Mga Panuntunan ng Islam

PLPHP - ISCAG Philippines - Khalid Evaristo

 

 

 

Sa Ngalan Ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

 

MGA PANUNTUNAN NG ISLAM

[Khalid Evaristo]

 

 

Ang Kahulugan at Diwa ng Islam

 

Ang kahulugan ng Islam ay pagsuko at pagsunod sa mga kautusan ng Allah nang walang pagtutol. Ito ang tunay na diwa ng Islam. Sa pagsunod sa Allah - (Ang Lumikha) at pagtalima sa Kanyang mga kautusan, ang Muslim ay nakikiisa sa sandaigdigan na kung saan siya nananahanan, sapagka’t ang lahat ng bagay sa daigdig ay sumusunod sa kautusan ng Allah.

 

Isang matibay na katotohanang ang lahat ng bagay sa daigdig ay sumusunod sa isang panuntunan at di-nababagong batas na kung saan sila sumusunod; ang araw, ang buwan, ang mga bituin, ang gabi, ang maghapon, ang lupa, ang mga puno, at ang mga hayop; ang lahat ay sumusuko sa isang panuntunang itinalaga ng Allah sa lahat ng bagay. Maging ang mismong tao, kapag isinaalang-alang ang kanyang pisikal na pangangatawan, ang kanyang panganga-ilangan ng tubig at pagkain, init, hangin, sinag ng araw, pahinga o tulog, makikitang siya ay sumusuko sa isang batas na kung saan siya ay walang pagpi-pilian katulad ng ibang nilalang.

 

Ang malawak na batas na ito na kung saan sumusuko ang lahat ng bagay ay itinakda ng Allah - ang Kataas-taasang Hari, na kung Kanino nabibilang ang paglikha at paghahari. Ang lahat sa sanlibutan maging ang nasa langit at lupa ay sumusuko nang kusa sa Lumikha, ang tanging Haring kayang gawin ang bawa’t naisin. 

 

Sa dahilang ang kahulugan ng Islam ay pagsuko at pagsunod nang walang pagtutol, ang Islam sa ganitong pananaw ay siyang pananampalataya ng sandaigdigan. Ang tao, sa kahulugan nito, ay hindi naiiba sa ibang mga nilikha. Ang Allah, na siyang lumikha at tagapanustos, ay nagbigay sa tao ng kalayaang pumili.  Ipinakita sa tao ang landas ng patnubay at landas ng pagkaligaw sa pamamagitan ng mga Sugo na Kanyang ipinadala sa sangkatauhan sa mga nakaraang  panahon; at ang huli sa kanila ay si Propeta Muhammad(saws)[1]. Magkagayon, sinumang kusang-loob na tumahak o pumili sa landas ng patnubay at tupdin ang mga tungkuling itinakda sa kanya, at umiwas sa mga ipinagbabawal, siya ay magiging tunay na Muslim. At sinumang pumili sa pagtahak sa ligaw na landas, nagpapabaya sa mga gawaing pagsamba, at gumagawa ng mga ipinag- babawal, magkagayon siya ay isang di-nananam-palataya. Bawa’t isa sa kanila ay tatanggap ng paglilitis sa Takdang Araw na makakaharap niya ang kanyang Rubb[2], kapag ang talaan ng kanyang mga gawa ay ilalantad.

 

Ang Allah ay nagsabi:

 

“Kaya’t sinumang gumawa ng mabuti na katimbang ng langgam ay makikita ito, at sinumang gumawa ng masama na katimbang ng langgam ay makikita ito.” [Qur’an 99:7-8]

 

Sa mga biyayang ipinagkaloob ng Allah sa tao, ang kalayaang pumili ay isa sa mga pinakadakila. Pagka-tapos ipamahala sa kanya ang kalupaan, ang dagat, ang gabi at araw, ipinag-utos ng Allah sa tao na sambahin lamang Siya. At ipinagbawal sa kanya ang pagbibigay katambal sa Kanya. Bilang kabayaran, ipinangako naman sa kanya ang masaganang gantimpala sa kanyang pagsunod. Ang ilan sa mga pangakong gantimpala ay ang mga sumusunod:

 

1)     Pagpapahintulot sa tao na makinabang sa mga Tanda (nilikha) ng Allah na nangagkalat sa buong sandaigdigan. At ito ay nagpapatunay sa katotohanang ang Allah ay siyang tanging tunay na Diyos na nararapat sambahin.

 

2)Ang kakayahang mamuhay nang malaya sa mundong ito, at gawing malinis ang kanyang pamumuhay. Ang Propeta (saws) ay nagsabi:

 

“Kay inam ng pamumuhay ng isang nananampalataya. Ang lahat ng kanyang pamumuhay ay nagdudulot ng kabutihan. Kung nasa mabuting kalagayan, siya ay nagpapakita ng pasasalamat sa Allah at ang ganitong reaksiyon ay mabuti para sa kanya. At kung nakararanas ng pagsubok, ito’y kanyang pinagtitiisan, at ito naman  ay mabuti para sa kanya. Angkop lamang ito sa isang nananampalataya.”

 

Nababatid ng nananampalataya na ang kanyang tungkulin dito sa mundo ay sumamba lamang sa Allah. Nilikha ng Allah ang tao at Jinn[3] upang sumamba lamang sa Kanya. Walang pangangailangan ang Allah mula sa kanila, ni hindi Siya humihingi ng anuman mula sa kanila, bagkus Siya ang Tagapanustos, ang Makapangyarihan.

 

Nalalaman din ng isang nananampalataya na maka-kaharap niya ang Allah sa Araw ng Paglilitis. Batid din niya na siya’y lumitaw sa mundo sa pamamagitan ng Salita ng Allah na lumikha sa kanya, pinagyaman at iginawad sa kanya ang Kanyang mga Biyaya; nakikita man o hindi; at inilagay sa kanyang pamamahala ang lahat ng iba pang nilikha para sa kanya.  Ang Allah ay nagsabi: 

 

“Hindi ba ninyo nakikitang isinailalim (ipinamahala) sa inyo kung ano ang nasa mga kalawakan at kung ano ang nasa daigdig; at iginawad Niya sa inyo nang masagana ang Kanyang biyaya maging ito ay nakikita (nakalantad) o nakatago”.  [Qur’an 31:20]

 

At sinabi ng Allah:

 

“Ang Allah ay Siyang lumikha ng baka para sa inyo upang inyong masakyan ang iba at kainin ang karne ng iba sa kanila.” [Qur’an 40:79]

 

“Ang Allah ay Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, na Siyang nagpatulo ng tubig mula sa kalawakan, at nagbigay ng mga prutas bilang panustos sa inyo; at Kanyang ginawang kapaki-pakinabang sa inyo ang mga barko upang madaling maglayag sa pamamagitan ng Kanyang pahintulot, at Kanyang ginawa ang mga sapa para sa inyong kapakinabangan.” [Qur’an 14:32]

 

At ang Allah ay nagsabi:

 

“Hindi ba ninyo nakikitang ipinamahala sa inyo ang lahat ng bagay sa daigdig?” [Qur’an 22:65]

 

3)    Batid ng Muslim na ang kanyang buhay sa mundong ito ay hindi habang panahon bagkus ito’y pansamantala lamang tungo sa walang-hanggang buhay, at isang himpilan na kung saan nakahanda ang mga panustos na kailangan niya sa isang paligsahang kanyang gagampanan upang makamit ang kasiyahan ng Allah.

 

Kaya naman, ikinasisiya ng Muslim ang anumang uri ng panustos na nakalaan sa kanya sa mundong ito dahil batid niyang ang panustos na ito ay panandaliang bagay lamang.

 

4)Matatamo ng nananampalataya ang kasiyahan ng Allah sa Araw ng Paghuhukom, ang tanging paraan upang makapasok sa Jannah (Paraiso) at matakasan ang Apoy.

 

Ang Allah ay nagsabi:  

 

“Sinumang inilayo sa Apoy, at ipinasok sa Jannah (Paraiso) ay tunay na nakamit ang tagumpay, at ang buhay sa mundong ito ay isang mapanlinlang-aliw lamang”.  [Qur’an 3:158]

 

Matapos ang maikling paunang salitang ito, maaaring nais ninyong malaman nang higit pa ang Islam - ang tanging relihiyong tatanggapin ng Allah. Ang relihiyon sa paningin ng Allah ay Islam:

 

“Sinumang maghangad ng relihiyon bukod sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya; at sa kabilang buhay isa siya sa mga talunan.” [Qur’an 3:85]

 

Ano ang paraan upang malaman ang mga Kautusan ng Allah at Kanyang mga Batas?

 

Kahit gaano pa kalakas ang kakayahan, pang-unawa o talinong iginawad sa tao, hindi niya kailanman malalaman ang mga itinakdang batas ng Allah, at ang Kanyang mga panuntunan, mga kautusan, o ipinag-babawal kahit gamitin pa niya ang mga naturang katangian.  Kung ang tao ay hindi nababatid ang nasa isip ng iba maliban lamang kung sabihin ng huli ang kanyang iniisip, papaano pa kaya malalaman niya ang layunin ng Allah - ang Lumikha ng sanlibutan?  Samakatuwid, hindi makakayanan ng sinuman na gumawa ng mga batas para sa mga nilikha maliban lamang sa kanilang Tagapaglikha, ang Isang naka-babatid  kung ano ang nasa kanilang kaisipan, kung ano ang makabubuti sa kanila at kung ano ang tama nilang kalalagyan sa kasalukuyan at sa hinaharap.

       

Tanging sa pamamagitan lamang ng mga banal na kapahayagan na ibinigay ng mga Sugo sa tao na nagpaliwanag sa mga layunin ng Allah at ang mga pamamaraan kung paano makamit ang kasiyahan ng Allah.  Ang huli sa mga Sugong ito ay si Muhammad (saws) ang anak ni Abdullah mula sa angkan ng Hashimite.

 

 

PAGKILALA SA MGA SUGO

 

Inyong nalaman na ang mga Sugo ay mga taong may tungkuling iparating ang mga Batas at Kautusan ng Allah. Ano ang mga pamamaraan upang makilala ang mga Sugo at malaman ang mga katibayan ng kanilang pagiging tunay na Sugo?

 

 

Mga Katibayan ng Pagkatotoo ng mga Sugo

 

Sa sandaling magkaroon ng katibayan, nararapat lamang kilalanin ang kanilang pagka-Propeta.  Ang ilan sa mga katibayan upang patunayan ang kanilang pagiging Sugo ay:

 

1)Hindi nila hinahangad ang anumang bagay para sa sariling kapakanan, bagkus hinahangad ang mga bagay para sa kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay-babala sa tao laban sa anumang maaaring makapagbigay pinsala sa kanila.

 

2) Ang mga sinabi ng mga Propeta sa tao tungkol sa di-nakikitang daigdig, walang sinumang maka-lirip nito sa pamamagitan ng kanilang talino. Magkagayunma’y laging nagpapatunay ang mga aktual na nangyayari tungkol sa kanilang mga tinuran.

 

3)Ang bawa’t Sugo ay ginawaran ng mahimalang tanda na hindi kayang tularan o pasubalian ng tao. Si Nuh (Noah), bilang halimbawa, ay hinamon ang kanyang lahi na patayin siya, subali’t hindi nila ito kayang gawin, kahit pa man din siya ay nakahalubilo nila nang walang bantay  at siya’y napaligiran ng poot ng mga di-nananampalataya. Gayundin ang angkan ni Ibrahim (Abraham) at ni Hud, sila ay hindi nila kayang saktan.  Tinulungan ng Allah, Ang Kataas-taasan, si Musa (Moises) na gawing ahas ang kanyang tungkod sa anumang oras na nais ni Musa. Samantalang si Issa (Jesus) ay pinagaling ang bulag at ketongin at binuhay ang patay sa pahintulot ng Allah. Si Muhammad (saws) ay tinanggap ang dakilang Qur’an. Kung isaalang-alang na siya ay hindi nakapag-aral at hindi kailanman sumailalim sa pagtuturo ninuman, magkagayon ma’y hindi nakayanan ng kanyang angkan na gumawa ng isang aklat na katulad ng Qur’an sa kabuuan nito, ni hindi  sila nakasulat ng sampung kabanatang katulad nito. At sa dakong huli, hinamon sila ng Allah na gumawa kahit isang kabanata na lamang katulad ng alin man sa Qur’an, subali’t hindi nila kaya ang hamong ito. Kailanman ay hindi nila magagawa ito. Ang Allah ay nagsabi:

 

“Kung ang sangkatauhan at Jinn ay magkatipon-tipon upang gumawa ng katulad nitong Qur’an, hindi nila makakayanang gawin ito - kahit magtulungan pa sila sa isa’t - isa”. [Qur’an 17:88]

 

Nagpadala ang Allah ng Sugo sa bawa’t bansa, at Kanyang ginawaran ng himala na angkop sa kali-kasan ng kanyang lahi. At sa dahilang nagpadala ang Allah ng Sugo nang may mensahe ukol sa tanging bansa at sa dahilang ang mga mensahe ay hindi mga pinal o permanente, ang mga mensaheng ito ay nawala o kumupas kaalinsabay ng pagpanaw ng mga lahing kung kanino ito ipinadala. Subali’t ang mensaheng ipinadala kay Propeta Muhammad (saws) ay panghuli at walang-hanggan. Ang mga himala ng mga naunang Sugo ay pangkaraniwan nang likas na makalupa. Datapwa’t, ang Qur’an ay isang pang-kaisipan at pang-agham na himala, kaya naman ito ay akma sa talino ng tao sa lahat ng panahon.

