Ang Sanggunian sa Wikang Filipino

Ahmed Baguec

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

Ang Sanggunian sa Wikang Filipino

Ahmed Baguec ®

 

 

Sa halos dalawang dekada (20 taon) ang nakaraan mula nang ang unang sipi ng babasahing Pilipino hinggil sa Islam at sa mga Muslim ay nalathala at ipinalaganap sa gitnang silangan. Iilan pa lamang ang manunulat sa panahong iyon subali’t hindi nagtagal ay dumami ang tumugon sa pangunahing pangangailangan ng pagsalin sa wikang Pilipino. Ang lahat ng ito ay lamang sa paghahangad ng ating mga kapatid na manunulat na magkamit ng gantimpala at sa pagnanais na kaluguran ng AllahU.

 

Ang pagsusulat ng mga babasahing tungkol sa Islam at sa mga Muslim ay kabilang sa mga mabuting gawaing makakatanggap ng walang katapusang gantimpala (Sadaqa e Jariyah) maging ang may akda ay tumigil na sa panunulat o kaya’y yumao na. Habang may bumabasa, natuto, o napapatnubayan sa tuwid na landas ay patuloy ang pagtanggap ng manunulat ng gantimpala mula sa AllahU na bunga ng kanyang mga lathalain.

 

Iniulat ni Abu Hurairah na sinabi ng Sugor ng Allah:

 

Kabilang sa nga gawain at kabutihan na ang isang naniniwala ay patuloy na tatanggap ng gantimpala, pagkatapos ng kanyang kamatayan, ay mga kaalamang kanyang itinuro at ipinalaganap, ang isang mabuting anak na kanyang naiwan, o isang sipi ng Qur’an na kanyang iniwan bilang alaala, o isang masjid (mosque) na kanyang itinayo, o isang bahay na itinayo para sa mga manlalakbay, o isang batis na kanyang ginawang dumaloy, o ang isang kawanggawa na kanyang ipinamigay mula sa kanyang ari-arian noong siya’y nabubuhay at malakas pa, ay patuloy siyang tatanggap ng gantimpala maging sa pagkatapos ng kanyang kamatayan. [Ibn Majah – Mishkat]

 

Kasabay ng pagdami ng mga manunulat sa wikang Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, kultura, hanap-buhay, katungkulan, antas at kabihasnan, unti-unting napapansin ng iba ang kanilang pagkakaiba sa paraan, istilo, at ang paggamit sa mga salita sa wikang pilipino. May mga lathalaing tila akdang Francisco Balagtas (classical), may mga makabago at ang pagsasama ng makabago at Klasikal na paraan. Hindi nagtagal umusbong ang hindi pagkakaunawaan (fitnah).

 

Upang ating makamit ang layuning magkaroon ng kasagutan sa mga katanungang ito, nararapat nating isulong ito ng mahinahon sa pamamagitan ng matapat na pagsunod sa mga gabay at patnubay ng Qur’an at ang Sunnah. Sinabi ni Propeta Muhammadr:

 

Ang pagdahan-dahan (pag-iingat) ay nanggaling sa Allah, nguni’t ang pagmamadali (padalus-dalos) ay nanggaling kay Shaytan. [Tirmidhi]

 

Ang kahinhinan ay bahagi ng pananampalataya, at ang nananampalataya ay nasa Paraiso. Subali’t ang kagaspangan ay bahagi ng matigas na puso, at ang matigas na puso ay nasa Impiyerno. [Ahmed at Tirmidhi]

 

Ang Islam ay isang pamamaraan ng pamumuhay at hindi lamang nagbibigay-gabay sa espirituwal na bahagi ng sangkatauhan. Iniulat sa isang hadith ni Mu’ad nang hirangin siya ni Propeta Muhammadr sa Yemen at tinanong siya: Paano mo hahatulan ang mga tao kung tinawag ka upang gawain ito? Sinabi niya: Gagamitin ko ang Aklat ng Allah (Qur’an). Paano kung hindi mo ito magagawa? At gagamitin ko ang Sunnah. At sinabi ng Propetar: Paano kung hindi mo ito magagawa? Sumagot siya: Kung gayon gagamitin ko ang aking karunungan at hindi ako mabibigo. Pagkatapos nito binati siya ng Propetar at pinatili siya sa kanyang tungkulin.

 

Hindi na lingid sa atin lahat na ang unang dalawang batayan ng pagbibigay ng hatol ayon sa hadith ni Mua’d ay malinaw na hindi matatagpuan ang tumpak na kasagutan sa usaping  “Ang” at “SI” sapagka’t ang Qur’an at ang Sunnah ay hindi sanggunian ng wika bagkus ito ay sanggunian ng gabay at Saligang Batas sa Islam.

