Tungo sa Pang-uunawa sa Islam at sa mga Muslim

PLPHP - ISCAG Philippines - Khalid Evaristo

 

 

 

TUNGO SA  PANG-UNAWA

SA

ISLAM at mga MUSLIM

 

Ni Khalid Evaristo

 

 

Sa Pamamatnugot ng:

 

Pandaigdigang Lupon Para sa Pagtatanggol sa Huling Propeta

[P L P H P]

 

 

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

 

Ano ang Islam?

 

Ang Islam ay hindi bagong relihiyon. Ito ay ang dating katotohanan na ipinahayag ng Diyos (Allah) sa pamamagitan ng lahat ng Kanyang Propeta sa bawa’t bansa.

 

Para sa ika-limang bahagi ng mamamayan sa buong daigdig, ang Islam ay kapwa relihiyon at panuntunan ng buhay. Ang mga Muslim ay tagasunod ng isang pananampalataya ng kapayapaan, pagkamahabagin at pagpapatawad. Walang kinalaman ang karamihang Muslim sa buong daigdig sa mga kapalaluan na nangyayari sa ngayon na ipinararatang sa kanilang pananampalataya.

 

Sino ang mga Muslim?

 

Isang bilyong mamamayan ng iba’t-ibang kulay, lahi at kultura sa buong daigdig mula sa timog ng Pilipinas hanggang Nigeria, ay nagkakaisa sa kanilang pananampalatayang Islam.  Mga labing-walong bahagdan (18%) ay nakatira sa mga bansang Arabo. Ang pinakamalaking bilang ng sambayanang Muslim ay nasa Indonesia.  Marami ding bahagi ng Asia at Afrika ay mga Muslim. Gayundin, may minoridad na Muslim na matatagpuan sa Rusya, Tsina, hilaga at timog Amerika at sa Europa.

 

Ano ang Paniniwala ng mga Muslim?

 

Ang mga Muslim ay naniniwala sa Iisa, natatangi at di-matutularang Allah (Dakilang Lumikha); sa mga Anghel na Kanyang nilikha; sa mga Propeta na kung kanino ipinahayag ang Kanyang Kapahayagan para sa tao; sa Araw ng Paghuhukom at sa pananagutan ng bawa’t isa sa kanyang mga gawa; sa ganap na paghahari ng Allah sa kahihinatnan ng sangkatauhan; at sa buhay pagkatapos ng kamatayan.

 

Ang mga Muslim ay naniniwala sa mga Propeta magmula kay Adam. Kabilang na rito sina Noah, Abraham, Ismael, Isaac, Jacob, Joseph, Job, Moses, Aaron, David, Solomon, Elias, Jonah, Juan Bautista, Hesus at si Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan).

 

Ang huling mensahe ng Allah sa sangkatauhan, isang patotoo at kaganapan ng lahat ng mga sinaunang mensahe, ay ipinahayag sa Kanyang huling Propeta na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel.

 

Paano Maging Muslim?

 

Isang payak na pagbanggit ng “Walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah.” Sa pamamagitan ng ganitong pagsaksi, ang isang nananampalataya ay ipinahahayag niya ang kanyang paniniwala sa lahat ng Sugo na ipinadala ng Allah at sa mga Kapahayagan na kanilang dala.

 

Ano ang Ibig Sabihin ng Islam?

 

Ang “Islam” ay katagang Arabik na nangangahulugan ng pagsuko. Ito ay hinango sa salitang-ugat na “Salam” na nangangahulugan ng kapayapaan. Sa pangrelihiyong kahulugan, ito ay nangangahulugan ng ganap na pagsuko sa kalooban ng Allah. Kaya naman, ang katagang Muhammadanismo na ini-uugnay sa mga Muslim ay isang maling katawagan sa dahilang ito ay nagbibigay pahiwatig na ang mga Muslim ay sumasamba kay Muhammad at hindi sa Allah.

 

Ang “Allah” ay isang pangalang Arabik sa Tangi at Nag-iisang Tunay na Diyos.  Ito ang tawag sa Dakilang Lumikha ng lahat ng Arabo, Muslim man o Kristiano.

 

Bakit Tila Kakaiba ang Islam?

 

Sa makabagong daigdig, ang Islam ay tila makaluma at may kalabisan. Marahil, ito ay sa dahilang ang pananampalataya sa mga bansang kanluran sa ngayon ay hindi na nangingibabaw sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa kabilang dako naman, ang mga Muslim ay lagi ng nangunguna ang kanilang pananampalataya sa kanilang kaisipan. Hindi nila inihiwalay ang kanilang buhay sa pananampalataya. Sila ay naniniwala na ang Banal na Batas - ang Shari’ah, ay nararapat na bigyang halaga.  Kaya naman, ang mga usapan na may kaugnayan sa pananampalataya ay sadyang mahalaga pa rin.

