Ang Islam at ang Tunay na mga Muslim

Abdullatif M. Arceo

 

 

ANG ISLAM AT ANG

 

TUNAY NA MGA MUSLIM

 

 

Sa Pamamatnugot ng

 

 

Pandaigdigang Lupon Para sa

Pagtatanggol sa Huling Propeta

[PLPHP]

 

 

Sinulat ni

 

 

Abdullatif  Eduardo  M. Arceo

 

 

 

 

 -----++++-------

 

 


PAUNANG SALITA

 

Ang layunin ng maikling lathalaing ito ay upang mabigyang linaw ang mga lihis at maling paniniwala ng mga hindi nakakaalam ng tunay na mensahe ng relihiyong Islam. Bagama't ang Islam ay nakarating na sa lahat ng panig ng mundo, marami pa ring lubha ang hindi lubos na nakakaunawa sa tunay na kahulugan at aral ng Islam. Bukod pa rito ay ang maling pakahulugan na lumalaganap mula sa mga manunuligsa ng Islam lalung-lalo na sa Kanluran. Bagama't ang Islam ay nabibigyang daan sa Kanluran, ang mga balangkas ng pagkakasulat ay hindi nagbibigay ng ganap at pantay na pagpapahayag at naglalayon lamang upang kapootan at pangilagan ito. Malimit, ang Muslim ay inilalarawan bilang mga taong mapaghanap ng kaguluhan at ang Islam ay isang relihiyong itinatag sa pamamagitan ng puwersa o pakikidigma o dili kaya'y isang relihiyong itinatag ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na pinalaganap sa pamamagitan ng espada at kalasag.             

 

Sa sulating ito, ang pagkakalahad ng mga pundamental na balangkas ng Islam ay may kaigsian lamang at hindi naglalayong ipaliwanag ang lahat ng kabuuan nito. Ito’y upang ipahayag lamang ang mga punong kaisipan na kinapapalooban ng tunay na pananampalataya sa pamamaraang Islam. Layunin pa rin ng lathalaing ito na magkamit din ng kaalaman ang mga taong hindi pa nakababatid at magpahanggang ngayon ay hindi nakakikilala sa tunay na mensahe ng Allah na ipinahayag Niya sa huling Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Bilang isang monoteistikong relihiyon, hangad ng buong pagkakapatiran ng mga Muslim na patnubayan ang mga monoteistikong relihiyon (Kristiyanismo at Hudaismo) na siyang pinakamalapit sa Islam tungo sa katotohanan. Gayon din naman, ay upang ilahad sa iba pa ang tunay na nilalaman ng pananampalatayang ito at mabigyan liwanag kung sino ang dapat tawaging Muslim sa tunay na kahulugan nito. Dito ay aking tinalakay lamang ang ilang mga sulyap sa pananampalatayang Islam.  Hangad ko na ang mambabasa ay  magkaroon sana ng bukas na isipan tungo sa pagkaunawa at pagtanggap ng tunay na diwa at aral ng Islam. Dalangin ko sa Dakilang Lumikha, sa Allah, na bigyan ng liwanag ang mga taong humahanap ng tunay na katotohanan tungo sa Kanyang Kaharian.

 

Abdullatif Eduardo M. Arceo

(Ang may akda)

 

 


Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Maawain

 

 

Bago natin maunawaan kung sino ang tunay na Muslim, ang katayuan niya sa lipunan, ang tungkulin at galaw niya sa ilalim ng relihiyong Islam, dapat nating maunawaan ang ilang mahahalagang bagay tungkol mismo sa relihiyong Islam.

 

Ano ang Islam?

 

Ang Islam ay ang relihiyon ng mga Muslim. Ang pinakabuod nito ay napapaloob sa kalimah ng mga Muslim na: "La ilaha ilallah, Muhammadar Rasulullah". Ito ay salitang Arabik na nangangahulugan na "Wala ng ibang Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang sugo".

 

Taliwas sa ibang pananampalataya, ang Islam ay hindi hinango sa pangalan ng tao, lugar o bagay. Ang Kristiyanismo ay hinango mula sa pangalan ni Kristo (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang Buddhismo mula sa pangalan ni Buddha, ang Judaismo mula sa tribo ni Judah (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa lugar ng Judaea, ang Hinduismo ay mula sa pangalan ng ilog na Indes sa India at ang Zoroastranismo ay mula sa pangalan ni Zoroaster. Ang mga relihiyong nagtataguri buhat sa pangalan ng kanilang mga propeta ay nagbabadya ng pagsamba sa kanila. Halimbawa, ang Kristiyanismo ay buhat sa pangalan ni Kristo at kaya gayon ay sapagka’t sila ay sumasamba kay Kristo. Ang Buddhismo ay mula sa pangalan ni Buddha, at gayon din naman ay sumasamba sila kay Buddha. Ang Zoroastranismo ay mula kay Zoroaster at wala rin pagkakaiba sa nauna na sila ay sumasamba kay Zoroaster. Walang relihiyon na dapat ipangalan sa sinumang Propeta o lahi ng tao o tribu sapagkat ito ay nagbibigay ng pahiwatig ng pagsamba sa Sugong nagpahayag ng mensahe ng Allah. Bagama’t may mga taong nagtataguri sa Islam na Muhammadanismo, ito ay maling pagkaunawa at walang puwang sa relihiyong Islam. Ito ay puna lamang o katawagang ipinangalan ng mga kritiko o manunuligsa ng Islam at dahil dito ay nagbibigay kasiraan sa kaganapan ng relihiyon o naglilihis sa katotohanan. Walang Muslim ang magsasabi na siya ay Muhammadan sapagkat kailanman ang mga Muslim ay hindi sumasamba kay Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ito ay maling pagkaunawa na ikinulapol ng mga taga-usig ng Islam sa mga Muslim. Tanging naiiba ang Islam.

 

Ang Islam ay isang katagang Arabik mula sa salitang ugat na salam. Ang kahulugan nito ay kapayapaan, pagkamasunurin, pagbibigay at pagpapaubaya ng sarili, lubos na pagtanggap sa mga itinalaga ng Allah, pagtalima ng walang pasubali at pagkakaloob ng lahat ng lakas, isip at katawan. Sa maikling salita, ganap na pagsuko sa Kataas-taasang Diyos na Tagapaglikha.

 

Ang Islam ay itinatag ng Allah dito sa balat ng lupa at hindi sa Makkah o Saudi Arabia. Ito ay itinatag Niya mula pa noong unang panahon nang likhain Niya ang unang tao dito sa lupa, alalaong baga’y si Adan at Eba (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ito ay hindi relihiyong itinatag ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) bagkus ay ang Allah mismo ang nagtatag nito. Ating mababasa sa Qur’an, ang huling kapahayagan ng Allah, ang mga sumusunod na talata:

 

“Sa araw na ito ay pinaging ganap Ko ang inyong relihiyon para sa inyo, at ipinagkaloob Ko ang Aking paglingap sa inyo, at Aking itinakda na inyong relihiyon ang Islam.” [Qur’an, 5:3]

 

Ang katagang Islam ay tuwirang pagkakaloob ng sarili at pagtalima sa mga utos ng Allah. Ang tunay na Muslim ay naniniwalang ang relihiyong ibinigay ng Allah ay tanging Islam lamang.  Ito lamang ang relihiyong tinatanggap at tatanggapin ng Allah at wala ng iba.

 

Sinabi rin ng Allah sa iba pang talata ng Qur’an ang mga sumusunod:

 

“At sinumang maghanap ng pananampalataya na iba sa Islam, ito ay hindi kailanman tatanggapin sa kanya, at sa Kabilang Buhay siya ay isa sa mga napaligaw (ng landas sa pagkapahamak)” [Qur’an, 3:85]

 

 

Ano ang Deen?

 

Bagama’t ang salitang Arabik na Deen ay maaaring isalin sa wikang Pilipino na relihiyon o pananampalataya, o sa wikang Ingles ay “religion”, ito ay gahol na paliwanag sa tunay na kahulugan nito. Ang salitang Deen ay hindi lamang isang relihiyon kundi ito ay matatawag na “isang pamamaraan ng buhay, patakaran ng buhay, panuntunan ng buhay” na kung wala niyaon, tayo ay hindi maaaring makarating sa ating patutunguhan o hantungan, alalaong baga  ay sa kaligtasan natin sa Kabilang Buhay.

 

Nang tayo’y likhain ng Allah dito sa lupa, hindi Niya tayo nilikha at hinayaan na lamang. Tayo ay hindi Niya pinabayaan na gumagala sa kadiliman. Tayo ay binigyan Niya ng lahat ng mga bagay para sa ating pangangailangan at ikabubuhay. Binigyan Niya tayo ng pagkain, tirahan at kasuutan. Higit sa lahat, binigyan Niya tayo ng mga batas, aral at tagubilin na ipinadala Niya kay Anghel Gabriel (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nagparating sa Kanyang mga piling Propeta. Ang mga Propetang ito ay mga tao rin na katulad natin na nagpamalas sa atin ng halimbawa at pagsunod sa mga batas na ibinigay sa atin ng Allah. Sa Islam, ang batas na ibinigay ng Allah sa langit ay dapat na siya ring batas sa lupa na dapat ipatupad. Ang mga banal na batas na ito ay ganap at naaangkop sa lahat ng tao, lugar at panahon. Ito ay pangwakas at hindi kumukupas. Ang isang Muslim ay hindi maaaring gumawa ng anumang batas na sisira o susuway sa batas ng Allah. Halimbawa, sinabi ng Allah sa Qur’an na “bawal ang pangangalunya”, kung gayon ang isang bansang nagpapatupad ng Islam ay hindi maaaring magbigay ng pahintulot o lisensiya upang makapagpatayo ang isang tao ng mga bahay-aliwan (night club), kabaret, o massage parlor. Gayundin naman, winika ng Allah sa Qur’an na “bawal ang pagsusugal” at dahil dito, ang isang bansang nagpapatupad ng Islam ay hindi maaring magbukas ng casino, lotto, sweepstakes, atbp. Sinabi pa rin ng Allah sa Qur’an na “bawal ang pag-inom ng mga nakalalasing” at dahil dito ay hindi maaaring magkaroon ng mga pabrika ng alak, “beer house” at distilerya ang isang bansang sumusunod sa Islam. Ito sa katotohanan ay napakagandang batas. Ang lahat ng bawal na ito sa Islam ay bawal din naman sa lahat ng ibang malalaking relihiyon, halimbawa’y Kristiyanismo, subalit ito ay tandisang pinahihintulutan sa kanilang mga bansa. Bagama’t sila ay nangangaral laban dito ay hindi naman sila nababahala na ipasara ang tatlong mga bisyong ito na siyang tarangkahan ng impiyerno: ang pambababae, sugal at alak. Naniniwala sila na ang batas ng Diyos ay hiwalay sa batas ng tao at hindi dapat pagsamahin.  Pangkaraniwan, ito ang kahulugan ng “relihiyon” na labas sa Islam. Nguni’t iba sa Islam, ang Deen ay hindi lamang relihiyon, ito ay higit na makahulugan doon. Ang unang tungkulin ng isang pinuno ng bansa, higit sa lahat, ay upang ipatupad ang mga batas ng Allah at hindi upang suwayin yaon. Tungkulin niyang pangalagaan ang mga moral na pag-uugali ng kanyang nasasakupan. Tungkulin niyang gabayan ang mga tao tungo sa kaligtasan sa kabilang buhay. Tungkulin niyang akayin sila sa tamang landas, sa “daan ng buhay”.  Ito sa maigsing paliwanag ang kahulugan ng Deen.