 

Upang lubos nating mauunawaan ito, suriin nating mabuti ang pangatlong batayan ayon sa hadith ”..... gagamitin ko ang aking karunungan.” Una sa lahat napag-alaman natin na ang kausap ni Mu’ad ay ang Propeta na siyang humirang sa kanya na pamunuan ang Yemem at ang pangunahing batayan sa pamimili ng mga pinuno ay ang sapat na kaalaman sa Qur’an at Sunnah at ang mga asal  at katangian ng isang tao. Samakatuwid ang paghahatol ay sa mga nasa katungkulan o mga pinuno o mga inatasan lamang. Dagdag dito ay ang maaring pagmumulan ng “karunungan” na nabanggit ayon sa pangatlong batayan ay ang mga paghatol o husga ng apat na Kalipa, ang mga sahabah at lahat ng mga sumunod sa kanila sa tuwid na landas. Ang ilan sa mga kilala’t bantog na dalubhasa sa Islam ay sina Ibn Taymiyyah, Ibn Al-Qayyim, Ibn Khathir at marami pang iba na biniyayaan ng AllahU ng karunungan upang ituro sa mga Muslim ang tamang landas o hukom hinggil sa mga katanungan at suliranin sa mga walang hangganang pagsubok sa ating pang-araw-araw na kabuhayan na dulot ng pagsulong ng kabihasnan sa ating lipunan.

 

Sa ating makabagong henerasyon ngayon, nasasaksihan natin ang sukdulang pagsulong na naabot ng siyensya o agham katulad sa medisina, biology, pagmimina, chemical, physics at marami pang iba maging sa larangan ng wika bunga ng layuning ipalaganap ang Islam sa wikang banyaga upang maiparating hanggang sa apat na bahagi ng daigdig ang mensahe ng Islam. Ang suliraning hinggil sa wika ay hindi lamang sa ating kasalukuyang panahon nangyayari bagkus ito rin ang isa sa mga unang sanhi ng hindi pagkakaunawaan ng mga naunang mga Muslim.

 

May mga pag-uulat na ang mga Sahabah at ang mga sumunod sa kanila ay babanggitin ang mga tula ng mga paganong arabo upang mapag-alaman ang kahulugan ng salita at mabigyang-linaw ang katanungan sa bararila o gramatika.

 

Ang ating wagas na layunin sa paglutas sa ating mga hindi pagkaka-unawaan ay kadalisayan ng layunin, hanapin ang katotohan at humingi ng payo o isangguni sa mga dalubhasa o paham sa mga siyensya o teknolohiyang nauukol dito. Ang damdamin o emosyon ay walang kinalalagyan sa paghahanap ng katotohanan, bagkus ay taos-pusong pagsuko at pagtangkilik sa batas ng Nag-iisang AllahU.

 

Kung ang suliranin ay sakit sa mga bata, isasangguni natin ito sa isang manggagamot na dalubhasa sa suliranin ng mga bata hindi kung kahit na sinong manggagamot. Ganoon din sa wika, inhenhiyera, agrikultura, abogasya, teknolohiya at marami pang iba ang sanggunian sa mga hindi pagkakaunawan ay ang mga dalubhasa o paham sa naturang mga siyensiya. Subali’t ang lahat ng ating gagawing hakbang ay nararapat napapaloob sa hangganan ng Shari’ah. At hangga’t maari ang pagsangguni sa isang kapatid na Muslim ay higit na mainam lamang kung may kaalamang sapat at may kapitagan hinggil sa suliranin o katanungan sapagka’t ito ang tanda ng tunay na pagkakapatiran.

 

Sinabi ng Propetar:

 

Makikita ninyo ang mga nananampalataya sa kanilang pagdadamayan at pagmamahalan sa isa’t isa tulad ng isang katawan. Kung ang isang bahagi ay may karamdaman, ang isang bahagi ay nakiki-isa sa pagdaramdam at siphayo. [Bukhari at Muslim]

 

Mula sa isang taludtod sa Surah Al-Imran:118, may ilang mga kapatid sa panampalataya ang naniniwala na ang sumangguni sa mga kinauukulang hindi Muslim ay kawalan ng paniniwala. Upang mabigyan ito ng linaw, nagpag-alaman namin mula sa Fatawa Department Research Committee ng IslamToday na pinamumunuan ng kilalang Eskolar na si Sheikh Abd al-Wahab al-Turayri, Fatawa No. 14878. Ang IslamToday ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng isa pang bantog na Eskolar na si Sheikh Salman bin Fahd al-Oudah.