 

Ngayong nabatid ang mga paraan upang makilala ang Deen (pamamaraan ng buhay) ng Allah - ang Islam, - anong Islam naman ang tinatanggap ng Allah at kung ano ang Kanyang tatanggapin mula sa Kanyang mga alipin? Pag-aralan nating masinsinan ang detalye ng Islam. Katulad nang inyong natunghayan, ang kahulugan ng Islam ay pagsuko sa kalooban ng Allah nang may pagkamasunurin.  Ang kahulugan nito ay pagsamba sa Allah lamang, na hindi nagbibigay ng katambal sa Kanya.  Ang Islam ay kinapapalooban ng mga rituwal at gawa na ginagampanan ng tao dahil sa pagsunod sa Allah. Ito ay naaayon sa mga mensahe ng mga Sugo - ang huli sa kanila ay si Propeta Muhammad (saws). Ang mga batas at panuntunan ni Propeta Muhammad (saws) ay nagbigay-wakas sa mga naunang banal na batas. Ang anumang batas na sumasalungat sa kanyang batas ay walang-saysay sapagka’t sumasalungat ito sa pang-wakas at permanenteng batas ng Allah.

 

Ang mga ritwal na ito ay nagpapakita ng Eeman (pananampalataya) sa puso ng nananampalataya, sapagka’t anuman ang nababatay sa pananampalataya at katiyakan maging lantad man o lihim, ay tunay na Deen (pananalig) sa Islam. Ang Islam ay siyang paraan upang makamit ng tao ang kasiyahan ng kanyang Rubb - ang kanyang Tagapaglikha. Ito rin ang paraan ng kaligtasan na magpapalaya kaninuman mula sa kaparusahan sa Araw ng Pagbabangong-muli.

 

 


ANG ISLAM AY BATAY SA LIMANG HALIGI

 

1.   Ang Pagpapahayag ng Pananampalataya:  La Ilaha Illallaah wa Muhammadan Rasullullaah (Walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah). 

 

Ang pangangailangan ng pagsaksing ito ay ang pagsuko at pagpapahayag na ang Allah ay bukod tanging tunay na Diyos, na ang lahat ng ibang sinasamba ay mga huwad na walang kakayahang magbigay pinsala  o kabutihan, at sila’y walang karapatang sambahin.

 

Ang Allah ay Siyang Hari na may layang pairalin ang takbo ng sanlibutan. Ang tao ay nararapat mamahala ayon lamang sa mga takdang batas at kautusan ng Allah.

 

Nararapat lamang sumangguni ang tao sa Aklat ng Allah tungkol sa kanilang hidwaan at takbo ng kanilang pamumuhay. Maliban sa mga batas ng Allah, anumang pagpapasiyang nauukol sa batas ay batay sa kamangmangan na nagdudulot ng pang-aapi at pagkaligaw. Ang lahat ng pinahihintulutang mga gawaing pagsamba ay nara-rapat na ialay lamang sa Allah.

 

Ang ilan sa mga kinakailangan sa Pagpapahayag ng Pananampalataya ay ang pagbabawal sa sinumang magpatirapa o yumuko sa kaninuman o manalangin sa iba upang matamo ang kanyang pangangailangan - sapagka’t tanging ang Allah lamang ang may kakayahang magbigay sa panga-ngailangan  ng tao.

 

Hinggil naman sa mga kinakailangan sa pagpapahayag: Muhammadan Rasullullaah (Si Muhammad ay Sugo ng Allah), ito ay nanganga- ilangan ng pagtanggap na si Muhammad ay tunay na Sugo ng Allah. Ang pagpapahayag na ito ay pagtanggap sa kanyang pagkamatapat at perpekto sa lahat ng bagay na kanyang sinabi tungkol sa Allah - (Ang Dakila), maging tungkol sa nakaraan, sa hinaharap at sa di-nakikita. Sapagka’t lahat ng kanyang sinabi ay mga pahayag mula sa Allah. 

 

Isang tungkulin na dapat tupdin ang kanyang kautusan at umiwas sa kanyang mga ipinagba- bawal, sapagka’t ang pagsunod sa kanya ay tunay na pagsunod sa Allah. Ang Propeta (saws) ay isinugo ng Allah upang ipahayag ang Kanyang mensahe - batas at kautusan. Kaya naman, hindi pinahihintulutang suwayin ang Sugo (saws) sapagka’t ang pagsuway sa kanya ay nanganga- hulugan ng pagsuway sa Allah.

 

 

2.   As-Salaah:

 

Ang Salaah (pagdarasal) ay pangalawang haligi ng Islam. Ito ay nagsisimula sa pagpapadalisay ng katawan at nagwawakas sa pagpapadalisay ng kaluluwa. Ginagampanan ito nang limang ulit sa loob ng maghapon at magdamag. Maituturing ang Salaah bilang pagpapalakas na sadyang kailangan ng tao sa mga sandaling nakakalimot siya sa kanyang Rubb. Upang ibalik muli ang kasunduan sa kanyang Rubb, ang unang gagawin ng tao bilang simula ng kanyang araw ay ang pagdarasal. Ang unang pagdarasal sa maghapon ay nagsisi-mula sa bukang-liwayway at winawakasan sa paglubog ng araw.

 

Sa pagtatrabaho sa unang kalahati ng maghapon, ang pagkalimot ay kadalasang nangyayari sa tao.  Kaya naman ang pagdarasal ng Duhur, (ilang sandali matapos ang tanghaling tapat) ay darating, na kung saan ang Muslim ay muling magpapa-kadalisay, at ibalik na muli ang ugnayan sa kanyang Rubb upang humingi ng tulong, habag at tagumpay sa buong buhay, at patawad sa kabilang buhay upang linisin ang kanyang kasalanan at pagkakamali. Sa ganito ginagampanan ng tao ang pagdarasal mula sa isa hanggang sa panglima hanggang sa makaharap niya ang kanyang Rubb.

 

Ang Sugo ay nagsabi:

 

“Isaalang-alang ang dumadaloy na batis sa inyong pintuan (tarangkahan) na kung saan kayo ay naliligo ng limang ulit maghapon. May matitira pa kayang dumi sa katawan? Sila ay sumagot, ‘tiyak na wala na’. Siya’y nagsabi: ‘Gayundin ang limang ulit na pagdarasal na sa pamamagitan nito’y nililinis ng Allah ang kasalanan’.”

 

Ang pagdarasal sa loob ng Masjid ay nagpapanatili ng malakas na ugnayan sa isa’t isa sa kalagayang pagkakapatiran, at ito ay nagpapaunlad ng pag-mamahal at habag. Ang pagdarasal ay naglalayo sa tao mula sa malalaswa at masasamang gawain. Tumutulong din ito sa isang alipin[4] sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.

 

Ang Allah ay nagsabi:

 

“At hanapin ang tulong (ng Allah) sa pamamagitan ng pagtitiis at pagdarasal.” [Qur’an - 2:45]

 

3.   As-Zakat:

 

Ang Zakat ay pangatlong haligi ng Islam. Ito ay isang pinansiyal na gawaing pagsamba na itinakda sa natitirang tangang kayamanan sa isang taon. May itinakdang bahagi sa bawa’t yaman o ari-arian na dapat ipamigay sa mga mahihirap upang matulungan sila sa kanilang pangangailangan. Isinasakatuparan ng Zakat ang pangangailangan ng mahihirap, pinadadalisay nito ang nagbibigay mula sa pagiging sakim - isang likas na ugali ng tao.

 

Ang Allah ay nagsabi:

       

“At inyong minamahal ang yaman nang nag-uumapaw na pagmamahal.” [Qur’an - 89:20]

 

Ang Zakat ay nagpapalawig ng yaman at dinadagdagan ang Barakat (kasaganaan at tuloy-tuloy na kabutihan) nito. Ang Propeta (saws) ay nagsabi: “Ang kawanggawa ay hindi  kailanman  babawasan ang yaman, bagkus pinag-iibayo pa  ito”.

 

Kaya ang Zakat ay isang paraan upang palawigin ang yaman, pinadadalisay ang kaluluwa laban sa pagiging gahaman, ganid at pagkamaramot. Nagpapakita ito ng tungkulin sa kapuwa Muslim - na ang mayayaman ay nakikiramay sa mga mahihirap at ang mahihirap ay minamahal ang mga mayayaman.

 

Higit sa lahat, ang Zakat ay isang gawaing pagsamba na iniaalay sa Allah, isang pagtupad sa Kanyang kautusan at isang paraan upang makamit ang Kanyang kasiyahan.

 

4.   As-Siyam:

 

Ang As-Siyam (pag-aayuno) tuwing buwan ng Ramadan ay ang pang-apat na haligi ng Islam. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, ang lahat ng bahagi ng pagsamba ay nagkasama-sama. 

 

Pinalalakas nito ang diwa ng pagsunod at ang pagnanais na tumupad. Ang pag-aayuno ay isang gawaing pagsamba at isang pamamaraan upang ilapit ang tao sa Allah, gawing pino ang pag-aasal, pagpipigil sa sarili, at iniwawasto ang pag-uugali. Ito ay isa ring paraan upang panatilihin ang takot sa Allah.  Ang Allah ay nagsabi:

 

“O kayong nananampalataya, ang pag-aayuno ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang makamit ninyo ang pagkamaka-Diyos.” [Qur’an - 2:183]

 

Ang pag-aayuno ay ipinag-utos din sa mga naunang mga tao bilang pagpapakadalisay at tulong laban sa kahirapan sa buhay, sapagka’t ang pag-aayuno ay nangangailangan ng pagtitiis, at ang pagtitiis ay isa sa mga malakas na paraan upang makamit ang kaligayahan sa kabilang buhay. 

 

Ang Allah ay nagsabi:

 

“At hanapin ang tulong (ng Allah) sa pamamagitan ng pagtitiis at pagdarasal.” [Qur’an, 2:45]

 

 

5.   Hajj:

 

Ang Hajj ay siyang panlimang haligi ng Islam.  Ang layunin nito ay katulad din ng ibang haligi ng Islam. Ang Hajj ay nagtuturo ng pagpipigil sa sarili, pagtitiis, pagbata sa gutom, pagtitiis sa kahirapan ng paglalakbay, iniiwan (pansamantala) ang pamilya at ibang makamundong bagay. Katulad ng Zakat, ang Hajj ay may bahaging pananalapi. Kaalinsabay ng pagdarasal, may bahagi din itong pisikal katulad ng Tawaf (pag-ikot sa Ka’aba ng pitong ulit), Saee[5] at paglipat-lipat sa iba’t-ibang pook na kung saan ginagam-panan ang mga ritwal ng Hajj. Bahagi rin nito ay Talbiyah[6], Dhikr[7] at iba pa. Kaya ang Hajj ay kinabibilangan ng gawaing pagsamba kasama ang pinansiyal, pisikal at ang mga bahaging may kinalaman sa pagdarasal. Kagaya ng pagdarasal nang sama-sama (kongregasyon), ang Hajj ay isa ring okasyong pinagtipon-tipon ang mga Muslim sa isang lugar at panahon na may isa pang katangian. Ang lahat ng Muslim ay may magkatulad na kasuotan kahit ano pa ang pagkakaiba ng lahi, bansa, wika, o uri.  Ang Hajj, sa pangkalahatang pananaw nito, ay isang pagti-tipong kinabibilangan ng lahat ng pangkat ng Muslim na nanggaling sa iba’t ibang bansa at lahi upang dumalo sa isang malaking makabuluhang pagtitipon. Ang Sugo ng Allah, (saws) ay nagbigay ng kanyang talumpati  sa pook ng Arafat upang ipahayag  sa mga Muslim ang mensaheng mula sa kanyang Rubb, tumawag sa Kanya na maging  kanyang saksi na tunay ngang ipinahayag niya ang Mensahe. Mayroong pinakamahusay na halimbawa ang mga Muslim sa katauhan ni Propeta Muhammad (saws). Isinasagawa ang Hajj bilang pagsunod sa kautusan ng Allah. 

