Matatag o Matigas ang Loob

Ahmed Baguec

 

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

Matatag o Matigas ang Loob

[Ahmed Baguec®]

 

 

Madalas pinagkakamalang katatagan ang katigasan ng loob sa iba’t ibang ugnayan at pakikitungo ng tao. Bagaman ang katatagan ay isang katangiang tumatanggap ng malawakang papuri sa ating lipunan at sadyang hinihikayat lalong-lalo sa mga pamunuan sa iba’t-ibang ahensiya, kompanya, at tanggapan o institusyon, hindi natin namamalayan na ang tunay na diwa ay nalalabag. Minsan nagiging sanhi ito ng kaapihan ng iba at paglabag sa kanilang karapatan na maaring hindi nababatid ng nasasangkot o marahil sadyang kawalan ng damdamin o puso na nagbabalatkayong katatagan.

 

Tunay na ang Islam ay paraan ng pamumuhay sapagka’t muli nitong nilinaw ang bagay na ito sa atin. Sinabi ng Propetar:

 

"Ang matatag na tao ay hindi yaong mahusay makipagbuno, bagkus siya ay yaong naka-pagpipigil sa kanyang sarili kapag siya ay galit." [Bukhari at Muslim]

 

Matutunghayan natin ang paglalarawan sa mensahe ng hadith na ito na nababalot sa iba’t ibang anyo sa ating lipunan. Tulad halimbawa sa mga pagpupulong, may mga taong mahilig putulin ang pangungusap ng ibang tao na hindi man lamang hintaying matapos ang nagsasalita bago tanungin o magsalita ang iba. Ang madalas nangyayari ay sabay-sabay ang lahat sa pagsasalita at ang opinyon o kuro-kuro ng nagwagi sa pagsasalita ang masusunod at minsan matatapos ang pagpupulong na walang malinaw na unawaan dagdag pa rito ang haba ng oras na ginugol. Ang nananaig sa pagpupulong ay hindi ang may pinakamahusay na mungkahi o kaisipan kundi ang siya na gumapi sa iba sa kanyang pananalita. Minsan matatapos ang pagpupulong na may mga kasapi na hindi nabigyan ng pagkakataon upang ipahayag ang kanilang kaisipan o mungkahi sapagka’t sila’y nagapi sa pananalita ng ilang kasapi. Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

"Nawa'y malipol ang mga mayayabang magsalita."  [Muslim]

 

Ganoon din sa mga tanggapan, may mga taong sadyang mahirap kausapin o napakatigas ang kalooban sa pakikitungo sa iba. Nakakalimutan ng karamihan ang kahalagahan ng pangangalaga sa damdamin ng kapwa. May mga taga-pamahala sa ilang tanggapan o sa mga pagawaan na kung ituring ang kanilang manggagawa ay parang mga utusan o alipin. Ang pagpapaliwanag o pagbibigay dahilan ng iba ay hindi binibigyan ng pagkakataon upang linawin ang mga bagay-bagay. Madalas itinuturing itong katatagan na nararapat sa pagpapatakbo sa mga tanggapan o sa pamamahala nguni’t lingid sa kanilang kaalaman ito’y katigasan ng kalooban na nagbabalatkayong katatagan. Nalalabag dito ang karapatan ng iba at nagdudulot ng panakit sa damdamin ng iba, dahil dito ay nasisira ang magandang ugnayan at samahan ng bawa’t-isa sa lipunan.

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

Ang katamtaman sa paggastos ay kalahati ng kabuhayan, ang pagkamagiliw sa tao ay kalahati ng pang‑unawa at ang pagtatanong ng mabubuting tanong ay kalahati ng kaalaman. [Baihaqi]

 

Sinabi ng Propetar ng Allah:

 

Sinuman ang naniniwala sa Allah at ang Huling Araw ay nararapat magsalita ng kabutihan o manatiling tahimik, at sinuman ang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw ay hindi dapat saktan (o alipustahin) ang kanyang kapit-bahay (kapwa)… [Sahih Bukhari: Volume 8, Book 76, Number 482]

 

Napagkakamalan nilang kahinaan ang pagiging mapakumbaba sa pakikitungo at pakikiugnay sa kapwa, ang kahinhinan at kabutihang-loob, ang pagpaparaya at habag, ang maunawain at mapagbigay.

