Ang Kabutihang-asal

PLPHP

 

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

Ang Kabutihang-asal

[PLPHP]

 

 

Ang kabutihang-asal at pag-uugali ay ang mga batayan sa kabihasnan ng mga lipunan. Ito ang nagpapatunay sa kanilang karangalan sapagkat ang lipunang walang anumang kagandahang-asal at mabuting pag-uugali: sa pagitan ng matanda at ng bata, ng pantas at ng mag-aaral, ng amo (pinuno) at ng tagasunod – ay isang lipunang walang kaunlaran kahit na maraming mga may pinag-aralang mamamayan sapagkat ang karunungang walang kabutihang-asal at mabuting pag-uugali ay salat ang batayan!

 

Kung ating unawaing mabuti ang hangarin (layunin) ng Propeta Muhammad (saw) sa pagtatanong ng mga tao na sundin ang tamang landas, matutunghayan natin na ang pagtuturo, pagsasanay at pagsasagawa ng kabutihang-asal at pag-uugali ay napakahalagang katangian ng Propeta (saw). Ang Makapangyarihang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an:

 

“At katotohanan, kayo ang pinakamataas ang uri ng pagkatao.” [Qur’an, 68:4]

 

At isinalaysay ni Anas Ibn Malik (Nawa’y kalugdan siya ng Allah (swt)) na:

 

“Ang Sugo ng Allah ang pinakamarangal sa lahat ng mga tao sa pag-uugali.” [Al-Bukhari and Muslim]

 

Natutunan ng mga Sahabah ng Propeta (saw) ang mga kagandahang-asal at mabuting pag-uugali na ito na siyang naging dahilan kung bakit nagkaroon sila ng pamayanan na may napakataas na antas ng kagandahang-asal at mabuting pag-uugali. Bago namatay ang Propeta (saw), ang Qur’an at ang Sunnah ay ang mga pinagmumulan ng pag-aaral ng wastong asal at pag-uugali na nagtutuwid sa mga puso ng mga Muslim at nagbibigay –gabay sa kanila sa tamang landas. Ang mga pangunahing katangian ng nagpapahayag ng kabutihang-asal at mabuting pag-uugali ay katulad ng mga sumusunod:

 

1.      Ihsan – Sa wikang arabik, ang Ihsan (o Ehsan o Ahsan o احسان) ay nangangahulugan ng ‘kawalang kamalian o ang pagsasagawa ng isang bagay upang maging ganap na mahusay’ o ‘kahusayan o kagalingan.’ Sa Islam, ay ang tungkulin ng isang Muslim na makamit ang ‘kawalang kamalian o ang pagsasagawa ng isang bagay upang maging ganap na mahusay’ o ‘kahusayan o kagalingan’, sa pagsamba, katulad ng pagsamba ng mga Muslim sa Allah na parang Kanyang nakikita sila, bagama’t hindi nila Siya nakikita. Sila’y walang pag-aalinlangan na patuloy na naniniwala na Kanyang pinangangalagaan at pinagmamasdan sila. Ang kagandahang asal at mabuting pag-uugali ay marapat sa ating pakikipag-ugnayan at pakikitungo sa ating kapwa na kanilang ikinaliligaya at ikinalulugod.

 

Ang pagbibigay kahulugang ito ay mula sa isang hadith na sinabi ng Propeta Muammad (saw):

 

"Ito (Ihsan) ay ang pagsamba sa Allah na parang nakikita mo siya, at kung hindi mo  makakamit ang estadong o kalagayng ito, marapat mong alalahanin na kayo’y Kanyang nakikita. [Al-Bukhari and Al-Muslim]

 

May ilang Eskolar sa Islam ang nagsabi na ang ‘Ihsan’ ay ang panloob na bahagi ng Islam samantalang ang ‘Shari’ah’ ay inilalarawan na ang panlabas na bahagi ng Islam. Ang ‘kawalang kamalian o ang pagsasagawa ng isang bagay upang maging ganap na mahusay’ tulad ng pagsamba, trabaho at ang mga pakikisalamuha sa lipunan at isang napahalagang katangian sa lahat ng organisasyon o samahan na minimithing makamit. Subali’t ang pagkamit nito ay hindi upang maging nakakahigit at hindi dahil sa paligsahan o upang talunin o magapi ang iba na madalas ginagawa upang makamit ang karangalan o papuri ng lipunan. Sa halip, ‘ang tagumpay ay ang pagiging pinakamahusay o mahigit sa kakayahan ng iba’ at ang ‘kawalang kamalian o ang pagsasagawa ng isang bagay upang maging ganap na mahusay’ ay ang mataas na antas ng iyong kagandahang-asal at kabutihang-loob o ang iyong mga gawaing naglalarawan sa iyong mga katangian.