 

Nang matapos ni Ibrahim (Abraham) ang pagta- tayo ng Ka’bah, siya’y inutusan ng Allah na tawagan ang tao na isagawa ang Hajj.  Ang Allah ay nagsabi:

 

“At ipahayag sa tao ang Hajj (pilgrimahe,) Sila’y darating sa iyo na nakayapak at sakay ng bawa’t kamelyo mula sa iba’t ibang malalayong pook.”  [Qur’an 22:27]

 

Sinumang Muslim na ginagampanan ang limang haligi ng Islam nang may paniniwalang ang Allah ay kanyang Rubb, Islam ang kanyang pananam- palataya, si Muhammad ang kanyang Propeta at Sugo, at namatay na pinanghahawakan ang paniniwalang ito - makakamit niya ang minimit- hing kasiyahan ng Allah, at ang pagpasok sa Jannah (Paraiso). Subali’t ang sinumang tumupad sa mga haligi ng Islam nang walang pana-nampalataya, hindi ito makakatulong sa kanya, at hindi ito nakapaglalayo sa kanya sa parusang ipinangako ng Rubb kahit pa man din siya ay mukhang Muslim sa paningin ng tao.

 

 

ANG MGA HALIGI NG EEMAN (PANANAMPALATAYA)

 

Katulad ng naturan sa mga naunang pahina, ang unang haligi ng Eeman ay ang pagsaksi o pagpapahayag: La Ilaha Illallaah wa Muhammadan Rasullullaah (Walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah). Ang pangalawang bahagi ng pagsaksing ito ay nangangailangan ng pagpapatunay sa katotohanang siya, si Propeta Muhammad (saws), ay isinugo ng Allah sa lahat ng tao, at kinakailangang patotohanan ang katapatan ng lahat ng kanyang binanggit, sundin siya at iwasan ang kanyang ipinagbabawal.

 

Ang pangunahin sa kanyang ipinag-uutos ay ang paniniwala sa Allah, sa Kanyang mga Angel, sa Kanyang mga Aklat, sa Kanyang mga Sugo, sa Huling Araw at sa Qadar.

 

1.   Ang Paniniwala sa Allah:

 

Ang matatag na paniniwalang ang Allah ay malaya sa anumang kakulangan at Siya ay walang kailangan sa Kanyang mga nilikha. Ang Allah ay hindi ipinanganak at hindi rin nagka-anak.  Siya ay sadyang malayo sa pagkakaroon ng asawa o anak. Nasa Kanya ang lahat ng katangiang sakdal.

 

Kailangang paniwalaang ang Allah ay laging buhay, hindi kailanman nabibilang sa mga nagwawakas o naglalaho o namamatay. Siya ay laging may kamalayan sa lahat. Siya ang nagmamay-ari ng lahat. Dapat din nating pani-walaan na ang Allah ay bukod tangi at nag-iisa, walang katambal sa Ruboobiyah (pagka-Panginoon), sa Kanyang kabanalan, at walang sinumang maaaring makibahagi sa Kanyang mga pangalan at katangian. Tinatanggap lamang Niya ang tuwirang pagsamba sa Kanya. Walang anuman o sinuman sa Kanyang mga nilikha ang dapat tawagin (intermediaries) upang iparating ang pagsamba sa Kanya. (Halimbawa: ang pagtawag at pagsamba sa mga santo, santa, propeta, atbp.). Tangan ng Allah ang panustos, buhay at kamatayan, pinsala at biyaya.  Dinig Niya ang mga panalangin, tinutugon Niya ang mga nagsusumamo sa Kanya ng tulong. Ang lahat ng nilikha ay lagi nang kailangan Siya; habang Siya naman ay walang kailangan mula kaninuman. Ang paniniwala sa lahat  na ito ay nagdudulot sa tao na umasa lamang sa tulong ng Allah at matakot lamang sa Kanya, dumulog sa Kanya na hindi na kailangan pang dumaan pa ng taga-pamagitan (intermediaries). Ang mga nilikha ng Allah ay walang kakayahang tumulong malibang pahintulutan ng Allah, ni hindi sila makapagbigay pinsala malibang pahintulutan ng Allah.

 

Ang pagsasabi ng iba na may maaaring mama-gitan, at dinadalaw ang mga libingan ng mga ito upang humingi ng tulong sa kanila, at tinatawag silang Awliya (mga paborito ng Allah) ay hindi lamang mga huwad na pag-aangkin kundi isang Shirk (pagbibigay katambal sa Allah-ang Laging Buhay, ang Makapangyarihan at Nakababatid ng lahat).

 

2.   Paniniwala sa mga Anghel:

 

Ang mga Anghel ay bahagi ng di-nakikitang daigdig na ipinahayag ng Allah sa Kanyang Sugo na si Muhammad (saws).  Ang mga Anghel ay mararangal na alipin ng Allah. Ang Allah ay nagsabi: 

 

“Hindi sila naghihimagsik laban sa Kanyang mga kautusan, at kanilang ginagampanan nang lubusan kung ano ang ipinag-uutos sa kanila.” [Qur’an - 66:6]

 

Nilikha ng Allah ang mga Anghel upang sambahin Siya, at binigyan ng mga tungkuling ginagampanan nang matapat katulad ng sinabi ng Allah sa Qur’an upang pabulaanan ang huwad na paniniwala ng ibang tao na ang mga Anghel ay mga tagapamagitan at mga anak ng Allah.

 

Sa dahilang nararapat maniwala sa pagkakaroon ng mga Anghel, nararapat ding maniwala sa ipinahayag ng Allah at sa sinabi ni Muhammad (saws) tungkol sa kanila. Isa sa kanila ay si Anghel Jibril (Gabriel), ang nagdala ng Pahayag sa mga Sugo ng Allah.

 

Kabilang sa mga Anghel ay mga tagatala ng mga gawa ng tao na ilalahad sa kanila sa Araw ng Pagbabangong-Muli. Sa Araw na makikita ng tao ang talaan ng kanyang mga gawa at hindi mapapasubalian o maitatatwa ang nilalaman nito. At kapag may magtatatwa sa anumang kanyang gawa, ang sarili niyang katawan, (kamay, mata, paa, bibig, atbp.) ang sasaksi laban sa kanya.

 

 

3. Paniniwala sa mga Banal na Kasulatan:

 

Ang paniniwala sa mga Banal na Aklat ay isa sa mga haligi ng pananampalataya.  Kinakailangang paniwalaan ang mga ito bilang mga ipinahayag at ipinadala ng Allah. Ang paniniwala sa mga kapahayagan ay may dalawang antas: pangkalahatan at partikular. Ang pangkalahatan ay pani-niwala sa lahat ng mga kapahayagang ipinadala noon sa alinmang Sugo ng Allah; maging kilala sa pangalan o hindi. Sa partikular na paniniwala naman, kailangan tayong maniwala sa lahat ng kapahayagang binabanggit sa Qur’an.  Ang mga ito ay lima:

 

1. Ang Qur’an, ang aklat na ipinadala kay               Muhammad (saws).

2. Ang Tawrat (Torah), na ipinadala kay Musa        (Moises).

3. Ang Injeel (Ebanghelyo) na ipinadala kay Isa       (Hesus).

4. Ang Zaboor (Salmo) na ipinadala kay Dawood     (David).

5. Ang Suhof (Kalatas) na ipinadala kay Ibrahim      (Abraham).

 

Batid natin na kinakailangang maniwala sa mga naturang Aklat. Subali’t kailangang bang maniwala sa mga Aklat na nakakalat sa ngayon? Magkatulad ba ang mga nakikitang Aklat ngayon sa mga kapahayagang ipinadala noon sa mga Propeta ng Allah? Ito ay mga pangkalahatang katanungan.  Bagama’t ang mga naturang Aklat sa ngayon na nauna sa Qur’an ay maaaring kinapapalooban ng ilang bahagi ng mga orihinal na teksto, ang mga ito ay hindi na mapapanaligan dahil sa mga sumusunod:

 

1.      Ang mga orihinal na teksto ng mga naturang mga Aklat ay wala na sa ngayon.  Ang tanging nalalabi sa ngayon ay mga salin lamang na kinapapalooban ng mga kuro-kuro ng tagasalin, at ang mga pagpapaliwanag nila ay naihalo.

 

2.      Ang mga orihinal na teksto ng mga naturang Aklat ay hindi naisulat sa panahon ng Propeta, bagkus naisulat mga ilang daang taon matapos ang kanilang panahon. Ito ay tinipon mula sa mga ulat ng mga tagasunod ng Sugo katulad ng nangyari sa Ebanghelyo (ni Hesus). Ang orihinal na teksto mismo ay nawala, at tini-pong muli, mula sa mga salaysay at kuwento atbp. Gayundin ang nangyari sa Torah (ni Moises).

 

3.      Ang mga naunang Aklat ay hindi isinulat para sa kabuuang sangkatauhan, bagkus ang bawa’t Aklat ay ipinadala sa partikular na bansa o lahi, sapagka’t ang banal na Mensahe ay hindi pa lubusan sa mga panahong iyon.

 

4.      Ang mga wika ng kasulatan ay binago o naging lipas na. Kahit man nanatili pa sa ngayon ang orihinal na kasulatan, hindi malayong wala ng taong maaaring makabasa sa wikang ginamit. Samakatuwid, walang katuturan ang Aklat kung hindi naman maintindihan ang teksto nito.

 

Sa teksto naman ng Qur’an, ito ay nananatili sa wikang ipinahayag kay Propeta Muhammad (saws). Taglay ng Qur’an ang pagka-orihinal at pagkatotoo sa mga sumusunod na dahilan:

 

1.   Ang Allah mismo ang nangako na pangangalagaan ang Qur’an. Siya ay nagsabi: 

 

“Kami ang Siyang nagpadala ng Dhikr (Qur’an) at pangangalagaan Namin ito.”  [Qur’an 15:9]

 

2.   Ang Qur’an ay naisulat noong nabubuhay pa ang Propeta (saws). Sa tuwinang may talata o kabanatang ipinahahayag, sinasabi ito ng Sugo sa kanyang iskriba at iniuutos na ilagay sa kabanata na kung saan ito nabibilang. Bukod pa rito, marami sa mga kasamahan ng Propeta ang nagsaulo ng Qur’an, at batid ang mga pangyayaring nakapaligid sa pagkapahayag ng mga talata o kabanata. Ang lahat ng impor-masyong ito ay tinipon sa mga di-mapapa-subaliang mga kasulatan.  

 

3.   Si Anghel Jibril (Gabriel) ay lagi nang nirerepaso ang Qur’an sa Propeta (saws) minsan sa isang taon. Sa huling taon ng kanyang buhay, kanyang binigkas nang saulado ang buong Qur’an nang dalawang ulit bilang pagrepasong kasama si Anghel Jibril.

 

4.   Ang mga kasama ng Propeta ay itinalaga sa sarili ang pagsasaulo ng Qur’an. Kaya naman, walang sinumang makapagbabago ng anuman sa Qur’an na hindi mapapansin kaagad ng mga nakakasaulo nito.

 

5.   Ang wikang ginamit sa pagkapahayag ng Qur’an ay nananatili pa rin hanggang sa ngayon.  Kaya naman, sinumang nakababasa ng Qur’an ay madaling maunawaan ang nilalaman at ang kahalagahan ng teksto nito.

