Ang Islam sa Pilipinas

PLPHP

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

Ang Islam sa Pilipinas

[PLPHP]

 

 

Sa mga Muslim, nakakalugod na isipin na ang Pilipinas ang pangalawang bansa na may pinakamarami ang  pumapasok at yumayakap sa pananampalatayang Islam. Ang Estados Unidos ng Amerika ang nangunguna sa mabilis na pagdami ng Muslim sa Hilagang Amerika. Ito’y bunga ng paglago ng populasyon, imigrasyon ng mga Muslim sa Amerika at sa patuloy na pagdami araw-araw ng mga bagong yumayakap sa Islam. Nakakalungkot namang isipin na ang ibang pananampalataya, tangi na rito ang Kristiyanismo, na sa halip na kanilang mapag-alaman at maunawaan ang maibibigay ng Islam sa sangkatauhan ay nagpalagay sa Islam bilang isang katunggali at karibal na relihiyon. Hindi gayon ang pananaw ng Islam at ng mga Muslim. Sa lahat ng mga pananampalataya sa mundo, ang Kristiyanismo at Hudaismo ang pinakamalapit sa Islam. Ang tatlong pananampalatayang ito ay Semitik. Sila ay magkakatulad sa paniniwala sa pagiging isa ng Dakilang Diyos (Allah) [bagama’t hindi dalisay ang pagiging isa ng Dakilang Diyos sa Kristiyanismo at Hudaismo], sa paniniwala sa mga anghel, sa paniniwala sa mga piling sugo o propeta, sa paniniwala sa mga kasulatan, sa paniniwala sa buhay sa kabila ng kamatayan at ang kaparusahan sa impiyerno o gantimpala sa paraiso. Ang Islam ay hindi nagturing kailanman na ang Kristiyanismo at Hudaismo ay kanilang karibal na pananampalataya, bagkus ang Islam ay nag-aanyaya sa dalawang ito at sa iba pang mga relihiyon na sila ay magbalik muli sa orihinal na turo at aral ng Dakilang Diyos (Allah) at ng Kanyang mga Propeta, na ang tangi at tampok sa lahat ay ang paniniwala lamang sa isang tunay na Manlilikha, ang Dakilang Diyos (Allah).

 

Sa Pilipinas, ang mga kababayang Pilipino ay nagtataguri sa mga tao na pumapasok at yumayakap sa Islam na mga konbertido (converts). Datapuwa’t ang katawagang ito ay hindi angkop kung kanila lamang mapag-aalaman na ang Islam ang una, huli at tanging relihiyon na iginawad ng Isa at Dakilang Diyos (Allah) at wala ng iba. Bakit ang mga pumapasok sa Islam na dating mga Kristiyano at Hudyo, tangi na rito ang  mga Pilipino ay hindi nag-aakala na sila ay konbertido? Nakakaganyak sa amin na muling pagbalikan  ang ating lumipas.

 