 

Samakatuwid, ang “Ihsan” ay ang mabuting pakikitungo sa iba sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila nang mahusay at maayos na pananalita, pagtulong sa anumang kanilang kakailangangin, pag-iwas sa pakikipag-away, pakikipagtalo at pananakit sa kanila maging ikaw pa man ay pinakikitunguhan ng hindi maganda. Ito ang landas ng Propeta Muhammad (saw). Minsan, may isang tao ang dumating mula sa likuran ng Propeta (saw) at hinila ang kanyang kasuotan nang malakas na nasaktan ang Propeta, sinabi niya: “Muhammad, bigyan mo ako (ng kawanggawa) mula sa yaman ng Allah.” Ngumiti ang Propeta at binigyan niya ito ng ilang salapi. Dito natin makikita kung gaano kainam na pinakitunguhan ang taong ito na nanakit sa kanya. Iyan ang isang halimbawa ng kagandahang-asal at mabuting pag-uugali.

 

 

May mga tao bang partikular na pinagsasagawaan ng “Ihsan” o sa bawat isa?

 

Ang “Ihsan” ay ipinag-uutos sa lahat ng tao. Subali’t ginawa ng Qur’an na higit na karapat-dapat na mangunguna ang mga magulang, kamag-anak, kapitbahay at ang manlalakbay kaysa sa iba. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur’an:

 

Sambahin ang Allah at huwag magtambal sa Kanya ng sasambahin, at gumawa ng mabuti sa       inyong mga magulang, kamag-anak, ulila, ang mga mahihirap, ang kapitbahay na malapit na kamag-anak, ang kapit-bahay na banyaga, ang kaibigang katabi, ang manlalakbay (na inyong makikilala), at silang (mga alipin) na nahahawakan ng inyong mga kanang kamay. [Qur’an, 4:36]

 

Ang mga taong nabanggit na ito ang pangunahing higit na nangangailangan ng inyong mabuting asal at ugali kaysa sinupaman. Subalit marapat lamang na maging mabait sa lahat ng tao.

 

2.      Ang Bukas Kamay na Pagpapatawad Ang pagpapatawad ay para doon sa nagkasala sa pamamagitan ng pagpapasakit sa kalooban ng iba at pagkaraa’y humingi ng kapatawaran o kaya’y batid natin na ang taong ito ay may mabuting na adhikain mula sa kanyang ikinilos. Ang isang maka-Diyos na Muslim, ang sumusunod sa kanyang pananampalataya, ay palaging nagpapatawad. Ibinigay sa kanila ng Allah (swt) ang Kanyang pagmamahal. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur`an:

 

At bagtasin   ang landas (na patungo sa) kapatawaran mula sa inyong Panginoon at sa Paraiso na kasing-lawak ng kalangitan at ng daigdig, inihanda para sa mga Al-Muttaqeen (maka-Diyos). Silang gumugugol sa kanilang kasaganaan at kahirapan, na pumipigil ng poot, at nagpapatawad sa mga tao; katotohanan, mahal ng Allah ang Al-Muhsinean (ang mga gumagawa ng mabuti).” [Qur’an, 3:133-134]

 

Sa gayo’y makikita ninyo kung paano ipinangako ng Allah (swt) ang Paraiso para sa kanila na gumugugol (sa kawanggawa) para sa kapakanan ng Allah. Sila ay nagpapatawad sa mga taong nakasakit ng kanilang kalooban. Ito ay isang napakarangal na pag-uugali na bibihirang tao lamang ang may katangian. Ang Islam ay nagpapahayag ng kapatawaran sapagkat ginagawa niyang ligtas ang lipunan sa poot at pagkasuklam. Kung kaya’t ang Muslim ay nararapat na maging mabuti sa bawat isa kahit na saktan nila ang kanyang kalooban. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an, na ang kahulugan ay isinaling-wika nang ganito:

 

Katotohanan, siya, na sa iyong pagitan at sa kanya ay mayroong pagkapoot, ay magiging gaya baga ng matalik na magkaibigan.” [Qur’an, 41:34]

 

Samakatuwid suklian ng ngiti at kabutihang-asal ang mga nanakit sa inyong mga kalooban upang makamit ang malaking gantimpala mula sa Allah (swt). Gayundin, kapag ang isang pagkakasala ay tinumbasan ng isa ring pagkakasala, magkakaroon ng pagkasuklam sa isa’t-isa, at ang mga puso ay mapuno ng poot. Subalit kapag ang pagkakasala ay ginantihan ng pagpapatawad at magagandang pananalita, magkagayo’y magsisisi ang taong nagkasala at babaguhin niya ang kanyang pag-uugali sa lalong madaling panahon.

 

 

Ngunit sa ganitong asal, nangangahulugan ba na walang makakaganti sa taong nakasakit sa kanya?

