na nagdarasal ay nararapat maglagay ng harang sa kanyang/kanilang harapan upang hindi siya/sila gambalain ng mga taong nagdaraan. Ang pagharap sa Qibla ay isa sa mahalagang patakaran ng Salah, maliban na lamang sa ibang pagkakataon na hindi maiwasan.

 

3.  Ang salah ay sinisimulan sa pamamagitan ng Takbir "Allahu Akbar" (Ang Allah ay Dakila) at ang mga mata ay nararapat na nakatingin at nakatuon sa lugar ng pagpapatirapaan.

 

4.          Sa pagpapahayag ng Takbir (Allahu Akbar), kailangang itaas niya ang kanyang dalawang kamay kapantay ng kanyang taynga at lagpas balikat.

 

5.   Pagkatapos, ang dalawa niyang kamay ay nararapat na nasa kanyang dibdib. Ang kanang kamay ay nakapatong sa kaliwa, nakadikit sa mismong pulso at braso katulad ng pagsasalaysay na nagmula kay Propeta Muhammad (snk).

 

6.  Pagkaraan ng Takbir (Allahu Akbar), ito ay sunnah na sinisimulan ang paunang (panalangin) du'a ng ganito:

 

"Allahumma Baa'id baynee wa bayna Khataayaaya kamaa baa'adta baynal Mashriqi wal-Maghrib." (O, Allah, ilayo mo ako sa aking mga kasalanan katulad ng pagkakalayo ng kanluran at silangan.) "Allahumma naqqinee min khataayaaya kamaa yunaqqath-thawbul-abyadu minal-danas." (O, Allah, linisin mo ang aking mga kasalanan katulad ng puting tela na malinis mula sa karumihan.) "Allahummagh-silnee min khataayaaya bil-maa'i wath-thalji wal-bard." (O, Allah, hugasan mo ang aking mga kasalanan sa pamamagitan ng tubig, yelo at hamog.")

 

Marami ding iba't-ibang mga du'a ang ginagamit ni Propeta Muhammad (snk) na maaaring gawing panimulang panalangin. Pagkaraan ng panimulang 'dua', ito ay sinusundan ng:

 

"Ao'udhu Billahi Min Al-Shaitanir Rajeem" (Ako ay nagpapakupkup sa Allah laban sa isinumpang satanas),

 

At bigkasin ang:

 

"Bismillahir-Rahmanir-Rahim" (Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Maawain).

 

Kasunod nito ang panimulang kabanata ng Banal na Qur'an, ang surah AL-FATIHA.[2] Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinoman ang hindi bumigkas ng Al-Fatiha, ay hindi nagsagawa ng Salah."

 

Pagkatapos ng Al Fatiha, bumigkas din ng mga piniling talata o bersikulo ng Banal na Qur'an. Ayon sa Hadith ni Propeta Muhammad (snk), mas mabuting binibigkas sa Salatul-Duhur, Asr At Isha, ang mga katamtamang haba ng mga bersikulo ng Banal na Qur'an, sa Salatul Fajr, mas mabuti ang mga mahahabang bersikulo, at sa maghrib, yaong mga maiikli lamang.

 

1.        Kung tapos na ang pagbigkas ng mga bersikulo ng Qur'an, kasunod nito ay ang ruku'a, itinataas ang mga kamay kapantay ng taynga at yumuko. Ang mga daliri ng kamay ay nakahawak sa tuhod. At sa ganitong kalagayan, binibigkas niya ang pagpuri sa Allah:

 

"Subhana Rabbi Al Azeem" (Luwalhati sa Aking Panginoon, Ang Dakilang Makapangyarihan). Ito ay binibigkas ng tatlong beses. Mas maganda kung idagdag pa ang ganitong papuri. "Sub'hanak Allahuma wa Bi Hamdik" (Luwalhati sa Iyo O Allah, Purihin Ka, O Allah,)

 

2.        Itaas ang ulo at tumayo ng matuwid kasabay ng pagtaas ng dalawang kamay kapantay ng taynga at sabihin:

 

"Sami' Allahu Liman Hamidah" (Dinidinig ng Allah ang sinomang Pumupuri sa Kanya).

 

Sa nakatayong posisyon, maganda ring bigkasin bilang karagdagan ang:

 

"Hamdan Kathiran Tayyiban Mubarakan" (Pagpupuring lubos (marami), mabuti at pinagpala).

 

Ang mga Muslim na nagdarasal sa likod ng Imam ay dapat ding magsabi habang nasa posisyong ruku ng:

 

"Rabanna lak-Al Hamd"(O Aming Panginoon, Luwalhati Sa Iyo.)

 

3.        Habang siya ay nakatindig o nakatayo, sabihin niya ang "Allahu Akbar" at magpatirapa. Sa posisyong (sujud) nakapatirapa, bigkasin ang:

 

Sub'hana Rabbi Al-A'la (Luwalhati sa Aking Panginoon, Ang Kataas-taasan).

 

Ito ay inuulit ng tatlong beses. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi na sa posisyong ruku'a, luwalhatiin ang Diyos at sa posisyong sujud (nakapatirapa) magsumamo ng pinakamahusay at hilingin ang anumang nais. Samakatuwid, nararapat na humingi ng pagpapala dito sa mundo at sa kabilang buhay mula sa Allah. Sa posisyong nakapatirapa, ang mga braso ay hindi dapat nakadikit sa gilid ng katawan at ang mga hita ay hindi rin nakadikit sa tiyan. Ang mga hita ay dapat na manatiling magkahiwalay mula sa mga binti at ang mga braso ay nakataas sa lupa. Ang mga braso ay hindi dapat nakasayad sa lupa. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Manatiling matuwid ang katawan sa posisyong sujud. At huwag ilapag ang mga braso sa lupa na parang mga aso."

 

4.        Itaas ang ulo mula sa pagkakatirapa at bigkasin ang takbir (Allahu Akbar). Sa posisyong pagkakaupo, baluktuting papasok ang kaliwang paa at upuan ito. Ang kanang paa ay kailangang nasa matuwid na posisyon. Ang mga kamay naman ay nasa mga hita. Sa ganitong posisyon, bigkasin ang:

 

"Rabbig firli, warhamni, wahdini, wajburni,warzaqni, wa'afini" (O Panginoon, Nawa'y patawarin Mo po ako, kahabagan Mo po ako, patnubayan Mo po ako, aliwin Mo po ako, ibigay ang aking pangangailangan at pagalingin Mo po ako)"

 

5.      Muli, magpatirapa sa ikalawang pagkakataon, katulad ng naunang pamamaraan.

 

6.        Habang itinataas ang ulo mula sa pagkakatirapa, sabihin ang Takbir (Allahu Akbar). Pagkaraan ng ilang minuto, mahinahong tumayo para sa ikalawang raka't. Sa ikalawalang raka't, kailangang bigkasin muli ang Al Fatiha at ang isang bersikulo mula sa Banal na Qur'an at gawin ang katulad na naunang pamamaraan.

 

7.        Sa mga salah na kinabibilangan ng dalawang rakat katulad ng Fajr, Juma, at Eid, nararapat na umupo pagkaraan ng dalawang rakat. Sa pagkakaupong posisyon, kinakailangan isagawa ang TASHAHUD na:

 

"At-tayyiyato lillahi was-salawato wa tayyibatu. As salaam alaika ayyuh-an-nabbiyu waramatullahi wa barakatuhu. As salam alayna wa ala ibadullahis-salihin. As shadu an la ilaha ill-Allah wa ashadu ana Muhammadar Rasullulah.

 

Allahumma salli ala Muhammadin wa ala ali Muhammadin. Kama salayta ala Ibrahima wa ala ali Ibrahima. Innaka Hamid-um Majid. Allahumma Barik ala Muhammadin wa ala ali Muhammadin, Kama barakta ala Ibrahima wa ala ali Ibrahima, Innaka Hamid-um Majid, Rabbana atina fi dunya hasanat wal fil akhirati hasanat waqina adha ban-nar" Na ang kahulugan ay "Lahat ng papuri, pagsamba ay nauukol lamang sa Allah. Nawa'y ang kapayapaan at ang Pagpapala ay mapasakay Propeta Muhammad at ng lahat ng kanyang tagasunod katulad ng pagpapala kay Ibrahim at sa tagasunod ni Ibrahim at sa lahat ng mabuting alipin ng Allah. Ako ay sumasaksi na wala ng ibang diyos maliban sa Allah, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at sugo. O, Aming Panginoon pagpalain mo kami dito sa daigdig at sa kabilang buhay at ilayo Mo pa kami sa Apoy (ng Impiyerno).

 

Pagkaraan nito, nararapat na humingi ng proteksiyon laban sa apat na uri ng kasamaan sa pamamagitan ng pagbigkas ng:

 

"Allahuma ini audhu bika min adhabi jahannama wa min adhabil qabr, wa min fitnatii mahyaa wal-mamati, wa min fitnatil mashidi-dajaal." (O Allah, ako ay nagsusumamo sa Iyo na iligtas Mo ako sa parusa ng Impyerno, at sa parusa ng hukay at sa pagsubok sa buhay at kamatayan at sa mapanlinlang na Al-Mashid-Dajal). Maaaring magsabi pa ng karagdagang panalangin upang humingi ng kasaganaan dito sa lupa at maging sa kabilang buhay. Pagkatapos ng mga panalangin, ibaling ang mukha sa kanan at bigkasin ang "As Salamu alaikum wa rahmatullah" (Nawa'y ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah ay mapasainyo).

