Ang Konsepto ng Pagsamba sa Islam

PLPHP

 

 

 

Sa ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

*Ang Konsepto ng Pagsamba sa Islam*

[PLPHP]

 

 

Ang konsepto ng pagsamba sa Islam ay lihis na nauunawaan ng maraming tao gayundin naman ng ibang Muslim. Ang pagsamba ay pangkaraniwang itinuturing na nangangahulugan ng pagsasagawa ng mga gawaing ritwal katulad ng pagdarasal, pag-aayuno, pagkakawanggawa, atbp. Ang ganitong natatakdaang pang-unawa ng pagsamba ay isa lamang bahagi ng kahulugan ng pagsamba sa Islam. Ito kung bakit ang tradisyunal na kahulugan ng pagsamba sa Islam ay isang malawak na kahulugan na nagtataglay ng lahat halos ng mga bagay sa mga gawain ng isang tao. Ang pakahulugan ay nagsasaad ng ganitong bagay: “Ang pagsamba ay isang pangkalahatan at piling kataga ng lahat ng mga iniibig ng Allah sa panglabas at pangloob na mga salita at gawa ng isang tao.” Sa madaling sabi, ang pagsamba ay lahat ng bagay na ginagawa o sinasabi ng tao para sa kasiyahan ng Allah. Ito, alalaong baga, ay nagtataglay ng mga ritwal gayundin ang paniniwala, mga gawaing panglipunan at mga pangsariling ambag para sa kapakanan ng bawat kapwa tao.

 

Ang Islam ay tumatanaw sa isa bilang kabuuan. Siya ay kinakailangan na ganap na magpaubaya ng kanyang sarili sa Allah sapagkat ang Qur’an ay nag-utos na gumawa nito sa propetang si Muhammad:

 

Ipagbadya (O Muhammad)! “Ang aking pagdarasal, ang aking pagbabata, ang aking buhay at aking kamatayan ay para sa Allah; Siya ay walang kahati (sa pagka-Diyos) at ako’y pinag-utusan na mapabilang sa mga tumatalima, alalaong baga: ang mga Muslim.”

 

Ang natural na kalalabasan ng ganitong pagtalima ay ang lahat ng gawain ng bawat isa ay nararapat na umayon sa lahat ng mga tagubilin ng Tanging Isa kung saan ang tao ay tumatalima. Ang Islam, bilang isang paraan ng buhay ay nagtatakda sa kanyang mga tagasunod na hubugin nila ang kanilang buhay ng ayon sa kanyang mga turo sa lahat ng anggulo, pangrelihiyon man o hindi. Ito ay maaaring maituring na kakatwa ng ilang tao sa nagpapalagay sa relihiyon bilang isang personal na ugnayan ng tao at ng Allah, na walang kinalaman sa gawain ng tao sa labas ng mga ritwal.

 

Bilang isang bagay ng katotohanan, ang Islam ay hindi nag-uukol ng husto sa mga ritwal kung ito’y isinasagawa bilang pagsunod lamang at walang naitatanim na katuturan sa pangloob na pamumuhay ng tao. Ang Qur’an ay nagpapahayag sa mga mananampalataya at sa kanilang mga kapitbahay mula sa mga ‘Angkan ng Kasulatan’ na nakikipagtalo sa kanila tungkol sa pagbabago ng direksyon ng Qibla sa mga sumusunod na talata:

 

“Hindi isang kabutihan na iharap mo ang iyong mukha sa Silangan o Kanluran, subalit mabuti siya na sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw at sa mga Anghel at sa Aklat at sa mga Propeta; at nagkakaloob ng kanyang yaman dahil sa pagmamahal sa Kanya, sa kanyang kaanak at sa mga ulila at nangangailangan at sa naglalakbay at sa mga humihingi, at nagpapalaya ng mga alipin; at nagsasagawa ng tamang pagsamba at nagbabayad ng Zakah. At sa mga tumutupad ng kasunduan kung siya’y nangako, at may pagtitimpi sa panahon ng mga pagsubok at kasiphayuan at pagdurusa, sila nga ang matatapat, ang may pagkatakot sa Allah.” [Qur’an, 2:177]

 

Ang mga gawa sa mga talata ay mga gawa ng kabutihan at ito’y isa lamang bahagi ng pagsamba. Ang Propeta ay nagsabi sa atin ng tungkol sa pananampalataya, na siyang basihan ng pagsamba,

 

“Ito ay binubuo ng animnapu at higit pang sanga: na ang pinakamataas doon ay ang pananampalataya sa Kaisahan ng Allah, alalaong baga, wala ng ibang Diyos maliban sa Allah at ang pinakamagaan sa timbangan ng pagsamba ay ang pag-aalis ng balakid at dumi sa daanan ng mga tao.”