 

 

Islam: Hindi Isang Bagong Relihiyon

 

Taliwas sa karaniwang paniniwala na ang Islam ay isang bagong relihiyon na sinimulan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) may labing apat na raang taon na ngayon ang nakalilipas, ang Islam ay siyang relihiyon mula pa sa panahon ng ating mga ninuno, samakatuwid baga'y nina Adan at Eba (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ang Islam sa simula pa, ay siyang relihiyong ibinigay ng Allah sa Kanyang mga nilikha sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta. Sa lahat ng mga bansa, ang Allah ay nagsugo ng tagapagbigay babala na isa lamang relihiyon ang ibinabandila--Ang Islam. Ito ang tanging relihiyon na ibinigay ng Allah at wala Siyang relihiyon na ibinigay o ipinangalan sa ngalan ng mga Propeta. Ang Islam ay ganap Niyang relihiyong tanging Siya ang may dala, tanging Siya ang may gawa at tanging Siya ang nagbigay ng pagtatalaga sa dapat gawin ng Kanyang nilikha.

 

Ang Islam ay ang relihiyong nagpapatuloy sa mga mensaheng ibinigay Niya noong una pa man sa mga Propeta. Ito ay pinatutunayan ayon na rin sa Qur'an, ang  Banal na Aklat ng mga Muslim.

 

Ang Allah ay nagbigay paliwanag:

 

"Ipagbadya (O, Muhammad): Kami ay sumasampalataya sa Allah at sa anumang bagay na ipinahayag sa amin at sa mga bagay na ipinahayag kay Abraham at Ismail at Isaac at Hakob at sa kanyang mga lahi, at sa mga bagay na ipinahayag kay Moises at Hesus, at sa mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatadhana sa kanila (mga Propeta) ng pagtatangi-tangi at sa Kanya lamang kami tumatalima." [Quran 3:84, 2:136]

 

Ayon pa rin sa Allah:

 

"Tunay nga (O Muhammad!) na pinagpahayagan ka Namin kung paano rin naman Namin pinagpahayagan si Noe at ang mga Propetang sa kanya ay nangagsisunod, gayon din naman kung paano Namin pinagpahayagan si Abraham at Ismail at Isaac at Hakob at ang kanyang mga lahi, at si Hesus at si Job at Jonas at Aaron at Solomon at kung paano rin Namin ipinahayag kay David ang Salmo."

 

At mula pa rin sa ibang pahina ng Qur’an, ang Allah ay nagsabi:

 

"At ang mga Sugong binanggit Namin sa iyo noong una at mga Sugong di Namin nabanggit sa iyo at ang Allah ay tuwirang nakipag-usap kay Moises." [Quran 4:163-164]

 

Sino ang Allah?

 

Siya ba ay ibang diyos sa Diyos na Lumikha ng langit at lupa? Siya ba ay ibang diyos sa Diyos na sinamba ng mga Propeta? Siya ba ay Diyos lamang ng mga Muslim? Sa katotohanan, ang Allah ay salitang Arabik na walang ganap o lubos na kahulugan sa wikang Ingles o maging sa anupamang wika. Ito ang personal na pangalan ng isang tunay na Diyos na Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Ang pangalang Allah bagama't isinalin sa Ingles na “God” o sa Tagalog na "Diyos" ay hindi sapat upang ipakahulugan sa salitang Allah. Ang Allah ay isang unikong pangalan ng Diyos na nangangahulugan ng "Isang Tanging Diyos ng lahat ng nilikha." Siya ay Diyos ng mga "diyos". Siya ang Diyos sa anupamang “diyos". Siya ang higit na Diyos sa lahat ng sinasambang “diyos”. Sa mga lathalain, tayo'y mayroong tinatawag na "diyos ng araw", “diyos ng planetang Neptuno”, “diyos anak” at marami pang iba. Ngunit ang Allah ay Diyos ng lahat ng mga bagay na pinangalanang "diyos".

 

Pangalawa, ang salitang Allah ay walang kasarian (sex). Hindi Siya maaaring iugnay sa anumang bagay na panlalaki o pambabae. Siya ay hindi nalalayon upang ihalintulad dito. Taliwas sa salitang Ingles na ang "god" ay maaaring maging pambabaeng anyo sa pamamagitan ng salitang "goddess" o ng Tagalog na “diyos” na maaaring tawagin sa  pambabaeng anyo na “diyosa”. Ngunit sa salitang Allah, ito ay hindi maaaring mabatay sa pagbabago ng panlalaking anyo sa pambabaeng kaanyuan. Siya ang Allah na walang kasarian sapagka’t Siya ay hindi tao na katulad natin o katulad ng Kanyang mga nilikha. Ang Allah ay hindi kailangang magparami sa pamamagitan ng seksuwal na paraan sapagkat Siya ay walang katapusan at kamatayan.

 

Pangatlo, ang salitang Allah ay mananatiling tanging isa. Siya ay hindi maaaring iugnay sa pangmaramihan. Wala ng iba kundi Siya. Ito ay taliwas sa salitang Ingles na "God" na sa pangmaramihang anyo ay maaaring maging "Gods" o sa salitang Latin na “Deo” na maaaring maging "Deos". Ang salitang Allah kailanman ay hindi maaaring humigit pa sa isa. Siya ay unikong isa. Hindi Siya maaaring tawagin ng Allahs o Allahes. Dahil dito, ang mga Muslim ay nagkakaisa sa pagpapanatili ng pagtawag sa Kanyang pangalang Allah upang ang lahat ng katangian ng isang ganap na Diyos ay mapanatili sa salitang Allah. Ang anumang pakahulugan na ang Allah ay ibang Diyos sa ating kaalaman mula pa at sapul sa pagtuturo ng mga Propeta ay isang pagkakamali o lihis na pagkaunawa.

 

Ang Allah ang Siya ring dakilang lumikha na sinamba nina Propeta Moises at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) at ng lahat din ng mga Propeta. Sa salitang Hebreo ang tawag ni Propeta Moises (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa Allah ay Eloi at Elohim. Sa salitang Aramaik naman ay tinawag ni Propeta Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang Allah ng Elli. Sapagkat ang mga wikang Hebreo, Aramaik at Arabik ay mga wikang magkakapatid (sister languages), ang Eloi, Elli at Allah ay walang pagkakaiba at may iisang kahulugan lamang. Maling pakahulugan na ang kanilang Diyos ay magkakaiba at sila ay hindi kailanman nagturo sa mga tao na sumamba sa iba pa maliban sa Allah.

 

Sa Qur’an ay matutunghayan natin ang nakakaantig ng damdamin paglalarawan ng Allah sa Kanyang sarili:

 

“Allah, wala ng iba pang Diyos maliban sa Kanya, ang Laging Buhay, ang may Sariling Kasapatan, ang Tagapanustos ng lahat. Ang ano mang pagkaantok o pagkaidlip ay hindi makapapanaig sa Kanya. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan. Sino kaya baga ang makapamamagitan sa Kanya (sa Araw ng Paghuhukom) malibang Kanyang pahintulutan? Batid Niya kung ano ang nangyayari sa Kanyang mga nilikha, maging sa nakaraan at sa hinaharap at sa mga nakalingid. Walang sinumang makapagkakamit ng Kanyang karunungan malibang Kanyang naisin. Ang Kanyang Luklukan ay sumasakop sa mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay hindi nakadarama ng pagkapagal sa pangangalaga at pagpapanatili sa kanila, sapagkat Siya ang Kataas-taasan, ang Sukdol sa Kaluwalhatian.” [Qur’an, 2:255]

 

“Siya ang Allah, sa Kanya ay wala ng iba pang diyos; na nakababatid ng lahat ng bagay maging nakalingid o nakalantad; Siya ang Mapagpala, ang Maawain. Siya ang Allah, wala ng ibang diyos maliban sa Kanya; ang Nakapangyayari, ang Banal, ang Pinagbubuhatan ng Kapayapaan (at kaganapan), ang Tagapangalaga ng Pananampalataya, ang Tagapanatili ng Kaligtasan, ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang hindi mapapangibabawan, ang Makatarungan. Luwalhatiin ang Allah! Higit Siyang mataas sa lahat ng mga (diyus-diyosan) na itinatambal sa Kanya. Siya ang Allah, ang Tagapaglikha, ang pinagmulan ng lahat ng bagay, ang Tagahubog. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng magagandang pangalan. Kahit anupamang mga nasa kalangitan at kalupaan ay nagbabadya sa Kanyang mga Kapurihan at Kaluwalhatian, at Siya ang Lubos sa Kapangyarihan, ang Maalam” [Qur’an, 59:22-24]

 

Ang mga Muslim ay hindi makapagtataguri sa Allah ng anumang pangalan na hindi binanggit ng Allah sa Kanyang sarili at hindi rin binanggit ng Kanyang Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang pagbibigay ng taguri sa Allah batay sa opinyon o pagkakagusto lamang ay isang malaking kasalanan. Halimbawa, ang ibang pananampalataya ay nagtataguri sa Diyos ng: “Ang Diyos ay Pag-ibig”. Ito ay hindi maaaring sabihin ng isang Muslim sapagkat hindi ibinigay ito ng Allah sa Kanyang sarili. Kung ating iisipin, kailanman, ang salitang “pag-ibig” ay hindi magiging “diyos” at ang Diyos kailanman ay hindi magiging pag-ibig. Ang “pag-ibig ay diyos o ang diyos ay pag-ibig” ay lihis at mali sapagkat ang “pag-ibig” ay hindi kinapapalooban ng kapangyarihan ng Diyos. Manapa, ang mga Muslim ay nagsasabi na ang Allah ay Mapagmahal o ang Allah ay Umiibig (Al Wadoud). Ito ay Kanyang katangian at pangalan. May malaking pagkakaiba sa pag-ibig (love) o sa mapagmahal/umiibig (loving).