 

6.   Inihiwalay ng mga paham ang kanilang pagpapaliwanag sa teksto ng Qur’an upang panatilihin ang kadalisayan nito.

 

Mayroon pang mahalagang katibayan ang pagka-orihinal ng Qur’an. Kung titipunin ang ilang kopya (sipi) ng Qur’an mula sa mga bansang Arabo o ibang lahi, ito ay magka- katulad. Ang mga nagsaulo ng Qur’an ang makapagpapatunay nito.

 

7.   Ang Qur’an ang siyang panghuling Aklat na ipinahayag sa panghuli sa mga Sugo. Ito ang dahilan kung bakit ito ay pinangangalagaan. Kung halimbawang ito ay nabago, maiiwan ang taong walang dalisay na Aklat bilang batayan. Ang walang-hanggang kaalaman ng Allah at Kanyang Habag ang siyang dahilan upang hindi Niya pabayaan ang Kanyang mga nilikha, o hayaan sila sa kanilang kakatwang haka-haka, at pagsuray sa dilim ng kamangmangan at pagkaligaw.

 

4.   Paniniwala sa mga Sugo: 

 

Ang paniniwala sa mga Sugo ay isang haligi ng pananampalataya. Ito ay hindi nangangahulugang kilalanin ang ilang mga Sugo at itakwil naman ang iba. Bagkus, isang tungkuling paniwalaan silang lahat - kilala man o hindi ang kanilang mga pangalan. Ang mga pangalan ng Sugong binanggit sa Qur’an ay nararapat na kilalanin.  Ginawang tungkulin ng Allah na kilalanin silang lahat - sapagka’t sila ay katulad ng mga kadenang kabit-kabit sa isa’t isa.  Bawa’t isa sa kanila ay ginam-panan ang mensaheng ibinigay sa Sugong nauna sa kanya, hanggang sa ang Allah ay ipinadala si Propeta Muhammad (saws) bilang huling Sugo kung kanino winakasan ang kanilang kadena. Ang sinumang kumikilala sa ilan sa mga Sugo at itinatakwil ang iba ay pinutol ang kanilang kawing.

 

Binanggit ng Qur’an ang pangalan ng dala-wampu’t limang Sugo: Ang Allah ay nagsabi:

 

“....at (Kami ay nagpadala ng) mga Sugo na Aming binanggit sa iyo noon, at ang ilan sa kanila ay hindi Namin binanggit sa iyo.” [Qur’an 4:164]

 

Ang paniniwala sa mga Sugo ay hindi maaaring kaligtaan sapagka’t imposibleng malaman ang Mensahe ng Allah kung walang mga Sugo - dahil sila ang nagbigay ng Kanyang Mensahe. Isang tungkuling paniwalaan sila nang walang pagtatangi.

 

At tungkol naman sa pribilehiyong ibinigay kay Muhammad (saws) na kung saan siya nakilala, ito ang mga sumusunod:

 

a.   Ang mga naunang Sugo sa kanya ay ipinadala sa kani-kanilang partikular na bansa. Sa kabilang dako, si Muhammad (saws) ay ipina- dala sa lahat ng sangkatauhan sapagka’t hindi na siya susundan pa ng sinumang Propeta o Sugo.

 

b.   Ang mga aral ng mga naunang Propeta at ang tanda ng kanilang pagkatotoo ay naglahong kasama nila. Ang katibayan ng pagkatotoo ni Propeta Muhammad ay nananatili at patuloy na manananatili hanggang sa katapusan ng panahon. Ang kanyang mga aral ay naalagaan sa mga aklat na nananatiling bukas at lantad sa madla.

 

c.   Ang Mensahe ni Propeta Muhammad (saws) ay sakop ang mga mensahe ng mga Sugong nauna sa kanya. Ang mensahe at aral ng mga Sugo ay katulad ng palasyong pinagtulungang itinayo ng tao na ang bawa’t isa ay itinayo ang bahagi nito, at si Muhammad (saws) ay tinapos ang kabuuang palasyo. 

 

5.    Ang  Paniniwala  sa  Huling  Araw:

 

Ang paniniwalang ito ay kailangang manalig sa:

 

1.      Paniniwalang ang mundo at ang nilalaman nito ay may katapusan.

 

2.      Ang Allah - ang Kataas-taasan, ay ibabangon Niyang muli ang lahat ng nilalang. 

 

3.      Ang tao ay mananagot sa kani-kanilang mga gawa. Sinumang gumawa ng mabuti ay sa ikabubuti niya, at sinumang gumawa ng masama ay sa ikasasama niya. Ang bawa’t isa ay mananagot sa kanyang sariling gawa.

 

4.      Ang mga gawa ng tao ay naitala at kanilang matutunghayan ito sa Araw ng Paghuhukom.

 

5.      Ang Muslim ay tatanggapin sa Jannah (Paraiso) sa bandang huli (matapos siyang gantimpalaan o patawarin o kaya’y matapos parusahan sa kanyang mga kasalanan kung sakali mang nakahihigit ang bigat ng kanyang kasalanan kaysa kabutihan), at ang mga di-nananam-palataya ay itatapon sa Apoy ng Impiyerno.

 

Magkagayon, maliwanag na ang kamatayan ay hindi katapusan ng buhay, bagkus isang guhit sa pagitan ng maikling pansamantalang-buhay at ang buhay na walang-hanggan.  Subali’t ang lahat ba ng tao ay may magkakatulad na buhay? Katiyakang hindi! Hindi sila magkatulad. Silang sumusunod sa Allah ay tiyak na gagantimpalaan at silang sumusuway sa Kanya ay parurusahan. Naaayon lamang sa talino ng tao ang paniniwala sa Huling Araw - sapagka’t ang bunga ng gawain ng tao sa daigdig na ito ay maaaring makita o hindi.  Tanong!. Ang mundo bang ito ay matatapos nang gayon na lamang?  Ang nang-api ba ay makakatakas sa kanyang pang-aapi, samantalang ang naapi ay maiiwang walang proteksiyon? Ang ganitong kalagayan ay salungat sa talino at sadyang di-makatarungan. Kaya naman, ang katarungan ay hindi maaaring kaligtaan, subali’t hindi sa daigdig na ito bagkus sa daigdig na darating.

 

Ang mga di-mapapasubaliang mga aral ng Propeta hinggil sa daigdig na darating ay sapat na upang pagtibayin ang katotohanang ito. Ang pinakabuod na layunin ng paniniwala sa Araw ng Pagbabangong-Muli ay  upang mangganyak sa mga nananampalataya na magsumikap nang husto upang gumawa ng mabubuting gawa, pigilin ang iba sa paggawa ng masama at pagsuway, at ang bunga ng mga pagsubok at kahirapan sa daigdig na ito ay maliwanag na makikita sa kabilang buhay.

 

 

6.  Ang Paniniwala sa Al-Qadar:

 

Ang paniniwala sa Al-Qadar ay isa sa mga pinakabuod na saligan ng Islam. Hindi tatang-gapin ng Allah ang sinuman hanggang sa siya ay maniwala sa Al-Qadar, kahit na siya ay mag-ayuno, mag-dasal, at mag-angkin na siya ay Muslim - sapagka’t hindi niya pinanatili ang matatag na paniniwala sa Allah.  Sinumang hindi naniniwala sa Al-Qadar ay nagpapahiwatig lamang na ang Allah ay walang kakayahan at kapangyarihan na hindi Niya batid kung ano ang nangyayari sa sangdaigdigan. Ang ganitong katangian ay hindi nababagay sa isang Diyos; sapagka’t ang ilan sa mga likas na katangian ng Allah ay ang Laging Buhay, ang Nagbibigay Panustos at Nagpapanatili sa Kanyang mga nilikha, ang Makapangyarihan, ang Nakakarinig ng lahat, ang Nakakakita ng lahat, at iba pang mga katangiang kasakdalan.  Ang di-paniniwala sa Al-Qadar ay pagtakwil sa Allah at sa lahat ng Kanyang katangiang perpekto. Sadyang malayo ang Allah sa anumang kakulangan. 

 

Ang Paniniwala sa Al-Qadar ay kinakailangang manalig sa mga sumusunod:

 

a)   Batid ng Allah ang lahat ng bagay at naitala na ito bago pa Niya nilikha.

 

b)   Kapag ninais ng Allah na mangyari ang anuman, Kanya lamang sasabihin: “Maging at mangyayari na”.  Kung nanaisin ng Allah na lumikha ng anuman, ito ay mangyayari, at kung hindi niya nanaisin ito ay hindi kailanman mangyayari.

 

c)   Lahat ng nananatili, bukod sa Allah, ay mga nilikha lamang Niya - maging ito ay mabuti o masama, at Kanyang nilikha ang anuman sa isang matalinong layuning batid Niya. Magkagayon, walang anumang lilitaw dito sa mundo nang walang matatalinong layunin. Ang Allah ang Nakababatid ng lahat, ang Maalam.   

 

d)   Walang mangyayari o magaganap dito sa mundo malibang naisin at pahintulutan ng Allah. Ang Allah ay may kakayahang pigilin ang anumang ayaw Niyang pahintulutang mangyari. Magkagayunman, dapat isaisip na ito ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon ng Allah sa lahat ng nangyayari.  Halimbawa ang  Allah ay hindi  sumasang-ayon sa di-pananampa-lataya, ni hindi Niya ipinag-utos sa tao ang paggawa ng kasuklam-suklam, ni hindi Niya minamahal ang kasamaan. Sa katunayan, hindi Niya pinipigil na mangyari ang mga ito dahil sa isang matalinong layuning nababatid Niya. Ang layunin ng paniniwala sa Al-Qadar ay binibigyan ang tao ng kakayahang gumawa ng mabuti dahil sa kanyang kaalamang ang buhay at kamatayan ay nasa kamay ng Allah - ang Kataas-taasan. Kaya naman, walang sinumang may kakayahang pahabain o paikliin ang kanyang buhay maging isang saglit lamang. Kapag dumating na ang kanyang takdang oras, walang sinumang makapagpipigil nito.

 

 Ang Allah ay nagsabi:

 

“At kapag dumating na ang kanilang takdang oras, hindi sila maaantala ng isang sandali, ni hindi sila maaaring magpauna.” [Qur’an 7:34]

 

Ang paniniwalang ito ay nagbibigay sa tao ng katiwasayan at kasiyahan kapag batid niyang walang mangyayari sa kanya maliban sa naitalaga na sa kanya. Kung lahat ng tao ay magkatipon-tipon upang pigilin ito, hindi nila ito makakayang gawin, ni hindi nila maibibigay kung ano ang ipagkait ng Allah. At sa dahilang batid ng tao na ang kanyang tungkulin ay magsikap hanapin ang lahat ng pinahi-hintulutang paraan upang makuha ang kanyang ikabubuhay, batid din niya na ang bunga ng kanyang pagsisikap ay nasa kamay ng Allah.

 

Sa  mga naunang usaping ating tinalakay na kung saan  dapat maniwala, may mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, ni hindi natin kayang ipaliwanag. Ano ang ating masasabi hinggil sa mga bagay na ito? 

 

 

Ang Paniniwala sa Al-Ghaib (Di-Nakikita)

 

Ang paniniwala sa Al-Ghaib ay isa rin sa mga pangunahing paniniwala sa Islam. Ginawaran tayo ng Allah ng kakayahang maniwala dito. Ang tao ay hindi kayang tarukin ang diwa ng Allah, ang Kanyang kalikasan o katangian sa pamamagitan ng kanyang pang-unawa, ni hindi niya mailarawan sa kanyang kaisipan. Subali’t nakikita niya ang bunga ng pananatili ng Allah, at ang Kanyang pamamahala sa sanlibutan. Isa sa mga dakilang biyayang ipinagkaloob ng Allah ay ang pagbibigay sa tao ng kakayahang maniwala sa Al-Ghaib.

 

Isa sa mga bagay tungkol sa Al-Ghaib na kung saan tayo’y likas na naniniwala kahit hindi malirip ang kanilang kalikasan ay ang kaluluwa. Kung ang paniniwala sa Al-Ghaib ay hindi matatamo, ang tao ay mawawalan ng maraming pangunahing paniniwala sa kanyang pananampalataya. Mawawalan siya ng paniniwala sa Allah, sa kanyang mga Anghel, sa Huling Araw at iba pang bagay na Al-Ghaib. Ang paniniwala sa Al-Ghaib ay sadyang mahalaga na itinuturing ng Allah na isa sa mga natatanging katangian ng mga taong may takot sa Allah. Ang Allah ay nagsabi:

 

“Ito ang Aklat (Qur’an). Walang alinlangan, naririto ang tunay na patnubay sa mga may takot sa Diyos. Na naniniwala sa Al-Ghaib, nagdarasal, at gumu- gugol mula sa Aming ipinagkaloob sa kanila.” [Qur’an 2:2-3]

 

Sapat nang dahilan sa atin ang maniwala sa Al-Ghaib dahil ang Allah, ang Kataas-taasan, ay Siya mismo ang nagsabi sa atin tungkol dito sa pamamagitan ng Kanyang Sugo (saws).  Samakatuwid, sinumang di-naniniwala sa Al-Ghaib ay itinatakwil ang Allah at ang Kanyang mga Sugo (saws).