Ang Islam ay nasa Pilipinas na bago pa dumating ang mga Kastila. Una ito ng  150 taon sa Kristiyanismo. Ang ating mga kalapit na bansa tulad ng Indonesia, Malaysia at Brunei ay mga bansang Muslim. Ang unang alpabeto ng Pilipinas ay tinatawag na alibata na katulad sa alpabetong Arabik na ang mga unang titik ay tinatawag na Alif, Ba, Ta (A,B,T). Ang kabisera ng Pilipinas, ang Manila ay nagmula sa Arabik na salita na “Fi amanillah” na ang ibig sabihin ay “Humayo kayo sa pangangalaga ng Allah”. Noong panahong yaon nang dumating si Miguel Lopez de Legaspi sa Manila (1571), ang Kapitan ng Manila ay si Rajah Sulayman. Siya ay Muslim. Ang salitang Sulayman (kung minsan ay isinusulat din ng Suleiman, Suliman, Solaiman at Soliman) ay wikang Arabik na ang kahulugan ay Solomon, ang pangalan ng isa sa mga propeta ng Dakilang Diyos (Allah) na pamilyar sa mga Muslim, Hudyo at Kristiyano. Makikita natin sa Manila ang mga palatandaan nito. May tinatawag sa Manila na Rajah Sulayman Street, Rajah Sulayman Elementary School, Rajah Sulayman Theater, atbp. Marami rin tayong kababayan na ang apelyido ay Soliman. Sa katotohanan ang tawag noon sa Manila ay Taga-ilog sapagkat ang Manila ay binabagtasan ng bantog na Ilog ng Pasig, kaya ang mga naninirahan doon ay tinatawag na Taga-ilog (kung saan di nagtagal ay naging Tagalog). Nang dumating ang mga Kastila roon, sila ay nagtanong kung ano ang pangalan ng lugar na yaon, ngunit sa dahilang hindi sila nakakaintindi ng wikang Kastila, sila ay hindi nagkaunawaan hanggang sa umalis ang mga Kastila. Sa kanilang pag-alis, ang mga Muslim ay nagsabi ng: “Fi amanillah” na siyang karaniwang banggit ng mga Muslim sa sinumang papaalis. (Ang sinumang tumira o nagtrabaho sa lugar o bansa ng mga Muslim ay makapagpapatotoo sa tradisyong ito). Inakala nila na ito ang pangalan ng lugar na yaon. Bukod pa rito, ninais ng mga Kastila na sakupin ang Manila, at hindi naiwasan ang labanan. Dahilan na ang mga sandata ng mga Kastila ay pumuputok at ang mga Muslim ay patalim lamang, sila ay madaling nagapi. Ang mga Muslim ay umurong sa bayan ng Rizal kung saan ito tinatawag ngayon na Morong. Nang makapagtipon sila ng lakas at puwersa, sila ay bumangon muli upang labanan ang mga Kastila at ipagtanggol ang bansa sa mga dayuhan. Ito ay isinagawa rin sa bayan ng Rizal na tinatawag ngayon na Binangonan. Ito ay pahapyaw lamang ng kasaysayan. Tunghayan ang kabuuan nito sa huling pahina. Maliwanag na ang Islam ay nasa Pilipinas na bago pa ang Kristiyanismo. Samakatuwid ito ang pananampalataya ng ating mga ninuno.

 

Pangalawa, ang tagasunod ng Islam ay hindi nagtatakwil kay Hesukristo (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sinuman ay hindi magiging Muslim maliban na tanggapin, igalang at mahalin niya si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang mga Kristiyano at mga Muslim ay kapwa naniniwala at tumatanggap kay Hesus. Dahil dito at sa kadahilanang nasasaad sa itaas, hindi maaaring sabihin (ng may mga kaalaman) na ang dating Kristiyano na yumakap sa Islam ay konbertido. Alam natin na sa kasaysayan, ang mga Pilipino ay naging Kristiyano lamang sa pamamagitan ng dalawang bagay. Ito ay itinuturo ng ating mga guro sa elementarya pa lamang. Tayo ay naging Kristiyano sa pamamagitan ng krus at espada. Ang pananakot sa krus ang una at ang paggamit ng dahas sa pamamagitan ng espada ang pangalawa. (Kailanman ay hindi ginamitan ng dahas ng mga Muslim ang mga bansang yumakap sa Islam).  Kami ay hindi nagpapalit ng aming relihiyon kundi kami ay nagbalik lamang sa pananampalatayang pinag-ugatan ng ating mga ninuno. Kami ay hindi nagtatakwil kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan), bagkus kami ay nagbalik-loob lamang sa orihinal na pananampalatayang dala ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang Islam, na ang kahulugan ay  pagsunod, pagtalima at pagsuko sa Kataas-taasang Diyos (Allah) na Tunay na Lumikha ng lahat ng mga bagay. Marahil ang mga Kristiyano at iba pa na hindi nakakabatid sa pananampalatayang  Islam ang siyang nagtataguri sa katawagang konbertido. Datapuwa’t ang mga bagong yumayakap sa Islam ay nakaisip ng  higit at angkop na salita. Kung ang ating mga kababayan na nagsipanirahan at nagtrabaho ng matagal sa ibang bansa, na nakaisip na magbalik muli sa Pilipinas, sila ay tinatagurian na “balik-bayan” at hindi banyaga (bagama’t maaaring  sila ay mamamayan na ng bansa na kanilang pinanggalingan). Sa punto ring ito, kung ang mga Pilipino na nagbalik muli sa pananampalatayang pinag-ugatan ng kanilang  mga ninuno at sa orihinal na pagtuturo ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan), sila ay higit na angkop na tawagin sa taguring “Balik-Islam”.