 

Gayundin naman, sila ay nagsasabi rin na “ang Diyos ay nasa lahat ng lugar.” Ano ang ibig ipakahulugan nito? Ito ay nangangahulugan na kung ang Diyos ay nasa lahat ng lugar, Siya ay nandoon din sa Kanyang mga nilikha. Kung ang Diyos ay lumikha ng buwan, ito ay nangangahulugan na siya ay nasa loob ng buwan; kung Siya ay lumikha ng baka, nangangahulugan din na Siya ay nasa katawan ng baka (patawarin tayo ng Allah!); maaari rin (kung gayon) na Siya ay nasa loob ng palikuran (patawarin tayo ng Allah!). Ang mga Muslim ay hindi nagpapahayag ng gayon. Hindi kinakailangan ng Allah na nandoon Siya sa Kanyang mga nilikha upang magpag-alaman Niya kung ano ang kanilang ginagawa at nangyayari sa kanila. Ang mga Muslim ay nagsasabi na ang Allah ang nakababatid ng lahat ng bagay. Siya ang Al Alim (ang lubos na Maalam), talos Niya ang lahat ng mga bagay maging nakalingid o nakalantad. Malaki ang pagkakaiba sa paniniwalang ang Allah ay nasa lahat ng lugar (God is everywhere) kaysa ang Allah ang nakababatid ng lahat ng bagay (God is aware of all things).

 

Mahigpit din na tinututulan ng mga Muslim ang pagbibigay ng mga katangian o katawagan sa Kanya na katumbas ng Kanyang mga nilikha. Ito’y hantarang paghahambing sa Allah sa antas ng Kanyang mga nilikha. Ito ay pagpapababa sa kataasan at kapurihan ng Allah at hindi marapat na iakibat sa Kanya. Halimbawa, ang pagsasabi ng ibang mga pananampalataya na ang Diyos ay nagpahinga ng ikapitong araw matapos ang Kanyang paglikha; na siya ay lumikha ng mga tao sa Kanyang wangis; na Siya ay Diyos na mapanibughuin; na Siya ay Diyos na nagsisisi, atbp. Ang ganitong mga pagtataguri sa Kanya ay hindi matatanggap kailanman ng mga Muslim. Ito ay tandisan na itinuturing na pagtutungayaw sa puntong paniniwala sa Islam. Isang malaking kasalanan na pababain mo ang antas ng Diyos sa antas ng tao o nilikha (patawarin tayo ng Allah!). Ang pagtanggap sa mga ito na nabanggit sa paglalarawan sa itaas ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap sa isang diyos na mahina, hindi ganap ang kapangyarihan at hindi maalam. Hindi ganito ang Allah na kinikilala ng mga Muslim sa Islam. Higit Siyang mataas sa lahat ng mga iniaagapay sa Kanya.

 

Ano ang IMAAN?

 

Bagama’t ang Imaan ay maaaring isalin sa wikang Pilipino na nangangahulugan ng paniniwala, pananampalataya o pananalig o sa wikang Ingles ay “faith”,  ito ay gahol na kahulugan at pahapyaw lamang.  Ang isang tao ay masasabi na may pananalig kung siya ay naniniwala na ang pagkain ng pagong (turtle) ay nakapagpapasigla ng katawan (aphrodisiac). Masasabi rin na ang tao ay may pananampalataya kung siya ay naniniwala na si Mariang Makiling ay diyosa, ang mga tao sa kagubatan ay maaaring sumasamba sa bato, puno o hayop at masasabi rin na ang mga ito ay pananalig. Ang mga Hindus ay nananampalataya na si Khrisna ay diyos na nagkatawang tao (god incarnate), ang mga Kristiyano rin ay nananampalataya na si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay diyos din na nagkatawang tao (god incarnate). Nguni’t ang mga paniniwalang kayang ito ay nangangahulugan na ito ay katotohanan? Ito kaya ay tama? Ito kaya ay wasto? Walang dalawang kasagutan, maaaring tama o mali, maaari ring magdulot ng kasamaan o kabutihan. Ang katotohanan ay hindi maaaring maging dalawa, iisa lamang ang katotohanan. Ang ibig sabihin nito kung gayon, ang paniniwala ay maaaring tama o mali. Samakatuwid, kahit ikaw ay may pananalig, pananampalataya o paniniwala, hindi ito nangangahulugan na ikaw ay tumatahak sa tamang landas o kawastuan. Hindi rin ito nangangahulugan na ikaw ay ligtas sa iyong piniling paniniwala. Na ito ay malayo sa kapahamakan. Na ito ang Kaligtasan!

 

Dalawang bagay lamang ang nandirito sa sandaigdigan, ang Manlilikha na ang Allah at ang mga nilikha na tulad nating mga tao. Ang anumang pananampalataya na sumasamba sa mga nilikha ay maling landas. Ang mga nilikha na nangangailangan ng mga kalikasan na nilikha ng Allah upang matustusan ang kanilang pagiging likha ay hindi kailanman magiging Diyos. Napakasimple lamang. Sinuman na walang nilikha sa kanyang sarili (bagkus siya ang nilikha) ay hindi maaaring maging Diyos. Maaaring makapagtanong ang isang tao: Kung ang aking pananampalataya pala ay mali, bakit ako nagkakamit at nagtatamasa ng kaginhawahan, kasaganaan at katanyagan sa buhay? Hindi baga mga biyaya ito at pabuya ng aking sinasamba at pinaglilingkurang “diyos”? Kung mali ang aking relihiyon, bakit ako ay hindi nagdaranas ng mga kahirapan, pagsubok at kaguluhan? Dapat natin mapag-alaman na kahit ang ating pamumuhay ay nasa wasto at ayos, hindi nangangahulugan yaon na ikaw ay tumatahak sa tamang pananampalataya. Dapat natin malaman na sapagkat ang Allah ay Al Rahman, Siya ay nagbibigay ng mga pantay na biyaya sa lahat, sa mga mabubuti at masasama, sa mga sumasampalataya sa Kanya o hindi, sa mga kumikilala sa Kanya o nagtatakwil. Pinasisikat Niya ang araw sa mga mabubuti at masasama, pinamamalisbis Niya ang ulan sa mga tumatanggap at nagtatakwil sa Kanya, ito ay dahil sa Siya ang Al Rahman, alalaong baga’y ang pinagmumulan ng lahat ng habag at awa. Maaaring sa mundong ito ikaw ay mabuti, matulungin, mababang loob, hindi nananakit ng kapwa, hindi nagsisinungaling, patuloy na sumasamba sa “diyos”, maaari rin na higit ka pang mabuti at mainam kaysa sa isang Muslim! Dahil dito, ang Allah, sa Kanyang pagiging Al Rahman, ikaw ay binibiyayaan Niya ng lahat ng magaganda at mabubuting bagay dito sa lupa katulad ng kabuhayan, kalusugan, katanyagan, mabuting pamilya atbp., subalit ang lahat ng mga ito ay gantimpala lamang sa makamundong buhay dito sa lupa, at ang lahat ng mga ito ay may katapusan. Subalit sa Kabilang Buhay, ikaw ay wala ng gantimpala bagkus ay kaparusahan at kapahamakan sapagkat ikaw ay hindi kumilala at sumamba sa isang tunay na nag-iisang Diyos na ang Allah. Ang iyong magiging hantungan ay kabiguan at panghabang panahon na kasawian sa Impiyerno. Kahit na anong pagiging matimtiman mo sa iyong pananampalataya, pagiging mabuti mo sa iyong kapwa at kahit na ang buong buhay mo ay iniukol mo sa paglilingkod at pagsisilbi sa “diyos”, kapag mali ang iyong pananampalataya at mali rin ang iyong sinambang “diyos”, ang lahat ng ginawa mo dito sa lupa ay walang saysay at walang kabuluhan sapagkat hindi mo nagampanan ang dahilan ng iyong pagkalikha dito sa lupa, yaon ay ang sumamba ka lamang sa tangi, tunay, at nag-iisang Diyos na ang Allah. Winika ng Allah sa Qur’an:

 

“Nilikha Ko lamang ang mga Jinn at mga Tao upang sambahin Ako.” [Qur’an, 51:56]

 

Iba ang Imaan sa Islam. Ang Imaan ay ang tanging panananampalataya na walang alinlangan at nababatay sa katotohanan, alalaong baga’y ang ultimong pananalig (creed) na nanggaling lamang sa isang Dakilang Panginoon ng sangkatauhan at hindi mula sa mga nilikha. Dito nababatay ang paniniwala ng mga Muslim at hindi sa mga gawa-gawa lamang. Ito ang ibig sabihin ng Imaan.  Ang mga sumusunod ay ang pundamental na paniniwala (Imaan) ng isang tunay at tapat na Muslim:

 

