Ang Paghihiwalay (Talaq)

PLPHP

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

Ang Paghihiwalay (Talaq)

[PLPHP]

 

 

Ang pagwawalang-saysay sa kasunduan

 

Bagaman ang kasal ay isang panghabang-buhay na kasunduan, at mangyaring ang mag-asawa ay sadyang hindi na maaring magkasama pa, ang Shari'ah ay nagbigay pahintulot upang pawalang-bisa ang kasunduan sa kasal. Ang pagpapawalang-bisa sa kasunduan sa kasal ay maaring isasagawa ng sinuman sa dalawa na nakapag-isip at naniniwalang ang kabilang panig ay hindi matutupad ng maayos ang mga malinaw na nakasaad sa kasunduang sa kasal, tulad ng, pagbibigay ng sapat na pangkatawan, pangdamdamin, pangka-isipan at espirituwal na kaligayahan. Malinaw dito na ng paghuhusga na ang kasal ng dalawang mag-asawa ay nakamit ang sapat na kalidad ng kaligayahan na dulot ng kanyang kasal ay isang pansariling kaukulan na tanging ang mag-asawa lamang maaring huhusga nito. Kaugnay dito, upang mapawalang bisa ang kasal, hindi hinihingi ng Islam na ang kabiyak ay patutunayan sa makapangyarihan katulad ng korte na mayroon ngang pagkukulang sa kabiyak para sa pagtupad sa kanyang mga tungkulin sa pamilya. Sapat na para sa hindi nasisiyahang kabiyak na sabihin na hindi na niya maiibig o maigagalang ang kanyang kabiyak upang maipagpatuloy ang kanilang samahan. Ang mga kaanak ng mag-asawa at ang lipunan ay mamagitan sa suliraning ito upang mapigilan ang paghihiwalay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gabay at patnubay.

 

At kung kayo ay nangangamba na may hidwaan sa pagitan nilang (mag-asawa), kayo ay magtalaga ng (dalawang) tagapamagitan; isa mula sa pamilya (ng lalaki) at ang isa ay mula sa pamilya (ng babae); kung ninanais nila na ituwid ang kanilang hindi pagkakaunwaan, ang Allah ang magbibigay kaganapan ng kanilang pakikipagkasundo; sapagka't ang Allah ang may ganap na kaalaman at nakababatid ng lahat ng bagay. [Qur'an, 4:35]

 

Magpakaganoon ang mga tagapamagitan ay hindi maaring pilitin ang mag-asawa na manatiling magkasama. Hindi tulad ng simbahang Katoliko o mga Hindu na mahigpit na ipinapatupad na ang mag-asawa ay manatiling magkasama hangga't ang isa sa kanila any pumanaw.

 

Maaring pawalang-bisa ng lalaki ang kanyang kasal sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panuntunan nito nguni't hindi natin maaring talakayin dito. Ang babae naman ay maaaring pawalang-bisa ang kanyang kasal sa pamamagitan paghingi nito sa kanyang asawa at kapag tinanggihan siya ng lalaki maari niya itong isangguni sa korte na siyang mag-ayos at magtatag ng mga gabay ukol sa nararapat ng kabayaran upang pawalang-bisa ng lalaki ang kanilang kasal. Upang maiwasan ang ganitong mahabang pagsasagawa, ang babae ay maaring magdagdag sa kasunduang maari niyang pawalang-bisa ang kanilang kasal na hindi na kinakailangang isangguni sa korte.

 

Ang panig na humingi ng pghihiwalay ay magbigay ng halaga bilang kabayaran sa hihiwalayan. Ang kabayarang ito ay maaring ang pagsauli sa "mahr" kapag ang babae ang nagnanais na makipaghiwalay o ang kabayarang sustento kung ang lalaki ang nagnanais nito.

 

 

Ang sukatan na ang lalaki ay nakahihigit sa karapatan

 

Sa mga nakaraang paksang tinalakay para sa pananaw ng Shari'ah sa pag-aasawa sa Islam, ang lalaki at babae ay buong magkapantay sa samahan maliban sa mga ilang maliliit na bahagi nito.

 

1)       Kapwa ang mag-asawa ay may pantay na tungkulin na magbigay ng sapat na pangkatawan, pagkalinga o damdamin, pangkaisipan at espirituwal na kaligayahan sa isa't isa, nguni't ang lalaki ay may karagdagang tungkulin na magbigay para sa pangkabuhayang pangangailangan ng asawa.