 

Ang Islam ba at Kristianismo ay Magkaiba ang Pinagmulan?

 

Hindi. Katulad ng Judaismo, sila ay nagbuhat kay Propeta Abraham na tinaguriang Ama ng Mananampalataya. Ang kanilang kinikilalang tatlong Propeta ay nagmula sa kanyang mga supling: Si Muhammad galing kay Ismael, sina Moises at Hesus ay galing kay Isaac. Si Abraham ay nagtatag ng pamayanan sa isang pook na tinatawag ngayong Makkah. Itinayo niya ang Ka’aba na kung saan nakaharap ang mga Muslim sa kanilang pagdarasal.

 

Ano ang Ka’aba

 

Ang Ka’aba ay isang pook dasalan na iniutos ng Allah kay Abraham at Ismail na itayo mga apat na libong taon na ang nakararaan. Ang gusali ay yari sa bato na pinaniniwalaan na unang pook ng santuwaryo na itinayo pa noon ni Adam. Iniutos ng Allah kay Abraham na tawagin ang sangkatauhan na puntahan ang pook na ito. Kaya naman, kapag pumunta ang mga naglalakbay sa ngayon, sila ay nagsasabi: “O Panginoon namin, naririto kami upang sa Inyo’y maglingkod”, bilang pagtugon sa panawagan ni Abraham.

 

Sino si Muhammad?

 

Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay isinilang sa Makkah noong taong 570 sa panahon na ang Kristianismo ay hindi pa lubusang lumalaganap sa Europa. Sa dahilang ang kanyang ama ay namatay bago pa siya isilang at sumunod pa rito ang pagkamatay ng kanyang ina noong siya ay bata pa, siya ay pinalaki ng kanyang tiyuhin (kapatid ng kanyang ama), mula sa iginagalang na tribo ng Quraish sa Makkah. Sa kanyang paglaki, siya ay kilala bilang makatotohanan, mapagbigay, at matapat. Kaya naman, siya ay lagi ng tinatawag upang mamagitan sa mga hidwaan ng kanyang angkan. Ang mga mananalaysay ay ipinakikilala siya bilang isang taong mapayapa at mapagmuni-muni.

 

Si Muhammad ay may likas na pagka-relihiyoso at kanyang kinasusuklaman ang mga tiwaling kaugalian ng kanyang sambayanan. Nakagawian niyang magmuni-muni at paminsan-minsang pumupunta sa kuweba na Hira na malapit sa tuktok ng Jabal Al Nur (bundok Al Nur) - ang “Bundok ng Liwanag” na malapit sa Makkah.

 

 

Paano Siya Naging Propeta at Sugo ng Allah?

 

Sa edad na apatnapung taon, habang siya ay nag-iisang nagmuni-muni, si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nakatanggap ng unang kapahayagan mula sa Allah sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Ang Kapahayagang ito na nagpatuloy na ipinahayag sa loob ng dalawampu’t-tatlong taon ay ang Banal na Qur’an.

 

Nang kanyang simulan ang pagpapahayag sa mga kataga na kanyang narinig kay Anghel Gabriel, at kanyang ipangaral ang katotohanan na ipinahayag ng Allah sa kanya, siya at ang kanyang mga tagasunod ay nakaranas ng mapait na pagtugis na naging malala hanggang sa utusan sila ng Allah na mag-ibang bayan noong taong 622. Ang pangyayaring ito ay tinatawag na “Hijra” (pangingibang-bayan). Kanilang nilisan ang Makkah at nagtungo sa Medinah, mga 260 milya sa hilaga ng Makkah. Dito nagsimula ang kalendaryong ng Islam.

 

Matapos ang ilang taon, ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) kasama ng kanyang mga tagasunod ay bumalik sa Makkah. Kanyang pinatawad ang kanilang mga kaaway at mahigpit na itinatag ang Islam. Bago namatay ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa gulang na 63, ang malaking bahagi ng Arabia ay Muslim na. At sa loob ng isang siglo matapos siyang mamatay, lumaganap ang Islam hanggang sa Espania sa kanluran at sa Tsina sa silangan.

 

Ano ang Naging Bunga ng Paglaganap ng Islam sa Daigdig?

 

Ang ilan sa dahilan ng mabilis at mapayapang paglaganap ng Islam ay ang pagiging payak ng doktrina nito. Ang Islam ay nagtatawag sa pananampalataya sa iisang Diyos na Lumikha (Allah) na dapat sambahin. Gayundin, nag-uutos sa tao na gamitin ang kanyang katalinuhan at pagmamasid. Sa loob lamang ng ilang taon, naitatag ang malalaking sibilisasyon at mahuhusay na unibersidad. Sa dahilang ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

 

“Ang paghahanap ng kaalaman ay tungkulin ng bawa’t Muslim - lalake at babae.”