 

8.        Kung ang salah ay binubuo ng tatlo o apat na raka't katulad ng maghrib, duhur, asr at isha, pagkaraan ng ikalawang raka't, ang unang kalahating bahagi ng tashahud (hanggang sa Muhammadur Rasulullah) ay binibigkas bago tumayong muli para sa susunod na raka't. Sa ikatlo at ika-apat na raka't, huwag magbasa ng anumang bersikulo ng Banal na Qur'an pagkatapos bigkasin ang Al Fatiha. Sa huling raka't ang buong bahagi ng tashahud ay binibigkas.

 

9.        Pagkaraan ng Salam, sabihin ang:

 

Astagfirullah Al Azeem (O Allah, Ang Dakila, Patawarin Mo ako) tatlong beses at sinusundan ito ng " Allahumma antas salam, wa minkas salam, Tabaraakta yadhal jalali wal ikram" (O Allah, Ikaw ang Kapayapaan, at ang kapayapaan ay nagmumula sa Iyo, Ikaw ang Mapagpala. Ikaw ang Panginoon ng Kadakilaan at Karangalan).

 

Pagkaraan nito, ang Imam ay haharap sa mga nagdarasal at patuloy na nagsasabi ng:

 

"Laa Ilaha illalah, wadhu la sharika la, lahu- Al mulku, walahul Hamdu, wa huwa alla kulli shain qadir" (Walang ibang diyos maliban sa Allah, Siya ay walang kaagapay, Sa Kanyang ang pagmamay-ari ng lahat ng kapamahalaan at kapurihan, at Siya ang nakapangyayari sa lahat ng bagay."

 

10.    Isa ring mahalagang Sunnah ni Propeta Muhammad (snk) ay ang pagsabi ng "Sub'hanallah" , "Al Hamdulillah", at "Allahu Akbar" ng tig-tatatlumpu't tatlong (33) beses at upang maging kabuuang isang daan, ito ay dinaragdagan ng isang "Laa ilaaha ilallah."

 

11.    Pinagpapayuhan din ang mga Muslim na magsagawa ng mga nafl salah (kusang -loob na salah) na magsagawa ng apat na raka't bago magdasal ng Duhur at dalawang raka't pagkatapos nito, dalawang raka't pagkatapos ng maghrib at isha, at dalawang raka't bago ang salatul Fajr. Ang mga kusang loob na salah ay tinatawag ding Rawatib (voluntary prayers) sapagkat si Propeta Muhammad (snk) ay palagiang ginagawa ito. At kung siya ay naglalakbay, wala siyang ginagawang rawatib maliban sa dalawang rakat ng Fajr at ang witr (sa gabi).

 

 

ANG PATAKARAN NG PAGSASAGAWA NG SALAH.

 

1. Islam (Nararapat na siya ay Muslim).

2. Wastong kaisipan

3. Wastong Gulang

4. Wudhu

5. Kalinisin sa Katawan, Pananamit, Kapaligiran     ng Pagsasagawa ng Salah.

6. Kaayusan ng pananamit.

7. Katapatan ng Intensiyon ng pagsasagawa ng    Salah.

8. Nasa Direksiyon ng Qibla.

9. Nasa Tamang Oras ng Salah.

 

 

ANG MGA BAGAY NA NAGPAPAWALANG-BISA NG SALAH

 

Alinmang Salah ay nawawalan ng bisa o kabuluhan kapag ang mga sumusunod na bagay ay nagawa:

 

1. Ang sinasadyang pagsasalita.

2. Ang Pagtawa.

3. Ang Pagkain habang Nagsa-salah.

4. Ang Pag-inom

5. Ang Pag-alis ng mga takip ng mga bahagi ng katawan na hindi pinahihintulutan na alisin habang nagsa-salah.

 

6. Sobrang paglihis sa direksiyon ng Qibla.

7. Sobrang paggalaw na wala sa tamang kaayusan.

8. Ang pagkawalang bisa ng Wudhu.

 

 

III-K. SAWM - Pag-aayuno

 

"O kayong Nananampalataya! Ang pag-aayuno ay itinakda sa inyo katulad ng pagkakatakda sa mga nauna (lahi) sa inyo upang kayo ay magkaroon ng takot ( sa Allah)." [Qur'an 2:183]

 

Ang pangalawang uri ng pamamaraan ng Ibadah na ginawang tungkuling itinakda ng Allah para sa muslim ay ang Sawm (Pag-aayuno). Ang Pag-aayuno ay nangangahulugan ng ganap na pag-iwas mula sa pagkain, pag-inom at pakikipagtalik sa buong maghapon. Katulad ng Salah, ito ay pinanatiling nakatakda sa Shariah (Batas) ng lahat ng mga Propeta sa kasaysayan mula sa simula pa. Ang lahat ng naunang mamamayan ay nagsasagawa ng pag-aayuno katulad ng pagsasagawa ng mga tagasunod ni Propeta Muhammad (snk). Ang Banal na Qur'an ay nagsabi:

 

"Ang pag-aayuno ay itinakda para sa inyo katulad din ng pagkakatakda sa mga nauna (mamamayan) sa inyo." [Qur'an, 2:183]

 

Sa bersikulong nabanggit, nagpapatunay na ang pag-aayuno ay itinakda ng Allah sa bawat panahon.

 

 

 BAKIT IPINAG-UUTOS ANG PAG-AAYUNO?

 

1. Ang Layuning Maglingkod sa Allah.

 

Ang tunay na layunin ng Islam ay upang gawin ang buong buhay ng tao bilang isang buhay ng ganap na pag-iibadah sa Allah. Ang tao ay isinilang na alipin ng Allah, na ang pagpapaalipin at paglilingkod ay nakatatak na sa kanyang likas na katauhan. Samakatuwid, ang tao ay hindi malaya kahit isang sandali mula sa ibadah, paglilingkod at pagpapaalipin sa Diyos, sa isip, sa salita at gawa. Sa bawat kilos at galaw niya, nararapat niyang isipin kung ano ang dapat niyang gawin upang makamtan ang kasiyahan ng kanyang Panginoon at kung anong bagay ang ikakagagalit. Kaya ang landas na dapat tahakin ay yaong landas na magbubunga ng kasiyahan ng Allah at ang mga ipinagbabawal ay nararapat na talikdan at lisanin. Kung ang buong buhay ay kaakibat ng pagpapaalipin at paglilingkod sa Allah maituturing na ang kanyang layunin na sambahin ang Allah lamang ay kanyang natupad sa buong buhay niya.

 

2. Pag-aayuno- isang nakatagong uri ng Pagsamba (ibadah).

   

Lahat ng uri o pamamaraan ng pagsamba ay isinasagawa na may panlabas na galaw ng tao maliban sa Pag-aayuno. Halimbawa, sa pagdarasal (salah) ang tao ay tumatayo, umuupo, yumuyuko at sumusubsob sa lupa na nakikita ng lahat ng tao; sa Hajj (pagdalaw sa Makkah) ang tao ay naglalakbay na kasama ang ibang muslim. Ang Zakat ay ibinibigay sa isang tao at tinatanggap ng isa ring tao. Kaya lahat ng banal na gawaing ito ay hindi maitatago. Kung ating isagawa ang mga ito, maraming tao ang makakaalam; kung hindi nating naisagawa ito, mayroon ding panahon na malalaman ng ibang tao. Ngunit ang Pag-aayuno ay hindi kailanman nakikita o nalalaman ng sino man maliban sa Allah. Ang Allah lamang ang tanging nakababatid kung ang isang tao ay tunay ngang nag-aayuno. Ang tao ay maaaring kumain ng nakatago at ang buong mundo ay nag-aakala na siya ay tunay ngang nag-aayuno ngunit sa katotohanan siya ay hindi nagsasagawa nito.

 

3. Pag-aayuno-isang Sagisag ng Lakas ng "Iman"

   

Ang pag-aayuno ay isang paraan upang makamit natin ang isang mataas na uri ng (iman) pananampalataya at bunga nito nagkakaroon tayo ng taqwa (takot sa Allah) na siyang dahilan upang tayo ay maging isang mabuting mamamayan. Ang Allah ay inilagay ang tao sa pagsubok kung gaano katatag sa pananampalataya sa Kanya. At ang pag-aayuno ay isa sa pagsubok na dapat harapin ng tao.

 

4. Pag-aayuno- isang Pagsasanay ng Pagtitiis.

  

Isa sa pinakamagandang katangian ng isang tao ay yaong marunong magtiis lalo sa panahon ng pagdarahop at kahirapan. May mga pagkakataon sa buhay natin na tayo ay nakakaranas ng pagkagutom o pagkauhaw lalo na sa panahon ng paglalakbay o kaguluhan (digmaan o kalamidad). Ang pag-aayuno ay siyang kasagutan upang ang ating katawan ay masanay at laging nakahanda sa ganitong mga pagkakataon. Kapag ang tao ay nasanay sa pag-aayuno, ang pagkauhaw at pagkagutom at maging ang kanyang pagnanasa sa tawag ng kamunduhan ay kanyang napagtitiisan. At dahil dito, ang tao ay nagiging matibay at matatag sa pag-iwas sa paggawa ng kasalanan. Kung ang isang tao ay hindi marunong magtiis, wala siyang takot na magnanakaw kung siya ay nangangailangan. Maging sa tawag ng pagnanasa sa kamunduhan, kung siya ay walang pagtitiis, madali siyang maigupo ng tukso. Kaya ang Banal ng Qur'an ay nagsabi na ang pag-aayuno ay itinakda upang tayo ay matuto ng pagpipigil sa sarili.