 

 

ANG SHARI’AH AT ANG DEEN

 

Ang Shari’ah[8] ay bahagi ng Deen (Panuntunan ng Buhay). Ang pagganap nito ay isang Ibadah (Pagsamba). Ang Ibadah ay nagpapakita ng pagkamasunurin sa Allah sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal.

 

Inuutusan tayo ng Allah na tumupad sa ipinadala Niya sa atin at tahakin ang tamang landas. Siya ay nagsabi:

 

“At (iyong sabihin O Mohammad) ito ang Aking landas tungo sa matuwid, kaya’t sundan ito, at huwag sundan ang ibang  landas  nang  hindi  nila  kayo  mailayo sa Kanyang landas.” [Qur’an - 6: 153]

 

Maliwanag na ipinakita ng Allah sa Kanyang Aklat ang lahat ng kailangan ng sangkatauhan. Ito ay binigyang kahulugan at lubusang ipinaliwanag ng Kanyang Sugo (saws). Ang lahat ng mga ito ay iningatan at maaaring basahin sa lahat ng panahon at lugar.

 

Ang pinakalayunin ng Islam ay upang panatilihin ang mga sumusunod:

 

a)    Ang Deen (Panuntunan ng Buhay)

 

Nagtakda ang Allah ng mga batas at panuntunan, nagpadala ng mga Sugo, at nagpahayag ng Kanyang mga Aklat upang panatilihin ang Deen, at bantayan ito laban sa anumang pagbabago, at ialay ang lahat ng pagsamba sa Allah lamang. Kanyang ipinag-utos ang Jihad (pakikibaka dahil sa Allah) upang panatilihing mangibabaw ang Kanyang Salita, at upang alisin ang hadlang na nagpipigil sa tao sa pagsamba sa kanilang Rubb.

 

b)   Ang  Talino  

 

Ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng sumisira sa pag-iisip maging ito ay pagkain, inumin o anu-paman.  Ang Allah ay nagsabi: 

 

“Katotohanan, ang alak, sugal, (pagsamba at pag-aalay sa) diyus-diyusan, at pakikipagsapalaran sa pamamagitan ng palaso ay mga kasuklam-suklam na gawain ni Satanas.” [Qur’an, 5:90]

 

c)     Ang  Tao

 

Ipinagbabawal din ng Islam ang lahat ng bagay na nakakasira sa tao. Ang tao ay hindi pinahihin- tulutang saktan ang sarili o magpakamatay. Ang pananakit sa iba ay ipinagbabawal din, at gayundin ang pagpatay sa iba o pagbibigay ng anumang nakapagpapahina sa katawan ng iba.  Kaya naman ang pagpataw ng parusa sa pagpatay ng kapwa ay itinakda upang ipagtanggol ang buhay ng tao. Ang pagkitil sa buhay ng kriminal ay higit na mabuti kaysa iligtas ang buhay niya nang wala na siyang pagkakataon pang pumatay ng iba. Walang katuturan ang pagpapakita ng habag sa mamamatay-tao, at inaalisan ng awa ang naging biktima. (halimbawa ang pamilya ng biktima).

 


d)    Ang Ari-arian.

 

Ang paghahanap-buhay at pagsisikap na magka- roon ng sariling pagkakitaan ay pinahihintulutan at maging ang pagpapanatili sa mga ito. Ang pagwaldas ng yaman at ang labis na paggugol kahit na sa mga pinahihintulutang bagay ay ipinagbabawal sa Islam.  Ang Allah ay nagsabi:

 

“....At kumain at uminom subali’t huwag mag-aksaya...” [Qur’an - 7:31]

 

Ipinagbabawal sa kaninuman ang mag-abuso maging sa sariling yaman. Hindi pinahihintulutan ang sinuman na kunin ang ari-arian ng iba nang walang pahintulot. Ipinagbabawal ang pagkamkam ng ari-arian ng iba.  Sa ganitong kadahilanan kung bakit dapat putulin ang kamay ng isang magnanakaw bilang parusa. Gayundin naman, ang patubuan ay ipinagbabawal upang iligtas ang ari-arian ng tao laban sa pagmamalabis at pagsa-samantala.

 

e)    Ang Dangal

 

Iniingatan ng Islam ang dangal ng tao, at ipinagbabawal ang paninirang-puri o pang-aabuso ng dangal o karangalan ng iba. Magkagayon, pinanatili ng Islam ang karapatan ng tao upang ipagtanggol ang kanilang dangal, at gawin itong ligtas. Ang pang-abuso nito ay may nakalaang kaparusahan.

 

Matapos nating suriin ang naturang limang bagay na nais panatilihin ng Islam, kailangan nating malaman ang mga batayan ng Shari’ah na kung saan kinuha ang mga batas at panuntunan.

 

 

ANG MGA BATAYAN NG SHARI’AH

 

Ang batayan ng Shari’ah ay Qur’an at ang Sunnah ng Sugo (saws) na nagsisilbing pagpapaliwanag ng Qur’an.  Ang mga paham ay nagbigay ng malaking pagsisikap para sa pagkuha ng mga panuntunan mula sa dalawang dakilang batayang ito. Sa dahilang ang Shari’ah Islamiko ay siyang panghuli sa lahat ng banal na batas, ito ay may layuning iakma sa bawa’t panahon at pook.  Kaya naman, ang mga pasiyang pambatas na hininuha ng mga mambabatas ay hindi magkatulad, sapagka’t ang kanilang kapasiyahan ay nakabatay sa kanilang pang-unawa sa mga teksto. Ang mga hininuhang pasiya ay tinatawag na Al-Fiqh[9] - o hurisprudensiya, na tinipon ng iba’t ibang Imam (mga pinunong paham na Muslim). May apat na kilalang Madhahibs, o uri ng mga mambabatas na itinatag ng iba’t ibang Imam o paham na ang mga aral ay kumalat at sinunod ng maraming mag-aaral.  Ang apat na mambabatas ay:

 

a)  Al-Hanafi madth’hab, ni Imam Abu Hanifa.

b)  Ash Shafiee, ni Imam Muhammad bin Idrees Ash  Shafi’ee.

c)  Al Malikee, ni Imam Malik bin Anas.

d)  Al Hanbali, ni Imam Ahmad bin Hanbal.

 

Ang sinumang hindi kayang unawain o mahulo ang mga pasiya mula sa Aklat at Sunnah, ay maaaring sumangguni sa sinumang mapapanaligang maalam na kilala sa kanyang tama at matibay na pananalig sa pagganap sa Ahlus - Sunnah wal - Jama’ah. (Pagganap sa Islam ayon sa pagkakaunawa ng Propeta (saws) at ng kanyang mga Sahaba (kasama).

 

Ang Jihad:

 

Upang panatilihin ang Islam, at ibahagi ito sa tao, at upang alisin ang sagabal sa landas nito, itinakda ng Allah ang Jihad bilang pinahihintulutang institusyon o paglalaban. Inaalis din ng Jihad ang tao mula sa mga taong umaalipin sa kanila, at mula sa pagyuko’t pagsuko sa kapwa tao. Gayundin upang pigilin sila sa pagsamba sa mga patay, puno, bato at iba pang idolo, at dalhin sila sa pagsunod lamang sa Allah mula sa dilim ng kamangmangan na pinagkaitan ng liwanag ng katotohanan. Sa madaling salita, ang Jihad ay pinahihintulutan upang tulungan ang tao para ilayo siya sa pagsamba sa kapwa tao tungo sa pagsamba sa kanyang Rubb, at alisin sa kanila ang kagipitan sa mundong ito tungo sa  isang kasaganaan sa daigdig na darating.

 

Matapos mabasa ang mga panuntunan ng Islam, ating mapapagtantong isang tungkulin sa atin bilang tao o sambayanan na tupdin itong lahat.

 

 

ANG MGA TUNGKULING INIATAS SA BAWA’T TAO

 

Bawa’t isa sa sambayanan ay may karapatan, at siya’y binigyan ng mga tungkulin. Sa maikling salita, ang mga karapatang itinakda sa bawa’t isa ay apat:

 

1)Ang karapatan ng Allah.

2)     Ang pansariling karapatan ng tao.

3)     Ang karapatan ng kapwa tao.

4)     Ang karapatan ng mga nilikha, at ang lahat na nasa kamay ng tao na pinahihintulutang gami-tin o pagyamanin.

 

Isang tungkulin ng bawa’t tunay na Muslim na malaman ang apat na karapatang ito - at tupdin nang matapat at mataimtim. Ang Shari’ah ay isa-isang binigyan ng maliwanag na kahulugan ang apat na karapatang ito, at itinuro sa tao ang mga pamamaraan upang tupdin ang mga ito sa layuning isa man sa kanila’y hindi makaligtaan ayon sa kakayahan ng tao.

 

Ang mga Karapatan ng Allah

 

Ang pang-una sa mga karapatan ng Allah ay paniniwala sa Kanya bilang tanging tunay na Diyos na may tanging karapatan sa pagsamba. Na huwag magtambal sa Kanya o magkaroon ng ibang diyos o panginoon bukod pa sa Kanya. Ang karapatang ito ay maaaring tupdin sa paniniwala sa Kalimah na nangangahulugang:  La Ilaha Illallaah (Walang tunay na diyos na dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Allah) katulad ng naipaliwanag sa mga unang pahina.

 

Ang pangalawa sa mga karapatan ng Allah ay ganap na pagsuko sa katotohanan at patnubay na nagmula sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Sugo (saw).  Ito ang kahulugan ng Muhammadan Rasul-lullaah (Muhammad ay Sugo ng Allah), ang panga-lawang pagpapahayag ng pananampalataya.

 

Ang pangatlo sa mga karapatan ng Allah ay pagsunod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga batas na malinaw na nakasaad sa Kanyang Aklat, at ipinaliwanag ng Sunnah (mga winika, ginawa at pinahintulutan) ng Sugo ng Allah (saws).

 

Ang pang-apat sa mga karapatan ng Allah ay pagtupad ng tao sa mga naturang tungkulin na iniatas ng Allah sa kanya. Ang bawa’t isa ay dapat isakripisyo ang sarili at maging ang karapatan ng kanyang kapwa tao para sa karapatang ito. Halimbawa, kapag ang isang Muslim ay nag-aalay ng pagdarasal o pag-aayuno, siya ay katunayang nagsasakripisyo nang marami sa kanyang pangangailangan. Gigising siya nang maaga sa umaga upang magsagawa ng ablusiyon (wudhu) para sa bukang-liwayway na pagdarasal. Kanyang iniiwan ang marami sa kanyang mahahalagang trabaho, maraming ulit sa loob ng maghapon at magdamag, upang tupdin lamang ang kanyang pagdarasal. Pinipigil ang sariling kumain o uminom upang mag-ayuno sa buong buwan ng Ramadan. Ang Muslim ay unang binibigyan ng halaga ang pagmamahal sa Allah kaysa sa pagmamahal sa kayamanan sa tuwing siya’y magbibigay ng Zakat. Tinitiis niya ang kahirapan ng paglalakbay at iniiwan ang mahal sa buhay at negosyo, at gumugugol mula sa kanyang yaman upang magsagawa ng Hajj.  Isinasakripisyo din ang kanyang kayamanan at buhay sa Jihad para sa landas ng Allah lamang.  Bukod pa rito, isinasakripisyo ng Muslim ang marami sa kanyang yaman, (halimbawa - sa pag-aalay ng hayop at gayundin ang paggugol sa kawanggawa.) 