 

Ang pinagsamang kabihasnan ng kanluran at silangan, at ang magkaakibat na luma at bagong kaisipan, ay nagbigay ng mabilis na pagsulong sa larangan ng Medisina, matematika, pisika, astronomiya, geograpiya, arkitektura, sining, literatura at kasaysayan. Maraming mga mahahalagang pamamaraan tulad ng Algebriya, mga numerong Arabik at ang konsepto ng “zero” (na sadyang mahalaga sa pagsulong ng matematika) ay nailipat ng Islam sa Europa. Ang mga kahanga-hangang kagamitan o instrumento na tumulong sa Europa sa kanilang paglalayag sa dagat ay naimbento kagaya ng “astolobe”, “quandrant” at mahuhusay na mapang pandagat.

 

Ano ang Qur’an?

 

Ang Qur’an ay isang talaan ng pawang Salita ng Allah na ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel.  Ito ay naisaulo ng Propeta at kanyang isinalaysay ito sa kanyang mga “Sahaba” (kasamahan) at naisulat ng mga iskriba, at masusing sinuri noong siya ay nabubuhay pa. Sa paglipas ng panahon, walang isa man sa mga kataga sa 114 “Suras” (kabanata) ang nagbago.  Kaya naman, ang Banal na Qur’an, maging sa kaliit-liitang bahagi nito ay isang kakaiba at mahimalang Kasulatan na ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) mga labing-apat na dantaon na ang nakararaan.

 

Ano ang nilalaman ng Banal na Qur’an?

 

Ang Banal na Qur’an, ang huling Kapahayagang ng Allah, ay ang pangunahing saligan ng pananampalataya at pagtupad ng bawa’t Muslim.  Ito ay tumutukoy sa lahat ng paksa na umuugnay sa tao: kabutihan, doktrina, pagsamba, at batas. Subali’t ang pangunahing paksa nito ay ang ugnayan ng Allah sa kanyang mga nilikha. Kaalinsabay nito, ito ay nagbibigay ng pamantayan o alituntunin upang marating ang makatarungang lipunan, mabuting pag-uugali, at ang makatwirang pamamaraang pangkabuhayan.

 

Mayroon pa bang Ibang Banal na Saligan?

 

Oo, ang Sunnah - mga pagsagawa at halimbawang ibinigay ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ito ang pangalawang batayan ng mga Muslim. Ang mga Hadith ay mga mapapanaligang ulat na masusing isinulat tungkol sa mga sinabi, ginawa, at pinahintulutan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang paniniwala sa mga Sunnah ay bahagi ng pananampalatayang Islam.

 

Mga Halimbawa ng mga sinabi ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).

 

“Ang Allah ay walang habag sa kaninumang walang habag sa kapuwa.”

 

“Walang sinuman sa inyo ang tunay na nananampalataya hangga’t sa naisin niya sa kanyang kapuwa ang nais niya sa kanyang sarili.”

 

“Siya na nagpapakabusog habang ang kapitbahay ay walang makain ay hindi nananampalataya.”

 

“Ang matapat at mapagkatiwalaang mangangalakal ay kasama ng mga Propeta, mga uliran at mga martir.”

 

“Ang malakas ay hindi yaong mahusay makipagbuno kundi yaong napipigil ang sarili kapag siya ay galit.”

 

“Hindi humahatol ang Allah ayon sa inyong katawan o anyo bagkus tinitignan Niya ang inyong puso at mga gawa.”

 

“Isang tao na naglalakbay ay nauhaw.  Nang marating niya ang isang balon, siya ay lumusong at uminom. Nang siya ay umahon, nakita niya ang isang aso na nakalaylay ang dila at sinisipsip ang putik upang maibsan ang uhaw. Ang tao ay lumusong ulit sa balon at sumalok ng tubig sa kanyang sapatos at ibinigay niya ito sa aso.  Dahil dito, ang Allah ay pinatawad siya sa kanyang mga kasalanan.” Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay tinanong: “Kami ba ay bibiyayaan sa pagiging mabait sa mga hayop?” Siya ay sumagot: “Mayroong gantimpala ang kabaitan sa anumang may buhay.” (Mga hadith na tinipon nina Bukhari, Muslim, Tirmithi at Bayhaqi)

 

Ano ang Limang Haligi ng Islam?

 

Ito ang balangkas ng buhay ng isang Muslim: Pananampalataya, Pagdarasal, Pagtingin sa mga Dukha, Pagpapakadalisay sa sarili, Paglalakbay sa Makkah sa mga may kakayahan.