 

Hindi. Kung nais niya ay maaari siyang makaganti sa ganoon ding antas ng pagkakasala ngunit hindi na hihigit pa roon. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an, na ang kahulugan ay isinaling-wika nang ganito:

 

At kapag kayo’y nagparusa, parusahan sila kagaya ng pagkakapanakit sa inyo. Subalit kapag matiyaga ninyo itong tiniis, katotohanan, higit itong mainam para sa mga As-Sabirin (ang mga matitiyaga).” [Qur’an, 16:126]

 

Kung kaya’t kapag ang isa’y nakasakit sa isang tao, ang nasaktan ay maaaring makaganti sa ganoon ding pagkakasala. Subalit kapag pinatawad niya ito, higit na mainam ito sa kanya patungkol sa gantimpala ng Allah (swt). At mabuti rin para sa lipunan ang magkaroon ng kapatawaran sa pagitan ng mga tao. Ngunit kapag ang nagkasala ay isang masamang tao at ang pagpapatawad sa kanya’y hindi makakapagdulot ng anumang kabutihan bagkus ay lalo lamanag siyang makakagawa ng iba pang mga kasalanan, samakatuwid ay hindi natin nararapat patawarin ang taong ito.

 

3.      KatapatanAng isang Muslim ay palaging tapat sa iba. Ito ang itinuturo ng Islam, ang maging matapat at magsabi ng katotohanan palagi ang isang Muslim. Ang katapatan ay isang katangian na nagpapatatag sa isang lipunan at nagbibigay tiwala sa mga tao. Ito ang nagpapanatag sa tao sa lahat ng kanyang pakikitungo nang hindi nangangamba na maapi o dili kaya’y malinlang. Ito ang dahilan kung bakit ipinag-utos ng Allah (swt) ang katapatan sa talatang ito, na ang kahulugan ay isinaling­ wika nang ganito:

 

“O kayong naniniwala! Matakot sa Allah, at sumama sa kanila na matapat (sa salita at gawa).” [Qur’an, 9:119]

 

Ang Propeta (saw) ay nanawagan para sa katotohanan sa Hadith na ito:

 

“Ang katotohanan ay nagbibigay-daan sa kabanalan at ang kabanalan ay nagbibigay-daan sa Paraiso. Ang tao’y naninindigan sa pagsasabi ng katotohanan hanggang sa siya ay maibilang ng Allah na isang matapat na tao.” [Al-Bukhari and Muslim]

 

Ang isang mabuting Muslim ay yaong nagsasabi palagi ng katotohanan kahit na ang patungkol sa kanyang sarili. Gayundin, nararapat iwasan ng isang tapat na Muslim ang mga pag-uugaling sumasalungat sa katotohanan o katapatan katulad ng pagsisinungaling, panlilinlang o panloloko sa anumang kaparaanan kapag nagbebenta o bumibili, pagtupad sa tungkulin o kusang-loob na gawain para sa ibang tao sa paaralan, sa mga tanggapan, sa mga anumang ugnayan maging sila man ay ating mga malapit na kaibigan, kapamilya o kaanak, asawa o mga anak, at higit dito ay ang pagsasabi ng kabutihan o katotohanan at katapatan sa mga taong nanakit sa inyong mga damdamin o mga taong umapi o luminlang sa inyo. Sa pagkakataong ito napapatunayan natin ang katangian ng wagas na kabutihang-asal o kaya’y pagtatatag sa kaibhan ng taong nagtataglay ng katangiang kabutihang-asal sa taong wala nito. Sapagka’t maging anuman ang natamong pang-aapi, pandaraya, pahirap o suliraning kanyang naranasan maging ito pa man ay sadyang dulot ng kanyang kapwa, ito ay hindi sapat na dahilan sa kanya upang tugunan ito ng kasamaan o gantihan sila datapwa’t nanatili siyang mapagpakumbaba, mapagparaya at patuloy sa katapatan at pagsunod sa kautusan ng Allah (saw) at kahit na mayroon siyang kakayahan o pagkakataon na salungatin ito.

 

4.      Kabutihang asal ng ‘Dila’ o ‘Pananalita – Kung ating pag-aralan ang halos lahat ng suliranin o hidwaan gaano man ito kaliit o kalaki, mapag-alaman natin na ang mga ito’y dulot ng kawalang disiplina ng ating ‘dila’ o mga walang saysay at labis na pananalita. Tayo ay makapagbitiw ng mga masasamang salita kapag tayo’y nagagalit o napopoot na hindi muna ito pinag-iisipan at madalas nakapagdudulot ito ng malaking suliranin at hindi pagkaka-unawaan ng mga tao. Minsan nasasaktan natin ang damdamin ng ating kapwa na hindi man lamang natin namamalayan at kung paano at ano ang nasabi niya. Bunga nito marapat nating palaging ingatan bilang isang Muslim ang kanyang sasabihin sa iba at pawang katotohanan o kung kinakailangan lamang o nakabubuting manatiling tahimik na lamang sapagkat ito ang ipinag-uutos ng Allah (swt). Sinabi sa Qur’an:

 

At sabihin sa Aking mga alipin, na nararapat na sila’y magsabi ng mga salitang yaon na pinakamainam. Sapagkat katotohanan, ang Shaitan ay naghahasik ng di-pagkakaunawaan sa kanila. Katiyakan, ang Shaitan sa tao ay tunay na kaaway. [Qur’an, 17:53]

 

Gayundin, iniutos ng Allah (swt) sa mga Muslim na maging mapagpakumbaba sa kanilang tinig, kagaya ng sinabi Niya sa talatang ito:

 

At maging banayad sa iyong paglakad (at huwag magpamalas ng pagmamalaki) At ibaba (maging mapagpakumbaba) ang inyong tinig. Katotohanan, ang pinakamagaspang (pinakamagaralgal) sa mga tinig ay ang tinig ng asno. [Qur’an, 31:19]

 

Anong uri ng pananalita ang binigyang babala ng Islam?

 

Ang Islam ay nagbabala sa anumang masasamang salita kagaya ng pagmumura o dili kaya’y mga masasagwang salita. Ang Propeta (saw) ay nagsabi:

 

Ang tunay na naniniwala ay hindi nasasangkot sa pangungutya, madalas na pagmumura (ng iba), o dili kaya’y sa kalaswaan at pagmamalabis. [Iniulat ni At-Tirmidhi]

 

Gayundin, ang Islam ay nagbabala sa paninirang puri. na ang kahulugan ay isinaling-wika nang ganito:

 

“At huwag manirang puri (itsismis ang) sa isa’t-isa. Nanaisin ba ng isa sa inyo na kumain ang laman ng kanyang patay na kapatid? Ikagagalit mo ito.” [Qur’an, 49:12]

 

Sinabi ni Abu Musa Al-Ash`ari:

 

Aking tinanong ang Sugo ng Allah: Sino ang pinakamahusay sa mga Muslim? Siya ay nagsabi: “Siya na kung kaninong dila at kamay ligtas ang ibang mga Muslim.” [Iniulat ni Al-Bukhari and Muslim]

 

Nagbabala na rin ang Islam sa “Namimah” (paninirang puri). Sinabi ng Allah (swt) ay sa Qur’an:

 

“Ang paninirang puri ay ang landas tungo sa kasinungalingan (sa paninirang puri).” [Qur’an, 68:11]

 

Sinabi ng Propeta (saw):  

 

“Ang tao na nagkakalat ng kasinungalingan ay hindi papasok sa Paraiso.” [Napagkasunduan]

 

Ang isang Muslim ay marapat na palagiang mag-ingat sa mga salitang kanyang bibigkasin sapagkat maaaring itong mabuti o masama. Katotohanan ang lahat ng sinasabi ng tao ay isusulat ng anghel sa kanan (mabuti) o ang anghel sa kaliwa (masama).

 

5.      Paghingi ng Kapahintulutan – Sa ating pagpasok sa isang pribadong lugar tulad sa bahay ng iba, takdang tungkulin para sa mga Muslim ang humingi ng kapahintulutan sa taong nakatira doon na pumasok sa kanyang lugar sa dahilang maaaring hindi niya nais makipagkita kaninuman o kaya’y hindi siya handa sa panahong iyon o sa anupamang kadahilanan. Kung kayat bago pumasok, nararapat na kumatok o kaya’y magsalita upang maipabatid na dumating ka. At kapag ikaw ay pinahihintulutan, pumasok ka. Subalit kapag sinabihan kang umalis na, sa gayo’y umalis nang walang sama ng loob sapagkat marahil ay wala sa kondisyon ang isang tao upang harapin ka sa pagkakataong ito. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an:

 

“O kayong naniniwala! Huwag pumasok sa mga bahay na hindi inyo hanggang sa ikaw ay nakahingi ng kapahintulutan at nabati ang mga naroroon. Higit na mainam iyan para sa inyo upang makaalalakayo. At kapag wala kayong nadatnan doon, manapa’y huwag pa ring pumasok hanggang ang kapahintulutan ay naibigay na. At kapag napakiusapan kayong bumalik na lamang, bumalik na lamang sapagkat ito’y higit na dalisay para sa inyo, at ang Allah ang Lubos na Nakababatid ng inyong ginagawa.” [Qur’an, 24:27-28]

 

Sa ating pagtatapos, hinihikayat ang bawat Muslim na sundin ang mga tuntuning ito para makamit ang lubos na kaganapan sa ating asal at pag-uugali.

 

 

1
4098
تعليقات (0)