 

 

PAG-AAYUNO

Ang Simula at Wakas

 

 

Ang pag-aayuno ay nagsisimula kapag nasilayan o natanaw ang bagong litaw na buwan. Ang Allah ay nagpahayag:

 

"Kaya't, sinuman sa inyo ang nakasaksi (sa paglitaw ng bagong buwan sa unang gabi ng buwan) ng Ramadhan, ay mag-ayuno." [Qur'an 2:185]

 

Kung ang isang mapagkakatiwalaang muslim ay nagsabi na nakita niya ng paglitaw ang bagong buwan bawat isa ay nararapat mag-ayuno. Si Abu Hurairah ay nagsalaysay:

 

"Isang bedouin ang lumapit kay Propeta Muhammad (snk) at nagsabi "O, Propeta ng Allah, aking nasilayan ang bagong buwan ng Ramadhan." Magkagayon pa man, si Propeta Muhammad (snk) ay nagtanong sa kanya."Ikaw ba ay sumasaksi na wala ng ibang diyos maliban sa Allah?"

Ang bedouin ay sumagot: "Ako ay sumasaksi". Si Propeta Muhammad (snk) ay nagpatuloy sa pagtatanong kung siya ay sumasaksi na si Propeta Muhammad ay Sugo ng Allah. Ang bedouin ay sumang-ayon. Kayat si Propeta Muhammad (snk) ay nag-utos kay Bilal na ipahayag sa mga tao ang simula ng kanilang pag-aayuno kinabukasan.

 

Si ibn Umar ay nagsalaysay din ng ganito:

 

"Nang makita ko ito, aking ibinalita kay Propeta Muhammad (snk). Nagsimula siyang mag-ayuno at inutusan ang mga tao na magsimulang mag-ayuno."

 

Kapag ang Pamahalaang muslim ay nagpahayag ng simula ng pag-aayuno, ito ay pinagtitibay sa lahat ng muslim na kinasasakupan nito. At kung ang buwan ay hindi nasilayan ng dahil sa kalagayan ng panahon, ang mga muslim ay inuutusang tapusin ang buwan ng Sha'ban na sinusundan ng Ramadhan, bilang 30 araw o araw batay sa buwan na maaaring 29 lamang.

 

Sino ang Dapat Mag-ayuno?

 

Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan ay tungkulin ng bawat muslim. Sila ay dapat ng-aangkin ng mga sumusunod:

 

1. Malusog na pangangatawan.

2. Nasa tamang gulang at kaisipan.

 

Sino and Hindi Dapat Mag-ayuno?

 

1.      Ang mga batang wala sa tamang gulang at kaisipan.

 

2.      Ang mga taong walang tamang kaisipan.

 

3.      Ang mga taong sobrang tanda at mahina na hindi kayang pasanin ang tungkulin ng pag-aayuno.

 

4.      Mga taong maysakit na ang pag-aayuno ay maaaring magbunga ng higit pang sakit. Bagamat sila ay hindi dapat mag-ayuno, nararapat namang sila ay magpakain ng isang mahirap na muslim bawat araw.

 

5.      Mga taong naglalakbay ng malayo.

 

6.      Mga babaing nagdadalantao o nagpapasuso na maaaring magbunga ng sakit sa pagsasagawa ng pag-aayuno. Sila (5 & 6) ay dapat magsagawa ng pag-aayuno sa ibang araw.

 

7.      Ang mga babaing nasa kanilang buwanang pagdurugo. Dapat nilang isagawa ang pag-aayuno sa ibang araw.

 

Bakit Nawawalan ng Bisa ang Pag-aayuno?

 

1.     Kapag nakipagtalik sa asawa sa araw ng pag-aayuno. Magkagayon, ang kapalit ng pagkasira ng pag-aayuno ay pagbibigay ng kalayaan sa isang alipin o di kaya’y 60 araw na sunod-sunod na pag-aayuno. At kung ito ay hindi makaya, magpakain ng 60 kataong mahihirap.Ang pagtatalik ay maaari lamang gawin sa gabi.

 

2.     Ang paglabas ng semilya sanhi ng pakikipaghalikan o yakapan ng mag-asawa. Iwasan ang ganitong gawain sa araw ng pag-aayuno.

 

3.     Pag-inom, pagkain, paninigarilyo.

 

 

4.     Ang sinasadyang pagsuka.

 

5.    Ang buwanang pagdurugo ng babae.

    

Sa kabilang dako, ang paglagay ng gamot sa mata, tainga o ilong ay hindi nagpapawalangbisa ng pag-aayuno. Ang paggamit ng "siwak" ay hindi rin nakakasira ng pag-aayuno. Ang paggamit ng sepilyo na may toothpaste ay hindi nakasisira ng pag-aayuno kung ang paggamit ay maingat at walang nalululong toothpaste. Maaaring magbanlaw o maligo kahit nag-aayuno.

 

 

ANG KAHALAGAHAN NG  PAG-AAYUNO.

 

1. Kapatawaran ng mga Kasalanan.

    Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinoman ang nagsagawa ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan ng buong tapat (at taos puso) at umaasa ng pagpapala mula sa Allah, ang mga nakaraan niyang kasalanan ay pinatatawad ng Allah." (Bukhari).

 

2. Kasiyahan ng Allah.

 

   Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang Allah ay nagsabi: Lahat ng gawa ng mga anak ni Adam ay para sa kanilang sarili lamang maliban sa pag-aayuno na para sa Akin at Aking bibigyan ng gantimpala ito." (Muslim & Ahmad)

 

3. Pagpapala at Gantimpala.

 

   Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang gantimpala ng bawat mabuting gawa ay ibinibigay mula sa sampu hanggang pitong daang ulit ayon sa kanyang intensiyon at katapatan, at ang gantimpala na ito ay nauukol (lamang) sa pagsasagawa ng pag-aayuno." (Muslim)

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinoman ang may pananampalataya at layuning magkamit ng gantimpala, nagsagawa ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, at gumugol ng ilang bahagi sa gabi ng Pag-alaala sa Allah, lahat ng kanyang kasalanan ay patatawarin ng Allah." (At-Tirmidhi & Ibn Majah)

 

4. Panangga laban sa Kasalanan.

 

Ang pag-aayuno ay isang panangga upang makaiwas sa paggawa ng kasalanan. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang pag-aayuno ay isang panangga, samakatuwid sinoman ang nag-aayuno ay hindi dapat magpakita ng mahahalay o malalaswang salita at gawa. Kung mayroon mang umaaaway sa taong nag-aayuno, nararapat na siya ay magsabi ng "O aking kapatid, ako ay nag-aayuno." (Bukhari & Muslim)

 

5. Kabutihan ng Kawanggawa (Sadaqa).

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay siyang pinakamabait sa lahat at mapagbigay lalo na tuwing buwan ng Ramadhan. Siya ay nagsabi:

 

"Ang pinakamabuting kawanggawa ay yaong isinasagawa sa (buwan ng) Ramadhan."

 

6. Ang Paraiso at Impiyerno.

   

Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sa tuwing nagsisimula ang buwan ng Ramadhan, ang mga pintuan ng Paraiso ay laging bukas at ang mga pintuan ng Impiyerno ay nakapinid (sarado) at ang mga Satanas ay nakatanikala." Bukhari & Muslim.

 

Ang mga pintuan ng Paraiso ay bukas sapagkat maraming mabubuting bagay ang naisasagawa ng mga muslim. Samantalang ang mga pintuan ng Impiyerno ay sarado sapagkat kakaunti lamang ang nagagawang kasalanan ng mga mananampalataya.

 

7. Panlipunang Kabutihan.

 

Ang panlipunang kabutihan ng pag-aayuno ay yaong ang lahat ay abala sa paggawa ng mataimtim na salah at dalangin at pagkakawanggawa. Mayroong salatul-taraweeh na kung saan ang Qur'an ay binabasa. Binibigyang paalala ang mga Muslim na ito ang buwan na kung saan ipinahayag ang Banal na Qur'an. Dahil sa ganitong gawain, ang kapaligiran at ang lipunan sa kabuuan ay ganap na mapayapa at matiwasay.Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinoman ang hindi umiwas sa masamang pananalita at masamang gawain, hindi kailangan ng Allah ang kanyang pag-iwas sa pagkain o pag-inom"

 

Sa madaling salita, ang kanyang pag-aayuno ay walang saysay o kabuluhan.

 

 

ANG MAGAGANDANG ASPETO NG RAMADHAN.

 

1.      Ang amoy ng bibig ng isang nag-aayuno ay higit na ikinasisiya ng Allah kaysa sa halimuyak ng pabangong musk.

 

2.      Ang mga Anghel ay nananalangin at nagsusumamo sa Allah na patawarin ang mga taong (tapat sa) pag-aayuno. Ang pagsusumamo ng mga Anghel ay natatapos sa pagsapit ng dapit-hapon na kung saan ang mga tao ay magsisimulang kumain.