 

1.     Shahada (Pananampalataya)

 

Walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah.  Ang pagtestigong ito ay tinatawag na Shahada. Ito ay isang payak na pangungusap na ipinahahayag ng lahat ng nananampalataya. Sa wikang Arabik, ang unang bahagi ay “La illaha illa’Llah” - walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah. Ang “ilaha” ay maaaring iugnay sa anuman na pilit na inihahambing o ipinapalit sa Allah kagaya ng yaman, kakayahan, at iba pa. Ang susunod ay ang “illa’Llah” - maliban sa Allah, ang pinanggalingan ng lahat na nilikha. Ang pangalawang bahagi ng Shahada ay ang “Muhammadar Rasulullah” - Si Muhammad ay Sugo ng Allah. Isang Mensahe ng Patnubay na dumating sa isang tao na kamukha natin.

 

2.     Salaah (Pagdarasal)

 

Ang “Salaah” ay ang tawag sa mga itinakdang pagdarasal na isinasagawa ng limang beses maghapon.  Ito ay mga tuwirang ugnayan ng sumasamba sa kanyang Panginoon. Walang natatanging hanay na mga awtoridad sa Islam kagaya ng Papa, obispo, pari, atbp.  Kaya naman ang mga nagdarasal ay pinangungunahan ng sinumang maalam sa Banal na Qur’an na pinili ng kongregasyon. Ang limang itinakdang pagdarasal ay nagtataglay ng mga kabanata o talata sa Banal na Qur’an at ito ay binabanggit sa wikang Arabik - ang wikang ginamit sa pagkapahayag nito. Gayunpaman, ang mga personal na pagsusumamo ay maaaring banggitin sa sariling wika. Ang Salaah ay iniaalay tuwing madaling-araw, tanghali, hapon, takipsilim at gabi. Dito makikita ang daloy ng buhay ng isang Muslim sa buong maghapon.  Bagama’t higit na ipinapayo ang pagdarasal ng sama-sama o kongregasyon sa Mosque, ang isang Muslim ay maaaring magdasal halos sa lahat ng (malilinis na) pook kagaya ng bukid, tanggapan, pagawaan, unibersidad, atbp. Ang mga panauhin o turista sa mga bansang Muslim ay napupuna ang bahagi ng pagdarasal sa pang-araw-araw na buhay ng isang Muslim.

 

3.     Zakat (Kawanggawa)

 

Ang isa sa mahahalagang simulain ng Islam ay ang aral na ang lahat ng bagay ay pagmamay-ari ng Allah. Kaya naman, ang yaman na tangan ng tao ay itinuturing na tiwala lamang na ibinigay sa kanya. Ang katagang Zakat ay nangangahulugan ng kapwa pagpapakadalisay at pagpapaunlad. Ang ating ari-arian ay nililinis sa pamamagitan ng paglalaan ng bahagi nito para sa mga dukha. Kagaya ng pagtagpas o paggupit sa halaman, ito ay nagbibigay na bagong usbong na sanga. Ang bawa’t Muslim ay siya mismo ang tumutuus o kumukalkula ng sariling Zakat.  Ito ay 2.5% sa natitirang yaman na inilalaan ng taunan upang ibigay sa mga mahihirap.

 

Ang isang maka-diyos na nais magkamit ng maraming gantimpala, ay maaaring magbigay ng higit pa (ito ay tinatawag na ngayong Sadaqa). Hangga’t maaari, dapat ibigay ito ng lihim. Kahima’t maaaring isalin ang “Sadaqa” bilang ’kusang-loob na kawanggawa’, ito ay mayroong higit na malawak na kahulugan. Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

 

“Ang masiglang pagsalubong sa kapatid ay isang Sadaqa.”

 

“Ang kawanggawa ay tungkulin ng bawa’t isa.” Siya ay tinanong: ’Paano na kung ang isang tao ay walang-wala?’ Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi: ’Siya ay dapat maghanapbuhay sa sariling kamay ukol sa kanyang kapakanan at magbigay ng anuman sa kawanggawa mula sa kanyang kinita.’  Siya ay tinanong: ’Paano kung hindi na siya makapaghanapbuhay?’ Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi: ’Siya ay dapat tumulong sa mga mahihirap at mga nangangailangan.’ Siya ay patuloy na tinanong: ’Paano kung hindi niya kayang gawin ito?’  Siya ay sumagot: ’Siya ay dapat maghikayat sa kapuwa upang gumawa ng mabuti.’  Siya ay tinanong: ’Paano kung hindi pa rin niya kayang gawin ito?’  Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay sumagot: ’Dapat siyang mag-ingat na huwag gumawa ng masama, ito ay isa ring kawanggawa.’