 

Ang isang marangal na gawain ay itinuturing sa Islam bilang isang uri ng pagsamba. Ang Propeta ay nagsabi:

 

“Kung sinuman ang nakadarama ng pagkapagal dahil sa kanyang gawain pagsapit ng dilim, ang Allah ay magpapatawad ng kanyang kasalanan.”

 

Ang paghahanap ng karunungan ay isa sa mga pinakamataas na uri ng pagsamba. Ang Propeta ay nagsabi sa kanyang mga kasamahan:

 

“Ang paghahanap ng karunungan ay isang pangrelihiyong katungkulan ng bawat Muslim.” Sa iba pang sawikain ay sinabi niya: “Ang paghahanap ng karunungan sa isang oras ay higit na mabuti kaysa sa pagdarasal ng pitumpung taon.”

 

Ang panglipunang paggalang at pakikiisa ay mga bahagi ng pagsamba kung ito’y ginawa para sa kapakanan ng Allah, tulad ng sinabi ng Propeta sa atin:

 

“Ang pagtanggap sa inyong kaibigan ng may ngiti ay isang uri ng pagkakawanggawa, ang tumulong sa isang tao na maisakay ang kanyang alagang hayop ay isang pagkakawanggawa at ang maglagay ng tubig sa banga ng inyong kapitbahay ay isang pagkakawanggawa.”

 

Dito nga’y mahalaga na mabigyang diin na kahit na ang pagsasagawa ng mga pangsariling katungkulan ay itinuturing na paraan ng pagsamba. Ang Propeta ay nagwika sa atin na maging anupaman ang gugulin ng isang tao para sa kanyang pamilya ay isang uri ng pagkakawangga; siya ay magagantimpalaan kung ito ay nakamit niya sa legal na paraan. Ipinahayag nga sa atin ng Propeta na ang kabutihan ng isang tao sa mga kabilang ng kanyang pamilya ay isang kilos ng pagkakawanggawa katulad ng pagsusubo ng piraso ng pagkain sa bibig ng kanyang asawa. Hindi lamang ito kundi maging yaon mang mga paggawa na labis nating kinasisiyahan. Kung ito’y isinasagawa ng ayon sa mga tagubilin ng Propeta, ito ay itinuturing na mga kilos ng pagsamba. Ang Propeta ay nagwika sa kanyang mga kasamahan na sila ay magagantimpalaan kahit na sa kanilang pakikipagtalik sa kanilang mga asawa. Ang kanyang mga kasamahan ay namangha at nagtanong: “Paano kami magagantimpalaan sa paggawa ng bagay na labis namin kinasisiyahan?” Ang Propeta ay nagtanong sa kanila: “Kung sakali kayang binibigyan ninyong kasiyahan ang inyong mga pagnanasa sa di legal na paraan, hindi baga ninyo napag-iisip na kayo’y mapaparusahan dahil doon?” Sila’y nagsisagot, “Tunay nga”. “Kaya nga” at siya’y nagwika: “kung bibigyan ninyong kasiyahan ang inyong pagnanasa ng legal sa inyong mga asawa, kayo ay gagantimpalaan doon.” Ito ay nangangahulugan na ang mga yaon ay kilos ng pagsamba.

 

Samakatuwid, ang Islam ay di nagtuturing sa pakikipagtalik bilang isang maruming bagay na dapat nating iwasan. Ito ay marumi at kasalanan lamang kung ito ay binibigyang kasiyahan ng labas sa buhay may-asawa.

 

Mula sa mga nabanggit na mga pagtalakay, ito ay maliwanag na nagpapakita na ang konsepto ng pagsamba sa Islam ay isang pangkalahatang konsepto na nagtataglay ng lahat ng matuwid sa gawain ng tao. Ito samakatuwid ay naaayon sa pangkalahatang kasakupan na kalikasan ng Islam bilang daan ng buhay. Ito ay nagtutumpak sa buhay ng tao sa lahat ng antas: ang indibidwal, ang lipunan, ang kabuhayan, ang pulitikal at ang ispiritwal. Dahil dito ang Islam ay nagbibigay ng patnubay kahit na sa pinakamaliit na detalye ng pamumuhay ng tao sa lahat ng antas. Samakatuwid, ang pagsunod sa ganitong mga detalye ay pagsunod din sa mga tagubiling pang-Islamik sa gayong piling kasakupan. Ito ay lubhang isang nakapagpapasiglang elemento kung ating mapag-uunawa na ang lahat ng ating mga gawain ay itinuturing ng Allah bilang mga gawa ng pagsamba. Ito ay nararapat na mag-akay sa isang tao upang paghanapin niya ang kasiyahan ng Allah sa pamamagitan ng kanyang mga gawain at lagi nang dapat siyang magsumikap na maisagawa ito sa pinakamabuting paraan kahima’t siya’y nakikita o hindi ng nakatataas sa kanya o kung siya’y nag-iisa. Lagi nang may mga laang Tagapagmasid, na nakakaalam ng lahat, alalaong baga’y ang Allah.