 

3.      Araw-araw ang Allah ay pinapangyaring palamutian ang Kanyang mga Paraiso at Siya ay nagsabi sa Paraiso:

 

"Ang Aking mananampalataya ay malapit nang talikdan ang pasanin (ng buhay), ang paghihirap na ginawa sa kanila at saka sila ay darating sa iyo, O Paraiso."

 

4.      Sa buwan ng Ramadhan, mayroong "Lailatul Qadir" (Pinagpalang Gabi) na higit na mabuti kaysa libong buwan ng pagsamba (o pagdalangin).

 

Ang tunay at tapat na mananampalataya ay nararapat na simulan ang Ramadhan kalakip ng tunay na pagsisisi at may lakas na pag-asa na makamit ang Awa at Kabaitan ng Allah na ibibigay sa kanya sa buwan ng Ramadhan.

 

 

ANG MAGAGANDANG GAWAIN SA RAMADHAN.

 

1.      Pag-aayuno.

 

2.      Pagkain ng "Suhoor" bago sumapit ang Salatul Fajr (na siyang tanda ng simula ng pag-aayuno.) Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

 

"Ang kumain bago sumapit ang Salatul Fajr (tinatawag na Suhoor) ay may pagpapala."

 

3.      3. Pagsagawa ng dalangin (du'a) habang kumakain ng Ifthar.

 

4.      Pagbasa ng Qur'an.

 

5.      Pagdarasal ng Taraweeh.

 

6.      Pagbibigay ng Sadaqa.

 

7.      Pagsasagawa ng Umrah

 

8.      Pag-alala sa Allah

 

9.      Paghingi ng Kapatawaran.

 

Bilang Muslim, iminumungkahi na tayo ay dapat magsagawa ng mga karagdagang salah. Isa sa karagdagang ito ay ang salah sa pagitan ng hating-gabi at madaling-araw. Ang Allah ay pinupuri ang mga taong nagsasagawa ng pagdarasal sa ganitong oras. Ang Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Sinoman ang nagsagawa ng gabing dasal sa Ramadhan na may tapat ng pananampalataya at pag-asa sa dakilang gantimpala, ang gantimpala nito ay ang kapatawaran ng kanyang nagdaang mga kasalanan."

 

 

ZAKAT AL FITR

 

1.      Ito ay binubuo ng isang sa'a (ang timbang ay humigit kumulang sa 2.5 kgs.)

 

2.      Ang pagkain ang siyang pinakamabuting bagay na dapat ibigay para sa Zakat Al Fitr. Hindi kaaya-ayang magbigay ng salapi, damit o anumang bagay maliban sa pagkain.[3]

 

3.      Dapat ibigay ang Zakat Al Fitr sa araw ng Eid at maaari ding ibigay isang araw o dalawang araw bago dumating ang Eid.

 

4.      Hindi pinahihintulutan na iantala ang pagbibigay ng Zakal Al Fitr na hindi lalagpas sa araw ng Eid, maliban kung mayroong matibay na kadahilanan.

 

5.      Ang Zakat Al Fitr ay dapat ibigay ng sinumang muslim, Ang bata man o matanda, lalake o babae ay kabilang sa mga taong dapat magbigay ng Zakat Al Fitr.

 

 

ZAKAT

(Kawanggawa)

 

"O Kayong Nananampalataya! mula sa inyong mga pinagpaguran (kita) at mula sa biyaya ng lupa na Aming inihandog para sa inyo, magsagawa ng pinakamagandang paggugol sa landas ng Allah."

                                                         

Ang Kahulugan ng Zakat

 

Sa literal na kahulugan, ang Zakat ay paglago at kalinisan ngunit sa Islamikong pananaw, ang Zakat ay nagsasaad ng isang uri ng kawanggawa na kailangang bayaran batay sa itinakdang halaga ng kayamanan. Ito ay tinatawag na Zakat sapagkat ang pagpapala sa mga natitirang kayamanan ay dinaragdagan ng Allah kahit na ang aktual na halaga ng kayamanan ay nababawasan. Ang Allah ay nagsabi sa Banal na Qur'an:

 

"Pagkakaitan ng pagpapala ng Allah ang "Ribaa" (tubo) datapwat ang kawanggawa ay binibigyan Niya ng higit na Pagpapala." (Qur'an 2:276)

 

 

ZAKAT

Itinakda sa Lahat ng Propeta

 

Ang Salah at Zakat ay itinakda sa lahat maging sa mga naunang Propeta ng Allah. Ang Qur'an ay nagpatunay nito:

 

"At Aming silang ginawang pinuno para sa mga tao. Sila ang nagpatnubay sa tao ayon sa Aming Kautusan. At kinasihan Namin silang gumawa ng mabubuti at magsagawa ng (taimtim na) salah at magbigay ng Kawanggawa (Zakat) at sila ay sa Amin lamang sumasamba." [Qur'an 21:73

 

Tungkol kay Propeta Ismael, ang Qur'an ay nagsabi:

 

"Siya ay nag-uutos sa kanyang mga angkan ng (pagsasagawa ng) Salah at (pagbibigay ng) Zakat at ito ay kalugod-lugod sa paningin ng Panginoon." [Qur'an, 19:55]

 

Tungkol kay Propeta Moises, ang Qur'an ay nagsabi:

 

"Aking papatawan ng Kaparusahan ang sinomang Aking naisin. At ang aking Awa ay laganap sa lahat ng bagay, At (itong Awa) ay Aking itinatakda  sa mga may  takot sa Akin  at nagbibigay ng Zakat at yaong naniniwala sa Aming Kapahayagan." (Qur'an 7:156)

 

Tungkol kay Hesus, anak ni Maria, ang Qur'an ay nagsabi:

 

"At ako ay pinagpala saan man ako naroroon at inatasan akong magsagawa ng Salah at (magbigay ng) Zakat habang ako ay nananatiling buhay." [Qur'an 19:31]

 

Ang Zakat ay isinasaalang-alang bilang itinakdang tungkulin ng lahat ng muslim na tumutupad sa mga patakaran para sa pagbabayad nito. Ang patunay na ito ay wajib (compulsory) ay matatagpuan sa Banal na Qur'an at Sunnah ni Propeta Muhammad (snk). Ang Banal na Qur'an ay nagsabi:

 

"At magbigay kayo ng Zakat." [Qur'an, 2:43]

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi rin ayon kay Mu'aadh ibn Jabal na:

 

"Turuan ninyo (ang mga tao sa Yemen) na ang Allah ay itinakda ang Kawanggawa bilang wajib (compulsory) sa kanila. Ito ay dapat kuhanin mula sa mga mayayaman at ibigay sa mga mahihirap." (Ahmad)

 

 

ANG KAHALAGAHAN NG ZAKAT.

 

Ang prinsipiyo ng Zakat ay may kahalagahan sa pamamaraan ng Islam at ang mga sumusunod na ilang bagay ay babanggitin upang ipakita ang kahalagahan nito.

 

1.      Isinasaalang-alang ang Zakat bilang ikatlong pinakamahalagang haligi ng Islam. Ang Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang Islam ay nakatayo sa limang haligi, ang pagpapahayag ng Shahada, pagsasagawa ng limang beses na Salah, Pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, Pagbibigay ng Zakat, at ang Paglalakbay sa Makkah (Hajj). (Bukhari & Muslim)

 

2.      Ang Zakat ay mahalaga sa Islam na kung sino mang muslim ang magsabi na ito ay hindi wajib (compulsory) ay maaaring lapatan ng kaparusahan kung ito ay hindi magbalik-loob at magsisi. Ang kapasiyahang ito ay batay sa pinagtibay na kasunduan (ijmaa) ng mga Sahabah (kasamahan ng Propeta) na dapat labanan ang mga muslim na tumatalikod sa tungkulin ng pagbabayad ng Zakat pagkaraan na si Propeta Muhammad (snk) ay namatay.

 

3.      Ang pangangalaga ng mga mahihina at mahihirap na muslim ay nasa pangangasiwa ng pamahalaang muslim at ang salaping ginagamit mula rito ay kinukuha mula sa kaban ng Zakat.

 

4.      Pinananatili ng Zakat ang pag-ikot ng kayamanan sa lipunan na nagbubunga ng pag-unlad ng kabuhayan at hanap-buhay. Kung ang kayamanan ay itinatago, higit pang Zakat ang babayaran kaysa sa gamitin sa pagnenegosyo. Kaya, ang mga mayayaman ay napupuersang paikutin ang yaman sa pamamagitan ng pagnenegosyo upang ang kayamanan nila ay hindi mapunta lahat sa pagbabayad ng Zakat.

 

 

ANG LAYUNIN NG ZAKAT

 

Ang Zakat ay isang pamamaraan ng Ibadah na ang pangunahing layunin ay ang pagpapaunlad ng ispirituwal na pamumuhay ng isang muslim. Ang kawanggawa na ibinibigay ng mga mayayaman ay nakatutulong upang ang kanilang mga puso ay maging malinis laban sa kasakiman at karamutan. Ang Zakat ay nagtuturo rin upang masanay ang tao sa pagbibigay sa kapwa. Ang mga mahihirap naman ay magkakaroon ng magandang kaisipan at mawawala sa kanilang puso ang inggit at selos.