 

4.     As-Siyam (Pag-aayuno)

 

Sa bawa’t taon tuwing buwan ng Ramadhan, ang lahat ng Muslim ay nag-aayuno mula pakikipagtalik sa asawa. Ang mga maysakit, matatanda, naglalakbay, at nagdadalantao o ginang na nagpapasuso ng sanggol ay pinahihintulutang tumigil sa pag-aayuno at isagawa na lamang ito pagkatapos ng Ramadan anumang araw sa buong taon bago sumapit ang susunod na Ramadan. Kung hindi nila maisagawa ito dulot ng katandaan o maselang karamdaman, nararapat na magpakain ng isang dukha sa bawa’t araw na hindi makapag-ayuno. ng mga bata ay mag-uumpisang mag-ayuno (at magdasal) bilang tungkulin kapag umabot na sila sa pagbibinata at pagdadalaga. Bagama’t maaari silang mag-umpisa ng maaga pa bilang pagsasanay.

 

Kahima’t ang pag-aayuno ay nakabubuti sa kalusugan, higit na binibigyang pansin na ito ay isang paraan ng pagpapakadalisay sa sarili. Ang pag-iwas sa mga makamundong kaginhawan, kahit sa maikling panahon lamang, ay nagbibigay sa isang nag-aayuno ng simpatiya sa mga mahihirap na nagugutom. Ito rin ay nagpapalago ng buhay ispirituwal.

 

5.     Hajj (Paglalakbay sa Makkah)

 

Ang Hajj ay ginagampanan minsan sa tanang buhay ng isang Muslim. Ito ay nagiging tungkulin kapag ang isang Muslim ay nasa tamang gulang at kaisipan, may magandang kalusugan, at may gugugulin sa paglalakbay. Sa bawa’t taon, mga 2 milyong Muslim mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig ang nagtutungo sa Makkah. Ito ay nagbibigay pagkakataon sa iba’t-ibang lahi na magkita sa isa’t-isa. Ang Hajj ay nagsisimula sa ika-labing dalawang buwan ng kalendaryong Muslim (ang kalendaryong ito ay nakasalalay sa buwan at hindi sa araw. Kaya naman, ang Hajj at Ramadan ay maaaring mangyari sa panahon ng tag-init o taglamig). Ang mga naglalakbay ay may natatanging kasuotan. Isang payak na kasuotan na nag-aalis sa pagkakaiba ng uri at kultura bilang aral na ang lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Allah.

 

Ang mga seremonya ng Hajj na nababatay sa mga ginawa ni Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay kinabibilangan ng pag-ikot sa Ka’aba ng pitong ulit, ang paglalakad ng pitong beses sa magkabilang bundok ng Safa at Marwa kagaya ng ginawa ni Hagar ng siya ay naghahanap ng tubig. Pagkatapos nito ay ang pagtindig ng mga naglalakbay sa bundok ng Arafa at magkaisang manalangin at humingi ng kapatawaran sa Allah. Ang ganitong mga rituwal ay nagbibigay din ng paggunita sa Araw ng Paghuhukom.

 

Noong mga nakaraan dantaon, ang pagsagawa ng Hajj ay sadyang napakahirap. Subali’t sa ngayon, ang Saudi Arabia ay nagbibigay sa milyong-milyong naglalakbay ng masaganang tubig, makabagong sasakyan, at mga modernong pasilidad pangkalusugan. Ang pagtatapos ng Hajj ay isang pagdiriwang. Ito ay tinatawag na Eid Al Adha.  Ipinagdiriwang ito ng lahat ng sambayanang Muslim sa buong daigdig ng may pagdarasal at palitan ng regalo. Ang Eid Al Adha at ang Eid Al Fitr - isang pagdiriwang bilang paggunita sa katapusan ng Ramadan, ay dalawang malalaking araw ng pagdiriwang sa kalendaryong Muslim.

 

 

Pinahihintulutan Ba sa Islam ang Ibang Pananampalataya?

 

Ang Banal na Qur’an ay nagsasabi:

 

“Hindi kayo pinagbabawalan ng Allah na makitungo ng mabuti at makatarungan sa kanila na hindi naman kayo kinakalaban sa inyong pananampalataya o hindi naman kayo ipinagtatabuyan sa inyong mga tahanan; sapagka’t minamahal ng Allah ang mga makatarungan.”  [Qur’an, 60:8]

 

Isa sa mga ipinaiiral ng batas Islamiko ay ang pangangalaga sa karapatan ng minoridad.  Kaya naman dumami ang mga pook-sambahan ng di-muslim na matatagpuan iba’t-ibang bansang Muslim. Ang kasaysayan mismo ang nagbibigay halimbawa ng pagpapahintulot ng mga Muslim sa ibang pananampalataya: Nang si Khalifa Omar ay pumasok sa Herusalem noong taong 634, ang Islam ay nagbigay kalayaan sa lahat ng relihiyon sa lunsod na iyon.

 

Ang batas Islamiko ay nagbibigay pahintulot sa mga di-Muslim na minoridad na magtatag ng sariling hukuman na magpapairal sa kanilang pampamilyang batas na sila mismo ang sumusog.