1.      Ang tunay na Muslim ay sumasampalataya lamang sa Iisang Diyos. Siya'y sumasamba lamang sa Kanya at wala ng iba. Ang Islam, bilang isang monoteistikong relihiyon, ang mga Muslim ay mahigpit na nagpapanatili sa pagsamba sa Iisa. Siya'y hindi sumasamba sa kanino pa mang anghel o banal na tao o sino pa mang Propetang pinagkalooban ng Allah ng Kanyang mga salita. Ang Muslim ay hindi nagbibigay katambal o nag-uugnay sa Kaisahan ng Allah at hindi nag-uukol ng pagsamba maliban sa Allah. Ang Muslim ay naniniwala na ang Allah ay walang katambal, walang kapangkat, walang kasama, walang katipan, walang kalaguyo, walang kabilang, walang kahati, walang kawaksi, walang anak, walang ina, walang ama, walang kapatid, at walang katulad sa anupamang bagay. Ang Allah ay nagsabi sa banal na Qur’an:

 

“Ipagbadya: (O Muhammad)! Siya ang Allah, ang tangi at nag-iisa. Ang walang hanggang sinasandigan ng lahat. Hindi Siya ipinanganak at hindi Siya nagkaanak. At walang sinumang sa Kanya ay makakatulad”. [Qur’an, 112:1-4]

 

Ang tunay na Muslim ay sumasamba ng tuwiran sa Allah. Ang Allah ay hindi nangangailangan ng tagapamagitan. Sinuman o alinman ay walang karapatan upang maging tagapamagitan sa Diyos. Ang lahat ng bagay ay ginawa Niya at sa Kanya lamang lahat nauukol ang pagsamba.Ang ano mang bagay na nilikha ng Allah, maging tao, hayop, o halaman, ay walang karapatan upang pag-ukulan ng pagsamba. Ang tao ay makakarating at makakalapit sa Allah ng tuwiran. Sinuman ay hindi makakahadlang upang maipaabot sa Kataas-taasang Allah ang kanyang pagsamba at pagdalangin. Ang Allah ay hindi nangangailangan ng tagapamagitan sapagkat Siya ang Makapangyarihan sa lahat. Malapit ang Allah sa mga humihingi sa Kanya ng tuwiran. Dalawang bagay lamang mayroon dito sa sandaigdigan, ang Manlilikha (Allah) at nilikha. Kailanman, ang Manlilikha ay hindi maaaring makapantay ng mga nilikha. Ito ay simpleng bagay lamang upang tayo ay hindi maligaw ng landas. Sinumang ating sinasamba na walang nilikha, ito kailan man ay hindi magiging Diyos. Napakasimple lamang nito at hindi mahirap unawain.

 

Sinumang tao na sumasamba sa anupamang bagay na nilikha lamang ng Allah ay nagkakasala ng Shirk, ang pagsamba sa huwad at maraming diyos at dahil dito ay hindi nararapat na magkamit ng kapatawaran ng Allah. Ang Allah, dahil sa Kanyang pagiging Mahabagin at Mapagpatawad ay maaari Siyang magpatawad ng anumang kasalanan maging ito ay kasinglawak ng lupa o kasinglalim ng dagat maliban lamang sa isa: ang Shirk. Kapag ang isang tao ay namatay sa ganitong paniniwala, siya ay walang kaligtasan at ang kanyang hantungan ay kaparusahan sa naglalagablab na Apoy ng Impiyerno.

 

2.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa mga Anghel. Ang mga Anghel ay nilikha ng Allah na hindi natin nakikita. Sila ay bahagi ng mga bagay na nalilingid sa atin. Sila ay nilikha ng Allah mula sa liwanag. Sila ay lagi nang sumasamba at naglilingkod sa Allah. Hindi sila kailanman sumusuway at sila ay hindi nagkakasala. Sila ay nilikha ng Allah sa gayong kalalagayan. May mga gawain na ginagampanan ang mga Anghel. Katulad na rin ng mga naunang rebelasyon na kung saan ang anghel na si Gabriel (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagdala ng mensahe sa mga naunang Propeta mula sa Allah, gayon din naman kung paano ipinahayag ang Qur’an sa pamamagitan ng Anghel. Bawat isa sa atin ay may dalawang anghel na nagmamatyag, isa ang naglilista ng lahat ng ating mabubuting gawa at ang isa naman ay nagtatala ng lahat nating masasamang gawa. Wala tayong isa mang gawa na makaliligtas sa kanilang paningin. May mga Anghel na nakatalaga upang kunin ang kaluluwa ng mga tao na nakatakda ng mamatay, may mga Anghel na nagbabantay sa mga pintuan ng paraiso at impiyerno. May Anghel na siyang iihip ng tambuli sa araw ng paghuhukon. Ang mga Anghel ay tapat na tagasunod ng Allah.

 

3.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa lahat ng mga Propetang isinugo ng Allah magmula pa kay Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang panghuli sa kanila ay si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ng kapayapaan). Ang lahat ng mga Propeta ay tao. Walang isa mang Propeta ng Diyos ang hihigit pa sa pagiging tao. Walang Propetang may bahid ng pagka-Diyos, pagka-anghel o pagka-imortal. Lahat sila ay taong kagaya rin naman natin, may buhay at kamatayan at lubos na nagpapaubaya sa tulong at awa ng Kataas-taasang Allah. Ang mga Propeta ay kagaya rin natin na natutulog, kumakain, nagtatrabaho, natutuwa, umiibig, napapagod, nalulungkot, nagagalit, nagpupunta sa mga pamilihan, atbp. Lahat ng mga Propeta ay Muslim na tumatalima sa Allah ng walang pasubali. Karagdagan pa rito ay ang di pagtatangi-tangi ng Muslim sa sinumang Propeta. Lahat sila ay tinatanggap nila ng walang alinlangan kagaya ni Abraham, Noe, Hakob, David, Moises, Hesus at marami pang iba at si Muhammad bilang Huling Propeta (sumakanila nawa ang kapayapaan). Sino mang tumanggap sa iba at tumalikdan sa isa ay hindi matatawag na Muslim. Bilang mga Sugo ng Diyos, sila ay nagsipagpahayag ng magkakatulad na bagay na iisa ang pinanggalingan; ang Iisang Diyos, ang Allah. Sa pasimula pa, ang Muslim ay naniniwala na ang relihiyong mula pa kay Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang relihiyon ng lahat ng mga Propeta ay iisa. Iisa lamang ang kanilang aral at layon. Kaya sa mga Muslim, si Abraham ay hindi Hudyo, si Hesus ay hindi Kristiyano, si Muhammad ay hindi Muhammadan (sumakanila nawa ang kapayapaan), bagkus silang lahat ay mga Muslim sapagkat sila ay sumunod, tumalima at sumuko sa utos ng nag-iisang Diyos na Siyang nagsugo sa kanilang lahat na ang pangunahing utos ay  pagsamba at pagkilala lamang sa Allah. Sila ay hindi nagdala ng Hudaismo, Kristiyanismo, Buddhismo, Hinduismo, atbp. sapagkat ang Allah ay hindi nagpadala ng iba’t ibang relihiyon kundi iisa lamang, ito ang relihiyon ng pagsamba at pagtalima at pagsuko sa Allah na tinatawag sa wikang Arabik na Islam.

 

4.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala  sa lahat ng mga nangaunang aklat na ibinigay ng Allah sa mga naunang Sugo tulad ng Kalatas (Suhuf) kay Abraham, ng Salmo (Zabur) kay David, ng Mga Batas (Taurat) kay Moises at ng Ebanghelyo (Injil) kay  Hesus. Ang panghuli rito ay ang Al Qur’an kay Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan). At dahil ang mga naunang kapahayagan ay hindi napanatiling ganap at buo ang kawastuhan dala ng kakulangan, pagkawala, pagbabago, pagtatanggal at pagdaragdag, ang mga Muslim ay hindi na sumusunod sa mga naunang aklat maliban na lamang sa Qur’an na tanging pahayag ng Allah na Kanyang iningatan upang hindi mabago kailanman. Ang mahigpit na paggalang sa mga naunang Propeta at pagtanggap sa mga naunang pahayag ay isang katakdaan sa mga Muslim. Maraming mga mananaliksik ang nagsipagsuri sa Qur’an at ang pagkakapahayag nito mula sa Allah para sa mga tao ay walang alinlangang mapapanaligan.

 

5.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Huling Sandali (Sa Araw ng Paghuhukom). Ang bawa’t tao ay huhukuman ng Allah ayon sa kanyang pagsunod o pagsuway sa mga ipinag-uutos Niya. Ang lahat ng kabutihan at kasamaan ay may katumbas na gantimpala at kaparusahan mula sa Allah. Ang Muslim ay naniniwala sa pagkakaroon ng Paraiso para sa mga matutuwid na tao at Impiyerno sa masasamang tao. Dahil ang layon ng Allah sa kanyang paglikha sa tao ay upang sambahin Siya, marapat lamang na magkaloob Siya ng gantimpala sa Kanyang mga nilalang na sumusunod sa Kanyang mga tagubilin. Dahil dito, lahat tayo ay manlalakbay. Manlalakbay sa pagsubok. Ibinigay Niya ang tamang daan upang makapagkamit tayo ng Kanyang gantimpala. Kaya nga, sa Hustisya ng Allah ang marapat at matuwid ay may pabuya at ang masama ay may kaparusahan. Ang buhay natin para sa Allah ay isang pagtahak, isang karera. Nagsisimula tayo sa pagtahak upang marating ang Kanyang kaharian.

 

6.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Qadar o sa kahahantungan o kasasapitan ng bawat nilalang maging yaon man ay sa kabutihan o sa kasamaan. Ang bawat tao bago pa man isinilang ay may takda na ang kanyang buhay at may takda na rin kung siya ay magiging tagapagmana ng kaharian ng langit o ng poot ng Allah. Ang takdang kahahantungan ng mga tao ay isang itinadhanang bagay ng Allah. Ang tao ang gumagawa ng kanyang kasasapitan bagama’t ang lahat ng kanyang kahahantungan ay alam na at turol na sa langit. Ang bawat tao ay biniyayaan ng Allah ng kalayaan ng katawan at pag-iisip upang kanyang mapili ang daan ng katotohanan o kapahamakan. Bagama’t ang ating kahahantungan ay naitakda na bago pa sumapit ang Araw ng Paghuhukom, hindi sapat yaon upang naisin ng sinuman na magpadala na lamang sa mga pangyayari o tanggapin ang mga kahihinatnan. Ito’y sapagkat hindi natin alam kung ano ang nakasulat at nakalaan sa atin, at dahil dito, ang bawat isa ay nararapat na magsikap na hubugin niya ang kanyang hantungan. Ito ay naglalayon sa ating pamumuhay ng pagpapasakop at pag-asa sa Allah, pag-aaral sa Kanyang mga kagustuhan at pagsunod sa Kanyang mga tagubilin at alituntunin.