 

Sa mga Muslim, ano ba ang tunay na katatayuan ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa Islam?

 

Karaniwan na nating naririnig na kung ang isang Kristiyano ay pumasok sa Islam (o sa ibang pananampalataya), kadalasang siya ay binabansagan na isang  heretiko. Tangi pa rito, siya ay sinasabihan na laban kay Kristo, salungat kay Kristo, traydor kay Kristo, alalaong baga, mga Anti-Kristo. Wala ng higit na malayo sa katotohanan sa mga paratang na ito sa mga hindi nakakabatid ng turo ng Islam. Ang Islam ang siya lamang tanging pananampalataya na hindi nabibilang sa relihiyong Kristiyanismo na ang mga tagasunod ay pinag-uutusan na bahagi ng kanyang pananalig ang paniniwala kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sa Qur’an, ang banal na Aklat ng mga Muslim, ang huling testamento na ipinadala ng Dakilang Diyos (Allah) sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), ay naglalaman ng 114 na kabanata. Isa sa mga kabanatang ito, ang panglabingsiyam, ay pinamagatan na Surah Mariam, na ang ibig sabihin ay Kabanata Maria, bilang paggalang at pagmamahal ng mga Muslim sa ina ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sa Biblia, sa 66 na aklat ng mga Protestante at sa 73 na aklat ng mga Katoliko ay wala man lamang isang kabanata roon na ipinangalan sa ina ni Hesus o kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sa Qur’an ay binabanggit ang pangalan ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ng dalawampu at limang (25) beses. Si Propeta Muhammad ay binabanggit lamang ng limang (5) beses. Limang beses na higit na marami ang pagbanggit sa kanya (Hesus), bagama’t ang Qur’an ay ipinahayag kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).  Tangi pa rito, ang mga Muslim ay naniniwala na si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay:

 

Isa sa pinakadakilang sugo ng Tanging Diyos (Allah)

Na siya ang tinatawag na Mesiyas

Na siya ay ipinanganak ni Birheng Maria na walang nakikilalang lalaki

Na siya ay gumawa ng milagro sa pamamagitan ng mga kapangyarihang kaloob sa kanya ng Dakilang Diyos (Allah)

         

Walang Muslim ang maaaring tawaging Muslim maliban na tanggapin at paniwalaan niya ang mga ito. Kung babasahin natin ang Qur’an, si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay higit na ginawaran ng marangal na salita at paglalarawan sa kanya kaysa sa mababasa sa Biblia. Ang pinakatampok na pagkakaiba ng paniniwala ng mga Muslim at Kristiyano tungkol kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay tungkol sa kanyang “divinidad (pagka-diyos)”. Ang mga Muslim ay hindi nagsasabi na si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay bugtong (begotten) na anak ng Diyos. Na siya ay diyos sa anyo ng tao na bumaba sa lupa at namuhay sa gitna natin. Na siya ay diyos na nagkatawang tao (god incarnate). Marami ring sekta ng pananampalatayang Kristiyanismo ang hindi naniniwala sa “pagka-divinidad” ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan).

 

Si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan), ay  katulad din ng ibang mga dakilang propeta na sina Moses at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan) na nagdala lamang ng isang pananampalataya, ito ay Islam (pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Dakilang Lumikha). Silang lahat ay Muslim na ang kahulugan ay sinuman na sumusunod, sumusuko at tumatalima sa nag-iisang Manlilikha [Allah] at sa Kanyang mga kautusan. Sila ay hindi nagdala kailanman ng iba’t ibang relihiyon. Sila ay hindi nagdala ng Hudaismo, Kristiyanismo at Muhammadanismo. Sila ay hindi mga Hudyo, Kristiyano o Muhammadan. 