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

Ang pinakamahusay sa inyo ay iyong may magagandang ugali. [Bukhari at Muslim]

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

Ang kahinhinan ay bahagi ng pananampalataya, at ang nananampalataya ay nasa Paraiso. Subali't ang kagaspangan ay isang bahagi ng matigas na puso at ang matigas na puso ay nasa Impiyerno. [Ahmad at Tirmidhi] 

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

Ang nananampalataya ay payak (simple) at mapagbigay, subali't ang walang‑hiya ay mandaraya at imbi. [Ahmad, Tirmidhi at Abu Dawud]

 

Si Propeta Muhammadr ay nagsabi:

 

Ang kababaang‑loob at pananampalataya ay lagi nang magkasama. Kapag inalis ang isa, mawawala rin ang isa. [Baihaqi]

 

Ang paggalang ay ang lubid na siyang nag-uugnay at nagpapabuklod sa bawa’t tao. Ito ang isa sa pinakamahalagang bagay na dapat nating ingatan upang hindi masira sa ating kapwa sapagka’t kapag nawala ito ang ugnayan at samahan ay guguho maging ang kapayapaan sa lipunan ay manganganib at lahat ng uri ng kabuktutan, kasamaan at mabibigat na kasalanan ay magagawa at mangyayari. Ang paglalarawan sa mga maaring maidudulot ng kawalan ng paggalang ay ating matutunghayan sa Qur’an, sinabi ng AllahU:

 

At sino pa kaya ang higit na walang katarungan maliban sa kanya na kumakatha ng mga kabulaanan laban sa Allah, o nagsasabi (ng): “Ako ay tumanggap ng inspirasyon”, datapuwa’t siya ay hindi pinagpahayagan ng anuman; at siya na nagsasabi: “Aking ipapahayag ang katulad ng ipinahayag ng Allah.” At kung inyo lamang mamamasdan kung ang Zalimun (mga mapagsamba sa diyus-diyosan, buktot, mapaggawa ng kamalian, atbp.) ay nasa kasakit-sakit na daing ng kamatayan, habang ang mga anghel ay humahatak sa kanilang mga kamay (na nagsasabi): “Ibigay na ninyo ang inyong kaluluwa; sa araw na ito, kayo ay babayaran ng kaparusahan ng pagkaaba dahilan sa inyong sinasambit hinggil sa Allah na taliwas sa katotohanan. At kayo ay nahirati sa pagtatakwil sa Kanyang Ayat (mga katibayan, aral, kapahayagan, tanda, atbp.) ng walang paggalang.  [Qur’an, 6:93]

 

Ang kawalan ng paggalang ang naging sanhi upang sumuway si Iblis sa pag-uutos ng AllahU na siya’y magpatirapa kay Adan. Sinabi ng AllahU:

 

Kaya’t nang siya ay Aking matapos nang ganap, at nang Aking maihinga sa kanya (Adan) ang kaluluwa na Aking nilikha para sa kanya, ngayon, kayo (mga anghel) ay lumuhod at magpatirapa sa kanya (bilang paggalang at hindi pagsamba).” [Qur’an, 15:29]

 

Kaya’t ang mga anghel ay nagpatirapa (nagbigay galang) sa kanya, silang lahat nang sama-sama. [Qur’an, 15:30]

 

Maliban kay Iblis (isa sa lipon ng mga Jinn), - siya ay tumanggi na magpatirapa. [Qur’an, 15:31]

 

Ang paggalang sa kaninuman ay isang uri ng gantimpala dahilan ng pagiging matuwid at masunurin sa ipinag-uutos ng AllahU. Sinabi ng AllahU:

 

Sila ang mga gagantimpalaan ng pinakamataas na lugar (sa Paraiso) dahilan sa kanilang pagtitiyaga. At dito, sila ay sasalubungin ng mga pagbati at salita ng kapayapaan at paggalang. [Qur’an, 25:75]

 

Samakatuwid, ang katatagan ay nailalarawan hindi sa pananalita kundi sa gawa at pagharap sa mga kaganapang pangyayari maging ito man ay mabuti o masama at higit sa lahat ay ang katatagan at pagiging matiisin sa ating pananampalataya at pagsunod sa AllahU at ng Kanyang Propetar. Sinabi ng AllahU:

 

At paano ba kayo mawawalan ng pananampalataya, habang sa inyo ay dinadalit ang mga Talata ng Allah, at nasa lipon ninyo ang Kanyang Tagapagbalita (Muhammad)? At sinuman ang manangan nang matatag sa Allah (sumunod sa Islam at sa mga ipinag-uutos ng Allah), kung gayon, katiyakang siya ay tunay na napapatnubayan sa tamang landas. [Qur’an, 3: 102]

 

At sa mga pamunuan at sa mga pamahalaan, ang katatagan ay sa pagpapatupad ng hustisya at pagkapantay-pantay sa lahat ng tao, sa pag-uutos ng kabutihan at sa pagbabawal ng kasamaan, sa pagtitiis sa panahon ng pighati, sakuna, pagsubok at kahirapan, sa pagtupad sa mga ipinag-uutos ng AllahU at ng kanyang Propetar, sa pakikidigma sa landas ng AllahU, sa pakkikipaglaban sa tawag nga hawaa, atp. Nang dahil sa habag ng AllahU, kanyang ipinagkakaloob ang biyaya ng gabay mula sa liwanag ng Qur’an. Sinabi ng AllahU:

 

Ito (ang Qur’an) ay maliwanag na pananaw at katibayan sa sangkatauhan, at isang Patnubay at Habag sa mga tao na may matatag na Pananalig.   [Qur’an, 45:20]

 

Sa mga taong may taglay na kapangyarihan, kinakailangan ang katatagan upang labanan ang sarili at hindi magamit ang kapangyarihan sa pang-aapi at paglabag sa karapatan ng kapwa at sa pagsuway sa ipinag-uutos ng AllahU at ng kanyang Propetar. Dahil sa taglay nilang kapangyarihan, sila ang higit na may kakayahan upang ipalaganap ang Islam sa kanilang nasasakupan at sa iba pang naaabot ng kanilang kapangyarihan. Subali’t nakakalungkot at marami pa rin ang sinusunod ang kanilang hawaa at ginagamit ang kanilang kapangyarihan sa pagsuway sa AllahU, ang ilan ay nakikipag-ugnayan sa pakikiisa at pakikipagsabwatan sa pang-aapi, paninirang puri sa iba, paglalaro sa damdamin ng ibang tao at naging bahagi ng mga taong nagdudulot ng kahirapan sa iba – sila ang mga salot sa lipunan.

 

Paano tayo magkakaroon ng kapayapaan o makamit ang pagkakaisa upang mamuhay ng matiwasay at madama ang tunay na diwa ng pagkakapatiran? Hahayaan ba nating ang kasamaan ang siyang mangingibabaw at tayo’y magiging sinanasakupan ng mga alipin ng kadiliman. Ang babala ng Propetar ay maliwanag, ang ating (masamang) kalagayan ay kailan man ay hindi mababago, hangga’t hindi tayo mismo ang gagawa ng hakbang upang mapabuti ito.

 

Kaya’t ang pagpapasya ay sa bawa’t Muslim kung nanaisin ba nating maging bahagi ng suliran sa ating Ummah o maging bahagi ng lunas o kaagapay sa pagsulong at ikauunlad ng Ummah.

 

 

 

 

1
3188
تعليقات (0)