 

Ano ang IBAADAH?

 

Bagama’t ang Ibaadah ay maaaring ipakahulugan sa wikang Pilipino na pagsamba o  sa wikang Ingles ay “worship”, ito ay hindi nagbibigay ng lubos na kahulugan sa puntong pananaw ng Islam. Ang pagsamba, sa ibang mga relihiyon, ay kalimitang nangangahulugan ng mga gawaing ritwal, ng mga gawaing ginagawa sa loob ng kanilang bahay-dalanginan o mga pagdiriwang. Katulad halimbawa ng misa, binyag, kasal, prusisyon, fiesta, pagrorosaryo, pangungumpisal, pag-aalay sa altar, mga pagbibihis at paggagayak sa mga imahen, paliligo sa ilog, pagsusuot ng iba’t ibang kasuutang pangsamba atbp. Sa Islam din naman ay bahagi ng pagsamba ang mga ritwal na gawain katulad ng palagian at takdang pag-aalay ng salah (panalangin) sa maghapon, pag-aayuno, pagdalaw sa banal na tahanan ng Allah sa Makkah, pagdiriwang ng Eid atbp. Hindi natatapos doon ang pagsamba sa Islam. Ang Ibaadah ay nangangahulugan ng lahat ng mga gawain ng Muslim na ang tanging hangarin ay upang makamtan ang kasiyahan ng Allah. Halimbawa ang pag-aasawa ay pagsamba, ang pagkakaroon ng relasyong seksuwal na nasa loob ng kasal ay umaani ng pagkagiliw ng Allah at naglalayo sa kasalanan, at samakatuwid ay may gantimpala mula sa Allah sa pagiging malinis (chaste). Ang pagtatrabaho at pagganap sa tungkulin ng matapat kahima’t siya’y hindi nakikita ng kanyang pinuno o amo, ay nangangahulugan din ng pagsamba sapagkat ang kanyang kinita ay malinis. Ang kanyang kinakain ay halal (walang daya o nakaw) at dahil dito, siya ay may gantimpala mula sa Allah. Ang paggamit ng tubig o ilaw sa matipid at katamtamang paraan ay pagsamba rin sa Islam, sapagka’t ito ay pag-iwas sa pag-aaksaya ng mga likas na kayamanan na bigay ng Allah sa ating lahat. Ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Allah at kaya naman, ito ay may katapat na gantimpala sa Kanya. Ang mga gantimpalang ito ay siyang magsisilbing puhunan natin sa kaligtasan sa Kabilang Buhay. Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga gawaing pang-ibaadah.

 

Ang relihiyong Islam ay hindi lamang relihiyon ng ritwal. Ito ay hindi rin relihiyong sinasabi ng labi o relihiyong pang-akademiko. Ang relihiyong Islam ay naglalayong pagsamahin ang kaisipan at lakas sa salita at gawa. Ang buong pagtupad sa Islam ay nababatay sa Shariah (Islamikong Batas) o alituntuning nababatay lamang sa Banal na Qur'an at Hadith/Sunnah (mga tradisyon, sawikain at gawain ni Propeta Muhammad-sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang buong konseptong pang-Islam o ang pamumuhay sa pamamaraang Islamiko ay hindi maaaring lumabas sa kabuuan niyaon. Ang Batas Islamiko ay nasasalig lamang sa Qur'an at Hadith/Sunnah. Ang ano mang batas na ginawa ng tao na labag sa mga batayang ito ay hindi kinikilala ng isang tunay na Muslim. Ang ganap at kahuli-hulihang batas at alituntunin ay napapaloob sa Qur'an at Hadith/Sunnah. Ang batas ng tao sa lupa at maging sa relihiyon ay iisa lamang, ang Shariah (ang daan sa Allah). Ang Qur'an ay tumatalakay sa tamang pagsamba, moralidad, kaalaman at karunungan, kasaysayan ng sangkatauhan, pagkakapatiran, ang kaugnayan ng Allah sa tao, ng tao sa kanyang kapwa tao, at mga prinsipyo (creed) ng pananampalataya. Ito ay tumatalakay din sa mga alituntunin ng katarungang panlipunan, kabuhayan, pulitika, mga karapatan ng tao, agham, atbp. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mahahalagang nilalaman ng Batas Islamiko.

 

Ang Hadith/Sunnah ay mga aral, tradisyon, sawikain (salitain), gawain at alituntunin ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ibinigay rin ng Allah sa kanya na bukod sa Qur’an. Ang Hadith ay naglalayong magbigay ng kahulugan, paliwanag, aplikasyon, interpretasyon at pagpapatupad sa Qur’an. Sa katunayan, ang Hadith ay isang kaugnay (integral) na bahagi ng pagsamba sa Islam sapagkat bilang Propeta, si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) lamang ang may higit na kaalaman upang bigyang paliwanag ang Qur'an. Ito ay tumatalakay din sa tamang paggamit ng pananampalataya upang maiwasan ang pagsasanga-sanga at pagkakahidwa sa paniniwala. Tanging sa pamamagitan lamang ng Hadith napapanatili ang pagkakaisa ng mga Muslim upang di magkaiba-iba sa pananampalataya. Ang Hadith ay naglalayong magbigay lamang ng isang paliwanag sa Qur’an sapagkat ang bawat tao ay may kanya-kanyang interpretasyon. Kaya nga’t ang Muslim sa Kanluran at Silangan, sa Timog at Hilaga ay may isang pamamaraan ng pag-aalay ng salah (dasal). Gayon din naman ang Muslim sa lahat ng panig ng mundo ay may iisang paraan ng pagsasagawa ng sawm (pag-aayuno). Sa kabuuan, ang pagsamba sa Islam ay isang paraang magkakasukat at magkakatugma sa lahat ng bagay.

 

 

Sino ang mga Muslims?

 

Ang mga Muslim ay mga tagasunod ng Islam. Sila ang mga tao na ang buong kaisipan, salita at gawa ay sumusunod sa mga kagustuhan ng Allah ng walang alinlangan. Sila ang mga Muslim. Tumatalima lamang sila ayon sa utos ng Kataas-taasang Allah batay sa mga panuntunang ibinigay Niya sa Kanyang mga Sugo.

 

Sa katotohanan, lahat tayong mga tao sa pisikal na kalikasan (physical nature) ay Muslim. Nilikha tayo ng Allah na tumatalima sa Kanya maging ito ay ating kagustuhan o hindi. Halimbawa, masasabi ba natin sa ating sarili na huwag huminga, na huwag magutom, huwag humaba ang buhok o huwag tumanda? Sa ayaw man natin at sa gusto, tayo ay lubusang sumusunod at tumatalima (bilang Muslim) sa mga kalikasang ito na sangkap ng pagkalikha sa atin ng Allah. Sa isa sa mga hadith ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay sinabi niya ang ganito:

 

“Ang lahat ng sanggol ay ipinanganak sa estado ng fitrah (sa pagiging muslim na sumusunod sa Islam), subalit ang kanyang kapaligiran at kanyang mga magulang ay ginawa siyang Magian, Hudyo o Kristiyano.”

 

Ito’y nangangahulugan na nang tayo ay nasa sinapupunan pa lamang ng ating ina ay tinaniman na tayo ng Allah ng angking kaalaman ng paniniwala sa iisang Tagapaglikha lamang. Alalaong baga, kung ang bata ay hahayaang lumaki na mag-isa na walang pagtuturo ng kanyang kapaligiran at magulang, ang batang ito ay tatanda at magkakaisip sa paniniwala lamang sa iisang Diyos at hindi kailanman siya sasamba sa maraming diyos o huwad na diyos.

 

Ang mga bagay din dito sa daigdig ay masasabi ring mga Muslim tulad ng buwan, bituin at iba pang planeta. Ang buwan ay umiikot sa mundo sa tatlumpung araw. Ang daigdig ay umiikot sa araw sa loob ng tatlong daan at animpung araw. Sila ay may kanya-kanyang sentro ng pag-ikot o rebolusyon na itinakda ng Allah at sila ay sumusunod (bilang Muslim) sa mga pag-uutos na ito ng walang pasubali mula sa kanilang Manlilikha na ang Allah.

 

Mali rin na ipakahulugan na ang mga Muslim ay Arabo at ang mga Arabo ay Muslim. Bagama’t karamihan sa mga Arabo ay tagasunod ng Islam, ito ay hindi natutuon sa kanila. Ang Islam ay ipinahayag ng Allah sa lahat ng sangkatauhan at hindi para lamang sa lahi ng Arabo. Ang bilang ng mga Muslim sa ngayon (tinataya sa taong 1996) ay umabot na ng 1.3 bilyon. Ang populasyon lamang ng mga bansang Arabe mula Iraq hanggang Morocco na kasama rito bilang ilan ang mga bansa sa Gulpo, Jordan, Lebanon, Egipto, Libya atbp. ay mga 200 milyon lamang at sa 200 milyon na yaon ay hindi masasabing lahat ay Muslim sapagkat kasama na roon ang Arabong Kristiyano, Hudyo atbp. Tinatayang ang mga Muslim sa lugar na ito ay mga 185 milyon lamang, na kung tutuusin ito ay 14 bahagdan (14%) ng total na kabuuan ng mga Muslim sa buong mundo. Ang bansa na may pinakamalaking bilang ng mga Muslim ay wala sa bansang Arabe kundi nasa dulong silangan ng Asia. Ang bansang Indonesia ay mayroon 200 milyong populasyon at 180 milyon noon ay mga Muslim. Ang India ay mayroong 130 milyon na Muslim, ang Pakistan ay mga 120 milyon na Muslim at gayon din ang Bangladesh. Masasabi nating sa lahat ng panig ng mundo ay mayroon Muslim.