 

Ang pagtalakay ng una sa mga di-ritwal na pagsamba ay hindi nangangahulugan ng di pagbibigay kahalagahan sa mga ritwal. Sa katotohanan, ang mga ritwal na pagsamba kung isinasagawa ng mataos ay nagtataas sa tao sa pagiging moral at ispiritwal at nakakatulong sa kanya upang maisagawa niya ang kanyang mga gawain sa lahat ng galaw ng buhay ayon sa Patnubay ng Allah. Sa gitna ng mga ritwal na pagsamba, ang Salah (ang ritwal na panalangin) ay naghahawak ng pinakasusing kalagayan dahil sa dalawang kadahilanan. Una, ito ay natatanging tanda ng isang mananampalataya. Pangalawa, ito ay humahadlang sa isang tao sa lahat ng uri ng kasamaan at mga bisyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na magkaroon ng tuwirang pakikipagniig sa kanyang Lumikha ng limang beses sa isang araw, kung saan siya ay nagpapanibago ng kanyang kasunduan sa Allah at humahanap ng Kanyang patnubay ng paulit-ulit.

 

“Tanging Kayo lamang ang aming sinasamba at Tanging sa Inyo lamang kami humahanap ng kalinga. Patnubayan Ninyo kami sa Matuwid na Landas.” [Qur’an, 1:5-6]

 

Sa katotohanan, ang Salah ang unang praktikal na pagpapamalas ng pananampalataya at siyang pinakapili sa mga basihang pangangailangan para sa pagtatagumpay ng mga mananampalataya.

 

“Tunay ngang matatagumpay ang mga mananampalataya na nagpapakababa sa kanilang mga pagdalangin.” [Qur’an, 23:1-2]

 

Ang gayundin katotohanan ay binigyang diin ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa ibang paraan. Siya’y nagwika:

 

“Ang mga nagsisipag-alay ng kanilang panalangin (Salah) ng maagap at may mataos na pagpapahalaga ay makakatagpo ng liwanag, ang katunayan ng kanilang pananalig at magiging sanhi ng kanilang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.”

 

Kasunod ng Salah, ang Zakah (tulong pangkawanggawa) ay isang mahalagang haligi ng Islam. Sa Qur’an ang Salah at Zakah ay malimit na binabanggit na magkasama. Tulad din ng Salah, ang Zakah ay naglalarawan ng pananalig na nagpapatunay na ang Allah ang Siyang tanging may-ari ng lahat ng bagay sa sangtinakpan at kung ano ang hinahawakan ng tao ay isang lagak lamang sa kanilang kamay at ang Allah ang gumawa sa kanila upang paglagakan at ipamahagi ito ng ayon sa Kanyang kautusan.

 

“Manampalataya kayo sa Allah at sa Kanyang Sugo at gumugol lamang sa mga bagay na ipinagkatiwala sa inyo.” [Qur’an, 57:7]

 

Bukod pa rito, ang Zakah ay isang paraan ng pagbabahagi-bahagi ng kayamanan sa paraang ito’y nakababawas sa agwat ng pamumuhay ng iba’t ibang uri at pangkat. Ito’y nakapag-aambag ng makatarungan sa katatagan ng lipunan. Sa pamamagitan ng paglilinis sa kaluluwa ng mayaman sa pagiging makasarili at sa kaluluwa ng mahirap sa pagkainggit at pagkasuklam laban sa lipunan, ito ay pumipigil sa lahat ng daan na humahantong sa pagkamuhi sa mataas na lipunan at nakagagawa na ang bukal sa pagkakapatiran at pagkakabuklod ay dumaloy. Ang gayong katatagan ay hindi lamang nababatay sa pangsariling damdamin ng mayayaman. Ito ay nakatindig sa isang di natitinag at binuong karapatan na kung ipagkakait ng mayayaman ay maaaring kunin sa pamamagitan ng dahas kung kinakailangan.