 

 

Ano ang Pananaw ng mga Muslim kay Hesus?

 

Ang mga Muslim ay iginagalang at nagbibigay pitagan kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Hinihintay din nila ang kanyang pagbabalik. Siya ay ibinibilang na isa sa mga bantog na Sugo ng Allah. Hindi sapat sa isang Muslim na tawagin lamang siya sa kanyang pangalang Hesus, bagkus dinadagdagan ito ng mga katagang ’sumakanya nawa ang kapayapaan’(bilang pagmamahal at paggalang sa kanya). Ang banal na Qur’an ay nagpapatotoo sa kanyang pagsilang sa isang birhen (isang kabanata sa banal na Qur’an ay may pamagat na ’Maria’). Si Maria ay itinuturing na pinakadalisay na babae sa lahat ng kababaihan. Ang banal na Qur’an ay nagsasabi tungkol sa pagbibigay ng magandang balita:

 

“At masdan! Ang Anghel ay nagsabi: ’Ang Allah ay itinangi ka sa lahat ng kababaihan sa lahat ng bansa.  O Maria, ang Allah ay nagbibigay sa iyo ng isang magandang balita - isang Salita mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay Messiya Hesus, anak ni Maria, pararangalan dito sa lupa at sa kabilang buhay, at siya ay isa sa mga malalapit sa Allah. Siya ay mangungusap sa tao mula sa kanyang duyan at sa kanyang pagtanda, at siya ay mabibilang sa mga maka-diyos.’

 

“Siya (Maria) ay nagsabi: ’O aking Panginoon! Paano ako magkakaroon ng anak samantalang wala pang lalaking sumaling sa akin?’ Siya ay nagsabi: ’Kahit na! Ang Allah ay lumilikha ng bawa’t naisin Niya. Kapag itinakda Niya ang isang bagay, sasabihin lamang Niya: ’Maging’ at ito’y mangyayari na.’”  [Qur’an 3:42-47]

 

Si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay isinilang ng mahimala sa pamamagitan ng kapangyarihan na nagbigay buhay din kay Adam (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nilikha na walang ama:

 

“Katotohanan, ang katulad ni Hesus sa paningin ng Allah ay kagaya ni Adam.  Nilikha siya mula sa alabok, at sinabi sa kanya, ’Maging’ at siya’y naroon na.’  [Qur’an, 3:59]

 

Sa panahon ng kanyang misyon, si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay gumawa ng maraming milagro.  Ang banal na Qur’an ay nagsasaad na siya ay nagsabi:

 

“Ako ay dumating sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon: Gagawa ako mula sa luwad na ito ng isang hugis ibon, aking hihipan at ito’y magiging ibon sa pahintulot ng Allah. At pagagalingin ko ang mga bulag at ketongin, at aking bubuhayin ang patay sa pahintulot ng Allah.  [Qur’an, 3:49]

 

Maging si Muhammad o si Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay hindi nagbigay pagbabago sa pangunahing doktrina sa paniniwala sa iisang Diyos (Allah) na itinuro ng mga nauang Propeta. Bagkus, pinagtibay at ibinalik nila ang doktrinang ito. Sa banal na Qur’an, si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na siya ay dumating:

 

“Upang pagtibayin ang mga batas na nauna sa akin. At pahihintulutan sa inyo ang bahagi ng mga bagay na ipinagbawal sa inyo. Ako ay dumating sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon, kaya’t maging matakot sa Allah at sumunod sa akin.” [Qur’an, 3:50]

 

Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

 

“Sinuman ang maniwala na walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah - ang tangi at walang katambal, na si Muhammad ay Kanyang Sugo, na si Hesus ay Alipin at Sugo ng Allah, Kanyang salita na ibinigay kay Maria at isang ispiritu na ibinigay Niya, na ang Paraiso at Impiyerno ay totoo, siya ay tatanggapin ng Allah sa Paraiso.” [Hadith na inipon ni Bukhari]

 

Bakit Ganoon na Lamang Kahalaga ang Pamilya sa mga Muslim?

 

Ang pamilya ay pundasyon ng sambayanang Islam. Ang kapayapaan at kapanatagan na naibibigay ng matatag na pamilya ay binibigyang halaga, at ito ay itinuturing na isang mahalagang sangkap tungo sa pang-ispirituwal na pag-unlad. Ang mahusay na lipunan ay nakukuha lamang sa pananatili ng matatag na paglaki ng pamilya. Ang mga bata ay mistulang yaman, at bihirang lisanin ang tahanan maliban lamang sa panahon ng kanilang pag-aasawa.

 

Ano ang Tungkol sa mga Kababaihang Muslim?