 

Gahol din sa pagpapakahulugan na ang Muslim ay yaong lamang nakatira sa Gitnang Silangan, o kaya’y nagsusuot ng thobe, o nagsasalita ng wikang Arabik, o siya ay may pangalang Muhammad o Abdullah, o siya ay mula sa bansang may maraming langis, o siya ay hindi kumakain ng karne ng baboy, o siya ay nagtatakip sa ulo o mukha, o siya ay may higit sa isang asawa atbp. Ang tunay na Muslim ay hindi nakikilala sa gayong katangian kundi sa kanyang pagsunod at pagtalima sa mga ipinag-uutos ng Allah katulad ng araw-araw na takdang pagdarasal, ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, ang pagdalaw sa banal na tahanan ng Allah, ang Kabah, ang pag-aaral ng Qur’an, ang pagbibigay ng Zakat (kawanggawa), ang pagiging matapat, matulungin, mababang loob at higit sa lahat, ang hindi pagbibigay ng katambal o karibal sa Allah.

  

Ang Muslim ay ang taong kumikilala lamang sa iisang Diyos na Tagapaglikha. Kung mayroon mang mga tao sa ngayon na nakatira sa mga liblib na lugar na hindi pa nararating ng kabihasnan at hindi nakakarinig ng turo ng Islam, o dili kaya ng Qur’an at ng Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), nguni’t kung sa kanyang puso at pag-iisip siya ay sumasampalataya sa iisang Diyos na Tagapaglikha na hindi nakikita at hindi siya nagtatambal sa Kanya ng iba pang diyos, ang tao ring ito ay isang Muslim.

 

 

Ano ang QUR’AN?

 

Ang salitang Qur’an ay nanggaling sa salitang Arabik na qara’a na ang ibig sabihin ay pagbasa. Ang Qur’an ay nangangahulugan ng Basahin, Bigkasin, Ipahayag, o Ipagbadya. Ang Qur’an bilang kanyang pangalan ay mahigit sa limampung beses na binabanggit ng Allah bilang pangalan ng Aklat. Mababasa natin halimbawa sa Qur’an ang mga sumusunod:

 

“Hindi baga nila isinasaalang-alang ang Qur’an ng may pagpapahalaga? Kung ito’y nanggaling mula sa iba at hindi sa Allah, katotohanang sila’y makatatagpo roon ng maraming pagkakaiba-iba.” [Qur’an, 4:82]

 

“Katotohanang Aming ipinahayag ang Qur’an sa Arabik upang ito’y inyong maunawaan (at makapagkamit ng karunungan)” [Qur’an 12:2]

 

Ang pamagat ng dakilang aklat na ito ay iginawad ng Allah. Hindi ang mga Muslim ang nagbigay ng pangalan nito. Taliwas sa ibang pananampalataya, halimbawa’y ang Kristiyanismo, ang pangalan ng kanilang “banal” na aklat ay ibinigay ng tao. Hindi kailanman mababasa sa Biblia na sinabi ng Panginoong Diyos o maging ni Moises at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) na ang aklat na ibinigay sa kanila ay tinatawag na Biblia. Ang salitang biblia ay galing sa Griyegong salita na biblos na ang ibig sabihin ay aklat. Hindi ito tinawag na gayon ng Diyos kundi iginawad lamang ng tao.

 

Sa Qur’an, lagi nang ang Allah ang nagsasalita. Ito’y walang halo ng salita ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), ng kanyang mga kasamahan o ng isang mananalaysay. Ito’y nasa anyo na patula, patalumpati, pasalaysay at tagubilin. Ito’y ipinahayag ng Allah sa wikang Arabik at ito lamang ang tanging aklat ng kapahayagan na nananatili sa kanyang orihinal na wika magpahanggang sa ngayon. Ang mga nangaunang aklat ay nawala na at nasusulat sa ibang wika na hindi mga wika ng mga nangaunang propeta. Dagdag pa rito, ang mga aklat na yaon ay nabawasan, nadagdagan at nahaluaan na ng mga salita ng tao. Dahil dito, kinakailangan na magpadala muli ang Allah ng isang aklat-, ang Qur’an, hindi upang baguhin ang mga pangunahing turo na ibinigay Niya sa mga nangaunang Propeta kundi upang ibalik na muli ang mga nangawalang turo sa kanilang orihinal na kadalisayan.

   

Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Qur'an bilang Huling Kapahayagan ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ay ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Dito ay ibinigay ng Allah ang kabuuan at kaganapan ng Kanyang relihiyon. Ang Qur’an ang pinakadalisay na pahayag sa mga tao sa kawastuan at katotohanan. Ang Qur’an ay hindi isinulat o inakda ng tao. Ang Allah ang may akda ng Qur’an. Ito rin ay Kanyang iningatan sa habang panahon upang di mabahiran ng alinlangan at malagyan ng kamalian.

 

Winika ng Allah sa Qur’an:

   

“Ito ang Aklat (ang Qur’an), na dito’y walang alinlangan, isang patnubay sa mga matutuwid” [Qur’an, 2:2]

 

“At katotohanan, ito (ang Qur’an) ay isang kapahayagan mula sa Panginoon ng lahat ng sandaigdigan” [Qur’an, 26:192]

 

“Tunay ngang Kami lamang ang nagpahayag sa Kasulatan at katotohanang Kami ang Tagapangalaga nito." [Quran, 15:9]

 

“At ang salita ng inyong Panginoon ay natupad sa katotohanan at katarungan. Walang sinuman ang maaaring bumago ng Kanyang mga salita. At Siya ang lubos na Nakakarinig, ang ganap na Maalam” [Qur’an, 6:115]

 

Ang Qur’an ay ipinahayag ng Allah sa wikang Arabik at ang bawat Muslim ay naniniwala na ang bawat titik ng Qur’an ay salita ng Allah. Ang Qur’an ay di lamang mga salita ng Allah na pang-ispirituwal kundi ito ay naglalaman ng banal na batas para sa sangkatauhan na tumatalakay at nagbibigay solusyon sa lahat ng bagay na kaakibat ng tao sa pamumuhay. Gayundin sa mga bagay na pampulitikal, pangkabuhayan, pangsikolohikal, sibil, pribado at publiko at marami pang iba na angkop sa lahat ng lugar at panahon, pangnakaraan, pagkasalukuyan at panghinaharap ng walang pagkupas o di-pagkakaangkop sa situwasyon.

 

Ang tunay na Muslim ay naniniwala na ang Kapahayagan ng Diyos ay ibinigay Niyang lahat sa Qur'an upang maging patnubay ng sangkatauhan bilang batas sa lahat ng panahon. Tangi rito, ibinigay rin naman Niya ang ibang pahayag sa pamamagitan ng mga gawa, tradisyon at mga sawikain ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na tinatawag na Ahadith sapagkat walang higit na makapagpapaliwanag at makapagbibigay kahulugan sa nilalaman ng Qur’an kundi ang Propeta ring Kanyang sinugo. Ang Qur’an ay purong Salita ng Allah na ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Ang Ahadith (tradisyon at mga halimbawa) ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay mula rin sa Allah na ipinakita Niya sa gawa at salita ng Huling Propeta.

 

Ang Qur’an ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na praktikal kung saan ang lahat ng lunas sa mga suliraning kaakibat ng tao sa pamumuhay ay matatagpuan. Ito ay isa ring ganap na patnubay sa lahat ng tao na naghahanap ng katotohanan at mga kaalaman. Dito ay pinatutunayan na rin ang di pagkilala sa kulay o lahi ng tao kundi isang pagkakapatirang buklod-buklod. Tumatalakay rin ito sa suliraning pampamilya upang mapatatag ang isang matibay na lipunan. Anupa’t ang isang matatag na pamilya ay naglalayong magbigay bunga sa isang malusog na lipunan. Sa ngayon na lubhang nagiging suliranin ang kalahian (racism) kung saan ang mga tao ay napopoot sa kanyang kapwa at nagkakaroon ng di pagkakasundo, ang paglalabanan ng mga maiimpluwensiyang bansa, ang pagiging ganid ng sangkatauhan at pag-angkin sa mga karapatan ng iba. Ang Islam lamang ang maaaring pumutol ng mga ganitong bagay sa pagpapatupad na rin at aplikasyon nito.

 

Sa katotohanan, ang pamilya sa Kanluran ay unti-unti ng nabubulok na bagay kung saan ang bigkis pampamilya ay unti-unti na ring nalalagot at lubhang marami ng pamilya ang nasisira. Laganap na rin nag paghihiwalay ng mag-asawa, diborsiyo, mga anak sa labas, mga ugnayang seksuwal sa labas ng matrimonyo, pakikiapid at marami pang iba. Tanging Islam lamang ang makapagbibigay lunas sa mga suliraning ganito. Anupa’t sa huling sermon ng Huling Propeta sa bundok ng Arafat ay winika niya ng ganito:

 

"Dalawang bagay lamang ang iiwan ko sa inyo na kung mananangan kayo ay hindi kayo mangapapaligaw; ang Qur’an at Sunnah."

 

 

Ang Huling Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan)

      

Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay mula rin sa lahi ni Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) na siya nating tinatawag na Ama ng mga Propeta. Si Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagkaanak ng dalawang lalaki, ang isa ay si Isaac (sumakanya nawa ang kapayapaan) mula sa kanyang unang asawa na si Sarah. Nagsalin-saling lahi ito hanggang sa lumabas si Hacob, David, at Moises (sumakanila nawa ang kapayapaan). Dito lumabas si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang paghuli sa mga propetang Israelitas. Si Propeta Ismail naman (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay kanyang anak mula sa pangalawa niyang asawa na si Hagar. Nagsalin-saling lahi ito sa henerasyon ni Temah, Keturah, Kedar at Abdullah. Dito lumabas si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang panghuling propeta sa lahing Arabo at pangwakas na propeta at sagka sa lahat ng mga kawing ng mga propetang ipinadala ng Allah sa buong sangkatauhan. Dahil dito, kung tutuusin, si Propeta Hesus at Propeta Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay magkamag-anak at sa madaling salita ay magpinsan.