 

Ang Siyam (pag-aayuno sa araw sa panahon ng buwan ng Ramadhan) ay isa pang haligi ng Islam. Ang pangunahing ginagampanan ng pag-aayuno ay upang gawing dalisay ang Muslim sa ‘pangloob’ kung paanong ang ibang pananaw ng Shariah ay nagpapadalisay sa kanya sa panglabas. Sa pamamagitan ng gayong kadalisayan, siya ay tumutugon sa kung ano ang tama at mabuti at nagtatakwil sa mga kalisyaan at kasamaan. Ito ay ating mapag-uunawa sa mga talata ng Qur’an:

 

“O kayong nagsisisampalataya, ang pag-aayuno ay iginawad sa inyo kung paano rin namang iginawad sa mga nanga-una sa inyo upang kayo’y magkamit ng kabanalan (at mapaglabanan ang tukso).” [Qur’an, 2:183]

 

Sa isang mapapanaligang tradisyon, ang propeta ay nag-ulat na ang Allah ay nagwika:

 

“Bilang pag-uukol sa Akin, siya ay nagtitimpi sa pagkain, pag-inom at pagbibigay kasiyahan sa kanyang pagnanasa.”

 

Dahil dito ang kanyang magiging gantimpala ay naaayon sa dakilang biyaya ng Allah.

 

Ang pag-aayuno, samakatuwid, ay nakapagpapagising sa konsiyensiya ng isang tao at nagbibigay ng kanyang nasasakop upang maisakatuparan ng lahat ng lipunan ng may sama-samang pagdaranas sa magkatulad na panahon. At alalaong baga, ito’y nakapagdaragdag pang lalo sa lakad ng bawat tao. Bukod dito, ang pag-aayuno ay nagbibigay ng sapilitang pahinga sa pagal na makina ng tao sa panahon ng isang buwan. Gayundin naman, ang pag-aayuno ay nakapagpapaala-ala sa tao sa mga taong salat sa pangangailangan sa buhay sa habang taon o sa habambuhay. Ito’y nakapagpapagunita sa kanya sa mga tiisin ng iba, ng mga kapus-palad na kapatid sa Islam, at samakatuwid ay nag-aatas sa kanya sa pagkakaroon ng pagdamay at kabutihan sa kanila.

 

Sa panghuli, ang Hajj (pagdalaw sa Tahanan ng Allah sa Makkah). Ang lubhang mahalagang bahagi ng Islam na ito ay nagtatanyag ng natatanging pagkakaisa na nagtatakwil sa lahat ng uri ng pagkakaiba. Ang mga Muslim, sa lahat ng sulok ng mundo, ay nagsusuot ng magkakatulad na damit at tumutugon sa panawagan ng Hajj sa iisang tinig at salita: LABBAIK ALLAHUMMA LABBAIK! (Narito ako, O Panginoon upang paglingkuran Kayo!). Sa Hajj ay mayroong pagpapatupad ng pangsariling disiplina at pagtitimpi, na hindi lamang ang mga sagradong bagay ang pinapapapurihan kundi maging ang mga halaman at ibon ay ginawang huwag mapuksa upang ang lahat ay mamuhay ng ligtas.

 

“At siya na nagpupuri sa mga bagay na sagrado sa Allah, ito ay makabubuti sa kanya sa paningin ng kanyang Panginoon.” [Qur’an, 22:30]

 

“At siya na nagpupuri sa mga Tanda ng Allah, katotohanang ito ay debosyon mula sa puso.” [Qur’an, 22:32]

 

Ang pilgrimahe ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga Muslim mula sa lahat ng mga pangkat, uri, samahan, at pamahalaan sa buong mundo na magkasama-sama sa bawat taon sa dakilang pagtitipon. Ang panahon at pook ng ganitong pagtitipon ay itinakda ng kanilang tanging Diyos (Allah). Ang paanyaya upang dumalo rito ay bukas sa lahat ng Muslim. Sino man ay walang kapamahalaan upang hadlangan ang sinuman. Ang bawat Muslim na dumalo ay ginagarantiyahan ng lahat ng kaligtasan at kalayaan sa buong panahon malibang siya ay lumabag sa pagiging ligtas nito.

 

Samakatuwid, ang pagsamba sa Islam, maging ritwal o di-ritwal ay nagtuturo sa tao sa gayong paraan na ibigin ng higit ang kanyang Lumikha at sa gayon ay makapagtamasa siya ng di nagmamaliw na adhika at pagnanasa na maitakwil niya ang kasamaan at paniniil sa lipunan at magawa niyang ang salita ng Allah ang makapangyari sa sangtinakpan.

 

1
2541
تعليقات (0)