 

 

ANG PATAKARAN NG ZAKAT

 

Para maging wajib (compulsory) ang Zakat, ang mga sumusunod ay dapat matupad.

 

1.      Ang isang muslim ay dapat na nasa hustong pag-iisip at gulang. Walang obligasyon sa mga kulang ang isip sapagkat hindi sila responsable sa kanilang mga gawa o kilos.

 

2.      Ang isang muslim ay dapat na may naipong yaman o salapi na higit sa kanyang pangangailangan.

 

3.      Ang naipong yaman o salapi ay dapat na higit sa hangganan ng  Nisab (itinakdang minimum).

 

4.      Ang naipong yaman o salapi ay dapat na nasa kanya na lagpas sa isang taon.

 

 

ANG NISAB

(Itinakdang Pamantayan ng Pagbabayad)

 

Upang magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa Nisaab (Itinakdang Pamantayan sa pagbabayad ng Zakat) ang isang muslim ay nararapat na humingi ng kaukulang pagtatanong sa isang maalam na muslim tungkol dito.

 

Kayamanan              Nisaab                                                 Bahagdan %

Ginto                      2 oz                                                    2.5%

Pilak                       14 1/2 oz                                             2.5%

Salapi                     katulad ng halaga ng Nisaab ng ginto         2.5%

Alahas                    Katumbas ng ginto                                 2.5%

Tupa/Kambing          40                                                      1 tupa/kambing

Baka                      30                                                      1 maliit na baka-1 yr

Kamelyo                  5                                                       1 tupa/kambing

Mga Ani ng Lupa       2000 lbs                 10% kung ang tubig ay likas na dumadaloy at

5% kung ang patubig ay ginawa

 

 

SINO ANG DAPAT TUMANGGAP NG ZAKAT?

 

Mayroon walong (8) uri ng mamamayang muslim na inilarawan ng Qur'an bilang mga taong nararapat tumanggap ng Zakat. Sila ay ang mga sumusunod:

 

1.      Fuqara (Ang Mga Kapuspalad)

 

2.      Sila ang mga taong umaasa lamang mula sa tulong ng kapwa. Sila ay maaaring mga ulila, may kapansanan, biyuda o biyudo mga matatanda, walang mga hanapbuhay.

 

3.      Masakin (Ang Mga Dukha o Mahirap)

 

     Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi :

 

"Sinoman ang hindi nakakakuha ng sapat upang tugunan ang kanyang pangangailangan ngunit hindi namamalimos o hindi nakikita sa kanyang ang pagiging mahirap, siya ay isinasaalang-alang bilang dukha (masakin.)"

 

Mula sa Hadith na ito, ang isang dukha ay taong mahirap ngunit dahil sa kanilang paggalang sa sarili hindi nila magawang humingi o mamalimos. Kaya ang komunidad ng Muslim ay nararapat magsiyasat kung sino ang mga taong ganito ang kalagayan upang matulungan sa kanilang pangangailangan.

 

4.      Amilina Aalaiha (Ang Taga-Paningil ng Zakat). Sila ang mga taong inutusan ng Islamikong Pamahalaan na maningil ng Zakat. Sila ay dapat bayaran mula sa Kaban ng Zakat.

 

5.      Muallafat-ul-Qulub (Mga Bagong Kasaping Muslim). Sila ang mga bagong kasapi ng Muslim na dapat bigyan upang tulungan sa kanilang pagbabagong buhay.

 

6.      Ar Riqab (Ang Pagpapalaya ng Alipin). Sila ang mga taong nagnanasang makalaya mula sa pagkakaalipin. At dahil sa panahon ngayon ay wala ng ganitong kalakaran, ang dapat bigyan ay yaong mga taong nakakulong ng dahil sa kanilang walang kakayahang magbayad sa itinakdang salapi ng korte. Sila ay nakakulong dahil maaaring sila ay nagkaroon ng mga aksidente.

 

7.      Al-Gharimin (Mga Taong May Utang). Sila ang mga taong baon sa utang. Hindi naman ibig sabihin ay dapat tulungan ang isang taong nagkautang ng dahil sa kanyang kapritso at walang katuturang paggasta. Ang Al-Gharimin ay mga taong nagkakautang ng dahil sa mga di-maiwasang pangyayari o ng dahil sa kanilang pang-araw-araw ng pamumuhay.

 

8.      Fi-Sabilillah (Sa Landas ng Allah). Sila ang mga taong nakikipaglaban upang mapanatili ang Batas ng Allah. Bagamat ang isang taong nagsasagawa ng Jihad ay may salapi, hindi naman niya maaaring sarilinin ang gastos ng jihad. Kailangan din na ang lahat ay dapat magbigay para sa fi-sabilillah.

 

9.      Ibn-us-Sabil (Mga Taong Naglalakbay). Ang naglalakbay ay maaaring may konting salapi ngunit dahil sa malayong paglalakbay kinakailangan niya ng karagdagang salapi, siya ay nararapat tulungan mula sa Zakat.

 

 

 

HAJJ

(PAGLALAKBAY SA MAKKAH)

 

"At ang paglalakbay sa (Banal na) Tahanan para sa Allah ay isang tungkulin ng Sangkatauhan, na may kakayahang pumaroon. At para sa hindi sumasampalataya (alalahanin nila) na ang Allah ay walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha." [Qur'an 3:97]

 

 

Ang Kahulugan ng Hajj

 

Ang Hajj ay isang pagdalaw sa banal na lugar ng Makkah upang bigyang-alala ang matibay na paniniwala sa Kaisahan ng Allah (Tawhidullah). Ang hajj ay isang paglalarawan ng kahalagahan ng Islam sa pamamagitan ng mahigpit na pagtalikod sa lahat ng uri ng Shirk (idolotriya). Bawat muslim ay malakas na inihahayag sa Talbiyah: "La sharika lak" (At Sa Iyo ay Walang katambal o kaugnay). Ang lahat ng ritual ng Hajj katulad ng Tawaf (pag-ikot sa Ka'bah), Sa'i (paglalakad sa Safa at Marwa), Rami (paghahagis ng bato sa Jamrat), Wuquf (ang pagtigil o pananatili sa Arafat), Mabeet (pagpapalipas ng magdamag sa Mina at Musdalifah) ay mga gawain upang maalaala ng isang muslim ang kaniyang Panginoon, Ang Allah, Ta A'la.  Lahat ng dalangin (dua) ay isinasagawa para lamang sa Allah. At ang lahat ng pook na pinupuntahan ay kasaysayang nauukol sa Pagsamba sa Tunay na Nag-iisang Diyos, ang Allah (Tawhid). Isa sa mahalagang bahagi ng Tawhid ay ang kasaysayan ni Propeta Abraham, na siyang nagtayo ng unang tahanan ng Allah, ang Kaba'a, bilang pinakasentro ng dalanginan. Ang kasaysayan ni Propeta Abraham ay isang mahabang kasaysayan na punong-puno ng pagsasakripisyo at ganap na pagsuko sa Allah. At dahil sa kanyang katatagan sa mga pagsubok para sa landas ng Allah, siya ay pinarangalan bilang Imam ng Sangkatauhan.

 

"At nang ang Kanyang Panginoon ay sinubok si Abraham sa Kanyang Kautusan, at kanyang tinupad ang mga ito. Siya ay nagsabi : Ikaw ay Aking gagawing Imam para sa Sangkatauhan."[Qur'an 2:124]

 

Ang Ka'abah

 

Ang Kabah ay itinatag ni Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) hindi lamang para maging isang pook dalanginan at pagsamba ngunit higit sa lahat mula sa unang araw ng pagkakatayo nito, ito ay ginawang sentro ng pagpapalaganap ng Pananampalataya ni Propeta Abraham na ang layunin ay yaong ang lahat ng mananampalataya sa Allah ay magkatipon-tipon na nagmula sa ibat-ibang panig ng mundo, magsagawa ng ibadah at magsibalik sa kani-kanilang bayan na may malinaw na mensahe ng Pananampalataya ni Abraham. Ang pagtitipong ito ay tinawag na Hajj. Ang nagtayo ng Ka'bah ay ang mag-amang Abraham at Ismael. Kung paano isinasakatuparan ang Hajj, ang Qur'an ay naglarawan nito:

 

"Tunay na ang kauna-unahang tahanan (sambahang) itinakda  para sa sangkatauhan ay ang nasa Bakkah, pinagpala,at patnubay sa lahat ng tao. Naroroon ang mga malinaw na tanda tulad halimbawa ng kinatatayuan ni Abraham (Maqam Ibrahim). Ang sinoman ang pumasok rito ay may katiwasayan." [Qur'an 3:96-97

 

"At di ba nila nakikita na Aming ginawang banal na lugar, (ang Makkah) samantalang ang kapaligiran ng mga tao ay nasa kaguluhan?" [Qur'an 29:67]

 

Ang Dalangin ni Propeta Abraham at Ismael

 

"At (gunitain) nang Aming ginawa ang (Banal na) Tahanan (sa Makkah) bilang himpilan ng Sangkatauhan at isang pook ng Katiwasayan. At gawin ninyong pook dalanginan ang Maqam Ibrahim (kinatatayuan ni Abraham habang siya ay dumadalangin)

 

At Aming inutusan sina Abrahan at Ismael na gawin malinis ang Aking Tahanan (ang Kab'ah sa Makkah) para sa mga nagsasagawa ng tawaf (pag-ikot sa Kab'ah) at para sa mga yumuyuko at nagpapatirapa ng kanilang mga sarili (sa panalangin)

 

At (gunitain) nang si Abraham ay nagsabi, "Aking Panginoon, gawin mo po ang bayang ito (Makkah) na pook ng Katiwasayan at bigyan mo po ang mga mamamayan nito ng mga bunga, ang sinuman sa kanila na naniniwala sa Allah at sa Kabilang Buhay." Siya (Allah) ay sumagot:"At sa mga hindi sumasampalataya, ay bibigyan ko ng panandaliang kaginhawahan at pipilitin sa parusa ng Apoy at tunay na kalunos-lunos na hantungan!