 

Sa kabilang dako, nagtakda ang Allah ng mga hang- ganan sa pagsagawa ng Kanyang karapatan upang hindi mabigatan ang Kanyang mga alipin. Bilang halimbawa ang pagdarasal, hindi nagbibigay ng hirap ang Allah sa pagsagawa nito ng Kanyang alipin.  Kung walang tubig o kung ang tao ay may sakit, maaari siyang magsagawa ng Tayammum (ang paggamit ng malinis na lupa o buhangin sa pagpapakadalisay bago magsagawa ng Salaah).  Maaaring paikliin ang ilan sa mga itinakdang pagdarasal kapag naglalakbay. Kapag ang tao ay may sakit, maaari siyang magdasal nang nakaupo o nakahiga. Ang pagbabasa ng mga talata o kabanata sa Qur’an ay hindi kinakailangan maging mahaba. Kung hindi nagmamadali, maaari siyang magbasa ng mahahabang kabanata tulad ng Al-Bakarah, Al-Imran, An-Nisa o alin pa man. Hindi pinahihintulutan sa Imam na namumuno sa pagdarasal na pahabain ang pagdarasal sa pagbasa ng mahahabang kabanata sapagka’t may mga may sakit o mahihina ang katawan na dapat isaalang-alang. 

 

Mahal ng Allah ang Kanyang mga aliping nagsasagawa ng karagdagang pagdarasal pagkatapos ng itinakdang dasal,  subali’t hindi sa puntong pagkaitan sila  ng tulog at pahinga o paglisan sa hanapbuhay, ni hindi dumating sa puntong mapapabayaan ang sariling karapatan  o ng  karapatan ng ibang alipin ng Allah.

 

Katulad rin ng pag-aayuno, itinakda ng Allah ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan lamang. Gayunpaman, kapag ang tao ay may sakit o naglalakbay sa buwang ito, pinahihintulutan sa kanya na ipagpaliban ang pag-aayuno hanggang sa siya’y maging malusog na muli o kapag nakarating na muli sa tahanan. Kanyang gaganapin ang bilang ng nakaligtaang araw pagka-tapos ng Ramadan. Sa kabilang dako naman, hindi pinahihintulutan na magdagdag kahit isang sandali lamang sa pag-aayuno, ni alisin ang isang sandali mula rito.  Ang nag-aayuno ay maaaring kumain at uminom sa mga gabi ng Ramadan hanggang sa maaninag niya ang guhit ng bukang-liwayway. Sa pagdating ng takip-silim, kailangang kaagad itigil ang kanyang pag-aayuno. 

 

Bagama’t mahal ng Allah ang Kanyang alipin na mag-aayuno ng kusang loob, hindi Niya nais mag-ayuno sila nang tuloy-tuloy sa maghapon at magdamag (24 oras) na hindi kakain o iinom.  Ang ganitong gawain ay inuubos ang lakas at nag-aalis sa kakayahan ng tao.

 

Itinalaga ng Islam ang Zakat na ilang bahagi lamang na dapat ipamigay sa kawanggawa.  Ito ay itinalaga lamang sa mga nararapat magbayad ng Zakat.  Bagama’t mahal ng Allah ang mga gumugugol dahil sa Kanya, hindi Niya nais na alisan ng karapatan ang Kanyang alipin o ipamigay ang kanyang yaman sa kawanggawa at maiwan siyang walang tangan.  Bagkus, ang isang tao ay nararapat na manatili sa kanais-nais na hangganan kapag ang paggugol sa kawanggawa ang pinag-uusapan. 

 

Isaalang-alang natin ngayon ang itinakdang tung-kuling Hajj. Ito ay itinalaga lamang sa may mga kakayahang pinansiyal at may mabuting kalusugan at kayang magtiis sa hirap ng paglalakbay. Upang higit itong magaan, ginawa itong tungkulin ng Allah na minsan sa tanang buhay lamang ng Muslim. Karagdagan pa nito, kung ang sinuman ay nag-aalala sa kanyang kaligtasan o walang nakahandang gugugulin, maaari niyang ipagpaliban ang kanyang paglalakbay hanggang sa dumating ang panahong kaya na niyang isagawa ang Hajj.

 

Kailangan din sa isang may layuning magsagawa ng Hajj na hingin ang pahintulot ng kanyang mga magulang upang maiwasan ang kanilang paghihirap sa kanyang pagkawala dulot ng kanilang katandaan o kahinaan. Ganito kaliwanag na pagbibigay pagsa-saalang-alang ng Allah sa maraming karapatan ng Kanyang alipin upang isagawa ang kanilang tungkulin sa Kanya.  Purihin ang Allah!

 

Ang pinakamalaking sakripisyo na naiaalay ng tao ay sa Jihad.  Sa Jihad, isinasakripisyo ng tao hindi lamang ang sarili pati na rin ang yaman at buhay ng iba upang matamo ang kasiyahan ng Allah at panatilihing matayog ang Kanyang Salita. Magka-gayunman, sa panahon ng digmaan, ipinag-uutos ng Allah sa Mujahid (isang gumagawa ng Jihad) na patayin lamang ang dapat kitlan ng buhay. Huwag paslangin ang mga may kapansanan, kababaihan, bata, at mga sugatan. Kanya ring ipinag-utos sa kanila ang makipaglaban lamang sa mga nakikipaglaban sa kanila. At huwag manakit at mag- hasik sa lupain ng kalaban na hindi naman kinakailangan. Karagdagan nito, nararapat magbigay ng katarungan sa pakikipag-ugnayan sa mga nasakop at ipatupad ang anumang napagkasunduan sa kanila.  Kung iniwan ng kalaban ang pakikipaglaban at pagpigil ng katotohanan, at huminto sa kanilang suporta sa kasinungalingan, ang mga Mujahideen (pangmaramihan ng Mujahid) ay dapat huminto sa pakikipaglaban sa kanila. Ang lahat ng ito’y nagpapakitang ang Allah ay pinahihintulutan lamang ang ganitong di-matatalikurang sakripisyo ng Kanyang alipin upang kanilang maisakatuparan ang Kanyang karapatan.

 

 

Ang Pansariling Karapatan ng Tao

 

Atin ngayong tatalakayin ang pangalawang bahagi ng karapatan ng tao sa kanyang mismong sarili.  Ang tao ay maaaring magbigay ng kawalan ng katarungan sa kanyang sarili nang higit pang malubha kaysa maaari niyang ibigay sa iba, sa dahilang ang bawa’t isa ay nararamdaman at naniniwalang higit niyang mahal ang sarili kaysa iba. Walang sinumang naniniwalang ang kanyang sarili mismo ay kanyang kaaway. Kung kayo’y magmuni-muni tungkol sa bagay na ito, magiging maliwanag ang katotohanan sa inyo. 

 

Ang isa sa mga maliwanag at likas na kahinaan, ay kapag ang tao ay may masidhing pagnanais, ganap siyang malulublob dito na hindi niya isinaalang-alang ang anumang pinsala ang mapapasakanya, maging batid niya ito o hindi.  Ang isang lasenggo ay maa-aring magdusa nang malaki, itinataya ang kanyang kalusugan, yaman at dangal upang makamtan lamang ang kanyang pagkahayok sa alak. Ang iba’y nagiging alipin ng sikolohiyang pagnanasa, gumagawa ng mga bagay tungo sa kanyang pagkawasak. Ito ay ilan lamang halimbawa sa maraming sakit ng lipunan na nagpapakita ng kalabisan ng tao sa mundong ito na lagi nating nakikita.

 

Sa dahilang ang Shari’ah ay itinakda para sa kaunlaran at kaligayahan ng tao, binibigyang-diin sa panuntunan na ipinaiiral ng Sugo ng Allah (saws) na nagsabi: “Katotohanan ang inyong sarili ay may karapatan sa inyo”. Ang batas na ito ay naglalayo sa tao sa paggamit ng anumang nakasasamang bagay tulad ng alak, ipinagbabawal na gamot, at iba pang mga nakalalasing na bagay.  Ang batas na ito ay ipinagbabawal din ang pagkain ng bangkay ng hayop, baboy, mababangis na hayop na kumakain ng karne at makamandag na hayop.  Ang mga hayop na ito ay mapanganib sa kalusugan, kaisipan, pag-aasal, at kaluluwa ng tao.

 

Bilang kapalit, ang Islam ay pinahihintulutan sa tao ang bawa’t mabuti, dalisay at malinis na bagay. Inuutusan siyang huwag ipagkait sa sarili ang mga ganitong bagay. Sapagka’t mayroon siyang tungkuling ibigay ang karapatan ng kanyang katawan. 

 

Ang Shari’ah ay ipinagbabawal ang kahubaran at inuutusan ang tao na masiyahan sa mga palamuting ibinigay ng Allah sa daigdig na ito.  Ipinag-uutos din Niya na takpan ng tao ang kanyang katawan lalo na yaong mga bahaging malaswang ilantad. Sa kabilang dako, ipinag-uutos ng Shari’ah na magsikap upang kumita ng ikabubuhay at huwag magmukmok sa bahay nang walang trabaho, o magpalimos ng pagkain at ibang pangangailangan. Bagkus, hinihimok ng Shari’ah ang tao na gamitin ang mga kakayahang ibinigay ng Allah sa kanya upang kumita ng kanyang ikabubuhay sa pamamagitan ng pinahihintulutang bagay at pamamaraang nilikha ng Allah sa kalangitan at kalupaan, at kalayaan para sa kanyang kaligayahan, katiwasayan at kalusugan.

 

Hindi hinihingi ng Shari’ah sa tao na supilin nang tuluyan ang kanyang pagnanasa. Bagkus, ipinag-uutos sa kanya ang pag-aasawa upang bigyan ng kasiyahan ang kanyang pangangailangang sekswal. Hindi pinahihintulutan sa kanyang maging aba ang sarili sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga likas na kasiyahan.  Ipinag-uutos ng Shari’ah na kung hangad ng tao ang kalunasang ispirituwal at pagkamalapit sa Allah, hindi niya dapat pabayaan ang kanilang buhay dito sa mundo.  Ang pagsunod sa Allah habang nasisiyahan sa  Kanyang  mga  biyaya, ang pag-iwas sa mga gawaing pagsuway, ang pagsunod sa Kanyang mga batas ay mga pinakamabisang pamamaraan upang makamit ang tagumpay at kasaganaan sa mundong ito at sa daigdig na darating.

 

Ipinagbabawal ng Shari’ah ang pagpatay sa sarili, sapagka’t ang buhay ng tao ay hindi niya pag-aari. Ang Allah ang nagmamay-ari nito. Ipinagkatiwala ng Allah sa tao ito upang gamitin niya sa maikling  panahon at hindi upang abusuhin o wakasan ito ng sarili niyang kamay. 

 

 

Ang Karapatan ng Kapwa Tao

 

Ipinag-uutos ng Shari’ah sa tao na gampanan ang sariling karapatan. Subalit habang ginagampanan ito, hindi niya dapat panghimasukan ang karapatan ng iba.  Kung kanyang gagawin ito upang makuha ang kanyang nais, kanyang dudungisan at sasaktan ang kanyang sarili. Dahil dito, ipinagbabawal ng Shari’ah ang pagnanakaw, pagsuhol, pagtataksil, panghu-huwad, pandaraya, patubuan at iba pang magkatulad na gawain. Anumang kita o tubo mula sa mga ganitong paraan ay sanhi ng kapahamakan ng iba. Ipinagbabawal ng Shari’ah ang lahat ng larong pagsasapalaran sapagka’t anumang kinita ng isang manunugal mula sa sugal o loteri, ito ay nanggaling sa pagkatalo ng libo-libong tao.  Ipinagbabawal din ang anumang palitan ng kalakal (barter) na may halong dayaan, at maging ang lahat ng kalakalang pang-pinansiyal na maaring magbigay ng di-makatarungan sa isang panig. 

 

Ang pagpatay, ang pagpapairal ng kasamaan sa daigdig, at paglabag ay ipinagbabawal lahat.  Walang sinumang pinahihintulutang pumatay o manakit ng iba, o kamkamin ang ari-arian ng iba upang maibsan lamang ang kanyang uhaw sa paghihiganti.

 

Ipinagbabawal ang pakikiapid kasama ng iba pang malalaswang gawain na nagbibigay kapahamakan sa kalusugan at pag-aasal tungo sa kahalayan, kabastusan at kasiraan ng moral ng lipunan.  Ang mga ganitong gawain ay nagdudulot din ng malulubhang sakit, pagsira ng ugnayang pantao at pagkawasak sa pinakapundasyon ng sangkatauhan.