 

Ating tunghayan ang pananampalataya ni Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sa Biblia, sa bahagi ng Lumang Tipan, kailanman  ay hindi mababasa roon na sinabi ni Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ang pananampalatayang ibinigay sa kanya ng Dakilang Diyos (Allah) ay Hudaismo (Judaism). Hindi rin kailanman mababasa roon na sinabi ng Dakilang Diyos (Allah) na ang pananampalatayang ibinigay niya kay Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay Hudaismo. Wala roon kahit isang banggit. Ang Hudaismo ay hinango mula sa pangalan ng tribo. Alalahanin ang labindalawang (12)  tribo ng Israelitas. Isa rito ang tribo ni Judah na kung saan sila ay namumuhay sa bayan o lugar ng Judea. Sa pangalang ito nanggaling ang Hudaismo, samakatuwid, sa pangalan ng tao o lugar at hindi ibinigay ng Dakilang Diyos (Allah). Ating mapagtatanto ang katotohanan nito kung sakaling sa kabilang buhay ay makaniig natin si Propeta Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan) at tayo ay makapagtanong sa kanya: “O Propeta ng Dakilang Diyos (Allah), ano po ba ang pananampalatayang ibinigay ninyo sa inyong mga tao?” Bilang isang Muslim, hindi ko inaasahan na sasabihin ni Propeta Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan) na “ang ibinigay niyang pananampalataya ay Hudaismo” sapagkat wala namang mababasa sa Lumang Tipan. Walang pinagbabatayan. Datapuwa’t aking inaasahan na kanyang sasabihin ang: “Ang pananampalatayang ibinigay ko sa aking mga tao ay ang pananampalataya ng pagsunod, pagsuko at pagtalima sa isang Dakilang Diyos (Allah)”, mahaba ngunit maganda, subalit may isang salita sa wikang Arabik na siyang kahulugan noon, ito ay  Islam.

 