 

At (gunitain) nang si Abraham at (kanyang anak) Ismael ay itinatayo ang mga haligi ng Tahanan (Kab'ah sa Makkah), na (nagsasabing), "Aming Panginoon! tanggapin mo po mula sa amin (itong paglilingkod). Tunay na Kayo ang palakinig, ang Maalam."

 

"Aming Panginoon! Gawin mo po kaming laging sumusuko sa inyo at pati na ang aming mga supling- mga mamamayang sumusuko sa Iyo, At ipakita Mo po sa amin ang manasik (wastong paraan ng pagsasagawa ng Hajj). At tanggapin Mo po ang aming pagsisisi. Tunay na Kayo ang tumatanggap ng pagsisisi, ang Maawain.

 

"Aming Panginoon, padalhan Mo po sila ng isang sugo (Muhammad) na buhat sa kanila na bibigkas ng Inyong pahayag na magtuturo sa kanila ng Aklat (ang Qur'an) at Al-Hikmah (Karunungan) at pagpalain sila. Tunay na Kayo ang Makapangyarihan, Ang Matalino."(Qur'an 2:125-129)

 

"At (gunitain) nang Aming itinuro kay Abraham ang pook ng (Banal na) Tahanan, na nagsasabing: Huwag kayong mag-uugnay sa Akin ng anumang katambal (o kasama) at panatilihing malinis (wagas) para doon sa mga papalibot dito at para sa mga tumatayo (sa panalangin) at para sa mga yumuyuko at nagpapatirapa (isinusuko ang mga sarili ng may pagpapakumbaba at pagsunod sa Allah).

 

At ipahayag sa Sangkatauhan ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah). Sila ay darating sa inyo na naglalakad at nakasakay sa kamelyo.  Sila ay magmumula sa bawat maluwang at malalim na daanan ng bundok. Upang sila ay sumaksi sa mga bagay na makabubuti sa kanila at sambitin (banggitin) ang pangalan ng Diyos (Allah) sa itinakdang mga araw. Mula rito (sa mga inihandog na hayop) ay kumain at magpakain sa mga mahihirap na kapuspalad." [Qur'an 22:26-28]

 

 

Sino Ang Dapat Magsagawa ng Hajj?

 

May mga patakarang itinakda ang Islam sa pagsasagawa ng Hajj. Ang unang patakaran sa sinomang magsasagawa ng Hajj ay siya ay nararapat na muslim. Ang mga di-muslim ay nangangailangan munang maging Muslim bago sila pahintulutang magsagawa ng Hajj sapagkat ang Hajj ay isang tungkulin na may kalakip na tamang pananampalataya upang ito ay tanggapin ng Allah. Ang pangalawa at ikatlong patakaran ay yaong siya ay nararapat na nasa tamang gulang at kaisipan. Ang isang Muslim ay nararapat na nasa hustong gulang at tamang kaisipan upang ang kanyang pagsasagawa ng Hajj ay maituturing na itinakdang tungkulin sapagkat ang gantimpala at parusa ay iginagawad bunga ng pagpili sa kabutihan o kasamaan. Kaya ang isang bata o baliw na tao na hindi nakakakilala ng tama o mali ay wala ding tungkuling magsagawa ng Hajj. Ang isang bata na may tamang kaisipan ay binibigyan ng gantimpala sa kanyang pagsasagawa ng Hajj ngunit ang kanyang Hajj ay kailangang ulitin niya sa pagdating ng kanyang hustong gulang.

 

At ang ikaapat na patakaran ay yaong siya ay nararapat na may kakayahang pananalapi at kalusugan. Kung wala siyang sapat na salaping panggastos at mahina ang pangangatawan, hindi kinakailangang magsagawa ng Hajj. Ang ika-lima ay para lamang sa babae, at ito ay ang Mahram. Ang mga babae ay makapagsasagawa lamang ng Hajj, kung sila ay may kasamang lalaking kamag-anakan (mahram, mga kamag-anakan na hindi sila maaaring pakasalan). Si Aisah, ay nagtanong kay Propeta Muhammad (snk):

 

"O, Propeta ng Allah, ang mga babae ba ay kinakailangang sumama sa Jihad?" Si Propeta Muhammad (snk) ay sumagot: "Sila ay nararapat magsagawa ng Jihad ng walang pakikipaglaban- ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Hajj at Umrah).

 

Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang sinomang nagsagawa ng Hajj para lamang sa Allah at sa pagsasagawa nito, siya ay umiiwas mula sa mga masamang pagnanasa at masamang kilos, siya ay lumisan mula rito (umuuwi pabalik sa kaniyang lugar) ng malinis katulad ng isang batang bagong panganak."

 

 

Ang Kahalagahan ng Hajj bilang itinakdang Matimtimang Gawain

 

Ang Allah ay nagsabi sa Qur'an:

 

"At ang paglalakbay sa (Banal na) Tahanan para sa Allah ay isang tungkulin ng Sangkatauhan para sa Allah na may kakayahang pumaroon. At para sa mga hindi sumasampalataya, (alalahanin nila) Na ang Allah ay walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha" [Qur'an 3:97]

 

Sa bersikulong nabanggit, ang hindi pagsasagawa ng Hajj sa kabila ng may kakayahang magsagawa nito, ay itinuturing na walang pananalig. Ang patunay nito ay matatagpuan sa Hadith ni Propeta Muhammad (snk) na nagsabing:

 

"Sinoman ang may kakayahan at kaginhawan na maglakbay sa Banal na Tahanan ng Allah at sa kabila nito ay hindi nagsagawa ng Hajj, ang kanyang kamatayan sa pagkakataong ito ay katulad ng kamatayan ng isang Hudyo o Kristiyano."

 

Si Khalifa Omar ibn Khattab ay nagsabi:

 

Aking pagbabayarin ng Jizya (buwis ng mga di-muslim) ang sinomang hindi nagsagawa ng Hajj sa kabila ng kanilang kakayahan. Sila ay hindi mga muslim.  Sila ay hindi mga muslim."

 

 

ANG KABUTIHAN NG HAJJ

 

1. Matimtimang Paglalakbay

 

Ang mga tao sa buong daigdig ay nakababatid ng dalawang uri ng paglalakbay. Ang isang uri nito ay paglalakbay upang maghanap-buhay. Ang pangalawang uri nito ay upang magliwaliw at makita ang kagandahan ng ibat-ibang bansa. Sa dalawang uri ng paglalakbay na ito, ang tao ay napipilitang gumugol ng salapi at panahon ng dahil sa kanyang pansariling pangangailangan at pagnanasa.  Ngunit ang paglalakbay sa Makkah na tinatawag na Hajj ay ibang-iba. Ito ay isang paglalakbay na hindi upang maghanap-buhay o para sa pagliliwaliw ng sariling kasiyahan kundi ito ay isang paglalakbay na ang tunay na layunin ay para sa Allah, ang tuparin ang pananagutan at tungkuling itinakda ng Allah para sa kanya. Walang tao ang makapaghahanda nito maliban doon sa mga taong nagmamahal sa Allah ng buong puso at doon sa mga may takot at matatag na sumusunod sa takdang batas ng Allah. Kaya ang sinumang nagtangkang maglakbay para sa Allah, iniiwan nito ang kanyang pamilya, negosyo, at tinitiis niya ang hirap ng paglalakbay. At dahil sa ganitong pagkakataon, tumitibay at tumatatag ang kanyang iman o pananampalataya sa Allah, nagkakaroon siya ng takot sa Allah, natututuhan niyang mahalin ang Allah bilang kanyang Panginoon. Ito ay isang patunay na siya ay nakahandang magtiis para sa paglilingkod sa Allah.

 

2. Hangarin Tungo sa Kabanalan at Kabutihan

 

Kapag ang isang tao ay naghanda upang maglakbay na may tapat na hangarin para sa Allah, ang kanyang puso ay may init na nagbibigay lakas upang maramdaman niya ang pagmamahal ng Allah. At sa kanyang paglalakbay, nararamdaman niya ang mga layuning dapat isagawa para sa kaniyang buong buhay. Nagkakaroon siya ng pagkakataon na mapag-isipan ang kanyang buhay, ang pagtatangkang magbagong buhay, gumawa ng mabubuting gawain   at higit sa lahat ang layong magsisi at magbalik loob sa Allah. Siya ay maingat na huwag manakit ng kanyang kapwa. Ang kanyang sarili ay umiiwas sa pang-aabuso, kalaswaan, pandaraya, pagsisinungaling at masamang pananalita. Kaya ang kanyang paglalakbay ay isang daan upang mapanatili ang kalinisan sa kanyang puso, at kaisipan. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang gantimpala ng Hajj Mabroor (Hajj na tinanggap ng Allah dahil sa katapatan) ay walang iba maliban sa Paraiso."