 

Tinatanaw ng Islam ang isang babae, maging may asawa o wala, bilang isang tao na may sariling karapatan. Mayroon siyang karapatang magkaroon at magbenta ng ari-arian. Siya ay binibigyan ng “Mahr” (regalo ng mapapangasawa sa panahon ng kanyang pag-aasawa) bilang sarili niyang gamit. Mananatili ang kanyang apelyido kahit na siya ay mag-asawa pa. Kapuwa lalake at babae ay inaasahang magdamit na simple at kagalang-galang. Ang mga kasuotan ng kababaihan sa mga bansang Muslim ay karaniwan ng nagpapakita ng sarili nilang tradisyon sa kani-kanilang pook.

 

Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

 

“Ang pinakamahusay sa pananampalataya ay yaong mahusay ang pag-uugali at mabait sa asawa.”

 

Maaari bang Mag-asawa ang Isang Muslim ng Higit sa Isa?

 

Ang relihiyong Islam ay ibinigay para sa lahat ng lipunan at sa lahat ng panahon. Kaya naman, nasasakop nito ang malawak at iba’t-ibang pangangailangan ng lipunan. May mga kalagayan na ang pag-aasawa uli ay kinakailangan. Ang karapatang ito ay pinahihintulutan, ayon sa banal na Qur’an, sa isang kondisyon na ang lalake ay maging tunay na makatarungan.

 

Ang Kasal ba sa Islam ay Katulad ng Kasal sa Kristianismo?

 

Ang kasalang Muslim ay hindi sakramento, bagkus ito ay isang payak na kasunduang legal na ang bawa’t panig ay malayang magbigay ng mga kondisyon. Ang mga kaugaliang kasalan ay magka-iba sa bawa’t bansa. Ang diborsiyo ay hindi laganap, bagama’t ito ay hindi naman ipinagbabawal bilang panghuling hakbang. Sa Islam, walang Muslim na babae ang maaaring pilitin sa pag-aasawa laban sa kanyang nais. Maaari lamang magmungkahi ang mga magulang ng kanyang mapapangasawa na sa kanilang palagay ay nababagay sa kanya.

 

Paano ang Pakikitungo ng mga Muslim sa mga Matatanda?

 

Sa mga bansang Muslim, walang mga bahay-ampunan na itinatayo para sa mga matatanda. Ang hirap sa pag-aalaga ng sariling magulang sa ganitong maselang kalagayan ng kanilang buhay ay itinuturing na isang karangalan, biyaya at pagkakataon para sa ispirituwal na pag-unlad. Inaatasan tayo ng Allah na ipagdasal ang ating mga magulang at bigyan sila ng walang humpay na pagmamalasakit bilang paggunita ng kanilang pag-aaruga sa atin noong tayo’y maliliit pa. Ang mga ina ay binibigyang parangal: ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na ang Paraiso ay nasa paanan ng mga ina. Sa kanilang pagsapit sa katandaan, ang mga Muslim na magulang ay inaaruga ng may habag at pagmamahal.

 

Sa Islam, ang paglilingkod sa magulang ay isang tungkulin na pumapangalawa sa pagdarasal. Kanilang karapatan na asahan ang kanilang mga anak na sila’y paglingkuran.  Itinuturing na isang kasuklam-suklam na magpakita ng pagka-inis sa pag-aaruga sa mga panahong sila’y mahirap pakitunguhan dulot ng kanilang katandaan.

 

Ang banal na Qur’an ay nagsasabi:

 

“Ang inyong Panginoon ay nag-uutos sa inyo na sambahin lamang Siya, at maging mabait sa magulang. Kung isa o kapuwa man sila umabot sa katandaan, huwag magsabi sa kanila ng anumang panghahamak o huwag silang kagalitan, bagkus kausapin sila sa mga mararangal na paraan at kabaitan. Pakitunguhan sila ng may kababaang-loob, at magsabi, ’Panginoon ko! Mahabag sa kanila, sapagka’t inaruga nila ako noong ako’y munting bata’.  [Qur’an, 17:23-24]

 

Ano ang Pananaw ng Muslim sa Kamatayan?

 

Kagaya ng mga Hudyo at Kristiyano, ang mga Muslim ay naniniwala na ang kasalukuyang buhay ay isang pagsubok at paghahanda sa tunay at susunod na buhay. Ang mga pangunahing paniniwala sa Islam ay kasama ang: Araw ng Paghuhukom, Pagkabuhay na Muli, Paraiso at Impiyerno. Kapag namatay ang isang Muslim, siya ay nililinis ng tubig, kadalasan ng miyembro ng pamilya, ibabalot ng malinis na puting tela, at inililibing na may pagdarasal, hangga’t maaari sa araw din ng kanyang pagkamatay. Itinuturing ng mga Muslim na ang pag-aasikasong ito ay isang panghuling paglilingkod na kanilang magagawa para sa yumao. Ito ay nagsisilbi ding paalaala sa kanilang napakaikling pananatili dito sa mundo. Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na may tatlong bagay na magpapatuloy na makatulong sa isang tao kahit siya ay patay na; kawanggawa na kanyang naipamigay, kaalaman na kanyang naipamahagi at ang panalangin para sa kanya ng kanyang ulirang anak.