 

2)       Sakaling ang lalaki ay siyang nagnanais makipaghiwalay, siya ay inuutusan ng batas na magbayad ng pangkabuhayang panustos sa babae. Sinabi ng AllahU:

 

At sa mga nahiwalayang kababaihan, (sa kanila) ang panustos na kabuhayan sa tamang (sukat). Ito ay isang katungkulan ng Al-Muttaqun (mga may pangangamba sa Allah, may kabanalan, atbp.). [Qur'an, 2:241]

 

Ang ipinag-uutos na kabayarang panustos na pangkabuhayang ito ay karapatan ng asawang babae. Magkaganoon, kapag ang babae ang hihiling na siya'y hiwalayan, hindi siya magbabayad sa lalaki bilang ipinag-uutos sa batas ng Shari'ah, nguni't maari niyang ibalik ang bahagi ng ibinigay ng "mahr" sa kanya mula sa lalaki ay nakakatulong bilang kabayaran para sa pag-aareglo. Sinabi ng AllahU:

 

……Kaya’t kung kayo ay nangangamba na hindi ninyo mapapanatili ang mga takdang utos ng Allah, hindi isang kasalanan sa bawat isa sa kanila kung kanyang ibalik (ang Mahr o dote o bahagi nito) para sa paghihiwalay (diborsyo) na Al-Khul (ang paghiwalay ng babae sa kanyang asawa sa pamamagitan ng isang tanging kabayaran). [Qur'an, 2:229]

 

3)       Ang lalaki ay maari niyang ihiwalay ang asawang babae samantalang ang babae ay kinakailangang idaan ito sa korte upang hiwalayan ang asawang lalaki.

 

Hinggil sa naturang pagkasalungat na nabanggit sa una, sinabi ng AllahU sa Qur'an:

 

…… At ang mga asawa (kababaihan) ay mayroong pantay na karapatan na tulad ng sa kanilang (kalalakihan) asawa (na sila ay pangalagaan, katulad ng panustos sa bahay, kalinga, atbp.) na batay sa hustisya, maliban sa kaunting bagay na ang kalalakihan ay nakahihigit. [Qur'an, 2:228]

 

Ang kalalakihan ang tagapangalaga at tagapanustos ng kababaihan, sapagka’t ginawa ng Allah na ang isa sa kanila ay manaig (sa lakas) kaysa sa iba, at sapagka’t sila ay gumugugol (upang sila ay tustusan) mula sa kanilang kakayahan …… [Qur'an, 4:34]

 

Ang una sa mga nabanggit na pahayag sa Qur'an ay inilhad sa isang mahabang pagtatalakay tungkol sa paghihiwalay at kinakailangang maunawaan sa ganoong kahulugan. Ang pagkasabing, ang lalaki ay bahagyang nakahihigit sa babae sa karapatan ay nangangahulugang ang lalaki ay mas malayang pawalang-bisa ang kanilang kasal. Subali't hindi ito isang malaking bagay maliban lamang na ang babae ay idadaan ang kanyang kahilingan sa may kapangyarihan (korte) na walang karagdagang pagtatanong. Nguni't kung ang kahilingang ito ay nabanggit sa nilagdaang kasunduan na hindi kinakailangang dumaan sa korte sakaling ninais ng babae ang makipaghiwalay. Ang pamamaraan ay kutulad ng sa lalaki.

 

Ang pangalawang pahayag sa Qur'an ay tumutukoy sa karagdagang tungkulin ng lalaki bilang tagpagtanggol, tagpagtustus sa mga pangangailangang pangkabuhayan o pinansyal, kalinga at pangkaisipan, at siya ang nagbibigay ng pasya sa mga bagay na nauukol sa kanyang pamilya.

 

Ang pantay na karapatan ay gumagalaw sa pagkapantay sa tungkulin. Kung tutuusin ang babae ay ang siyang nakalalamang sa saligang ito. Isang magandang halimbawa nito ay sa mga anak, ang Islam ay ibinibigay sa mga ina ang nakakahigit na karapatan sa mga bata kaysa sa ama maliban sa pangkabuhayan na siyang pangunahing tungkulin ng ama.