 

O! kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong kunin bilang Bitanah (tagapayo, tagapangalaga, kawaksi, kaibigan, atbp.) ang mga nasa labas ng inyong pananampalataya (mga pagano, Hudyo, Kristiyano at mapagkunwari), sapagka’t sila ay hindi titigil na gawin ang kanilang makakaya upang kayo ay pasamain. Sila ay nagnanais na bigyan kayo ng matinding kapinsalaan. Ang pagkamuhi ay ganap nang sumilay sa kanilang bibig, subali’t ang inililingid ng kanilang dibdib ay higit na masama. Katiyakan, Aming ginawa na magaan sa inyo ang Ayat (mga kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.), kung kayo ay nakakaunawa. [Qur’an, 3:118]

 

Ayun sa pag-uulat ng Lupon, ang nabanggit na ayah mula sa Qur’an ay walang kinalalaman sa usaping baralila o gramatika sa wikang Pilipino at sa anumang wikang banyaga tulad ng Ingles maging ang pagsangguni sa kinauukulan hinggil dito.

 

Sinabi ni Ibn Kathir sa pagpapaliwanag sa ayah na ito:

 

Ipinagbawal ng Allah sa Kanyang mga naniniwalang alipin ang kunin ang mga di-naniniwala (mga pagano, Hudyo, Kristiyano at mapagkunwari) na konfidante – ang ibig sabihin ay mga matalik na kaibigan na maari nilang pagtapatan ng kanilang lihim at ang kanilang binabalak laban sa kanilang mga kaaway.

 

”O! kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong kunin bilang Bitanah (tagapayo, tagapangalaga, kawaksi, kaibigan, atbp.) ang mga nasa labas ng inyong pananampalataya (mga pagano, Hudyo, Kristiyano at mapagkunwari)” – Ang ibig sabihin ng Bitanah (konfidante) ay ang mga espesyal na tao na nakakaalam sa kanilang lihim o personal na gawain ng taong yaon.

 

Samakatuwid, ang ipinagbabawal dito ay ang kunin silang matalik na kaibigan at ipagbigay-alam o ibunyag o ipabatid ang ating lihim sa kanila. At kailanman ay hindi nagpapahayag ng pagbabawal na sumangguni sa mga dalubhasang hindi Muslim hinggil sa kanilang karunungan o nalalaman sa iba’t ibang sinyensiya o agham at teknolohiya.

 

Ang pagsulong ng kaunlaran at kabihasnan

 

Kabilang sa mga bagay na dala ng pagsulong ng kaunlaran at kabihasnan ay ang Diksyonaryo – tinipon na mga salita na may pagpapaliwag sa mga kahulugan sa parehong wika o kaya’y mga salitang may kahulugan sa wikang banyaga. Ang aklat na ito ay naglalayong tulungan tayong maunawaan ang ating wika o mga wikang banyaga. Hindi natin maaring ipagkaila ang ginhawa at tulong na dulot nito sa mga mag-aaral ng ating wika.

 

Tunay na ang Ummah ay nakikinabang sa mga kaunlarang ito lalong-lalo na sa pagpapalaganap ng Islam at pag-aaral sa Qur’an at Sunnah, at mga may kapitagang lathalain ng mga kilalang eskolar sa Islam ng mga Muslim sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na hindi marunong magsalita o bumasa ng wikang arabik. Higit na nakakatulong ito sa mga bagong Muslim na patuloy at hindi mapigilan ang kanilang pagdami araw-araw, pag-ibayuhin man ng mga kalaban ang kanilang paninira at paglalastangan sa Islam at mga Muslim.

 

Datapwa’t may mga pagkukulang o mga pagkakamali sa mga gawaing ito at maaring nakakasama sa pang-unawa o pagkaintindi ng mga di-naniniwala sa pananampalatayang Islam, subali’t hindi ito sapat na dahilan upang kalimutan nating ang pakinabang na makukuha natin sa mga ito. Ang Islam ay pamamaraan ng pamumuhay na naangkop sa lahat ng panahon at henerasyon. Itinuro ng Islam sa atin kung paano natin haharapin ang mga suliraning ito at ang walang tigil na pagbabago sa ating pamumuhay at kapaligiran bunga ng kaunlaran at kabihasnan. Sapagka’t hindi natin maaring salungatin ang pagsulong ng kabihasnan mula sa iba’t-ibang larangan aghan at teknolohiya.