 

Ito ang mga ipinagbabawal na itinalaga ng Shari’ah sa tao upang hindi niya yapakan o bawasan ang karapatan ng iba sa paghahangad ng makuha ang sariling karapatan. 

 

Ang panghihimasok at pagyurak sa karapatan ng iba ay hindi makatutulong sa layuning mapaunlad ang sangkatauhan. Sadyang mahalaga na ang ugnayang-pantao ay nararapat na nakasalalay sa pagkakaisa ng lipunan upang maabot ang naturang layunin.

 

Ang mga sumusunod ay kinabibilangan ng mga bagay na hango sa batas Shari’ah upang makamit ang layuning mapaunlad ang sangkatauhan:

 

a)     Ang ugnayang-pantao ay nagsisimula sa pamilya. Ito ay nararapat bigyan ng unang pagsasaalang-alang. Sa katunayan, ang pamilya ay isang yunit na kinabibilangan ng mag-asawa at ng kanilang anak. Sa Islam, ang pundasyon ng pamilya ay nakasalalay sa tungkulin ng lalaking kumita para sa ikabubuhay ng pamilya, ibigay ang panga-ngailangan at ipagtanggol ito. Sa kabilang dako naman, ang ginang ng tahanan ay may tungkuling mamahala sa tahanan ng pamilya, magbigay ng aliw at katiwasayan sa kanyang asawa at mga anak, at mag-alaga sa mga supling. Ang tungkulin naman ng anak ay sundin ang mga magulang, igalang sila, at paglingkuran sila lalo na sa pagsapit ng kanilang katandaan.

 

Upang mapanatili ang sistema ng pamilya sa tamang direksiyon, ang Islam ay nagbigay ng dalawang hakbangin:

 

Una, ang lalaki (ginoo o ama ng tahanan) ay siyang ulo ng pamilya at tagapamahala nito. Sadyang imposibleng magkaroon ng malusog na sistemang pampamilya kung ang ama ay hindi ang pinuno at tagapamahala. Sigalot at kaguluhan ang tiyak na iiral sa pamilya kung ang bawa’t isa sa pamilya ay nagnanais ipatupad ang kanyang nais sa ibang miyembro ng pamilya, na hindi alintana ang anumang magiging bunga ng kanyang kilos. Ang ganitong pamilya ay sadyang kulang sa kapanatagan at kaligayahan. Upang alisin ang ganitong katiwalian, ang pamilya ay nararapat magkaroon ng pinuno upang pamahalaan ang pamumuhay nito. Ang lalaki lamang ang may pananagutan sa pagkalinga at pangangalaga ng pamilya. 

 

Ang ikalawang hakbang, habang ang lalaki ay binigyan ng tungkuling pamahalaan ang panlabas na pamumuhay ng pamilya, ipinag-uutos ng Shari’ah sa ginang ng tahanan na manatili sa tahanan at huwag lumabas kung hindi naman kinakailangan. Sa ganitong paraan, ang babae ay malaya sa mga tungkuling panlabas ng bahay upang mapayapa niyang isakatuparan ang tungkulin maisaayos ang tahanan.

 

Ito ay hindi nangangahulugang ang babae ay pinagbabawalang lumabas ng bahay. Maaari siyang lumabas kung sadyang kailangan. Sa gayon ang tahanan ay siyang likas na kapaligiran ng kanyang tungkulin, ginagamit ang kanyang kakayahan at talino sa pagpapalaki ng kanyang mga anak upang maging mabuting Muslim na may kakayahang magtiis sa pasanin ng buhay.

 

Ang pamilya ay lumalaki sa pagkakamag-anak sa dugo at pag-aasawa. Upang manatili ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawa’t miyembro ng pamilya, nagbigay ang Shari’ah ng mga matatalinong panuntunan: 

 

1.   Hindi pinahihintulutan  sa  miyembro ng iisang pamilya na mag-asawa sa isa’t-isa halimbawa: magulang sa anak, amain o tiyuhin sa pamangkin (anak sa unang asawa), magkakapatid sa dugo, magkaka- patid sa gatas (pagsuso ng di-magkamag-anak sa iisang ginang), tiyuhin o tiyahin sa pamangkin, at biyenan sa manugang.

 

Ang ilan sa mga dahilan kung bakit ipinagbabawal ang ganitong pag-aasawa-han ay upang panatilihin ang dalisay at likas na ugnayan. Ang paghalubilo sa bawa’t isa ay nagbibigay sa mga supling ng pagmamahalan sa isa’t isa at katapatan nang walang pag-aalinlangan o sagabal.

 

2.   Pinahihintulutan ng Islam ang pag-aasawa sa pagitan ng ibang miyembro ng kamag-anakan upang palakasin ang kanilang ugnayan at pagmamahalan. Silang naka-uunawa sa bawa’t nais at ugali ay higit na magkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa kaysa sa hindi. Ito ang dahilan kung bakit ang Islam ay nagpapayo sa mga magulang na hayaang ipakasal ang kanilang mga anak sa mga may kaka-yahang magdala ng pamilya. 

 

3. Sa mga magkakamag-anak may mga maya-yaman at mahihirap. Kaya naman, sa lahat ng karapatang pantao, itinuturing ng Islam na higit na mahalaga ang karapatan ng kamag-anak. Ang karapatang ito ay tina-tawag sa Shari’ah na Silat Ar-rahm, ang pagpapanatili ng mabuting pakikipag-ugnayan sa sariling kamag-anak. Ang pagkakamag-anak na ito ay binibigyang-diin sa maraming pahina sa Qur’an, at sa mga Sunnah. Ang pagputol ng ugnayang ito ay isa sa mga mabibigat na kasalanan. Kapag ang isang miyembro ng pamilya ay nasa kagipitan, nagiging tungkulin ng mga mayayamang miyembro ng pamilya na tumulong at sumuporta. Higit na may karapatan ang kamag-anak sa kanyang kawanggawa kaysa sa ibang hindi kamag-anak.

 

4. Itinakda ng Islam ang mga batas hinggil sa paghahati ng mana. Kapag ang isang tao ay namatay at nag-iwan ng ari-arian, ang pagmamay-ari ng ari-arian ay ililipat sa mga itinakdang tagapagmana ng yumao. Ang ari-ariang naiwan ng yumao ay hindi nararapat ilipat sa iisang tagapagmana lamang. Bagkus, bawa’t tagapagmana ay may karapatang bahagi sa naturang ari-arian batay sa  panuntunang nakasaad sa Qur’an tungkol sa paghahati ng mana. Sa ganitong paraan, ang naiwang ari-arian ay ipinamamahagi sa maraming kamag-anak ng yumao. 

 

Ang batas ukol sa mana na ipinaiiral ng Islam ay hindi mapantayan ng anumang luma o makabagong batas na gawang-tao sa buong daigdig. May mga bansa sa pana-hong ito na nagsimulang ipairal ang mga batas Islamiko tungkol sa mana. Sa kasawiang-palad, may ibang mga Muslim na ipinagwawalang-bahala ang batas na ito dahil sa kanilang kamangmangan at kaku-langan ng kaalaman.  Ang sakit ng pag-aalis ng mana sa kababaihang tagapagmana ay nararamdaman na ngayon. Ito ay isang kasuklam-suklam na di-makatarungan at isang paghihimagsik sa mga mahahalaga at maliwanag na batas sa Qur’an. 

 

Bukod pa sa ugnayang pampamilya, ang tao ay nagkakaroon ng ugnayan sa mga kaibigan, kapitbahay, sambayanan at sa mga nakakahalubilo sa araw-araw na buhay. 

 

Ipinag-uutos ng Islam na ang ugnayan sa mga nabanggit ay nababatay sa katapatan, katarungan, at magandang asal. Sa mada ling salita, nararapat niyang pakitunguhan ang iba katulad ng nais niyang paki- tunguhan siya. Nararapat na ilayo sa kanila ang anumang kanyang masamang asal katulad ng pagnanais niyang ilayo sa kanya ang kanilang masamang asal tungo sa pagkakaisa sa mabubuting gawa at pinong pag-uugali.

 

Tunay na mayroong dapat manguna tungkol sa ugnayan ng tao sa iba. Ang pinakamalapit sa kanya ay kamag-anakan, kasunod nito ay mga kapitbahay. Nabanggit sa mga di-mapag-alinlangang mga Hadith (mga winika ng Propeta) na si Anghel Jibrel (Gabriel) ay laging itina-tagubilin sa Propeta (saws) na panatilihin ang kabaitan sa kapitbahay hanggang sa naisip niya na si Jibrel ay nais bahaginan ng mana ang kapitbahay. Ipinakikita lamang nito ang kaha-lagahan ng karapatan ng kapitbahay kahit siya ay di-Muslim, katulad ng pagdalaw ng Propeta (saws) sa kanyang kapitbahay na isang Hudyo.

 

Mayroon pang  ibang tungkulin ang mga  Muslim;  magbigay  ng pagkain at damit  sa  mga Muslim na mahihirap, tulungan ang mga may kapansanan, at aliwin ang nasa kapighatian,  dalawin ang may sakit, tulungan ang mga naghihikahos,  at turuan ang mga naliligaw. Ang Propeta (saws) ay nagsabi:

 

“Ang Muslim ay kapatid ng kapwa Muslim.  Hindi niya ito inaapi ni pinababayaan”.

 

Ang Allah ay nagsabi:

 

“At magtulungan sa isa’t isa sa kabutihan at pagka-makadiyos, subali’t huwag magtulungan sa isa’t isa sa kamalian at pagsuway.” [Qur’an 5:2]

 

“Katotohanan, ang mga nananampalataya ay magkakapatid.” [Qur’an - 49:10]

 

Marami pang ibang uri ng ugnayan ng Muslim sa iba; kagaya ng mga tinuran sa mga Salita ng Allah:

 

“At kung sinuman sa mga sumasamba sa diyus-diyusan ang humingi ng iyong proteksyon, magka-gayo’y ibigay sa kanya ang proteksyon upang marinig niya ang mga Salita ng Allah (Ang Qur’an), at ihatid siya sa kanyang ligtas na pook.” [Qur’an 9:6]

 

Ngayon naman ay tutungo tayo sa pandaigdigang ugnayan na kinabibilangan ng Muslim sa buong mundo. Nagtayo ang Islam ng mga batas at panuntunan upang magtulungan ang mga Muslim sa isa’t isa tungo sa kabutihan at pagkamakadiyos, upang bigyan ang kanilang sarili ng isang paligid na kung saan pinangangalagaan ang kanilang buhay at dangal ayon sa sumusunod na panuntunan;

 

1. Ipinagbabawal ng Islam ang walang humpay na paghahalubilo ng di-magkapamilya, lalaki at babae, upang pigilin ang malaswang pagkilos at pangalagaan ang dangal ng Muslim. Ipinag-uutos ng Allah sa Kanyang mga alipin na iwasan ang hindi dapat tingnan (halimbawa pagtingin ng lalaki sa estrangherong babae, sapagka’t ang pagtingin sa mata ng isa’t isa ay siyang unang hakbang sa pagkakaroon ng ugnayan. Ang Allah ay nagsabi: 

 

“At sabihan ang mga nananampalataya na ibaba ang kanilang paningin at pangalagaan ang kanilang pribadong bahagi (sa pangangalunya). Ito ay higit na dalisay para sa kanila.” [Qur’an 24:30]

 

Nagbigay ang Allah ng mga tungkulin sa mga kababaihan na mahirap gawin ng kalalakihan at nagbigay naman ng tungkulin sa kalalakihan na mahirap gawin ng kababaihan. Ipinag-uutos Niya sa kababaihan na manatili sa bahay upang panatilihin ang katiwasayan at kaginhawaan nito. Ginawa ng Allah ang ginang bilang pananamit ng kanyang asawa, at isang tahanan ng pagpapa-hinga. Sa kabilang dako naman, ang lalaki ay nagtatrabaho sa labas ng bahay para sa ikabubuhay ng pamilya, at kapag umuwi sa bahay, kailangan niya ang pahinga at kaginhawaan na matatagpuang nakahanda sa kanyang asawa na nasa bahay na naghahanda ng pagkain at matamang nag-aayos ng bahay.

 

Kabaligtaran nito, ang ginang na nagtatrabaho sa tindahan, karenderia, pabrika o anumang trabaho ay babalik sa bahay pagkatapos ng maghapon katulad ng kanyang asawang pagod na pagod at wala nang kakayahan pang tanungin ang pangangailangan ng asawa.