 

Ano ang Pananaw ng Islam tungkol sa Digmaan?

 

Kagaya ng Kristianismo, pinahihintulutan ng Islam ang pakikipaglaban bilang pagtatanggol sa pananampalataya o pagtulong sa mga taong itinaboy ng di-makatarungan mula sa kanilang tahanan. Ang Islam ay nagbigay ng mahigpit na alituntunin sa digmaan na kinabibilangan ng pagbabawal sa pananakit ng sibilyan at paninira ng mga pananim, punongkahoy at hayupan.  Gaya ng paniniwala ng mga Muslim, ang kawalang-katarungan at pang-aapi ay mangingibabaw sa daigdig kung ang mga mabubuting tao ay hindi handang itaya ang buhay para sa mabuting layunin.  Ang banal na Qur’an ay nagsasabi:

 

“Magsipaglaban para sa landas ng Allah laban sa kanila na nakikipaglaban sa inyo, subali’t huwag lumabag sa hangganan. Hindi minamahal ng Allah ang mga lumalabag.” [Qur’an, 2:190]

 

“Kung ang hinahanap nila ay kapayapaan, hangarin din ang kapayapaan. At magtiwala sa Allah sapagka’t Siya ang nakaririnig at nakababatid ng lahat ng bagay.” [Qur’an, 8:61]

 

Magkagayun, ang digmaan ay ang pinakahuling pagpipilian at ito’y nababatay sa isang mahigpit na kondisyon na hinihingi ng banal na batas. Ang literal na kahulugan ng katagang “Jihad” ay pakikipagbaka. Naniniwala ang mga Muslim na may dalawang uri ng Jihad. Ang natitirang uri ay ang pakikipagbaka ng sarili laban sa makasariling mithiin at pagnanasa.  Ito ay mahalaga upang makamit ang tunay na kapayapaan.

 

Ano naman ang tungkol sa Pagkain?

 

Bagama’t higit na simple kaysa sa batas na sinusunod ng mga Hudyo at mga sinaunang Kristiano, ang batas na sinusunod ng mga Muslim tungkol sa pagkain ay ang pagbabawal sa pagkain sa karne ng baboy at pag-inom ng anumang nakalalasing. Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi na ’ang iyong katawan ay may karapatan sa inyo’.  Kaya naman, ang pagkain ng mabuting pagkain at pagtahak sa malinis na pamumuhay ay itinuturing na pangrelihiyong tungkulin.

 

Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:

 

“Magsumamo sa Allah ng katiyakan (sa pananampalataya) at matiwasay na buhay; dahil pagkatapos ng katiyakan, wala ng higit na mahalagang biyayang matatanggap ng sinuman kaysa mabuting kalusugan!”

 

Paano Mapapa-iral ng Islam ang Karapatang Pantao?

 

Ang kalayaan ng pagpili ay maliwanag na nasasaad mismo sa banal na Qur’an:

 

’Walang sapilitan sa pananampalataya’ [Qur’an 2:256]

 

Sa isang bansang Islam, ang buhay at ari-arian ng lahat ng mamamayan, Muslim man o hindi, ay itinuturing na sagrado.

 

Ang rasismo ay wala sa isipan ng mga Muslim sapagka’t ang banal na Qur’an ay nagsasabi ng tungkol sa pagkapantay-pantay ng tao sa ganitong mga pangungusap:

 

“O sangkatauhan! Nilikha Namin kayo mula sa isang pares - lalake at babae, at ginawa Namin kayong mga bansa at tribo upang magkakilala sa isa’t-isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ng Allah ay ang pinakamahusay sa inyo sa kabanalan. Ang Allah ay ang Maalam, ang Nakababatid ng lahat.  [Qur’an, 49:13]

 

 

Ang kahulugan ng “Adhan” (Pagtawag sa Pagdarasal)

 

Ang Allah ay Dakila.  Ang Allah ay Dakila.

Ang Allah ay Dakila.  Ang Allah ay Dakila.

Ako ay sumasaksi na walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah.

Ako ay sumasaksi na walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah.

Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah.

Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah.

Halina sa pagdarasal!  Halina sa pagdarasal!

Halina sa tagumpay (sa buhay dito at sa kabila)!

Halina sa tagumpay (sa buhay dito at sa kabila)!

Ang Allah ay Dakila.  Ang Allah ay Dakila.

Walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah.

 

1
2080
تعليقات (0)