 

3. Pagmamahal sa Allah

 

Pagkaraan ng pagsusuot ng Ihram, at sa lahat ng oras, ang salita na namumutawi sa bibig ng mga nagsasagawa ng Hajj ay: Labbaik Allahuma Labbaik (Narito ako, O, Allah, maglilingkod sa Iyo.) At dahil sa katapatan ng paglilingkod sa Allah, nagiging malapit ang isang nagsasagawa ng hajj sa Allah.

 

4. Paraan Para sa Katatagan at Sakripisyo

 

Sa pagsasagawa ng Hajj, ang isang muslim ay nadadaanan niya sa iba't-ibang dako ng Arabia ang mga ala-ala ng mga taong nagsakripisyo at nagpakatatag sa paglilingkod sa Allah. Sila ay nagpakasakit at nagtiis sa lahat ng hirap hanggang maitatag nila ang tunay na Batas ng Allah at pinawi nila ang anumang kasamaang namamayani sa kanilang kapaligiran.

 

5. Matutuhanan Ang Diwa ng Ummah

 

Ang Hajj ay isang paraan upang magkaroon ng moral na kaisipan ang pamayanang muslim. At dahil dito, ang bawat magsagawa ng hajj ay nagkakaroon ng tunay na pagmamalasakit sa kabuuan ng Ummah ng Islam.

 

6. Tanda ng Pagkapantay-pantay ng Tao

 

Sa pagsusuot ng Ihram, ang isang tao ay nakakaramdam ng kaginhawaan sa katawan at puso. Dito ay nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Walang pangmamataas ng loob at pagpapakita ng karangyaan. Lahat ay nasa simpleng kaayusan na walang hangarin kundi ang maglingkod at alalahanin ang Allah. Ang karumihan ng puso dahil sa pagnanasa ng makamundong materyal ay nawawala at ang takot at pagmamahal sa Diyos ang siyang laman ng puso. Kaya ang Hajj ay isang paraan din upang mapag-isipan natin ang isang mabuti at simpleng buhay.

 

7. Pagtitipon ng Kapayapaan

Ang Hajj ay panahon ng Kapayapaan; ang Makkah ay pook ng kapayapaan, ang hajj ay siyang pinakamalaking pagtitipon para sa kapayapaan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.

 

8. Pagtalikod sa Lahat ng Uri ng Shirk

 

Ang hajj ay pagsasaad ng ganap na pagtalikod sa anumang uri ng Shirk sapagkat ang sigaw ng bawat nagsasagawa ng hajj ay tanda ng ganap na pagkilala at pagsamba sa tunay at nag-iisang Diyos, Allah.

Ang talbiyah ay nagpapatunay na ang isang mananampalataya ay alipin lamang ng isang Panginoon, ang Allah.

 

 

IHRAM SA MIQAAT

 

Mayroong mga palatandaan sa paligid ng Makkah na dapat isaalang-alang ng mga magsasagawa ng hajj sa pagsusuot ng Ihram. Ang mga nakasakay ng eroplano ay dapat na magsuot ng Ihram kapag dadaanan nila ang lugar ng Miqaat. Ang tagapangasiwa sa eroplano ay nagbibigay paalala sa mga "pilgrims" kapag ang eroplano ay nasa lugar na kinasasakupan ng miqaat.

 

Bago magsuot ng Ihram ang mga magsasagawa ng Hajj, kailangang alisin ang lahat ng may tahing damit at maglinis ng katawan sa pamamagitan ng wudhu o ghusl (paliligo). Pinagpapayuhan na gupitin ang mga kuko, ahitin ang mga balahibo sa kili-kili at pribadong bahagi at maglagay ng pabango. At pagkatapos ay magsuot ng dalawang hindi tinahing tela: isa para sa itaas na bahagi ng katawan at ang isa ay para sa ibabang bahagi ng katawan. Ang mga babae ay maaaring magsuot ng anumang kulay ng damit ngunit nararapat na ang lahat ng bahagi ng katawan ay nakatakip maliban sa kanyang mukha, mga kamay at paa.

 

Kapag nakasuot na ng Ihram nararapat na magsagawa ng Niyyat (intensiyon) at magsimulang magpahayag o bumigkas ng Talbiyah.

 

Mga Ipinagbabawal na Gawain kung Naka-Ihram

 

Sa pagsusuot ng bihisang damit Ihram na may lakip na niyyat (intensiyon) at nagpapahayag ng Talbiyah, ang isang muslim ay nagsisimulang ilagay sa kanyang isipan ang mataimtim na pagnanasang maglingkod sa Allah. Kaya, ang mga sumusunod na gawain ay ipinagbabawal:

 

1.      Ang pakikipagtalik o anumang seksual na ugnayan.

 

2.      Ang pag-aasawa o pakikipagkasunduan sa pag-aasawa.

 

3.      Ang pumatay o mangaso (hunting)

 

4.      Ang alisin ang alinmang buhok sa anumang bahagi ng katawan na walang legal na kadahilanan.

 

5.      Ang maglagay ng pabango (ang natitirang pabango ng unang paglagay nito habang nagsusuot ng Ihram ay pinahihintulutan)

 

6.      Ang mag-alis o magputol ng mga kuko.

 

7.      Ang magsuot ng damit na mayroong tahi o kinulayan (ito ay ipinagbabawal sa lalaki lamang)

 

Ang paliligo, paggamit ng payong o anumang silungan, ay pinahihintulutan.

 

 

TALBIYAH

Tinig ng Pagdakila sa Diyos

 

Ang sigaw ng bawat manlalakbay ay:

 

"Labbaik, Allahuma Labbaik. Labbaika La Sharika laka Labbaika. Innal Hamda Wanni’mata Laka Wal Mulk. La Sharika Lak."

 

Dito ay muling nagbibigay paalala ang tunay na diwa ng pagsamba na unang ginawa ni Propeta Abraham at Ismael.

 

 

TATLONG URI NG HAJJ.

 

1. Hajj At -Tamatt'u

 

Ito ay nangangahulugan ng pagsusuot ng Ihram para sa 'umrah sa panahon ng Hajj, ang pag-alis ng Ihram pagkaraan ng 'umrah at pagsuot muli ng Ihram para sa Hajj mula sa Makkah sa ika-8 araw ng Dhul Hijja. Sa ganitong uri ng Hajj, ang pagsasakripisyo ng isang tupa o ikapitong bahagi ng isang kamelyo o baka ay itinuturing bilang isang itinakdang tungkulin sa Araw ng Pagsasakripisyo. Kung hindi maisasagawa ito, nararapat na mag-ayuno ng sampung araw, ang tatlo sa mga ito ay sa panahon ng hajj at ang nalalabing pito ay pag-uwi sa sariling bayan.

 

Mas makabubuti  kung mag-ayuno ng tatlong araw bago ang Araw ng Arafat.(9th araw ng Dhul Hijjah)

 

2. Hajj Al -Qiran

 

Ito ay nangangahulugan ng pagsuot ng Ihram para sa 'umrah at Hajj nang sabay, hindi inaalis ang ihram hanggang sa Araw ng Pagsasakripisyo (ang 10th ng Dhul Hijja.). Katulad din ng Hajj Tumatt'u, mas makabubuti kung mag-ayuno ng tatlong araw bago sumapit ang araw ng Arafat kung walang pang-alay na hayop.

 

3. Hajj Al - Ifrad

 

Ito ay nangangahulugan ng pagsuot ng ihram para lamang sa pagsasagawa ng hajj mula sa itinakdang Miqaat, mula sa Makkah kung ang magsasagawa ng hajj ay nakatira roon o kaya naman ay mula sa lugar na hindi sakop ng miqaat.

 

 

TAWAF AL QUDOOM

Unang Pagdating sa Makkah

 

Sa pagdating sa Ka'bah, ang isang nagsasagawa ng Hajj ay hinihinto ang pagtatalbiyah. Siya ay magsasagawa Tawaf sa Ka'bah. Ang tawaf ay isinasagawa sa pamamagitan ng pag-ikot at paglakad sa Kabah ng pitong beses na nagsisimula sa gilid ng Batong Itim (Al Hajar Al Aswad) at natatapos din dito. Ang pagsasagawa ng tawaf ay nangangailangan din na ang isang muslim ay nasa malinis na kalagayan (ibig sabihin naka-wudhu). Ang tawaf ay natatapos pagkaraan ng pagsasagawa ng dalawang raka't sa likod ng Maqam Ibrahim (kinatatayuan ni Abraham). Pagkaraan, makabubuting uminom ng tubig mula sa bukal ng Zamzam.

 

 

SA'I

(Paglalakad sa Safa at Marwa)

 

Ito ay isinasagawa bilang ala-ala kay Hajar na asawa ni Propeta Abraham, nang siya ay naghahanap ng tubig upang painumin ang kanyang anak na si Ismael. Siya ay tumakbo sa magkabilang bundok ng Marwah at Safa. At sa pagpapala ng Allah, sumibol ang isang bukal at si Ismael ay napainom ng kanyang  Ina. Ang bukal na ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan na tinatawag na Zamzam Well. Ang Sa'i ay sinisimulan mula sa Safa at nagtatapos sa Marwah. Mayroong pitong ikot ang pagsasagawa ng Sa'i. Sa pagsasagawa ng Sa'i, nararapat na luwalhatiin at purihin ang Allah at laging dumalangin ng kapatawaran at kasaganaan sa Kanya.