 

Hindi lingid sa lahat na ang paghihiwalay ay isang kasuklam-suklam na bagay. Subali't yaman din lamang na paghihiwalay ay hindi maiiwasan dahil sa naidudulot na kapinsalaan sa babae ng pananatili nito sa piling ng lalaki o dahil sa naidudulot na kapinsalaan ng babae sa lalaki o dahil sa iba pang dahilan, bahagi ng awa ng AllahU na ipinahintulot Niya ang paghihiwalay sa Kanyang mga alipin. Kaya kapag kinasusuklaman ng isang lalaki ang kanyang maybahay at hindi na niya matiis na makapiling ito, walang masama kung hiwalayan niya ito subali't kailangang isaalang-alang niya ang mga sumusunod:

 

1.      Na hindi hihiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa samantalang ito ay may regla. Kaya kapag hiniwalayan niya ito samantalang ito ay may regla, sinuway na niya ang AllahU at ang Sugor at nakagawa siya ng isang ipinagbabawal. Kaya sa sandaling iyon, kinakailangang balikan niya ang kanyang maybahay at panatilihin ito sa kanyang piling hanggang sa matapos ang regla nito at saka niya hihiwalayan ito kung nais niya. Nguni’t lalong mainam na hayaan niya muna itong magregla sa ikalawang pagkakataon at kapag natapos na ang regla nito ay nais niyang panatilihin siya sa kanyang piling o kung nais niya ay hiwalayan rin niya ito.

 

2.      Na hindi hihiwalayan lalaki ang kanyang maybahay sa panahong ito ay wala ngang regla nguni't nakipagtalik naman siya rito sa panahon ding ito, maliban na lamang kung naging malinaw na sa kanya ang pagdadalang-tao nito. Kaya kapag nagbalak ang isang lalaki na hiwalayan ang maybahay niya nguni't nakatalik niya ito matapos ang huling regla nito, hindi niya hihiwalayan ito hangga't hindi ito muling niregla at saka natapos ang pagreregla nito, kahit pa man tumagal ang regla. Pagkatapos niyon, kung nais niya ay hiwalayan niya ito bago niya ito nakatalik, maliban kung naging malinaw na sa kanya ang pagdadalang-tao nito o nagdadalang-tao na sapagka’t hindi na niya hihiwalayan ito.

 

 

Ang Ilang Resulta ng Paghihiwalay

 

Ang pakikipaghiwalay sa asawa ay may mga alituntunin sa mga magiging dulot ng paghihiwalay ng ito. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

 

1.      Tungkuling magsagawa ng 'Iddah’[1] kapag nakatalik ng lalaki ang kanyang maybahay o kinasama niya ito nang kahit walang pagtatalik. Subali't kung hiniwalayan niya ito bago niya ito nakatalik, o kinasama niya ito nang walang pagtatalik, hindi na kailangang magsagawa ito ng 'Iddah. Ang 'Iddah ng babaeng hiniwalayan ay tatlong pagreregla kung nireregla pa ang babae, tatlong buwan kung hindi na nireregla o hindi pa nireregla, at hanggang sa pagsilang ng sanggol kung nagdadalang-tao[2]. Ang dahilan kung bakit may 'Iddah ay upang mabigyan ang asawa ng pagkakataon na makipagbalikan sa kanyang maybahay na inihiwalay at upang matiyak din kung nagdadalang-tao ang babae o hindi.

 

2.      Bawal sa isang lalaki na muling mapangasawa ang dati niyang maybahay kung bago pa man naganap ang huling paghihiwalay ay dalawang ulit na niyang hiniwalayan ito. Ang ibig sabihin nito ay kung hiniwalayan niya ang babae sa unang pagkakataon at saka binalikan ito sa panahon ng 'Iddah o pinangasawa niya ito pagkatapos ng 'Iddah, at pagkatapos ay hiniwalayan na naman niya ito sa ikalawang pagkakataon at saka binalikan ito sa panahon ng 'Iddah o pinangasawa niya ito pagkatapos ng 'Iddah, at pagkatapos ay hiniwalayan na naman niya ito sa ikatlong pagkakataon, ang babae ay hindi na ipinahihintulot na mapangasawa niya matapos ang ikatlong paghihiwalay hanggang hindi ito nakakasal (ayon sa Shari’ah) sa ibang lalaki at nagkaroon ng pagtatalik, inayawan nito ito at pagkatapos ay hiniwalayan nito ito. Pagkatapos nito ay ipinahihintulot na naman ang babae na mapangasawa ng unang lalaki. Ipinagbawal ng AllahU na muling mapangasawa ng lalaki ang dati niyang maybahay na hiniwalayan niya nang tatlong beses bilang awa sa mga babaeng sa pang-aapi ng kanilang mga asawa.

