2 Abu, Sundalo Patay sa Labanan

Joy Cantos, STAR

CAMP AGUINALDO – Madugo ang naganap na engkuwetro sa pagitan ng tropa ng militar at grupo ng Abu Sayyaf sa liblib na kagubatan ng Basilan na ikinasawi ng dalawang bandido at isang kawal ng militar kamakalawa ng gabi.


Kasalukuyan pang bineberipika ang pangalan ng dalawang Sayyaf habang pansamantala naman itinago ang pangalan ang nasawing sundalo na hindi pa naipagbibigay alam sa kanyang pamilya.


Hindi naman nabatid ang pangalan ng dalawang nasugatang sundalo mula sa 32rd Infantry Battalion.


Base sa ulat na nakarating kahapon sa
Camp Aguinaldo, naitala ang engkuwentro dakong alas-9 ng gabi habang nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng militar sa Barangay Gulong, Sumisip, Basilan.


Umugong ang malalakas na putok mula sa ibat’ ibang bahagi ng nabanggit na barangay hanggang sa mahawi ang makapal na usok at lumantad ang tatlong bangkay.


Nagsiatras naman ang grupo ng Sayyaf matapos na matunugang may nalagas sa kanilang grupo.

 

 

1
1536
تعليقات (0)