 

2.  Ipinagbabawal ng Islam sa kababaihang magpa- ganda ng sarili at ipakita ang kagandahan sa madla. Ang ganitong gawain ay nagdudulot ng pinsala sa kalalakihan sa pamamagitan ng kanilang pagnanasa, at inaakit sila sa paggawa ng malaswa.  Ang ganitong pagbabawal ay inili-ligtas ang kababaihan laban sa anumang mangyayari dahil sa bunga ng ganitong pagkilos. Bawa’t isa, lalaki o babae, ay inuutusang mag-suot ng damit na hindi nakapagbibigay pukaw sa damdamin ng bawa’t isa.

 

3.  Kinasusuklaman ng Islam ang pagkanta at pag-aliw na musika sapagka’t pinabababa nito ang moral ng tao, at ginigising nito ang maka- mundong pagnanasa, sinasayang ang kanilang panahon at salapi, at nagbibigay pinsala sa kanilang kalusugan.

 

4.  Bilang isang paraan upang mapanatili ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga Muslim inuutusan sila ng Allah na iwasan ang hidwaan sa isa’t isa, at ang lahat ng di- pagkakaunawaan. Kung mayroon man silang hidwaan, dapat nilang isangguni ito sa Aklat ng Allah at sa Sunnah ng Kanyang Sugo (saws) at ipagtiwala ang kanilang pamumuhay sa Allah. Inuutusan din ang mga Muslim na magtulungan sa isa’t isa upang makamit ang tagumpay at magandang pakikitungo. Dapat nilang sundin ang kanilang mga pinuno at kasuklaman ang mga gumagawa ng kaguluhan at hidwaan sa sambayanan, kung hindi’y ang kanilang kakayahan ay mauudlot, at malalantad ang kanilang sarili sa mga kaaway habang nagkakagulo sa isa’t isa. 

 

5.  Pinahihintulutan ang mga Muslim na mag-aral ng agham at ibang sining pantao; at matuto ng mga nakabubuting pamamaraan kahit galing sa mga di-Muslim.  Magkagayunman, sila ay pinagbaba- walang gumaya sa mga pamamaraan ng buhay ng mga di-nananampalataya. Tanging ang bansang inaamin ang pagkatalo at kahihiyan ang nagsisikap gumaya sa mga bansang kanyang pinaniniwalaang nakahihigit sa kanya. Ang ganitong paggaya ay nagpapakita ng mababang uri ng pagka-alipin. Ang pagkawala ng dangal ang siyang bunga ng paggaya. Dahil dito, ang Propeta (saws) ay labis na ipinagbabawal ang paggaya sa banyagang bansa o isagawa ang kanilang pamamaraan ng buhay. Ang kapang-yarihan ng isang bansang Muslim ay hindi nakasalalay sa pamamaraan ng pananamit at istilo ng pamumuhay ng ibang bansa, bagkus ito ay nakasalalay sa pananampalataya sa kaisahan ng Allah, at pagsunod sa Aklat ng Allah, at sa Sunnah ng Kanyang Sugo (saws). Ang kapangyarihan ng bansa ay nakasalalay din sa yamang karunungan at kaayusan. Magkagayun, sinumang nagnanais ng kapangyarihan at kaganapan ay dapat iwasang gumaya sa mga di-nananampalatayang bansa.

 

    Ipinagbabawal din sa Muslim ang di-kanais-nais na pakikitungo sa mga di-Muslim dahil lamang sa kanilang pananampalataya. Maging ang pang-aabuso sa mga diyos-diyusan ng mga di-nananampalataya o insultuhin ang kanilang samahan ay ipinagbabawal din sa Muslim. Sa ganito’y wala silang magiging dahilan upang lapastanganin ang Allah. Ipinagbabawal din sa mga Muslim ang pagsisimula ng alitan sa mga di-Muslim. Bagkus, nararapat na anyayahan sila sa Islam hangga’t ang mga di-nananampalataya ay nagnanais ng pagkakasundo at kapayapaan sa mga Muslim. Nararapat na bigyan sila ng pagkakataong malaman ang relihiyon ng Allah. 

 

Ang ating pag-uugaling Islamiko ay nagtuturo na dapat nating anyayahan ang mga di-Muslim sa itinakdang relihiyon ng Allah. Ang Muslim ay nararapat na magsumikap na mabilang sa mga mahusay na halimbawa upang pamarisan. Dapat ipakita ng Muslim sa mga di-nananampalataya ang pinong pag-aasal Islamiko. Salungat sa aral ng Islam ang pakitunguhan nang magaspang ang iba sapagka’t ang Muslim ay dapat na maging huwaran ng mabuting pag-uugali upang mangganyak ang iba sa Islam. Karagdagan nito, inuutusan ang mga Muslim na magbigay pangangalaga sa mga humihingi nito maging ito ay mula sa mga di-nananampalataya. 

 

Ang Allah ay nagsabi: 

 

“At kung sinuman sa mga sumasamba sa mga diyos-diyusan ang humingi ng proteksiyon, magkagayo’y ibigay sa kanya ang proteksiyon, upang marinig niya ang mga Salita ng Allah (ang Qur’an), at ihatid siya sa kanyang ligtas na pook.” [Qur’an 9:6]

 

Ganito inuutusan ng Allah ang mga Muslim na magbigay pangangalaga sa isang di-nananampalataya na humihingi nito, at anyayahan siya sa katotohanan bago siya ihatid sa ligtas na pook.

 

 

Ang Karapatan ng Ibang Nilikha

 

Itinangi ng Allah ang tao sa maraming nilikha Niya.  Pinahihintulutan Niyang gamitin ng tao ang ibang nilikha matapos silang ipailalim sa kanya. Ito ang bahagi ng likas na karapatan ng tao bilang pinakamahusay na nilikha sa balat ng lupa. Bilang kapalit, inatasan ng Allah ang tao ng mga takdang tungkulin hinggil sa ibang mga nilikha. Sa mga obligasyong ito, ang tao ay hindi dapat abusuhin, saktan o ilagay sa panganib ang ibang nilikha nang hindi naman kinakailangan hangga’t wala na talagang pagpipilian. Nararapat na piliin ng tao ang pinakamahusay na paraan sa paggamit ng mga nilikhang ito, at masiyahan sa kanila sa mga pinakamahusay na paraan. 

 

Maraming mga batas ng Shari’ah hinggil sa paksang ito.  Pinahihintulutan lamang ang tao na pumatay ng hayop para sa pagkain, o upang pangalagaan ang sarili sa kanilang panganib. Mayroong isang mahigpit na babala sa pagkitil ng hayop nang walang katuturan o para sa paglalaro lamang. Tungkol naman sa mga hayop na pinapatay upang gamiting pagkain, may mga itinakdang pamamaraan sa pagkatay sa kanila. Ito ang pinakamahusay na paraan upang magamit ang kanilang karne sa pagkain. Anumang paraan maliban sa pamamaraang Islamiko kahit ito ay kaiga-igaya sa paningin ng tao ay babawasan lamang ang biyaya ng karne ng hayop; at kung ito ay hindi kaiga-igaya, magbibigay lamang ng pasakit sa hayop. Hindi itinatagubilin ng Islam ang alinmang paraang pagkatay sa hayop na hindi naaayon sa itinuturo nito.

 

Ang malupit na pagpatay sa hayop ay labis na ipinagbabawal sa Islam. Ang pagkitil ng mapanganib at makamandag na hayop ay pinahihintulutan lamang sapagka’t ang buhay ng tao ay higit na mahalaga kaysa sa buhay ng hayop. Magkagayunpaman, ipinagbabawal ng Islam na ilagay ang mga hayop na ito sa pagpapahirap. Sa Islam, ipinagbabawal din ang pabayaang gutom ang hayop na ginagamit sa pag-aararo at paghakot. Gayundin ang pagbibigay ng labis na pasanin o paghagupit sa kanila. Gayundin ang pagsilo sa ibon nang walang mahusay na dahilan. Hindi pinahihintulutan sa Islam ang pagputol o pagwasak ng puno nang walang katuturan, gayundin ang pananakit ng hayop. Maaari nating anihin ang mga prutas ng mga puno o ang kanilang bulaklak subali’t huwag silang patayin o bunutin na hindi naman kinakailangan. Ang pag-aksaya ng tubig o ng anumang bagay ay hindi pinahihintulutan sa Islam. 

 

 

Ang Walang-Hanggang Pandaigdigang Shari’ah

 

Ang mga nabanggit ay buod lamang ng mga batas at mga panuntunan ng dalisay na Shari’ah na kung saan ang Propeta Muhammad (saws) ay isinugo sa sangkatauhan.

 

Tanging ang tamang paniniwala at gawain ang nagsisilbing panuri sa pagkilala ng tao sa isa’t isa sa Islam. Sa katunayan, ang mga batas na gawang-tao at ng mga relihiyong nagbibigay pagtatangi sa tao batay sa lahi, bansa, kulay at yaman ay hindi akmang maging pandaigdigang relihiyon, sapagka’t ang gayong relihiyon ay sadyang imposible sa isang nakakababang lahi na pangibabawan ng nakakataas na lahi. Ang pamumuno sa ganitong kaayusan ay maaari lamang gawin ng isang partikular na bansa. Sa gitna ng ganitong kalagayan, ipinakikilala ng Islam ang pandaigdigang Shari’ah na bukas sa sinumang pinanghahawakan ang paniniwala nito; halimbawa ang Pagpapahayag ng Pananampalataya (La Ilaha Illallaah wa Muhammadan Rasullullaah) na nangangahulugang walang tunay diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Sugo ng Allah, at tamasahin bilang bunga ng pagtanggap, ang mga karapatang tinatamasa ng lahat ng Muslim. Ang Shari’ah ay hindi nagbibigay pagtatangi ayon sa lahi, wika, bansa, kulay o yaman.

 

Bukod pa rito, ang Shari’ah (Batas ng Islam) ay walang hangganan.  Ang mga batas nito ay hindi batay sa iisang bansa o partikular na panahon.  Bagkus, ito ay itinakda upang tupdin ang panga-ngailangan ng tao sa lahat ng panahon at pook, sapagka’t ang gumawa   nito ay Siyang lumikha ng tao. Batid Niya kung ano ang angkop sa kalikasan ng tao na mananatiling mahusay sa lahat ng panahon at saan mang pook.  Ang aming panghuling panalangin:

 

 

“Al Hamdulillahi Rabil-Alameen”

 (Lahat ng papuri ay sa Rubb ng mga daigdig)

 

 

 

 

Paunawa

 

Ang orihinal na aklat na ito ay isinulat ni Shiekh Hamoud M. Al-Lahim sa wikang Arabik. Ito ay isinalin sa wikang Ingles ni Dr. Mahmoud Ridha Murad. 

 

Ang pagkakasalin nito sa wikang Tagalog ay batay sa wikang Ingles.



[1]  SAWS - Sallallahu Alaihi Wasallam (Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at iligtas siya sa anumang pagkukulang {imperfection} at pangalagaan siya sa anumang masama).

[2]  Rubb - Isa sa mga pangalan (katangian) ng Allah na nangangahulugan ng: Ang Tagapaglikha, Ang Tagatustos, Ang Nagbibigay Biyaya, Ang Tanging Panginoon.

[3]  Isang uri ng nilikha ng Allah na hindi nakikita ng tao sa likas nilang anyo.  Sila ay may pananagutan din sa kanilang mga gawa.

[4]  Alipin: Sinumang sumusuko at tumatalima sa kalooban ng Allah nang walang pagtutol ay masasabing alipin ng kanyang tagapaglikha.

[5]  Saee ay ang pitong ulit na pabalik-balik na pagpunta sa dalawang bulubun- duking As-Safa at Marwah.

[6]  Talbiya ay pagbigkas ng Labaik-Allahumma, atbp. (Narito ako, O Allah, narito ako.  Narito  ako upang ipahayag na wala Kang katambal, atbp.)

[7]  Dhikr ay paggunita sa Allah, isang gawaing pagsamba.

[8] Banal na batas na kinabibilangan ng mga panuntunan at gawaing pagsamba katulad ng pag-aayuno, pagdarasal, pilgrimahe,   at iba pang gawaing pagsamba o gawaing pagsunod sa Allah.

[9]  Al-Fiqh - Ang agham na nauukol sa pagganap sa mga aksiyon ng pagsamba, atbp.

1
2759
تعليقات (0)