 

 

Ang Khula'

 

Ang paghingi ng paghihiwalay ng babaeng umayaw sa kanyang asawa ay tinatawag na Khula' sa pamamagitan ng pagbigay rito ng kabayaran upang ito ay sumang-ayon. Kung ang asawa naman ang umayaw at siya ang nagnanais na makipaghiwalay sa babae, wala siyang karapatan na tumanggap ng kabayaran mula sa babae. Kailangang pagtiisan o hiwalayan na lamang niya ang kanyang maybahay. Hindi dapat na humingi ng Khula' ang isang babae maliban na lamang kung siya ay nagdurusa sa piling ng kanyang asawa at hindi na niya matiis na manatili pa sa piling nito. Hindi rin naman pinahihintulutan ang lalaki na sadyang pagdusahin ang kanyang maybahay nang sa gayon ay humiling ito ng Khula'. Kapag naganap ang Khula', makabubuting hindi kukuha ang lalaki sa babae ng halagang higit pa sa ibinigay niya rito bilang Mahr.

 

 

Ang Khiyar

 

Ang Khiyar ay ang karapatan ng mag-asawa na panatilihin ang kanilang kasal o pawalang-bisa dahil sa paglitaw ng isa sa mga kadahilanan. Halimbawa ay kinakitaan ng asawa ang kanyang maybahay o kinakitaan ng maybahay ang asawa nito ng sakit o kapinsalaan sa katawan na hindi nilinaw sa lalaki o sa babae habang idinadaos ang kasal, kapag nagkaganito, ang walang sakit o walang kapinsalaan ay ang may karapatang magpasya kung pananatilihin ang kasal o pawawalang-bisa ito. Ilan pang halimbawa:

 

1.      Kung ang isa sa kanila ay baliw o dinapuan ng karamdaman na siyang dahilan kung bakit hindi matamo nang lubusan ng isa sa kanila ang lubos na karapatan bilang asawa o maybahay, ang hindi baliw o ang walang sakit ay may karapatang humiling na pawalang-bisa ang kasal. Kung ang pagpapawalang-bisa ay bago nakipagtalik, may karapatan ang lalaking bawiin ang Mahr na ibinigay niya sa babae. Kung ang pagpapawalang-bisa naman ay matapos nakipagtalik, wala nang anumang mababawi sa Mahr. Ayon naman sa ibang Iskolar ng Islam, babawiin ng lalaki ang katumbas na halaga ng Mahr sa taong kapamilya ng babae na nanlinlang sa kanya gayong nalalaman nito ang kapintasan ng babae.

 

2.      Ang kawalang-kakayahan ng lalaki na ibigay ang Mahr sa takdang panahon. Ang babae ay may karapatang humiling na pawalang-bisa ang kasal kung bago nakapagtalik; nguni't pagkatapos na nakapagtalik ay wala na siyang karapatang hilingin iyon[3].

 

3.      Ang kawalang-kakayahang sumustento. Kung nawalan ng kakayahan ang isang lalaki na sumustento sa maybahay niya, maghihintay ang kanyang maybahay ng ilang panahon hanggang sa makakaya nito at pagkatapos nito ay may karapatan na ito na humiling ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa pamamagitan ng hukuman.

 

4.      Kapag nawala ang asawa at hindi malaman ang kinaroroonan niya at hindi siya nag-iwan ng pangsustento sa kanyang maybahay, hindi rin siya nagbilin sa isang tao na maaaring sumustento sa kanyang maybahay habang wala siya, wala ring sinumang sumusustento rito at wala rin itong maisusustento sa sarili na masisingil naman nito sa kanya (sa pagbalik niya), ang kanyang maybahay ay may karapatan na na humiling na pawalang-bisa ang kasal sa pamamagitan ng hukom ng Shari'ah.

 



[1] Ang 'Iddah ay ang panahon na hindi pa muna maaaring mag-asawa ang isang babaeng diniborangyo o namatayan ng asawa.

[2] Ang 'Iddah ng babaeng namatayan ay apat na buwan at sampung araw, o hanggang sa makapaganglang kung namatayan ng asawa habang nagdadalang-tao.

[3] Maaari angyang humiling ng Khula' kung nais pa rin niyang makipaghiwalay sa kanyang asawa dahil nabigo itong magbigay ng Mahr

1
2812
تعليقات (0)