 

Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay ipinanganak noong 570 CE sa isang marangal na pamilya. Siya ay nabuhay sa kabanalan at sa isang payak na pamumuhay. Siya ay namatay sa gulang na animnapu’t tatlo (63) pagkatapos ng dalawampu’t tatlong taon (23) na pangangaral at pagpapatupad ng Qur’an gayon din ng Shariah (Batas Islamiko). Sa kanyang pamumuhay ay naipakita niya ang tunay na turo at layon ng Qu’ran. Siya ay naging tunay na huwaran ng isang tao sa kabanalan at kabutihan. Anupa’t siya ay hinirang ng Allah upang maging ganap na halimbawa sa lahat ng mga tao. Bago pa man siya hinirang na Propeta, siya ay tinatawag na sa kaniyang pamayanan ng Al Amin, na ang ibig sabihin ay Matapat o Mapagkakatiwalaan dahil sa angkin niyang katapatan. Maging ang kanyang mga kaaway ay tumatawag sa kanya ng gayon. Namatay siya na walang mga ari-arian o mga materyal na bagay na masasabing kanya. Mula sa gulang na apatnapu (40) ay nagsimula siyang makatanggap ng mga rebelasyon mula sa Allah. Siya ay namuhay sa mga pag-uutos at pagsubaybay ng Allah. Anupa’t walang makakapantay sa kasaysayan ng lahat ng mga Propeta ang pinagdaanang buhay at pagpapakasakit ng huling Sugo. Sa kanyang pagpapatupad ng Qur’an ay nagampanan niyang lahat ang mga bagay-bagay na kailangan sa pamumuno o pagiging lider ng isang sambahayan ng Diyos na Tagapaglikha tungo sa pagtalima sa Kanya at pagpapatupad ng Islam at Shariah (Batas Islamiko). Siya ay hindi lamang isang Sugo ng Allah, bagkus ay nagampanan niyang lahat ang mga katungkulan sa buhay ng tao bilang isang anak, magulang, kapatid, asawa, mambabatas, guro, mananalumpati, mandirigma, manlalakbay, manggagawa, tagapamuno, tagapagkupkop, tagapayo, tagapagpatupad ng batas, mamumulitika, mangangalakal at marami pang iba.

 

 

ANG LIMANG HALIGI NG ISLAM

 

Sa bawat Muslim ang kanyang pananampalataya ay aktibo sa lahat ng araw at panahon ng kanyang buong buhay habang siya'y nabubuhay. Ito ay dahil sa limang haligi ng kanyang pananampalataya na dapat siyang isakatuparan sa pang-araw-araw, sa bawat taon o minsan man lamang sa kanyang buong buhay. Dahil dito ang Muslim ay lagi nang may buhay na pananampalataya upang kanyang maisakatuparan ang limang haligi ng Islam. Ito ay ang mga sumusunod:

 

 

1.      Ang Shahadatain  (Ang Pagpapahayag ng Tunay na Pagsamba)

 

Ang bagay na ito ay nakapaloob sa "kalima" ng mga Muslim. Ito ay nangangahulugan na "Wala ng ibang Diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo." Ito ay nangangahulugan ng purong pagsamba sa Iisang Diyos at di pagbibigay o pagsasama sa Kanyang kaisahan. Ano mang pananampalatayang nangangahulugan ng pagsamba sa ibang bagay, pagdaragdag sa mga "dinidiyos", pag-iidolo sa nga nilikha ng Diyos maging iyon man ay anghel, banal na espiritu, banal na tao o propeta, mga buhay at patay na bagay ay nasa labas ng Islam. Sa Islam, ang pagsamba ay tanging sa Allah lamang, tuwiran at walang sinuman ang makapamamagitan sa Kanya. Dahil dito ang pagsamba sa mga inaakalang mga tagapamagitan ng Diyos ay malayo sa pananampalatayang Islam. Gayundin naman ang pagkilala sa pagkapropeta ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang pagsunod sa kanyang mga yapak bilang pamantayan ng isang makahulugang pamumuhay sa lahat ng paraan ay isang tungkulin ng bawat Muslim. Nararapat na sundin ng mga Muslim ang anumang bagay na itinuro ng Huling Propeta sapagkat ang Allah na rin ang nagpahayag sa Qur’an ng:

 

"Talikdan ninyo ang kanyang mga ipinagbabawal at sundin ang kanyang ipinag-uutos." [Quran, 59:7]

 

“Siya na sumusunod sa Sugo ay sumusunod sa Allah..” [Qur’an 4:80]

 

Subalit ang pagpapahayag ng pananampalataya ay hindi nababatay lamang sa paniniwala sa isang tunay na Nag-iisang Diyos at pagkilala sa Huling Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang Islam ay hindi isang pananampalatayang sinasabi lamang ng bibig o ibinabadya ng dila o isang akademyang aralin lamang na dapat matutuhan. Ito ay nangangahulugan ng pagtalima sa mga bagay na ispirituwal at moral, ang pagiging makahulugan ng buhay, ang pagiging kapaki-pakinabang natin bilang nilikha ng Allah. Ang pakikipagkapwa at paggamit sa mga kapangyarihan ng isip sa kaaya-ayang bagay, ang makabuluhang paggamit ng Kanyang mga biyaya at ang pag-ibig sa Allah na laging may init at buhay sa dibdib.

 

 

2.      Ang Salah (Pagdarasal)

 

Kung ang bagay na kinakain natin para sa ating sikmura ay pagkain ng katawan, gayon din naman ang Salah ay pagkain ng kaluluwa. Sa Islam, ang pamumuhay ay isang balanseng bagay na pagkatawan at pang-ispirituwal. Ito ay naglalayon na dapat tayong magkamit ng mabuting bagay dito sa lupa at maging sa kabilang buhay. Ang Islam ay hindi isang makalupang buhay at hindi rin naman makaispirituwal lamang. Ang Islam ay nagtuturo sa pagkakaroon ng balanseng pisikal at ispirituwal na pamumuhay. Kaya nga't ang buhay na monastiko ay walang puwang sa Islam. Gayundin naman ang lubhang makamundong buhay ay wala ring puwang sa Islam. Kaya nga’t sa bawat dasal ng Muslim ay lagi na ang pagsambit sa ganitong parirala: "O Allah!, bigyan mo po kami ng mabuting bagay dito sa lupa at ng mabuting bagay sa kabilang buhay." Ang Muslim ay mayroong limang (5) takdang pagdarasal sa araw-araw. Ang pag-alaala tuwina at pagtawag sa Kanya ng limang beses sa maghapon ay naglalayo sa sinuman sa tukso at kasalanan. Ito ay nagpapadalisay sa puso at nagbibigay ng mataas na moral. Ito ay isang mabisang kalasag o panangga sa bawat tao upang lagi niyang maisaisip na mayroong isang Makapangyarihang Diyos na nagmamasid sa kanyang ginagawa sa lupa. Ito ay nagpapanatili upang laging malusog ang ating kaluluwa. Ito ay nagpapatibay ng moog ng pananampalataya at nagbibigay ng paghahanda tungo sa araw ng pakikipagtipan sa Allah.

 

     Winika ng Allah sa Qur’an:

 

“At lagi nang magtatag ng palagiang pagdarasal, sapagkat ang pagdarasal ay nakapagpapaiwas sa kahiya-hiyang pananalita at di makatarungang asal, datapuwa’t ang pag-aalaala sa Allah ay higit na dakila”. [Qur’an, 29:45]

 

“Katotohanang Ako ang Allah, wala ng iba pang diyos maliban sa Akin, kaya’t sambahin ninyo Ako at magtatag ng palagiang pagdarasal bilang pag-aalaala sa Akin”. [Qur’an, 20:14]

 

 

3.      Ang Sawm  (Pag-aayuno)

 

Ito ay isang taunang obligasyon ng bawat Muslim na may sapat na gulang at kalusugan ng katawan tuwing buwan ng Ramadhan. Ang pag-aayuno sa Islam ay pagkakait sa sarili ng anumang pagkain, inumin at relasyong seksuwal mula sa oras ng bukang-liwayway hanggang takipsilim. Ito ay isang disiplina sa mga Muslim sa buong buwan. Ang Allah ay nagpahayag sa Qur’an sa kahalagahan ng pag-aayuno:

 

"O kayong nagsisisampalataya!, ang pag-aayuno ay iginawad sa inyo kung paano rin naman iginawad sa mga nangauna sa inyo upang kayo ay magkamit ng kabanalan (at mapaglabanan ang tukso)". [Quran, 2:183]

 

Samakatuwid, ang layunin ng pag-aayuno ay hindi para lamang magpakagutom. Sa Muslim, hindi lamang ang sikmura ang nag-aayuno kundi ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan tulad ng mata, tainga, dila, kamay at paa na umiiwas sa lahat ng masasama at kasalanan. Bagama’t ang Muslim ay nagtatamo ng paghihirap sa pag-aayuno, sa kabila noon siya ay maligaya sa pagtupad nito sapagkat ito ay isang bagay na ginagawa niya upang magtamo ng kasiyahan ng Allah. Ang pag-aayuno ay isang bagay na pangdisiplina sa sarili upang mapaglabanan ang mga tukso. Gayundin, upang magkaroon ng sapat na pagtitimpi sa anumang tukso o pagsubok na maaaring dumating sa buhay. Ito ay mabisang bagay upang lagi nang sumaisip ang pag-ibig sa Allah at isang matibay na pananggalang upang lagi tayong makaramdam ng pagkatakot sa Diyos. Hindi pagkatakot sa isang halimaw o multo kundi pagkatakot dahil sa pagmamahal natin sa Kanya. Ito ay isang kalasag sa masasamang naisin at isipin. Sa buong maghapong pagkakait niya sa kanyang sarili ay nagkakaroon siya ng lalong maaliwalas at bukas na isipan upang kanyang mapaglimi ang mga bagay na ispirituwal. Ito ay isang paraan upang makapagturo sa tao sa pagiging maawain at matulungin sa kanyang kapwa sapagkat sa kanyang pagkagutom ay nadarama niya kung paano ang dinaranas ng mga kapus-palad. Ito ay isang obligasyon na pantay at makatarungan na kung saan ang Muslim maging ano man ang kanyang katayuan sa buhay, mahirap man o mayaman, mahina man at malakas, taga-Silangan man o Kanluran ay nagdaranas ng magkakatulad na pagpapakasakit.