 

Tanggapin natin ang lahat ng nakakabuti sa mga Muslim at hindi sumasalungat sa ipinag-uutos ng Shari’ah at ating tatanggihan ang anumang uri ng kabihasnan o pag-unlad na nakakasama sa mga Muslim at lumalabag sa Shari’ah.”


Bilang isang Muslim na ang buong pagkatao, pag-iisip, galaw at maging ang mga dugong dumadaloy sa mga ugat ay naayon sa patnubay ng Islam; at ang lahat ng ating kinagagalawan, kalagayan, at hanggang sa ating hahantungan ay dahil sa habag ng Allah
U lamang. Tungkulin ng bawa’t Muslim na tanggihan at tutulan ang anumang uri ng kabihasnan o pag-unlad na nakakasama sa mga Muslim at lumalabag sa Batas ng AllahU ng walang pagsaalang-alang sa hangganan ng Shari’ah.

 

…….Katotohanan! Hindi babaguhin ng Allah ang kalagayan ng isang pamayanan hanggang hindi nila binabago ang kanilang sarili (sa pamamagitan ng kanilang paggawa ng mga kasalanan, pagsuway sa Allah at kawalan ng damdamin ng pasasalamat) tungo sa kabutihan. [Qur’an, 13:11]

 

Aming kinikilala ang kasalukuyang suliran hinggil sa mga babasahing sumisira sa Islam at mga Muslim at nararapat nating harapin at tanggapin ito bilang isang hamon. Sapagka’t ang isang tunay na naniniwala ay hindi lamang tumatangi o tumututol o tumutuligsa, kundi ginagampanan niya ang kanyang tungkulin na maging bahagi ng kasagutan o kalutasan sa mga suliranin at hidwaan; at hindi upang maging bahagi ng suliranin. Ituwid ang mga pagkakamali at punuan ang mga pagkukulang, magbigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa Islam at mga Muslim kung may pagkataon at ipabatid sa mga may akda at naglathala, at kung walang mga hakbang na ginawa iparating agad sa Komisyon ng Wikang Pilipino o sa nakatataas na kinauukulan. Ang hakbang na ito ay gagawin hindi lamang sa diksyonaryo kundi sa anumang uri ng babasahin na sumisira sa Kadalisayan ng Islam at ng mga Muslim.

 

Sa mga naniniwala sa kaisahan ng AllahU at sa Kanyang mga Sugor, sa mga Banal na Kapahayagan, sa Araw ng Paghuhukom, na ang Paraiso ay totoo, na ang Impyerno ay totoo; matakot sa Allah at magsisi, magka-isa at talikuran ang pagkanya-kanya, magdamayan, isang-tabi ang inyong di-pagkakaunawaan, gamitin ang oras sa may pakinabang, pangalagaan at pahalagahan ang pagkakapatiran, iwasang manakit ng kapwa na naniniwala, huwag maniktik at iwaksi ang pangingimbulo at harapin ang mga paninira at paglalapastangan sa kadalisayan ng Islam at mga Muslim. Ito ang hamon kung saan natin nararapat ibuhos ang ating talino’t karunungan, panahon at lakas, at kayamanan, isang gawain na kapaki-pakinabang at kalugod-lugod sa mata ng Allah. Insha’Allah.

 

Sinabi ng AllahU sa Qur’an:

 

O kayong sumasampalataya! Inyong iwasan ang maraming pagdududa, katiyakang ang ilang pagdududa (sa ilang katatayuan) ay mga kasalanan. At huwag kayong manubok, gayundin huwag kayong magpamalas ng panlalait sa bawa’t isa sa talikuran. Mayroon bang isa sa inyo ang ibig na kumain ng laman ng patay niyang kapatid? Tunay ngang kasusuklaman ninyo ito (kaya’t kamuhian ninyo ang panlalait sa talikuran), datapuwa’t inyong pangambahan ang Allah, katotohanang ang Allah ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain. [Qur’an, 49:12]

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

"Iwasan ang paghihinala, sapagka't ang paghihinala ay pinakamasamang uri ng kasinungalingang masasabi. Huwag maging mausisa sa bawa't isa, o maniktik (manubok) sa isa't isa. Huwag magpaligsahan sa pagtataas ng halaga. Huwag mainggit sa isa't isa. Huwag mapoot sa isa't isa. At huwag manirang-puri sa isa't isa. Bagkus maging mga alipin (pagsunod nang walang pagtutol sa Allah) at maging magkakapatid sa isa't isa." [Bukhari at Muslim]

1
2914
تعليقات (0)