 

Pagkaraan ng Sa'i, matatapos ang Umrah sa pamamagitan ng pag-ahit o pag-gupit ng buhok sa ulo. Subalit mas mabuti kung ipagupit lamang ito upang sa Araw ng Pag-aalay ng hayop ay may natitirang buhok para ahitin.

 

 

 

ANG PAGSASAGAWA NG HAJJ.

 

Ang ika-8 Araw ng Dhul Hijja Simula ng Hajj

 

Sa ika-walong araw ng Dhul Hijja, ang mga magsasagawa ng Hajj (yaong hindi nakasuot ng Ihram) ay nararapat maligo at magsuot ng Ihram na may niyyat na magsagawa ng Hajj at tumungo sa Mina bago magtanghali o agad-agad pagkamakatanghali. Siya ay nararapat na palagiang bumibigkas ng Talbiyah. Sa Mina, ang mga masasagawa ng Hajj ay nararapat mag-alay ruon ng limang beses na Salah, Zuhr, 'Asr at Maghrib at Isha (2 rakat lamang) at Fajr. Ang pagtungo sa Mina sa araw na ito at ang pagpapalipas ng gabi rito ay isang sunnah ngunit hindi naman isang itinakdang tungkulin. Makabubuting magtungo rito sapagkat ito ay gawain ni Propeta Muhammad (snk).

 

Ang ika-9 Araw ng Dhul Hijja - Araw ng Arafat

 

Pagkaraan ng pagsikat ng araw, ang mga magsasagawa ng Hajj ay aalis mula sa Mina tungo sa Arafat. Sa kanilang paglalakbay, sila ay patuloy na nagpapahayag ng Talbiyah. Paglipas ng tanghali, ang Imam ay magbibigay ng Khutba sa masjid ng Namira para sa mga nagha-hajj. Pagkaraan ng Sermon, ang mga nagha-hajj ay nagsasagawa ng kanilang pinagsamang salatul-Zuhr at Asr (tig-dalawang rakats lamang). Ang araw ng Arafat ay isang dakilang araw ng pagsamba, pagbibigay karangalan,pagdakila at luwalhati at pag-ala-ala sa Allah. Sa malawak na kapatagan ng lupaing Arafat, ang mga luha ay tumutulo sa bawat nagha-hajj. Ang mga kamalian at kasalanan ay pinagsisihan at mataimtim na humihingi ng kapatawaran. Tunay ngang maligaya ang bawat Muslim na naroroon sapagkat sila ay umaasa sa Awa at pagpapala ng Allah. Kaya, si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:

 

"Ang Hajj ay Arafat"

 

Ang isang nagha-hajj ay maaaring magdasal sa alinmang lugar sa Arafat. Hindi kailangang magtungo pa siya sa Bundok ng Rahmat (Mount of Mercy).

 

Ang Gabi sa Muzdalifa

 

Sa paglubog na araw, ang mga nagha-hajj, ay naghahanda patungong Muzdalifa, patuloy sa pagbigkas ng Talbiyah. Sa pagdating sa Muzdalifa, ang unang dapat gawin ay ang pagsasagawa ng salatul maghrib at salatul-isha (2 raka't). Ang mga nagha-hajj ay nagpapalipas ng gabi dito at nagsasagawa ng salatul Fajr. Hindi kailangan na ang isang nagha-hajj ay pumasok sa Al Mash'ar Al Haram masjid sapagkat ang lahat ng lugar ng Muzdalifa ay sakop ng ritual na paghinto.

 

Ang 10th Araw ng Dhul Hijja - Araw ng Eid

 

Bago sumikat ang araw, ang nagha-hajj ay lumilisan mula sa Muzdalifa tungo sa Mina. Sa pagdating nila sa Mina, tinitigil ang pagbigkas ng Talbiyah at siya ay naghahanda para sa paghagis ng pitong bato ng sunod-sunod sa Jamrat Aqaba (ang huling haligi) at itinataas ang mga kamay at nagsasabing "Allahu Akbar". Kapag ito ay naisagawa na, ang isang nagha-hajj ay nararapat na mag-alay na kanyang hayop habang sinasambit niya ang "Bismillahi Allahu Akbar)" Makabubuting kumain mula sa inihandog na hayop, ipamigay ang ibang bahagi sa kawanggawa. Pagkaraan nito, ang isang Hajji, ay inaahit ang ulo o kaya naman ay pinuputol ng maikli ang buhok. Mas makabubuti kung mag-ahit ng buhok sa ulo. Ang isang babaeng muslim ay nagpapaputol din ng buhok na ang sukat ay mga isang pulgada ang haba. Pagkaraan nito, ang lahat ay maaaring gawin maliban sa pagkikipagtalik sa asawa. Ito ay isang sunnah na maglagay ng pabango at magtungo sa Makkah para sa pagsasagawa ng Tawaf Al Ifada.

 

Ang Tawaf Al-Ifada

 

Ang pagsasagawa ng Tawaf Al Ifada ay isang haligi ng hajj at ang Hajj ay walang kaganapan kung wala nito. Pagkaraan ng Tawaf, dapat na magagawa ng dalawang rakat sa likod ng Maqam Ibrahim. At tumungo sa Marwa at Safa upang magsagawa ng Sa'i. Makabubuti na uminom sa bukal ng Zamzam pagkatapos mag-sa'i at pagkaraan ay mag-alay ng dasal sa Allah. Ang mga bagay na ipinagbabawal (sa panahon ng pagsasagawa ng Hajj) ay maaari ng gawin kasama na ang pakikipagtalik sa asawa.

 

Ang Pamamalagi sa Mina

 

Pagkatapos ng Tawaf Al Ifada, ang isang muslim ay bumabalik sa Mina, ginugugol ang tatlong gabi rito (11, 12, 13 ng Dhul Hijja) at naghahagis ng pitong bato sa bawat tatlong Jamrat ng magkakasunod na araw. Pagkaraan ng paghagis ng bato sa jamrat, ito ay sunnah na dapat humarap sa Qibla at magsabi ng "Allahu Akbar". Pagkaraan ng paghagis ng bato sa ikatlong Jamrat, ang isang muslim ay maaaring umalis kahit hindi nagdarasal. Ang pamamaraang ito ay dapat sundin sa nalalabi pang dalawang araw.

 

Ang mga nagnanais na manatili sa Mina sa ika-10th ng Dhul Hijja ay maaaring gawin ito sa pamamagitan ng pag-aantala ng Tawaf Al Ifada. Ngunit bago ang tawaf na ito, ang pakikipagtalik sa asawa ay ipinagbabawal. Ang ritual ng Araw ng Eid ay may apat na bahagi. Una, ang paghagis ng bato sa mga Jamrat, pangalawa, ang pag-aalay ng hayop (sacrificial animal), pangatlo, ang pag-gupit o pag-ahit ng buhok, at pang-apat, ay ang Tawaf at Sa'i.

 

Ang Pagbabalik Muli sa Makkah

 

Pagkaraan ng (Rami) paghagis ng bato sa jamrat sa unang dalawang araw (11th at 12th), sinuman ay maaaring umalis sa Mina bago lumubog ang araw. Ang isang naantala ay kailangang gumugol ng isa pang gabi sa Mina at maghagis ng bato sa Jamrat pagkaraan ng tanghali. Ang mga maysakit, matanda o mga babae ay maaaring utusan ang iba na maghagis ng bato para sa kanila.

 

Tawaf Al-Wada - Ang Tawaf ng Pamamaalam

 

Kung ang isang Hajji ay nagnanais umalis sa Makkah, kinakailangan na siya ay magsagawa ng Tawaf maliban sa isang babae na may buwanang pagdurugo (menses).

 

 

-----------------------------------------

BIBLIOGRAPIYA

 

Ang munting babasahing ito ay hinalaw mula sa mga pangunahing aklat:

 

1. Towards Understanding Islam, by A.A. Mawdudi

2. Fundamentals of Islam, by A.A. Mawdudi

3. Islam in Focus, H. Abdalati

4. Islamic Studies, Book One, by Bilal Philipps

5. Sahih Bukhari, Hadith

6. Sahih Muslim, Hadith

 

Ang Islam ay nagtuturo sa atin na ang pag-aaral ay isang tungkulin ng bawat muslim (babae o lalaki) upang ang tunay na aral ng Qur'an at Hadith ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay manatili sa ating puso at isip. Nawa'y pagpalain tayo ng Allah sa ating mga magagandang gawain. As-salamu-alaikum.

 

 



[1]snk-sumakanya nawa ang kapayapaan.

[2]Ang Salatul-Fajr, Maghrib, at Isha ay mga salah na ang Al Fatiha at ang mga kasunod na bersikulo mula sa Qur'an ay binibigkas ng malakas ng Imam upang marinig ng mga nagdarasal. Sa Salatul Duhur at Asr, ang mga dasal ay isinasagawa sa tahimik na pamamaraan.

[3]isa sa apat na madhab (pamantasan ng Islamikong Batas) ang Hanafi ay nagpahintulot na maaaring magbigay ng salapi para sa Zakt Al Fitr.

 

1
2077
تعليقات (0)