 

 

4.      Ang Zakah (Itinakdang Taunang Kawanggawa)

 

Ang Zakah ay hindi lamang boluntaryong pagbibigay sa mga nangangailangan kundi isang obligasyong itinakda ng Allah. Ito ay hindi lamang naglalayon ng tulong pagkawanggawa, limos o kabutihan kundi isang paraan ng paglilinis sa mga kinita o kabuhayan. Samakatuwid ito ay ang paghihiwalay ng bahagi ng iyong kabuhayan para ipamahagi sa ibang mga Muslim na nangangailangan. Ito ay naglalayong isubi ang bahagi ng iyong kabuhayan na di matatawag na iyo sapagkat iyon ay nararapat na ipamahagi sa mga mahihirap at nangangailangan, sa mga ulila at balo, sa mga napipiit dahil sa kawalan ng pangbayad, sa mga institusyong pang-Muslim, mga mag-aaral na Muslim na walang salaping panustos at gayundin naman sa pagpapalaganap ng Islam. Ang Zakah ay ibinibigay ng hindi bababa sa dalawa at kalahating bahagdan (2.5%) sa bawat taon salig sa linis na kita o halaga ng mga ari-arian. Ang Zakah ay isang obligasyong dapat tuparin ng sinumang Muslim sapagkat iyon ay itinakda ng Allah at ang bawat Muslim ay tuwirang may pananagutan sa Kanya kung hindi niya magampanan ito. Ngunit sa mga Muslim na walang masasabing ipon o kabuhayan, ang pagbibigay ng Zakah ay hindi obligasyon. Ang Zakah ay isang uri ng pagkakapatirang walang makakapantay sa ibang relihiyon. Ito ay batay sa katapatan ng isang indibidwal na tao. Sapagkat ang Zakah ay obligasyon sa bawat taon, nararapat na ang isang Muslim ay maghalaga ng kanyang naipon o mga ari-arian. Ang tapat na Muslim ay humahanap ng kanyang mapagbibigyan, gayon din naman siya ay nagkukusang pumunta sa anumang tanggapan o Kagawaran ng Zakah sa kanyang lugar upang paglagakan nito. Anupa’t sa Zakah, ang pagkakaroon ng tagapagbayad at kolektor ay walang puwang sapagkat malaya ang isang Muslim na ipatupad ang Zakah sa kanyang sarili at humanap ng sa kanyang palagay  ay nangangailangan ng tulong maging siya ay kamag-anak, kaibigan o kapitbahay. Kung sa palagay niya ay walang kuwalipikadong tao na tumanggap ng Zakah sa kanyang lugar, mailalagak niya ang kanyang Zakah sa anumang kagawaran o tanggapan ng Zakah na pinakamalapit sa kanyang lugar. Ang pagbibigay ng Zakah ay lagi nang binabanggit sa Qur’an kapag ang pagdarasal ay ipinag-uutos.

 

Winika ng Allah sa Qur’an:

 

“At maging matimtiman sa inyong pagdalangin; at magkaloob ng Zakah, at iyuko ninyo ang inyong ulo kasama ng mga nagsisipanikluhod (sa pagsamba)”. [Qur’an, 2:43]

 

“At magsipagtatag ng palagiang pagdarasal at magbayad ng Zakah; at sumampalataya sa Allah at sa Huling Araw; hindi magtatagal, sa kanila ay igagawad Namin ang malaking pabuya.” [Qur’an, 4:162]

 

 

5.      Ang Hajj (Pagdalaw sa Makkah)

 

Ang bawat Muslim, lalaki at babae, na may sapat na gulang, mabuting kalusugan at kakayahang gumugol sa paglalakbay ay nararapat na dumalaw sa banal na lugar ng Makkah, ang sentro ng Islam sa buong mundo, minsan man lamang (o higit pa) sa kanyang buong buhay. Ito ay nagbabadya ng pagkakaisa at pagkakabigkis-bigkis ng lahat ng mga Muslim at isang buong pagkakapatiran na walang makakapantay sa sangkatauhan. Ang pagtitipon-tipon ng lahat ng mga Muslim sa iisang lugar kahima't nanggaling pa sila sa silangan, kanluran, timog at hilaga ay pinag-uugnay ng Hajj. Dito ay hindi kinikilala ang anumang lahi, kulay ng balat, wika, kabuhayan at anumang bagay kundi ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa mata ng Allah. Ang lahat ng Muslim ay nag-aalay ng kanyang sarili sa harapan ng Allah sa iisang payak na kasuutan at sila ay gumagawa ng magkakatulad na gawang pagsamba. Ang pagpupuri sa Allah, pagdarasal, pag-aalaala, pagmemeditasyon, pagdedebosyon at pagsamba ay isinasagawa nang buong kaganapan. Dito ay mapagkikilala ang katapatan at hindi ang kapalaluan, kababaang-loob at hindi pagmamataas. Dito ay nagaganap ang pagtatagpo-tagpo ng buong sambahayan na kumikilala sa Allah at pagkakaroon ng pagkakataon na mapagkilala ang bawat isa at makapagpalitan ng kaalaman tungkol sa Islam. Ang Makkah ang siyang kauna-unahang bahay sambahan na itinatag sa mundo sa panahon ni Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) at pinagbagong bihis ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), kaya naman ito ang lugar na tagpuan ng mga Muslim. Ginugunita rin dito ang pagsasakripisyong ginawa ni Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa kanyang anak na si Ismail (sumakanya nawa ang kapayapaan) bilang pagsunod sa Allah. Layunin din ng Hajj ang mapagkilala ng mga Muslim ang kapaligirang ginalawan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Dahil nga ang Hajj ay naglalayon para sa pagsamba sa tanging Iisang Diyos, ang Allah, dito ay nakakamit ang debosyong pang-ispirituwal at nagpapatatag ng moral, pagkakaroon ng interes sa relihiyon at mga kaalaman. Ang pagtitipon-tipon ng mga Muslim sa banal na lugar na ito ay nagpapagunita rin kung paano rin naman ang sambahayan ng mga Muslim ay magtipon-tipon sa harapan ng Allah sa Huling Sandali -- sa Araw ng Paghuhukom. Sa pagdiriwang na yaon, tinatayang dalawang (2) milyong Muslim ang sa bawat taon ay naglalakbay patungo roon mula sa lahat ng panig ng mundo. Anupa't ang Makkah ang tanging lugar na sambahan sa buong mundo na kailanman ay di nawawalan ng tao sa lahat ng sandali. Ang Allah ay nagpahayag sa banal na Qur’an:

                                     

“At inyong ganapin ang Hajj o Umra (pagdalaw sa banal na tahanan ng Allah na itinatag dito sa lupa) para sa paglilingkod sa Allah, datapuwa’t kung ito’y may hadlang sa inyo, kayo’y magpadala ng alay para sa sakripisyo...” [Qur’an, 2:196]

 

“Ang pilgrimahe ay isang tungkulin ng tao na dapat niyang ialay sa Allah,- sa mga may kakayahan na gumugol sa paglalakbay; subalit kung sinuman ang magtakwil ng pananampalataya, ang Allah ay hindi nangangailangan ng anuman sa Kanyang mga nilikha”. [Qur’an, 3:97]

 

 

 

PANAWAGAN

 

Kailanman ay hindi itinuring ng Islam na mga karibal na panananampalataya ang ibang mga relihiyon lalung-lalo na ang Kristiyanismo at Hudaismo na siyang pinakamalapit sa pananampalatayang Islam. Hangad ng mga Muslim na anyayahan lamang ang lahat ng mga tao sa tamang paniniwala at pagsamba sa nag-iisa at tunay nating Manlilikha -- ang Allah. Isang katungkulan ng isang Muslim na iparating niya sa abot ng kanyang makakaya ang mensahe ng Islam. Ang isang Muslim ay salat sa pagiging isang tapat na Muslim kung siya ay hindi nag-uukol man lamang ng bahagi ng kanyang panahon upang mapalaganap ang Islam. Ang pagtuturo ng Islam ay isang tungkulin ng Muslim. Sa ibang pananampalataya, ang pagtuturo ng kanilang relihiyon ay itinuturing na propesyon sapagkat ang mga nagsisipagturong ito katulad ng pare, pastor, ministro, atbp. ay tumatanggap ng suweldo. Sa madaling salita, doon sila kumukuha ng ikinabubuhay na nangangahulugan ng pagkakaroon ng isang “profession”. Hindi gayon sa Islam. Hindi ito ang pinanggagalingan ng aming ikinabubuhay. Ang karamihan ng mga Muslim ay naglilingkod sa Islam ng boluntaryo at walang kabayaran. Bawat isa’y may tungkuling gampanan ang pagpaparating ng katotohanan sa lahat ng mga tao sa abot ng kanyang makakaya. Sa kabilang buhay, ang isang Muslim na nagpabaya sa pagpaparating ng mensahe ng Islam ay susumbatan ng Allah at siya ay may kaparusahan din naman. Nawa’y ang maikling sulatin na ito ay nakapagbukas sa isipan ng marami na walang kinikilingan at tapat sa kanyang puso na humahanap ng katotohanan.  Bilang pangwakas ay nais kong sipiin sa inyo ang mga salita ng Allah sa banal na Qur’an:

 

“Ipagbadya (O! Muhammad): O! Kayong mga Angkan ng Kasulatan! (Hudyo at Kristiyano), halina’t tayo’y makipagkasundo sa isa’t isa. Na sambahin lamang natin ang Allah; na huwag tayong magtambal sa Kanya ng anupaman; at huwag tayong magsipagtindig mula sa gitna natin ng anupamang panginoon at patron maliban sa Allah. Ngunit kung sila’y magsitalikod, kayo’y magpahayag: Inyong saksihan na kami ay Muslim (na tumatalima sa kagustuhan ng Allah”).

[Qur’an, 3:64]

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

1
2546
تعليقات (0)