Gayundin naman, ang relihiyong Kristiyanismo ay nagbuhat sa salitang Kristo, ang Griyegong salin ng Mesiyas mula sa Hebreo. Kailanman ay hindi narinig ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang wikang Griyego. Ang salitang Kristo ay hindi isang pangalan. Ito ay titulo o taguri na ang ibig sabihin ay “pinahiran o pinunasan”. Samakatuwid, ang Kristiyanismo ay mula sa katawagan ng isang tao. Mapapatunayan ba na ito ang pananampalatayang ibinigay ng Dakilang Lumikha (Allah) kay Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan)? Kung sa pangalawang pagbabalik ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) siya ay ating makaniig [ang mga Kristiyano at mga Muslim ay kapwa naniniwala sa pangalawang pagbabalik ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) bagama’t ang paniniwala sa kanyang katauhan ay magkaiba], maaari nating maitanong sa kanya: “Mabuting Guro, ano po ba ang pangalan ng pananampalatayang ibinigay ninyo sa inyong mga tao?” Bilang isang Muslim ay hindi ko inaasahan na isasagot ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan ) ay “Kristiyanismo”. Una, walang mababasa sa Biblia, sa Bagong Tipan na sinasabi roon ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ang pangalan ng pananampalatayang ibinigay niya sa Angkan ni Israel ay Kristiyanismo. Wala ring sinasabi ang Dakilang Diyos (Allah) sa Bagong Tipan na binigyan niya si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ng Kristiyanismo. (Kung sakali mang sabihin ni Hesus [sumakanya nawa ang kapayapaan] na Kristiyanismo, maaari pa ring maitanong: “Kung ang panananampalatayang dala ninyo sa iyong mga tao ay Kristiyanismo, saan po ba kayong sekta nabibilang? Kayo ba ay Katoliko, Orthodox, Anglican o Protestante?)  Isa man sa mga ito ay walang binabanggit sa Biblia. Bilang isang Muslim, inaasahan ko na ang sasabihin ni Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay: “Ang pananampalatayang dinala ko sa aking mga tao ay ang pananampalataya ng pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Dakilang Diyos (Allah).” Mahaba ngunit maganda, datapuwa’t may isang salitang katumbas noon sa Arabik, ito ay Islam. Ang Islam din ang pananampalatayang dinala ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Sa Qur’an, ang Islam bilang pangalan ng pananampalataya ay maraming beses na binabanggit ng Allah. Siya (Allah) mismo ang naggawad ng pangalan. Hindi si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Hindi ang mga Muslim. Sa katotohanan, ang tatlong kilala at dakilang mga Sugo (at lahat din ng mga propeta) ay nagdala lamang ng iisang mensahe at ang pinakatampok doon ay ang paniniwala sa Kaisahan ng Dakilang Diyos (Allah) at ang pagsamba lamang sa Kanya sa pinakadalisay at ganap na paraan na Tanging Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba at wala ng iba. Ating gunitain ang  sinabi ni Propeta Moses (sumakanya nawa ang kapayapaan) na mga katagang: “Pakinggan mo O Israel, ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa”. Pagkaraan ng libu-libong taon ay sinabi rin ni Propeta Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang katagang: “Pakinggan mo Israel, ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa”. Letra por letra. Walang labis, walang kulang. Wika nga’y parang kopya sa xerox. Pagkaraan ng 700 taon ay sinabi rin ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang katagang ipinahayag sa kanya ni Anghel Gabriel (sumakanya ang kapayapaan) sa wikang Arabik na nagsasabi: “Qul: Huwa’allahu ahad” na ang ibig sabihin ay “Ipagbadya: Siya ang Allah, ang Tangi at Nag-iisa”. Samakatuwid, ang mensahe ng tatlong dakilang propetang ito ay wala ni isa mang katiting ng pagkakaiba. Walang duda na sila ay nagtatampok sa pagiging isa ng Dakilang Manlilikha (Allah). Ang lahat ng mga doktrinang lumabas sa mga tagasunod ni Moses at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay hindi nanggaling sa kanila o sa Dakilang Diyos (Allah)  bagkus ito ay ginawa ng kanilang tagasunod na walang batayan. Nang isinugo ng Dakilang Diyos (Allah) si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), hindi niya binago ang mga nanga-unang turo bagkus ay ibinalik lamang niya ang mga nangawalang turo sa kanyang orihinal na kadalisayan. Kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay ginanap at pinuspos ng Dakilang Diyos (Allah) ang Kanyang paglingap sa sangkatauhan sapagkat sa kanya (Muhammad) Niya ipinahayag ang huling testamento na ganap at angkop sa lahat ng panahon at lahat ng mga tao hanggang sa katapusan ng daigdig.

 

Hindi marapat na mamuhi ang mga Kristiyano sa mga Muslim, gayundin naman ang mga Muslim sa Kristiyano. Marapat na magkaroon ng pag-uunawaan sa dalawang panig. Ang naging sanhi ng kaigtingan ng dalawang ito ay dahilan sa paninirang iginawad at ikinalat ng mga banyagang misyonero na siyang nagpalala at nagpaigting ng pagkakabukod ng dalawang ito. Nakakalungkot na isipin na ang mga iginawad na paratang ay salat sa katotohanan. Marapat na basahin ng mga Kristiyano ang Qur’an, ang Aklat ng mga Muslim at ang Tradisyon ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) kung saan nila matatagpuan ang kaliwanagan at tunay na aral ng Islam. 

      

Dito ay aking sinipi ang mga pangunahin at tampok na aral ng Islam na aking inaasahan na makapagbibigay ng marapat na kaalaman sa mga Muslim at hindi Muslim, ng kaliwanagan, ng katotohanan at ng tunay na kaligtasan. Hangad ko na ang mga mambabasa ay magkaroon sana ng bukas na isipan at walang pagkiling (bias) upang kanilang makamtan ang diwa ng Islam. Dalangin ko sa Dakilang Diyos (Allah) na sana ay patnubayan Niya tayong lahat lalo’t higit ang mga tao na humahanap ng tunay na patnubay sapagkat Siya lamang ang tunay na Namamatnubay. Ameen.

 

1
2345
تعليقات (0)